CHAPTER THIRTY-SIX
GALIT ka ba? Hindi ko na iyon itinanong kay Jessie. Kapag may mga ganitong moment, dapat ay hindi na nagtatanong ng “yes” or “no” questions ang mga obvious. Nakatayo lang si Jessie. Nakasara ang mga kamao, naniningkit ang mga mata, lumalaki ang mga butas ng ilong, at parang faultline na nagkikiskisan ang mga ngipin. Nagngingitngit siya. Wala pa akong na-experience na ngitngit of joy kaya malamang ay galit si Jessie. Pero bakit?
“Bakit?” tanong ko na hindi alam kung ano ang ipinagpupuyos niya.
“Anong bakit?”
“Ano’ng ginawa ko?” tanong ko.
Huminga nang malalim si Jessie habang parang natatawa.
“Gago ka pala, eh,” sabi niya. “Itinatanong mo pa?”
Kinabahan ako nang makarinig ng mura mula sa kanya. Hindi ito bagong pakiramdam. At nang maisip ko ang mga lumang alaala, lalo akong kinabahan. Inihanda ko na ang katawan ko. Matagal-tagal na rin mula nang huli akong makaramdam ng sakit. Nakasanayan ko na noon. Kung maulit kaya ngayon, makakaya ko pa rin ba?
Bahala na.
“Sasaktan mo ba ako?”
Huminga uli nang malalim si Jessie at parang lalong humigpit ang pagkakakuyom ng kamao. Pero sa paglabas ng hangin mula sa kanyang katawan, parang lumabas din ang lahat ng lakas niya. Pumikit si Jessie. Napaupo sa kama ko. Pero hindi nawala ang takot ko. Sarado pa rin ang kanyang mga kamao at nakatiim-bagang pa rin.
“Ang tanga ko. Ako talaga ang gago. Ang gago-gago ko!” sabi niya sabay suntok sa hita. May impit na ingay akong narinig mula sa kanya. Alam kong nasaktan siya sa kanyang ginawa. Ang inakala kong nawalang lakas niya, parang muling nagbalik. At inulit niya iyon. Inulit nang inulit. Naramdaman ko ang sakit kahit pa hindi ako lumalapit. Hindi huminto si Jessie. Hanggang sa sinusuntok na niya pati ang mga braso niya. Papunta na sa kanyang mukha ang kanyang kamao nang tumakbo ako papalapit sa kanya.
“Tama na, Jessie!” awat ko. “Ano ba’ng nangyayari sa `yo?”
“Ang tanga-tanga ko,” ulit niya.
“Sige na, tanga ka na,” sabi ko. At hindi nakakatalino ang ginagawa niya. “Tama na `yan.” Hawak ko ang dalawa niyang kamay na nagpupumiglas para saktan muli ang kanyang sarili. Nanlaban ako pero mas malakas si Jessie kasa sa akin. Matagal ko nang alam ito, pero may kakaiba ngayon. Mas malakas ako ngayon. Kahit paano, napipigilan ko siya. Nababawasan ang sakit tuwing tatama ang kamao niya sa kanyang katawan. Mas lumalakas ako kung kailangan kong magbigay ng lakas para sa iba. At sa pagkakataong ito, mas malakas ako para kay Jessie.
Unti-unti, napagod si Jessie.
Sinamantala ko ang kahinaan niya. Niyakap ko siya. Ibinalot ang katawan ko sa katawan niyang pilit niyang sinasaktan. Dahan-dahang tumigil ang pagsuntok niya sa hita niya. Hinawakan niya ang mga braso kong nakahawak sa mga braso niya. Nag-ekis ang aming mga braso. Magkayakap kami. Magkatapat at hinila niya ako papalapit sa kanya.
Malakas ang pagkakahila niya na napahiga siya at napapatong ako sa kanya sa kama.
Alam ko na ang susunod na mangyayari.
Pumatong ang mukha ko sa kanyang mukha. Tumama ang labi niya sa mga labi ko. Pero nagawa kong ipaling nang bahagya ang aking mukha. Kaya ang gilid lang ng labi ko ang nahalikan niya. At tinuloy niya iyon. Bumitiw siya sa pagkakayakap sa akin. Napapikit ako habang dinarama ang halik niya sa aking pisngi. Hindi ako gumalaw at hindi nagpadala sa init na ibinibigay niya. Hindi ko iyon tinanggap.
