CHAPTER ONE
I LANG buwan na lang eighteen na ako. Pero hindi ako magde-debut. Lalaki kasi ako. Pero bakit para sa akin, hindi mali na nakasandal ako sa balikat ng isang lalaki habang nababalot ng bituin ang buong paligid. Kahit hindi ko alam ang pangalan niya at kung sino siya, gusto ko ang init na dala niya. Pero may dala nang kaba kapag humahawak siya sa kamay ko. Bakit niya ako hahawakan? Hindi pwede! Kaya naman yumanig, lumindol, at bumuka ang lupa. Napadilat ako. Hindi pala pagyanig ang narinig ko. Katok pala sa kwarto ko.
“Alex! `Yong alarm mo! Gising na!” malakas na sabi ni Kuya Albert. Ang kuya kong sa dami-dami ng araw, bakit ngayon pa naisipang bumisita at magsisigaw.
“Gising na ako,” sabi ko habang dini-dismiss ang cell phone kong kanina pa nag-a-alarm. Abala si Kuya. Sa panaginip na nga lang ako may nahahalikan, eh. Pero okay lang. Makikilala ko na siya. Natupad ko ang challenge niya. Nakapasa ako. Makukuha ko ang pangalan niya. Apat na taon din akong mag-aaral sa university na pinapasukan niya. Malamang, magkakabangga at magkakabangga kami. Mabigat ang mga paang pinagbuksan ko ng pinto si Kuya. Yakap ang isinalubong niya sa akin.
“College ka na, `tol! Congrats! Excited ka na?” sabi ni Kuya na nakasuot ng org shirt na mataas ang tupi ng manggas, shorts, at rubber shoes. Ipinagmamayabang na naman ang mapipintog niyang braso at binti.
“College lang naman `to, Kuya,” napapahikab na sabi ko. “Alas-sais pa lang. Alas-nuwebe pa ang pasok ko.”
“`Tol! Schoolmates na tayo, mababantayan na kita lagi.” Bumitaw siya sa pagkakayakap at niyaya na akong bumaba. “`Ligo ka na at papasok na tayo!”
Pero hindi ako sumunod. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin, saka ikinumpara ang katawan ko sa katawan ni Kuya. Okay naman ang katawan ko, hindi lang kasinlaki ng sa kanya. Wala pa akong abs, parang growing-up abs lang—iyong basic na flat na tiyan sa mga nagbibinatang hindi mataba. Mas okay na iyon kesa sa poverty abs—iyong abs ng mga tambay na bumabakat na sa gutom. Pwede na rin ang mga braso ko na pinalaki ng kaka-push-up sa CAT. Pero ang dibdib ko at puwit ko, parang kailangan pang patambukin.
Nag-fifty push-ups ako, naghubad at nagtapis ng tuwalya. Saka ako naglagay ng contact lens. Luminaw ang paligid. Tumingin ako sa study table. Sa isang bahagi niyon ay naka-frame ang frame at basag-basag kong salamin na “nalaglag” at “nasagasaan.” Bumaba na ako sa kusina at dumeretso sa fridge. Tumayo si Kuya mula sa panonood ng TV sa sala at sinalubong ako.
“Ano `yang nagbubukas ka pa ng fridge?” Itinulak niya ako papunta sa CR. “Maligo ka na!”
“Mauna ka na. Kaya ko na `to!”
“Sabi ni Daddy, samahan daw kita,” sabi ni Kuya na medyo may pag-aalinlangan.
“Sinunod mo naman,” napabuntong-hiningang sabi ko.
“Gusto ko rin,” bawi ni Kuya. “I wanna be the one to orient you sa school natin.”
Papalag pa ako nang buhatin ni Kuya at ipinasok sa banyo. “Sige na! Bilisan mo na at kailangang maaga ako. May presentation kami sa orientation. Masaya `yon.”
