CHAPTER TWENTY-FOUR
N AKAHIGA ako sa sahig—basa at puting briefs lang ang suot. Nasa kanan ko si Jessie, tanging basang boxers shorts ang suot. Hawak niya ang panga na tinamaan ng suntok ni Gabriel. At si Gabriel, naglalakad palayo sa amin. Agad akong tumayo, kinuha ang mga damit, sapatos, bag at plates. Hinabol ko si Gabriel na papalabas na ng pool area.
“Gab, teka lang,” sigaw ko.
Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Alam kong narinig niya ako pero sinasadya niya akong hindi pansinin. Sa parking area ko na siya naabutan. Sumakay siya sa kotse at mabigat na isinara ang car door. Pumunta ako sa passenger’s side. Sasama ako kay Gabriel saan man siya pumunta. Tapos na ang kalokohan ko kay Jessie. Hindi kalokohan, pag-iinarte. Tama si Sir Cabalfin, ang arte arte ko. At gusto ko iyong isigaw kay Gabriel.
Pero hindi muna ako sumigaw. Mukha akong tanga na nakahubad, tumutulo ang tubig sa katawan, may mga bag at kung ano-anong nakasabit sa balikat at mga damit at sapatos sa kamay. Kapag sumigaw ako, mapagkakamalan na akong baliw. Kanina pa ang uwian, pero may iilan pa ring mga estudyanteng napapatingin sa akin. Bubuksan ko na ang car door nang tumingin sa akin ni Gabriel. Namumugto ang mga mata. Umiling siya at narinig ko ang pag-click ng lock. Nagsimulang tumunog ang makina ng kotse, at napabitaw ako nang magsimula itong umandar.
“Gab, hindi pa ako nakakasakay,” bulong ko sa sarili ko. Oo, masakit ang inabutang tagpo ni Gabriel. Pero nasasaktan din ako sa ginagawa niya. Mabigat ang dibdib ko, nanginginig ang mga binti, nanghihina ang katawan, at nahihirapan akong huminga.
Bumigay ako. Napaupo ako sa semento, walang pakialam kung may nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung saan naipon ang napakaraming luhang tuloy-tuloy na dumaloy mula sa aking mga mata. Ayaw tumigil. Hinayaan ko ang sarili ko sa ganoong sitwasyon. Ang arte-arte ko. Ang sama-sama ko kay Gabriel. Deserve ko `to. Niyayakap ko ang kahihiyan. Parusa ko ito sa sarili ko.
“Hayaan mo siya,” sabi ni Jessie mula sa likuran ko. “Nandito ako.”
Nanlaki ang mga mata ko. Sumagap ako ng hangin at saka agad na tumayo. Binitawan ko ang lahat ng dala ko at hinarap si Jessie. Sinugod ko siya, pinagsusuntok, at itinulak. Gusto ko siyang itumba.
“Aanhin kita, gago ka?! Baliw ka! Baliw ka!” dere-deretso kong sabi.
“Tama na,” mahinahong sabi ni Jessie.
“Ikaw ang tama na,” sabi ko na patuloy sa pagsugod. “Gusto mo akong umiyak, `di ba? `Ayan na, umiiyak na ako. Napaiyak mo na ako. Nakuha mo na ang gusto mo. Tigilan mo na ako!” Ibinuhos ko ang lahat ng galit ko sa kanya. Alam kong wala na akong sense. Kung ano-anong hugot ang pinagsasabi ko. Pero ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Ang sakit-sakit, ang gulo-gulo. Ang totoo, hindi ko maintindihan kung ano ang uunahin sa lahat ng nararamdaman ko. Basta ang gusto ko, maitumba si Jessie. Kasalanan niya ang lahat ng ito.
Pero kahit sa ganoong pagkakataon, malakas pa rin si Jessie. Matikas pa rin siya kumpara sa nagbibinata kong katawan. Bawat suntok ko ay nasasalag niya. Bawat pagtulak ko ay sinasabayan niya ng pag-atras. Hanggang sa yakapin na niya ako at ipitin ang mga braso ko.
“Tama na!” sigaw niya.