Napansin yata iyon ni Jessie kaya tumigil siya. Niyakap niya ako at tumagilid hanggang sa pareho na kaming nakatagilid at magkaharap sa kama. Doon ako nagpadala. Tumitig siya sa akin. Ang daming tanong sa mga mata niya na hindi ko kayang sagutin. Hindi ko alam kung ano ang uunahin. Napagod siguro si Jessie kaya nahiga siya. Nahiga rin ako. Magkatabi kami sa kama. Parehong nakatingin sa puting kisame ng kwarto.
“Bakit mo pinipigilang ibigay sa akin ang pagmamahal mo?” tanong ni Jessie.
“Dahil kay Gabriel,” sagot ko. “Dahil si Gabriel ang mahal ko.”
Tumahimik si Jessie.
Hindi rin ako umimik.
“Naghintay ako sa iyo kanina,” sabi ni Jessie. “Sabay dapat tayong uuwi. Naghintay ako. Pero hindi mo man lang ako pinansin. Dinaanan n’yo lang ako si Gabriel. Mukha akong tanga. Nasa college mo ako, hinihintay ka, nandoon ka pero wala ka. O ako ang wala do’n, dahil hindi mo man lang ako nakita.”
Napaharap uli ako kay Jessie. “Hindi ko alam,” sabi ko, na-guilty nang kaunti.
“Paano mo malalaman para kang lumulutang habang kasama si Gabriel?”
Napahiga uli ako. Ang totoo, wala siyang karapatan kung ano man ang nararamdaman ko kapag kasama si Gabriel. Para siyang tanga kung iyon ang iniisip niya. At hindi ko iyon kasalanan.
“Pero wala na kayo, `di ba?” sabi ni Jessie. “Wala na kayo, pero kung makaasta kayo, parang kayo pa rin.”
“Oo, wala na kami. At kung paano kami kikilos, huwag ka na sanang maapektuhan. Sa amin na lang iyon.”
“Ang bait mo, Alex. Pwede mo namang sabihin na wala akong pakialam.”
“Iyon ba ang gusto mong marinig?”
“Oo,” sabi niya. “Para masabi ko sa iyong mayroon akong pakialam. Dahil pinapaasa n’yo ako. Pinaglalaruan n’yo ako. Alam n’yong mahal kita. `Tapos, maghihiwalay kayo na ako ang dahilan.”
“Hindi ka namin pinapaasa,” sabi ko. “Sorry, Jessie.”
“Kasalanan ko naman,” pag-amin niya. “Pwede ko namang pigilan ang sarili ko na huwag umasa.”
Napatingin ako kay Jessie. Nakatitig lang siya sa kisame.
“Pero hindi ko kaya. Hindi ko magawa. Hangga’t alam ko, hangga’t nararamdaman kong may nararamdaman ka sa akin, hindi mawawala ang pag-asa ko. May nararamdaman ka pa sa akin, `di ba?”
“Oo.” Para saan pa ang pagsisinungaling? Alam naman ni Jessie iyon. Alam ni Gabriel. Sinubukan kong itago sa sarili ko, pero walang patutunguhan ang pagsisinungaling. Ikinagulat ni Jessie ang honesty ko. Hindi siya nakapagsalita. “Gusto mo pa ng mas totoo? Minahal kita... mahal kita,” patuloy ko. “At alam mong ayokong mahal kita.”
“Bakit mo inaayawan ang pagmamahal?” tanong ni Jessie.
“Ayaw ni Gabriel na may kahati siya sa pagmamahal ko. At kahit ako, kung mararamdaman kong may iba pang mahal si Gabriel, masasaktan ako. Mahal ko si Gabriel, eh. Kailangan siya lang.”
Natahimik kami pareho.
“Ikaw ba, kung mamahalin kita, okay lang sa iyo kahit may minamahal pa akong iba?” tanong ko.
“Oo.”
Nagulat ako sa sagot ni Jessie. Hindi ako naniniwala.
“Pero pagtagal siguro, magiging selfish din ako to want you for myself alone,” sabi ni Jessie. “`Tapos, mag-aaway tayo. At papipiliin din kita. Magmamakaawa ako na ako ang piliin mo. Pero kahit na hindi ako ang piliin mo, alam ko, magiging masaya ako na naramdaman ang pagmamahal mo.”