Mahigpit ang kapit ko sa towel. Kapag bumagsak iyon ay makikita ni Kuya ang itinatago ko. At nakakahiya. Medyo tumigas kasi na hindi ko sinasadya. “Kuya, first day of school lang,” sabi ko, saka nagmamadaling pumunta sa banyo para makaiwas. Kunwari lang akong hindi excited sa bagong school. Pa-cool lang, pa-usual event lang sa life kunwari. Pero ito na siguro ang hinihintay ko talaga. Bagong buhay. Paglabas ng banyo, iba na ang amoy ng bahay. May fried rice. Ang inakala kong iluluto ko, niluto na ni Kuya. Ang tagal ko palang maligo.
“Mamaya ka na magbihis. Let’s eat first,” yaya ni Kuya Albert.
Magulo pa ang buhok ko. Tumutulo pa ang tubig sa katawan ko dahil hindi pa napupunasan ng tuwalya. Gusto ko munang magbihis. Pero hinawakan ni Kuya ang kamay ko at pinaupo na ako sa mesa. May nakahaing bacon, sunny side-up, at sinangag. Wow! Perfect ito kung ipinagtimpla na rin ako ni Kuya ng kape. Kaya kahit medyo basa pa ang katawan ko, nagtimpla na ako ng kape. Hindi ako nakakakain sa umaga kapag walang kape. Pagkatimpla, umupo na uli ako sa harap ni Kuya at kumain. Pinanood lang niya ako.
“Kain ka na rin, Kuya,” sabi ko.
“Nope, `tol, all for you.”
Nakailang subo pa lang ako nang tumayo si Kuya para magbanyo. Nag-ring ang cell phone niyang naiwan sa mesa.
“`Tol, pakisagot.”
Kinuha ko ang cell phone at nakasulat sa screen. Bespren. Sino itong best friend ni Kuya?
“Hello,” sabi ko.
“Albert, nasaan ka na? Will you pick me up or should I bring my car?”
Hindi ako nakasagot. Ang pamilyar ng boses niya. Kinabahan ako. Hindi ako nakapagsalita. Siya ito. Hinalikan niya ako kanina. Sinabi niya, kapag nakapasa ako...
“Hello, Albert?” ulit ng lalaki.
“Nakapasa ako. Ano na ang pangalan mo?”
“Ha?” Tumawa siya.
Napakapamilyar ng tawa niya. Naalala ko noong sinabi ko na bata pa ako; at iyon ang sumunod na tawang narinig ko. “Pumupunta ka ba sa Antipolo?” biglang tanong ko.
“Albert, what’s wrong with you?” sagot niya.
“Ah, eh, sorry po. Nasa banyo si Kuya.”
“Albert...”
Ang boses niya… Gusto ko pang marinig ang boses niya. Pero sana, pangalan ko ang binabanggit niya.
“Alex,” pakilala ko.
“Ha?”
“Ah, eh, si Alex ako. Kapatid niya.” Pagkasabi niyon ay eksaktong lumabas na ng banyo si Kuya Albert. Kinuha niya sa akin ang cell phone. Pinanood ko siyang habang kausap ang lalaki.
“Si Gabriel,” sabi niya pagkatapos makipag-usap. “Mamaya, makikita mo siya. Sige na, magbihis ka na.”
Gabriel? Gabriel. Mabilis akong nagbihis sa kuwarto at pagkatapos ay patakbong bumalik kay Kuya. “Tara na, Kuya,” sabi ko.
“Sigurado ka na ba sa suot mo?”
White shirt at kupas na maong na medyo nasisira na ang suot ko. “Suot ko ito no’ng entrance exam. Mukhang swerte,” nagmamadaling paliwanag ko. Pero ang totoo, kung si Gabriel nga ang may-ari ng boses na iyon, ang boses ng lalaki sa panaginip ko, ang boses na naghatid sa akin dati sa subdivision, dapat makilala niya ako sa suot ko. Kaya kahit luma at amoy-baul, hinalughog ko sa aparador.
“Iba ang way natin ngayon, ha? Dadaanan muna natin si Gabriel,” sabi ni Kuya Albert habang inila-lock ko ang bahay. “Mamaya ko na ituturo ang sakayan mo.”
Hindi ko naintindihan dahil huminto na ang utak ko sa linyang “Dadaanan natin si Gabriel.” Pero ang pagmamadali ay naudlot. May taxi na huminto sa tapat. Bumaba si Mama. Narinig ko pa siyang kausap ang driver.
