noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 26

Ch. 27 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER TWENTY-SIX

NAKASUNOD lang ako kay Jessie, iniipon ang lakas ng loob na harapin siya. Pero hindi niya ako nilingon. Ayaw niya akong harapin. Ayaw niya akong pansinin. Naglakad siya papasok sa mansiyon. Sumunod ako. Binuksan niya ang pinto at saka pumasok. Hinayaan niyang nakabukas ang pinto para makasunod ako. Iyon ang paraan niya ng pagbubukas ng pinto para sa akin. Nagpatuloy siya sa paglalakad. Nakasunod ako. Hanggang sa huminto siya at humarap. Tumitig sa mga mata ko. Napahinto rin ako. Bumuntong-hininga, saka lakas-loob na nagtanong.

“Mahal mo ako, `di ba?” tanong ko.

“Oo,” sagot ni Jessie, hindi bumibitaw ng tingin sa akin. “Mula pa noong una kitang makita.”

Nagulat ako.

“Ngayon, ano na ang gagawin mo?”

Hindi ko alam kung ano ang isasagot. Wala iyon sa naisip kong isasagot niya. “Break na kami ni Gabriel dahil sa `yo.”

“Hindi mo sinagot ang tanong ko.”

“Wala akong gagawin. Wala akong pakialam. Wala akong gusto sa iyo. Mahal ko si Gabriel at magkakabalikan kami.”

“Ano ba’ng ginawa ng Gabriel na `yon para mahalin mo siya?”

“Ano ba’ng ginawa mo sa akin para hindi kita mahalin?”

“Hindi ko na gagawin uli `yon.”

“Hindi pa rin kita mapapatawad. Ilang taon mo akong tinakot. Sinaktan. Bangungot kita. `Tapos, sasabihin mo sa aking mahal mo ako? Anong klaseng pagmamahal `yan?”

Hindi nagsalita si Jessie. Tumalikod.

“Sumagot ka,” utos ko.

Huminto si Jessie.

“Alam kong mahal mo si Gabriel. Pero huwag mong lokohin ang sarili mo. Mahal mo rin ako.”

“SAAN ba galing ang assumption na mahal ko si Jessie?” tanong ko kay Sir Cabalfin. Ipinatawag ako ni Sir Cabalfin at tinanong kung gusto kong ulitin ang final plate ko. Ilang sheets kasi doon ay pulos patak ng luha. Sinabi ko kay Sir na break na kami ni Gabriel at may isang chance na lang ako para iligtas ang aming relasyon. Sermon ang inabot ko. In-emphasize ni Sir ang kaartehan ko. Bakit daw ba hindi ako nakinig sa kanya bilang nakatatandang bakla? Pero tapos na raw iyon, nangyari na. Sinabi ko rin na may gusto ako kay Jessie.

“Kasi, hinalikan mo siya,” sabi ni Sir Cabalfin.

“Siya ang nauna!” tutol ko.

“Dead-ma na who kissed who first. Gumanti ka. Lumaban `yang labi mo. Nakipag-espadahan ang dila mo. Nag- lipchukan kayo. Kung wala kang gusto sa kanya, that will make you a malanding paasang bakla. Which is not, right? So, ibig lang sabihin, may nararamdaman ka rin.”

“Spur-of-the-moment lang `yon.”

“ Wit mo hinanap?”

“Hindi...” sabi ko. “Pero inisip ko. Pero hindi ibig sabihin n’on na mahal ko na siya.”

“Ano’ng ibig sabihin n’on?”

“Nagtataka lang ako. Curious. Bakit niya ako hinahalikan? Mahal ba niya ako? Gusto ko lang `yong masagot.”

“Nasagot ba?”

“Oo,” mabilis na sagot ko.

“Ano’ng sagot?”

“Mahal niya ako, Sir,” deretsahang sagot ko.

“Gusto mo `yon?”

“Oo, Sir.”