Magaling magsalita si Jessie. Nakumbinsi niya ako. At natunaw ako sa mga sinasbi niya.
“Mas masakit pa rin na hindi maramdaman ang isang bagay na gusto mo, kaysa sa makuha mo ito at mawala sa iyo.”
“Paano ka masasaktan sa isang bagay na nawala na hindi mo naman naangkin?”
“Hindi mo naiintindihan,” sabi ni Jessie. “Sa isip ko, naangkin na kita. Akin ka na. Pangarap kita, eh. At mas malungkot ang pangarap na hindi naabot kaysa sa pangarap na nakamtan at nawala. Lahat naman natatapos, pero hindi lahat nasisimulan.”
May naramdaman ako sa puso ko. Nasaktan ako. Nadurog. Naramdaman ko si Jessie. Hindi ko napigilang tumagilid at yumakap sa kanya. Hindi gumalaw si Jessie. Hinayaan lang niya ako. Okay na ako doon. Hindi ko alam ang sasabihin. Hinawakan ko na lang ang kamay niya na noon ko lang napansing sarado pa rin. Pinilit ko iyong buksan. Hindi madali pero natanggal ang kanyang pagmamatigas. Inilagay ko ang mga daliri ko sa pagitan ng kanyang mga daliri. Hanggang sa humigpit ang pagkakahawak niya sa akin.
“Huwag mo nang sasaktan ang sarili mo, please?” pakiusap ko.
“Bahala na,” sagot niya. “Kahit ano kasing suntok, mas masakit pa rin ang makita ko kayong magkasama ni Gabriel. Na masaya ka rin na kasama siya. Mas masakit na baka mas masaya ka pa.”
“Sorry, Jessie. Ayokong umasa ka. Wala akong maipapangako sa iyo. Mahal ko si Gabriel.”
Humarap si Jessie sa akin. Hinalikan ako sa noo. Tapos sa ilong. Natakot akong bumaba siya sa labi, pero hindi niya iyon itinuloy. Ang totoo, umasa ako. Pero mas okay na rin na hindi niya ginawa.
“Give me a week and I’ll make love me more.”
HINDI ko na matandaan ang huling beses na sumakay ako ng swing. Pero kung kailan man iyon, ang alam ko, uupo ako, hahawak sa dalawang chains sa gilid. Aatras. At saka iaangat ang mga paa. Doon ako magkakaroon ng buwelo para magpanggap na lumilipad, forward and backward. Hindi ko matandaang mayroong nagtutulak sa akin para mapanatili ang masarap na galaw.
Ngayon, nasa likuran ko si Gabriel. Malakas ang pagtulak niya, at gustong-gusto ko iyon. Hindi ko lang alam kung bakit pusturang-pustura siya sa playground. Ang ayos ng buhok niya—naka-wax paitaas. Brush-up. Nakasuot siya ng dark long-sleeves pero nakatupi ang mga manggas hanggang sa ibaba ng siko. Tama lang din ang luwag ng manggas para humapit ang kanyang braso. Maganda ang jeans niyang halos nakayakap sa kanyang mga binti. Brown leather shoes ang suot niya sa mga paa na kung sisilip ang medyas ay makikitang may pattern.
Pero lahat ng iyon, kulang kung wala ang kanyang ngiti.
At sa pagsilip ng kanyang ngipin, nakompleto na ang aking umaga.
Tuluy-tuloy ang pagtulak niya na nasasanay na ako sa haplos ng hangin sa aking mukha. Hanggang sa mapansin kong wala nang tumutulak. Bumagal ang paggalaw ko, hanggang sa biglang huminto. May pumigil. May lalaki sa likuran ko.
Hindi agad ako lumingon. Nakita ko ang kanyang mga paa. Wala siyang suot na sapin sa mga paa. Malaki at muscular ang kanyang mga binti at hita. Wala ring telang bumabalot doon. Tumalikod na ako at tumapat sa akin ang harapan na natatakpan ng maliit na swimming trunks. May kaunting buhok na sumisilip doon pataas sa kanyang abs. Alam ko kung kaninong abs ang mga ito. Pero bakit nakahubad si Jessie sa playground?