Hindi pa rin ako tumigil sa pagpupumiglas hanggang sa manghina ako sa pagod. Naramdaman siguro iyon ni Jessie kaya lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin. Tinakpan ko ng mga kamay ang mukha ko at itinuloy ang pag-iyak. Tapos na akong maging mahina sa harap niya. Tumalikod ako, pinulot ang mga gamit ko at bumalik sa pool area. Inihagis ko ang mga gamit ko sa isang gilid ng locker area, bago pumunta sa shower. Hinayaan kong nakabukas ang shower at itinapat ang katawan ko sa bumubuhos na tubig. Dahil nanghihina, nakatukod ang dalawang kamay ko sa haligi. Nakayuko ako at sumabay sa tubig ang mga luha kong hindi pa rin humuhupa.
Tapos na ba kami ni Gabriel? Kasalanan ko ito.
Kahit malamig ang tubig, pakiramdam ko ay para akong sinusunog. Naglalagablab, pinabibigat ang dibdib ko, minamanhid ang aking mga braso. Kailangan kong ilabas. Binawi ko ang kamay ko sa pader at pinagsusuntok ang tiles. Masakit ang kamao ko, pero lumuluwag ang pakiramdam ko.
“Ang tanga-tanga mo, Alex!” sabi ko. “Napakaarte mo. Ang tanga-tanga mo.” Hanggang sa napagod uli ako, naupo sa isang sulok at napaisip. Totoo pala iyong mga ganitong eksena sa pelikula. Naalala kong hindi ko ito bahay. Sa natitira kong lakas, tumayo ako at nagbihis. Mabagal akong lumabas. Inalala ko si Gabriel. Iyon na ba `yon? Tapos na ba talaga kami? Iniwan niya ako. Hindi niya iyon ginagawa. Hindi niya kayang gawin, maliban na lang kung... Kung hindi na niya ako babalikan. At kung mangyari iyon, dalawa lang ang options ko: Una, hayaan siya; mami-miss naman niya ako at balikan niya ako o hindi, mami-miss ko siya. Pangalawa, hahabulin ko siya. Umaasa ako sa una.
Pero iba ang naghihintay sa akin—si Jessie. Nakaupo siya sa hagdan sa labas ng shower area. Naka-shorts pa rin at nakahubad. Ito ang suot niya nang sundan ako kanina. Hawak lang niya ngayon ang hinubad na T-shirt. Ang hayup na `to. Nagawa pang magbihis kanina. Tumingala si Jessie nang dumating ako. Tumayo. Sinubukang kunin ang mga gamit kong nasa balikat. Umatras ako. Umiling. Hindi. Lumapit pa rin siya.
“Huwag mo `kong hawakan! Bakla ka. `Yong nakakahiyang klase ng bakla. Dahil takot ka! Takot kang bakla ka!” Kung ano-ano na naman ang mga sinabi ko. Hindi iyon nagustuhan ni Jessie. Nag-iba ang mukha niya at kumuyom ang mga palad. “Ano, sasapakin mo `ko? Sasaktan? Hindi mo na kaya. Durog na durog na ako. Kahit anong bugbog mo, wala nang epekto sa `kin.”
Hinayaan ako ni Jessie. Ramdam ko na pinapanood niya akong maglakad palayo sa kanya. Ang huling narinig ko ay ang sigaw niya at pagsipa sa sahig. Pagkatapos niyon ay wala na. At wala na rin akong pakialam.
SI KUYA Albert ang nagbukas ng pinto. Wala akong ibang pupuntahan kundi sa unit niya. Nakatayo lang ako. Tiningnan ako ni Kuya. Hindi ko alam kung iiyak ako o kung ano ang gagawin. Ang mga mata ko na lang uli ang nagdesisyon. Nagdere-deretso na naman ang pagluha ko.
“Pumasok ka na,” sabi ni Kuya.
Sumunod ako. Umupo sa sofa, tinakpan ang mukha at pilit na pinapahid ang mga luha.
“Sige, ubusin mo muna `yan.”
“Okay na ako, Kuya,” sabi kong humihikbi-hikbi pa.
“Sige lang, hindi ka pa okay. Sa tingin ko, isang sem kang hindi ka magiging okay. Break na kayo ni Gabriel. Gusto mo bang kausapin ko?”
Umiling ako. Pero napatigil nang bumukas ang pinto ng banyo. Bakit nandito ang tatay ko? Tumayo ako. “Kuya, sige, uuwi na muna ako,” paalam ko.
“Hindi,” sabi ni Daddy. “Albert, paupuin mo `yang kapatid mo. Ako na muna ang aalis.”
“Umupo ka na,” utos ni Kuya.