Napangiti si Sir. “Bakit?”

“Hala! Sabi ko ba `oo’?” Nadala ako sa tanungan hanggang sa mahimasmasan.

“Oo,” sabi ni Sir Cabalfin na nakataas na ang isang kilay. “Oo, sinabi mo, kasi mahal mo siya.”

At hindi na ako nakapagsalita.

HINDI nagsasalita si Gabriel. Pero okay na ito. Pumayag siya na makipagkita. Pagkatapos kong makipag-usap kay Sir Cabalfin, niyaya ko si Gabriel na mag-merienda ng cake sa coffee shop sa loob ng campus. Isa sa mga unang lugar na pinag-treat-an niya sa akin. Nauna pa siyang dumating sa coffee shop. Nadagdagan tuloy ang dapat kong ihingi ng sorry.

“I’m sorry,” sabi ko.

“What do you want?” tanong ni Gabriel.

“Hindi,” sabi ko. “Ako’ng nagyaya. Ano’ng gusto mo?”

“Blueberry cheesecake and bottomless iced tea.”

Nagtaas ako ng kamay at lumapit ang waiter. “Blueberry cheesecake, Devil’s food cake at dalawang bottomless iced tea,” order ko.

“Why do you want to see me?” tanong ni Gabriel.

“Ayaw mo ba akong makita?”

Hindi siya sumagot. Naisip ko na lang na hindi siya pupunta kung ayaw niya akong makita. Kinilig ako. Pero kinalimutan ko muna ang kilig. Na-miss ko lang talaga si Gabriel kaya ko siya niyaya. At saka baka nahimasmasan na siya. Baka mahal na uli niya ako. At binigyan ako ng lakas ng loob ng kilig na iyon.

“Mahal mo na ba uli ako?” tanong ko. Walang ngiti. Walang emosyon. Kailangan kong itago. Ayoko munang mapahiya.

“You know the answer.”

“Sagutin mo na lang.”

Dumating ang mga order naming cake at iced tea. Nilagyan ko ng honey ang iced tea ko. Lalagyan ko na sana ang kay Gabriel pero pinigilan niya ako.

“No, let me,” sabi niya.

“Okay. So, ano na?”

“Anong ano na?”

“Mahal mo na ba ako uli?”

Sumubo ng cake si Gabriel. Ninamnam ang sarap. “Of course. Pero unti-unti ko nang inaalis `yon sa sistema ko. Mahirap but I have to.” Parang naapektuhan ng tamis ng cake ang sagot niya. Walang pait. Parang kwentuhan lang.

“`Wag mo na lang alisin. Mahal na mahal kita, Gab.”

“But you love Jessie, too.”

“Yes,” sagot ko. “I do.”

“Well, at least, you’re being honest now.”

Hindi ko maisip kung paano nagagawang maging kalmado ni Gabriel. Walang galit akong nararamdaman.

“Hindi ko alam kung paano at kung kailan nagsimula. Naramdaman ko na lang.”

“Do you want me to go now?”

Ibinaba ni Gabriel ang tinidor. Tumingin sa akin. Wala pa ring emosyon.

“Nagiging totoo na ako. Hinaharap ko lang ang nararamdaman ko. Dahil kung tatakbuhan ko, tatagal at baka lumaki pa. Ina-acknowledge ko lang para matapos ko na.”

“Good,” sabi ni Gabriel. “But I don’t want to bet my heart, still. Bilisan mo, bago ko mabawi ang puso ko from you.”

Nalungkot ako sa reaksyon ni Gabriel. “Bakit mo pa rin ako tinatakot?”

“Dahil natatakot din ako,” sagot niya. “Kung may kahati ako sa puso mo, ayoko nang makipaglaban pa. It’s too painful to lose in this game. Ayoko nang masakatan uli.”

Dahil parang isang interview lang for scholarship ang pag-uusap namin, naramdaman kong dapat kong magpaliwanag lagi sa mga desisyon ko at sagot.

