CHAPTER TWENTY
“MABILIS na mabilis lang `to!”
Ang kaninang malambing at nananabik na boses ay naging marahas at nakakatakot. Isinandal ako ni Tito Raul sa isa sa mga haligi ng garahe. Mabigat ang mga kamay niya na tumutulak sa aking mga balikat. Hindi nakatulong ang liwanag ng buwan para makampante ako. Kahit na dumudungaw ito sa bukana ng garahe, nananatiling madilim ang paligid. Bahagya ko lang naaaninag ang mukha ni Tito Raul, kaya mas nakakatakot. Iba ang mukha niya ngayon sa masayahin at mapagmahal na lalaking nakikita ko kapag kasama si Mama. Sa kaunting liwanag, ang naiisip ko ay mas nakakatakot pa ang kanyang itsura. Kaya siguro nakakakaba kapag madilim, naitatago nito ang tunay na anyo ng mga bagay-bagay.
Nakadagdag din sa kabog ng dibdib ko ang lalaking nasa likuran ni Tito Raul. Parang estatwang nakatayo roon si Jessie. Tumingin ako sa kanya. Tiyak kong abot-tenga ang ngiti niya. Malamang ay nakakuyom na ang palad niya at inihahanda ang mga kamao na nakapila sa ginagawa ngayon sa akin ni Tito Raul. May kasama na si Jessie sa pambubugbog sa akin. Pero mali ang inaasahan ko. Blangko ang mukha ni Jessie habang pinapanood ang pananakot ng tatay niya sa akin.
“Bawal ang bakla sa bahay ko,” bulong ni Tito Raul pero mas mabigat ang dating kaysa sa pagkakadiin niya sa akin. “Bawal ang bakla noon, bawal ang bakla ngayon, bawal ang bakla bukas. At kahit tutol ang nanay mo, itutuwid ka. Pamilya ko na kayo kaya hindi ko hahayaang may baluktot sa pamilya ko. Pasasalamatan mo rin ako balang-araw.” Binitawan ako ni Tito Raul at bumagsak ako paupo sa sahig. Ganoon siya kalakas. Hindi ko namalayang naiangat pala niya ako sa pagkakadiin sa mga balikat ko. “Jessie,” sabi ni Tito Raul. “Alam mo na ang gagawin sa baklang `yan.” Nag-ayos ng sarili si Tito Raul, huminga nang malalim at tinapik si Jessie. Bumulong siya sa anak niya bago umalis ng garahe. Parang walang nangyari.
Pinanood ko si Tito Raul habang naglalakad palayo. Hihinga na sana ako nang maluwag, pero gumalaw si Jessie. Napasandal ako sa dingding na kahit wala nang mauurungan ay pilit pa rin akong umurong. Naglakad si Jessie, binaybay ang mga haligi ng luma at madilim na garahe. May hinahanap siya, kinakapa sa mga nakasabit sa mga haligi. Nakita niya ang hinahanap niya.
Mula sa isang gilid ay lumapit si Jessie sa isang bagay na natatakpan ng tela. Marahan niyang inalis ang tela, iniingatan ang alikabok para hindi kumalat. Sa ilalim ng tela ay isang motorsiklo. Susi pala ang kinuha niya sa gilid. Gamit ang susi ay pinaandar na niya ang motor.
“Sakay!” malumanay niyang utos.
Dahil sa kaba, hindi agad ako nakapag-react.
“Sumakay ka na!” muling utos ni Jessie.
Sumunod ako. Sumampa ako sa likod ng motor.
“Kapit,” sabi ulit ni Jessie.
May kung anong bago sa boses niya na nakabawas sa kaba ko at agad akong napakapit. Mabagal ang andar namin palabas ng garahe. Mabagal din hanggang sa mababatong daanan papunta sa kalsada. Hindi pa rin ako nagtanong. Hindi ko alam kung saan kami pupunta. Nakarating kami sa sementado at patag na kalsada. Napahigpit ang kapit ko kay Jessie nang bilisan na niya ang pagpapatakbo ng motorsiklo. Dito ko lang napansin na motorsiklo lang ang mayroon kami. Paano kami magka-camping? Wala kaming tent.
“Saan tayo pupunta? Ano’ng gagawin mo sa akin? Saan mo ako dadalhin?” tanong ko. Unti-unti nang bumibilis ang tibok ng puso ko. Alam ko na noon pa ang kayang gawin ni Jessie. Ngayon, may permiso pa siya mula sa tatay niyang homophobic. Wala nang mas nakakatakot pa sa boses ni Tito Raul. Mali pala. Mas nakakatakot ang katahimikan ni Jessie. Marahan kong kinapa ang bulsa ko. Kahit na mabilis ang takbo namin ay pinilit kong dukutin sa bulsa ang cell phone. Nag-text ako.
“Itago mo `yan, Alex,” utos ni Jessie.