“Manong, hintay lang, may kukunin lang ako.” Humarap sa amin si Mama bago tumingin sa kotse ni Kuya Albert na nasa tapat ng bahay. Nagbayad si Mama sa driver. “Ay, Manong, ito na, sige na, alis na!”
Lumapit sa amin si Mama, bumeso kay Kuya bago lumingon sa akin. “Alex, first day, ano ba `yang suot mo? Magpalit ka nga!”
“Okay lang po `yan sa school,” sabi ni Kuya Albert.
“Sigurado ka? Baka sabihin ng tatay mo, hindi ko ibinibili ng damit `yang kapatid mo.”
“Ako na po’ng bahala kay Daddy,” sabi ni Kuya.
“Okay, sige. Tama. Basta ikaw na ang bahala. Maganda `yan. At ang mas maganda, hintayin na rin ninyo ako. Naiwan ko lang ang birth certificate nitong si Alex. Kailangan for benefits...”
Pa-fade out na sa pandinig ko ang mga sinasabi ni Mama. At ilang sandali lang ay pa-fade in na uli.
“Kumusta naman ang mommy at daddy mo, ha, Albert?”
“Okay naman po,” sagot ni Kuya habang nagte-text.
Tuloy pa rin ang pag-uusap nila hanggang sa kotse. Sa harap na ako sumakay. Sa backseat naman si Mama. Nagsuot na ako ng headphone. Music on, world off. Nang bumaba si Mama, hinila ni Kuya ang headphone ko. Kanina pa pala siya nagsasalita, hindi ko naririnig.
“Ang sabi ko, ano’ng masasabi mo do’n sa Raul? Okay naman ba? Simpogi ba ni Daddy?”
“Sinong Raul?” tanong ko.
“Ah ,okay, na-shut off mo talaga ang mundo sa headphone mo.”
‘Sinong Raul?” ulit ko.
“Wala. Itanong mo na lang sa mama mo,” sagot ni Kuya. “Dederetso na pala ako sa Rep Club, sa likod `yon ng theater. `Yong blockmates mo, nasa harap.”
“Hindi na tayo dadaan kay Gabriel?”
“Hindi na. Pinauna ko na siya. Nakakahiya naman sa mama mo, minsan lang mag-request `yon.”
Laking panghihinayang ko hanggang sa makarating kami sa campus. Marami pang sinasabi ni Kuya Albert pero ang nasa isip ko lang, “Mama, isa kang malaking abala!”
NAKITA namin ang orgmates ni Kuya sa Rep Club. Nagre-rehearse na sila. Sino kaya dito si Gabriel? Nandito na kaya siya? Walang pamilyar na mukha. Hay, baka ibang Gabriel ang best friend ni Kuya sa tagapagligtas ko sa panaginip. Move on na. At saka ko lang napansin, ganito pala ang itsura ng mga college student. Hindi nalalayo sa itsura ko. Matanda nga lang at may yabang na. Ganyan din ako in two, three years. Nag-high-five at nagtapikan sa braso ang mga kaibigang lalaki ni Kuya. May isang bakla at mga babae na bumeso. Iyong isang babae, hinalikan ni Kuya sa lips. Ito siguro si Summer na ikinu-kwento niya.
“Kapatid ko, si Alex,” pakilala ni Kuya Albert.
Yumakap si Summer. “So, the baby brother is here. Ano, sasali ka rin sa Rep Club?”
“Next year na. Mag-ipon muna siya ng magagandang grades,” sagot ni Kuya.
Ngumiti lang ako.
May biglang nagsalita.
“Why wait for next year?”
Ito ang boses na iyon. Napalingon ako. Nakangiti ang nagsalitang lalaki. Ang ganda ng ngiti niya. Nagawa niyang i-blur ang buong paligid. Pagkangiti ay itinikom niya ang bibig at binasa ang mga labi bago muling bumalik sa pagkakangiti. Lumapit si Kuya at nag-high-five sila saka nagyakap bago lumapit sa akin.
“Alex, si Gabriel,” pakilala ni Kuya.