Itinulak uli ni Jessie ang swing. Na-enjoy kong muli ang hangin na tumatama sa aking katawan. Itinuloy ni Jessie ang pagtulak hanggang sa maramdaman ko na wala na namang tao sa likuran at unti-unting huminto ang swing. Tumayo ako at iniikot ang paningin. Nakita ko ang falls. May lumalangoy na lalaki na nakasuot lang ng puting briefs. Kahit na malamig ang gabi, sa ilalim ng bilog na buwan, hindi ako nagdalawang-isip na maghubad para sundan siya. Nag-dive ako sa falls. Pero masyadong malamig ang tubig. Naramdaman kong naninigas ang aking mga binti. Ang sakit. Pinupulikat ako. Hindi ko na nasundan ang lalaking lumalangoy. Lumulubog ako at pinipilit na umahon.
Pero pag-ahon ko, nasa itaas na ako ng building at sa kabilang building may isang lalaking naka-boxer shorts. Kailangan kong talunin ang kabilang building. Pero mataas, nakakalula. Sinubukan ko pa rin. Hindi ko alam kung saan galing ang tapang ko. Pero hindi ako nakaabot. Sa sobrang takot ko, dumilat ang aking mga mata. Nagising akong matindi ang kaba.
Tumingin ako sa orasan. Sa oras na iyon, alam kong male-late na ako. Agad akong bumangon, mabilis na naligo. Nagbihis. Pumunta ako sa second floor ng bahay, sa kwarto ni Jessie. Wala na siya. Agad akong bumaba sa kusina. Wala si Jessie. Lumabas na lang ako. Wala ang motorsiklo ni Jessie.
NAGLALABASAN na ang mga kaklase ko sa first subject nang dumating ako. Pumasok pa rin ako. Pero hindi ko na inabutan ang hinahanap ko. Wala pa rin si Jessie. Hayaan mo na nga siya. Siguro, sumuko na siya at tinigilan na ang pag-asa sa akin. Okay naman ako doon. Iyon naman ang gusto ko. Dumeretso na ako sa second subject ko. Kahit na patuloy ang professor sa pagtuturo, hindi mawala sa isip ko kung nasaan na si Jessie. Ang labo naman. Pero kailangan kong alisin si Jessie sa sistema ko. Kung ako nga, tinanggal na niya sa buhay niya. Panahon na para tanggalin ko siya sa akin. Iyon ang akala niya, tinanggal ko siya sa buhay ko. Iyon naman talaga. At oo, kinukumbinsi ko lang din ang sarili ko.
Kailangang mawala sa pag-iisip ko si Jessie. Hindi nakakatulong ang lesson. Hindi nakakatulong ang mga doodles ko sa notebook, na parang mata ni Jessie ang iginuguhit ko. Inilabas ko ang cell phone ko na nasa ilalim ng desk. Nag-text ako kay Gabriel.
Anong oras tapos mo?
Pagkalipas ng tatlong minuto ay wala pa rin siyang reply. Hindi siguro ako ang priority ni Gabriel sa oras na ito. Sabi kasi, kapag sa loob ng tatlong minute at nag-reply agad ang tine-text mo, sobrang interesado siya. Pero si Gabriel, baka busy sa class. Pero hindi na makatarungan ang thirty minutes. Wala pa rin siyang paramdam kaya nag-text uli ako.
Hey, Gab! Okay ka lang. Saan ka?
Wala pa ring reply.
Mas okay na ito. Si Gabriel na walang paramdam ang iniisip ko at hindi si Jessie.
Shit! Naisip ko na naman si Jessie.
Gab, okay ba tayo? May problema ba?
Wala pa ring reply.
“Please keep your phone when you are in my class,” sabi ng prof.
Kinabahan ako at agad na itinago ang cell phone ko. Mabuti na lang at nakita ko ang biglaang mga reaction ng mga kaklase ko. Parang hindi lang ako ang nagte-text. Natapos ang klase. Bago ko isara ang notebook ko, napansin ko ang nakasulat na pangalan ni Jessie. To be fair, nandoon din ang pangalan ni Gabriel. Isinara ko na ang notebook at inilagay sa bag.