Sumunod ako.
“Kung walang isyu `yan sa Parañaque, doon na dumeretso `yan. Uunahin ka ba niyan kaysa sa nanay niya?” tuluy-tuloy na sabi ni Daddy habang nagsusuot ng sapatos. “Mas kailangan ka niya. Tama ba, anak?”
Alam kong ako ang tinutukoy ni Daddy sa salitang “anak.”
Tumayo si Daddy at ginulo ang buhok ko. “Dumito ka na muna. Albert, ampunin mo muna `tong kapatid mo.” Pagkasabi niyon ay umalis na si Daddy. Inihatid siya ni Kuya hanggang sa pinto. At nang bumalik si Kuya, tumabi siya sa akin.
“Sakit ba, `tol?” Ngumisi si Kuya. “Sa umpisa lang `yan. But it wouldn’t get better. Sorry to say.”
“Oo, Kuya,” Akala ko, mapapatahan ako. Pero lalo pa akong bumigay.
“Ikukwento mo ba sa akin o iiyak ka lang talaga? I can get the story from Gabriel.”
“Sige, Kuya. Sa kanya mo na lang itanong. Hindi ko rin alam kung ano ang nangyari. Basta nasaktan ko siya. Nakita ko kung gaano siya nasaktan. `Tapos, iniwan niya ako. Tapos na ba kami? Break na ba kami?”
“Naku, `tol! Kayo lang ang makakasagot niyan. Ano ba’ng nangyari? Ano’ng sabi niya?”
“Wala pa. Tinatawagan ko siya. Hindi siya sumasagot. Ang tanga-tanga ko, Kuya. Mahal ko si Gabriel pero sinaktan ko siya. Ang sama-sama ko.” Kinalma ako ni Kuya. Hinagod niya ang likod ko. Patuloy pa rin ako sa pag-iyak. “Mapapatawad pa ba niya ako, Kuya?”
“Oo naman. Gabriel is a forgiving person. Hindi ko lang alam if things will still be like before. Nasira na kayo, eh.”
“Bakit ang honest mo? Kuya, gusto kong bumalik kami sa dati. Huwag mo naman munang tanggalin sa akin `yon.”
“`Tol, hindi ko alam ang detalye ng away ninyo. But I know Gabriel. Mabait siya. Napakalaki lang talaga ng nagawa mo para makipag-break siya. Niloko mo siya o may iba kang... Oh, no, Alex, hindi ka naman nagkaroon ng affair with someone? Hindi ka talaga n’on mapapatawad.”
“Hindi naman affair `yon, Kuya. Si Gabriel lang ang mahal ko. Siya lang.”
“Dapat lang. Sige, kakausapin ko siya. Pero huwag muna ngayon. Malamang na umiiyak din `yon. Palamigin muna natin ang sitwasyon.”
“Kuya, sabihin mo sa kanya, mahal na mahal ko siya, ha? Nagkamali ako, pero hindi ibig sabihin n’on, kinalimutan ko siya. Walang iba. Siya lang ang mahal ko. Sabihin mo, hindi pa kami break.”
“Ikaw ang magsabi niyan sa kanya. Don’t worry, kakausapin ka uli n’on.”
Paulit-ulit na lang ang sinasabi ko. Pero sa kauulit-ulit, medyo nawala ang bigat. May natitira pa rin pero hindi na kasimbigat ng kanina.
SA TAPAT ng TV set na inihain ni Kuya ang hapunan namin na tocino, pritong itlog at kanin. Nakatutok ang tingin ko sa TV pero hindi ako nanonood. Lahat ng mga sinasabi ng mga artista, tinatamaan ako. Tapos mapapaisip sa isyu ko. Ganito pala pag namomroblema sa pag-ibig; parang sa buhay ko hinango ang lahat ng love story. Relate na relate ako.
“Baka mga one week kang walang gana. Pero sumubo ka kahit tatlo lang. Ako na uubos ng matirira mo,” sabi ni Kuya.