Hindi ako sumunod. Mas binilisan ni Jessie ang pagpapatakbo. Dumulas sa kamay ko ang cell phone pero agad kong nasalo. Nattajot akp. Gelp. Kung ano-ano na lang ang na-type ko. Isinend ko agad. Si Gabriel ang una sa Phone book ko kaya madali ko iyong nagawa. Narinig ko na lang ang boses ni Justin Timberlake. Tumatawag na si Gabriel. Sasagutin ko na ang cell phone nang biglang huminto ang motorsiklo. Nabitawan ko ang cell phone at tumalsik.
“Bilisan mo. Pulutin mo,” utos ni Jessie. “Sa susunod na mabitawan mo `yan, iiwan na natin `yan.”
Mabilis akong bumaba ng motorsiklo at kinuha ang cell phone. Saka ako nag-text kay Gabriel at pagkatapos ay ibinalik sa bulsa ang cell phone. Pero nag-ring uli. Hindi ko na pinansin at sumakay na lang uli sa likuran ni Jessie. Oo, naisip kong tumakbo, pero hindi ko alam kung nasaan ako. At kapag nawala ako, magugulo sina Tito Raul at Mama. Mahal ni Tito Raul si Mama. Mahal din ni Mama si Tito Raul. Ayoko na ng gulo. Higit pa sa gulo, ayoko nang maranasan ni Mama na masaktan dahil sa isang lalaki, dahil nagmahal siya ng maling tao. Tama si Tito Raul para kay Mama. Ako ang mali kay Tito Raul. Maliit na bagay na ang ginagawa sa akin ni Jessie. Kung kailangang magpanggap ako kay Tito Raul, maliit na bagay na rin iyon. Naisip ko iyong lahat habang nakasakay sa motor kasama si Jessie.
Hanggang sa may naramdaman akong kakaiba. Hindi na pala kasimbilis ng kanina ang takbo namin. At inalis na ni Jessie ang kamay niya sa pagkakahawak sa kamay ko na nakakapit sa kanyang tiyan. Hindi ko namalayan kung paano nangyari na nakahawak siya sa kamay ko. Hindi ko rin namalayan na hindi na kumakanta si Justin Timberlake. Lalo akong napaisip. Si Mama lang ba ang dahilan kung bakit nakasakay pa rin ako sa likod ni Jessie?
Naubos din ang kalsadang binabagtas namin ni Jessie. Naging mabato at maputik na ang daan. Marahan na uli ang aming andar. Hanggang sa huminto na kami.
“Sumunod ka,” utos ni Jessie.
Naglakad kami nang kaunti papunta sa mapupunong lugar. Ilang sandali lang ay nasa isang lawa na kami. Naririnig ko ang lagaslas ng tubig. May falls na malapit. Sumunod pa ako kay Jessie. Narating namin ang talon. Ang ganda nitong tingnan sa liwanag ng buwan. Madilim ang paligid pero sapat ang liwanag ng buwan para ilawan ang batis na binabagsakan ng falls. Sa isang bahagi nito ay may parang dock. Gawa sa kahoy na pinagdikit-dikit ng mga bata para mayroon silang talunan papunta sa tubig. Tumuloy doon si Jessie. Naiwan akong nakatayo.
Dito ba inutos ni Tito Raul na iligpit ako? Lulunurin ba ako dito ni Jessie at iiwan ang aking bangkay? O ilulublob lang niya ang ulo ko nang paitaas-baba sa tubig at tatanungin kung lalaki ako at ang isasagot ko naman ay `sirena’? Napangiti ako sa huli kong naisip.
Napansin iyon ni Jessie. Napansin din niyang may ilang metro ang layo ko sa kanya.
“Halika,” yaya niya.
Napakabanayad ng boses ni Jessie. Naguluhan na naman ako. Pero ang mga paa ko ay parang nasa ilalim ng kanyang pag-uutos. Naglakad ako at tumuntong sa dock, katabi ng tinutuntungan niya. Pinilit kong basahin ko ano ang iniisip ni Jessie. Wala akong mabasa. Nakatayo lang siya. Hindi umiimik. Nakatitig sa pagbagsak ng tubig ng talon.
Huminga nang malalim si Jessie. Hinubad niya ang T-shirt at isinunod ang mga sapatos, medyas
at pantalon hanggang sa tanging puting briefs na lang ang kanyang suot. Pagkahubad niya ng pantalon ay humarap siya sa akin. Nakakatulala siyang pagmasdan. Mas pinabibighani ng liwanag ng buwan ang bawat muscle at umbok sa kanyang katawan na isang lumang puting briefs lang ang nagtatakip.
Napahinga ako nang malalim, hindi naiintindihan ang init na bumabalot sa akin. Gitna na ng gabi at malamig ang hangin pero natalo iyon ng init mula sa aking kaloob-looban. Natulala ako sa katawan ni Jessie hanggang sa mapansin kong nakatitig siya sa akin. Nagtagpo ang aming mga mata. Napalunok siya. Siya ang bumasag ng katahimikan naming dalawa.
“Maghubad ka na rin.”