Kinuha ko ang cell phone ko, umaasang may reply na si Gabriel. Hala! Wala talaga. Naglakad na ako palabas ng building. Lilinga-linga. Baka nandoon si Gabriel. O kung wala man si Gabriel, baka makita ko si Jessie. At hindi na siya magalit, saktan ang sarili, magdrama na naman na invisible siya. Pero wala rin akong nakitang Jessie.
Ay, bahala nga kayo. Malaki na ako. Nakapasok nga ako kaninang mag-isa, makakauwi rin akong mag-isa.
Nakalabas na ako ng building nang may marinig akong tunog ng paparating na kotse mula sa aking likuran. Huminto malapit sa akin. Finally. Tumalikod na ako para harapin si Gabriel. Para marinig ang paliwanag niya kung bakit hindi siya nagte-text. Kaya lang, may isang babaeng nagbukas ng pinto ng kotse. At hindi ito ang kotse ni Gabriel.
Wala talaga. Uuwi akong mag-isa.
Tumalikod ako. Itutuloy ko na ang lakad papunta sa sakayan pero napahinto ako. May lalaki sa harap ko. Naamoy ko ang kanyang bango at kilala ko na siya bago ko pa siya makita.
“Sorry, hindi kita naisabay kanina, may kinausap ako,” sabi ni Jessie. “Sakay na.”
Tumingin ako sa kotse. Parang hindi na darating si Gabriel kaya sumakay na ako sa motorsiklo ni Jessie. Kumapit ako sa katawan ni Jessie, ipinatong ang ulo ko sa likod niya. Iniisip ko kung bakit wala si Gabriel at kung bakit hindi siya nagpaparamdam. At naisip ko, finally, si Gabriel na ang iniisip ko. O dahil kasi nandito na si Jessie, kasama ko, kaya si Gabriel na ang iniisip ko.
Nasaan ka na ba kasi, Gabriel, at bakit hindi ka nagpaparamdam?
Papadilim na ang paligid. Medyo lumulubog na ang araw. Doon ko lang napansin, iba ang dinadaanan namin ni Jessie. Hindi kami papunta sa Parañaque. Parang papunta kami sa dati naming bahay sa Marikina. Pero hindi aabot doon. Dahil nag-iba na naman ng direksyon si Jessie. Sa sementeryo kami lumiko at sa isang mauseleo kami huminto. Pumasok doon si Jessie. Sumunod na lang ako.
May bagong mga bulaklak sa nitso. Hindi naman siguro tripper itong si Jessie at sa sementeryo ako dinala para mag-date. Wala naman siguro siyang pagkain sa motorsiklo niya. Hindi naman siguro ito candlelit dinner, kahit na may mga kandilang may sindi pa sa loob.
Pero maganda ang mauseleo. Kung hindi lang talaga ito mauseleo, puwedeng mag-date dito. Romantic din kung dito magpo-propose. Lalo kong nakita ang ganda ng mauseleo nang buksan ni Jessie ang chandelier. Granite ang buong paligid. At sa gitna ay may nitso na parang kitchen island. Sa likod nito, may isang krus na gawa sa marble. Ang kaputian nito ay kontra sa itim na granite. May floor to ceiling na mga bintana kung saan pumapasok ang liwanag. Dahil madilim na, buwan at mga streetlamps na ang source ng ilaw. May grills ang labas ng bawat bintana pero kita pa rin ang magagandang halaman na tumutubo sa mga garden pockets sa labas. Pero kahit sa loob, bawat sulok ay may bulaklak din. Sa harap ng lapida, may mga kandilang may sindi pa. Pero parang kalahating araw na iyong nasindihan.
Tahimik lang kami ni Jessie. Doon ko lang sinilip ang pangalan sa lapida. Kristina Reyes. At ang araw ng kapanganakan, ngayong araw. Muli kong tiningnan si Jessie na tahimik na nagdarasal. Pagkatapos niyang mag-sign of the cross ay tumingin siya sa akin at saka sa lapida.
“`Ma, si Alex po pala,” sabi ni Jessie. “Ang kaisa-isang lalaki... taong minahal ko higit sa inyo. Happy birthday po uli.”
Nagulat ako sa sinabi ni Jessie.
“Let’s go,” sabi ni Jessie sa akin.
Napatulala pa rin ako. Ang tagal niyang nagtitipid ng salita, tapos ito? Ano ito?
“Huwag ka sanang magagalit kasi…” bitin ni Jessie. “This will be my day one.”