Sumubo ako ng tocino at kanin pero hindi ko nalasahan. At totoo ang sinabi ni Kuya. Kinain niya ang natira kong pagkain. Maya’t maya ay napapatingin ako sa cell phone. Wala pa ring messages. Ang dami ko nang na-send na apologies kanina kay Gabriel. Pero wala pa rin siyang reply. Minessage ko na rin siya sa Fb. Wala. Seenzoned. Nag-message uli ako. “Seenzoned?” sabi ko. Hayun nga, seenzoned uli. Gusto ko lang magpaliwanag sa kanya. Naintindihan ko na si Jessie. Titigilan ko na. Iyong plano ko na ikinuwento kay Sir Cabalfin, kakalimutan ko na. Alam ko na ang mas mahalaga. Si Gabriel. Pero hindi ko pa masasabi iyon. Ayaw pa niyang makipag-usap.
Kinabukasan, exam sa history class namin. Mabuti at maraming essay dahil kung objective ang mga tanong, hindi ko masasagot. Hindi ko na-review ang mga pangalan, mga date at mga lugar na pinangyarihan ng mga isasagot ko sa mga posibleng tanong. Kahit hawak ko ang notebook kagabi, pangalan pa rin ni Gabriel ang tumatakbo sa isip ko. Papasa naman ako sa exam. Pero Kay Gabriel, hindi ko alam kung ano ang sitwasyon ko. Namin.
Natapos ko rin ang mga final plates. Napansin ni Sir Cabalfin ang ilang patak ng tubig sa sheets. Alam na niya pero hindi pa.siya nagtanong. Mabuti na rin dahil hindi ko pa alam ang isasagot. Iniiwasan ako ni Gabriel.
“Nag-iisip pa raw siya,” sabi ni Kuya. Nakaupo kami sa Oval. May hawak na fishballs. Libre niya. Nakakakain na ako. Hindi pwedeng maghintay lang ako. Kailangang ituloy ang buhay.
“Ginamit ko na nga ang best-friend card. Sabi ko, `Best friend, you promised not to hurt my brother, but look at what you’re doing to him now.’ Siyempre, English. Inglesero `yon, eh. Sumagot ng, ‘As far as I remember, it is him who hurt me.’ Parang tama naman siya do’n.”
“Tama naman,” sagot ko. “Pero kumusta siya, Kuya? Okay ba siya?”
“Stop worrying about him. Malaki na `yon.”
“Mahal pa ba niya ako? Ilang araw na niya akong hindi kinikibo.”
“Hindi naman `yon huhugot nang gano’n kung hindi na. May nararamdaman pa `yon. Stop worrying.”
Tumango ako. Stop worrying. Susubukan ko kahit alam kong imposible.
KAY KUYA Albert na muna uli ako umuwi. Tatapusin ko lang ang finals week. Ayos nga at may distraction sa nararamdaman ko. Kailangan kong isipin ang acads. Pero parang ang acads ko ang nadi-distract sa pag-iisip kay Gabriel. Math. Last exam ko. Isa sa mga pinakamahirap para sa mga freshman. Pinilit kong mag-focus. Nakaya naman. Hindi ko lang alam kung pasado ako sa exam. Pero parang nasagutan ko naman lahat.
Paglabas ko ng Math Building, nandoon ang kotse ni Gabriel. Nakatayo at nakasandal si Gabriel sa sasakyan. Nang makita niya ako, umayos siya ng tayo at binuksan ang pinto. Napatingin ako sa paligid. Ngumingiti ang blockmates kong sina Arvin at Jobi. Medyo nahiya ako pero aanhin ko iyon? Mas mahalaga na magkausap kami ni Gabriel kaya sumakay ako sa kotse. Isinara ni Gabriel ang car door, pagkata[ps ay siya naman ang sumakay sa driver’s seat. Kahit paano, napangiti ako sa ginawa niya. Magandang senyales ito. Mahal pa nga niya ako. Namimigat na ang mga mata ko. Tama si Kuya. Mabait si Gabriel. Mapagpatawad. Maunawain. Tatanggapin niya ang sorry ko. Lalo pa’t maipapaliwanag ko na ang mga natutuhan ko kay Jessie. Ayos na kami.
Umandar ang kotse. Hindi nagsasalita si Gabriel, pero kalmado kami. Paminsan-minsan, tumitingin siya sa akin. Ngumingiti naman ako kapag nagkakasalubong ang mga mata namin. Hanggang sa mapansin kong hindi pa dumadampi ang kamay niya sa binti ko. Nag-iba na ang tingin ko nang lingunin ako ni Gabriel.
“You have any questions?” walang emosyong tanong ni Gabriel.
Walang isip-isip, nagtanong ako. “Tayo pa ba?”
Hindi siya sumagot. Umiling lang.