“Hindi ka masasaktan, Gabriel,” paniniguro ko. “You help me accept myself. Ipinakilala mo sa akin kung sino talaga ako. Kung paano ako magiging mas masaya bilang tao. Binago mo ako.”

“Binago mo naman siya. Now, you choose. Sino’ng mas mamahalin mo? `Yong binago mo o `yong bumago sa `yo?”

“Una kitang minahal,” depensa ko sa pagmamahal kay Gabriel.

“How can I be sure of that,” laban niya. “You just said that you don’t know kung kailan o paano mo siya minahal?”

“Gusto mo bang piliin ko na lang si Jessie over you? You are pushing me away.”

“Hindi, Alex,” sagot ni Gabriel. “I’m just telling you my fears, dahil may mga dahilan ka para piliin si Jessie over me.”

Hindi ganito ang inaasahan kong intensity ng usapan. Hindi kalmado. Iyong mga napapanood ko kasi, sa mga ganitong level ng relasyon, parang dapat ay nagsusuntukan na kami. Pero hindi. Maging ang cake na kinakain ni Gabriel ay nagpapaubaya sa kanyang marahang pagkain.

“Gabriel,” sabi ko. “Oo, kaya kita niyaya dito, dahil miss na kita. Pero higit pa doon, gusto ko lang sabihin na gumagawa ako ng paraan to save our relationship. Kinausap ko na si Jessie kagabi. Inamin na niya sa akin na mahal niya ako. Pero sinabi ko na rin sa kanya na walang patutunguhan ang pagmamahal niya. Dahil ikaw, Gabriel, ang mahal ko. Ikaw lang.”

“Were you convincing enough?” tanong ni Gabriel.

“Oo naman.”

“Titigil na ba siya sa panggugulo sa iyo?”

“Oo naman.”

“You’ve just convinced yourself. Not me. Not that Jessie.”

“Paano mo na naman nalaman?”

“Saan ka uuwi mamaya?”

“Kung pwede na sa `yo, sa `yo na.”

“Not until Jessie is out of the picture.”

“Pinaalis ko na nga siya.”

“Pero hindi siya umalis. You just challenged him more. At hindi siya magpapatalo.”

“Ikaw ba, magpapatalo?” tanong ko.

“Oo,” sabi ni Gabriel. “If Jessie will make you happier. Oo, I will. Kaya siguruhin mong hindi ka mapapasaya ni Jessie more than I can.”

“Gabriel, ikaw ang anghel na nagligtas sa akin mula sa demonyong si Jessie. Ipinaglaban mo ako. At nararamdaman ko ngayon, kahit ipinagtutulakan mo ako, ipinaglalaban mo pa rin ang pagmamahalan natin. I appreciate that. I love that. At hindi iyon matatapatan ni Jessie,” sabi ko.

Ngumiti si Gabriel na patuloy pa rin sa pagkain ng cake. Pero hindi siya nagsalita.

“Gaya ng pag-aalis mo ng nararamdaman mo sa akin. Magtiwala ka. Kaya ko ring alisin ang nararamdaman kong ito kay Jessie. Dahil ikaw ang mas mahal ko. Dahil binago mo ako, at si Jessie, binago ko lang siya.”

Ngumiti lang uli si Gabriel. Inubos niya ang cake, uminom ng iced tea, nagpahid ng bibig, saka tumango. “Thanks,” sabi niya. “Para sa cake at sa pag-asa. But I can’t invite you to our house yet. Clear your heart first of all the names but mine. I will still wait. Mahal pa rin kita. But I have to go. Thanks.”

“Thanks din, Gabriel.” Naiwan akong mag-isa. Pero may pag-asa. Ngayon, paano ko aalisin itong nararamdaman ko kay Jessie? Oo, mahal ko si Jessie dahil binago ko siya. Pero kailangan nang mabago iyon.