Akala ko ay nakangiti ako. Pero namalayan ko ang sarili ko na bahagyang nakanganga. Kilala ko siya. At sa pagkakatitig niya, alam kong kilala niya ako.
“Quit those lips,” sabi ni Gabriel na inilagay ang kamay sa baba ko at iniangat para sumara ang bibig ko. Saka niya kinagat ang labi at binasa bago ngumiti. Iniabot niya ang kamay niya sa akin. Kinamayan ko naman siya. Hinila ako ni Gabriel at niyakap gaya ng yakap niya kay Kuya kanina.
“Sorry kanina. I really thought you were Albert,” sabi ni Gabriel saka ako pinakawalan.
Bumilis ang tibok ng puso ko.
Nakatingin lang sa amin si Kuya. “Wow, Alex, ngayon ka lang nayakap ng iba? Nakatulala ka na diyan. Baka malaglag ang panga mo.”
“Pogi kaya,” sabi ni Gabriel.
“Hoy, kapatid ko `yan,” sabi ni Kuya Albert. “Hindi `yan talo.”
Nakatitig lang ako kay Gabriel. Walang naririnig. Nagbabalik ang lahat sa akin. Parang naulit ang mga nangyari noong entrance exam. At ngayon, may malinaw nang mukha ang lalaking sa akin ay nagligtas. Nagising na lang ako nang guluhin niya ang buhok ko.
“Welcome sa University,” sabi ni Gabriel sabay taas ng dalawang kilay at nag-iwan ng sobrang nakakabighaning ngiti.
Ampogi naman niya. Teka, ano itong nararamdaman ko? Bakit ako naa-attract sa kanya? Oo, siya ang tagapagligtas ko. Pero hindi pa ako sigurado. Kaya lang nakabibighani talaga ang ngiti niya—siya man o hindi ang lalaki sa aking alaala, sa aking panaginip.
Unti-unti, lumayo siya at nakihalubilo sa mga kaibigan niya. Bumeso sa mga babae at nakipag-high-five sa mga lalaki. Iniwan na niya ako. Hindi ba niya ako nakilala? Dapat ba niya akong makilala? Si Gabriel ba at ang lalaking naghatid sa akin dati ay iisa? Nilapitan ko siya.
“Uhm…” Hindi ko alam ang sasabihin ko pero nakuha ko ang atensiyon niya. Magmukha nang tanga kung magmumukhang tanga. Mapahiya na ako sa best friend ni Kuya, sige lang. “Uhm, Kuya Gabriel,” sabi ko.
“Yes?” tanong niya.
“Nakapasa ako,” sabi ko.
Nakangiti si Gabriel na parang naghihintay sa mga susunod kong sasabihin. Pero wala na akong ibang maisip na idugtong pa. Na-awkward siya.
“Ayaw mo ba?” tanong ni Gabriel.
“Gustong-gusto,” sagot ko.
“Good?” sabi niya, saka ngumiti na parang nawi-weird-an sa akin.
Nagmukha na nga akong tanga. Hindi ko na alam kung paano iligtas ang sarili ko sa mga tanong kay Gabriel. Baka hindi siya ang akala kong siya. Kaya dineretso ko na.
“Sorry po,” sabi ko. “May naka-deal kasi ako. Sasabihin daw niya sa akin ang pangalan niya kapag nakapasa ako. Nakapasa na ako.”
“Wow, all for love?” tanong ni Gabriel. “You want me to help look for her?”
“Ay, hindi po babae,” sabi ko. ”At saka hindi po love.”
Tumawa si Gabriel. Ginulo uli niya ang buhok ko at pumunta sa mga kagrupo niyang nagrere-hearse na. Fail. Tumalikod na rin ako at naglakad papunta sa mga freshman na katulad kong mukhang tanga. Hanggang sa tumunog ang cell phone ko. May nag-message.
Gabriel Carlos. You passed. Congrats. Save my number.
Napalingon ako sa mga kagrupo ni Kuya. Busy sila sa pagre-rehearse, maliban kay Gabriel na nakatingin at nakangiti sa akin, hawak ang cell phone niya. Nabaliw ako. Ano ang ibig sabihin nito?