noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 3

Ch. 4 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER THREE

MAY MGA taong may talent sa pag-alam kung bakla ang isang lalaki, kahit na ang lalaking tinutukoy ay hindi pa alam sa sarili na bakla siya. Isa ako sa mga lalaking iyon. Iyong hindi bakla. Hindi ako bakla. Sa pakikipagdebate sa sarili ko, nananalo pa rin ang paniniwala ko na lalaki pa rin ako. Siguro nga ay malamya akong kumilos, tahimik, may sariling mundo, pero hindi ako bakla.

Hindi pa rin ako nagkakaroon ng girlfriend. Hindi dahil sa hindi ako nagkakagusto sa babae. Hindi ko pa lang naiisip. Siguro sa estado ng puso, pwede akong ikumpara sa halaman. Oo, halaman na lang ako, walang kasarian, pwede ba `yon? Siguro, hindi ako matapang, hindi ako makalaban kay Jessie kapag binubugbog ako. Pero ibig sabihin niyon duwag ako. Hindi naman equivalent ang salitang duwag at bakla. Marami kayang matatapang na bakla at mga straight na duwag.

Iyon ang iniisip ko. Hanggang sa mag-alarm ang cell phone ko na nasa baso. Mas malakas nga ang alarm, tama iyong nakasulat sa Internet. Kaninang alas-singko pa ako gising, hindi lang makabangon dahil gusto ko pang matulog. Pero pinipigilan ko rin. Ayoko ng bangungot. Kagabi, nagising akong sumisigaw sa sahig ng CR. Akala ko, binabangungot lang ako. Pero nang makita ko ang paligid—at pagtayo—naramdaman ko ang sakit. Ngayon, kahit nasa sarili ko nang kama, naninigas pa rin ang katawan ko. Nagbalik na naman ang lahat ng takot.

Nag-alarm na kaya bumangon na ako. Tiningnan ko ang schedule ko. Biyernes ngayon kaya wala akong klase sa Arki. Maluwag ang mundo ko. Naligo ako, saka bumaba sa kitchen. Nakita ko ang note sa refrigerator. May almusal sa mesa. Love, Mama. Mabuti at wala siya at hindi ako nakita. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang pasa ko sa mukha. Mag-aalala siya gaya ng pag-aalala niya sa almusal ko. Kumain na ako. Pagkatapos ay naligo at nagbihis. Mas maayos na ngayon ang suot kong bagong T-shirt, maong, at sneakers. Ni-lock ko na ang bahay at ang gate. Tapos, naglakad ako palabas ng subdivision. May bumusina at humintong kotse sa tabi ko. Nagbaba ng bintana ang driver.

“Sakay na.”

Binilisan ko ang paglalakad. Ayoko sa lalaking nasa loob ng kotse.

“Alexander Miguel, sakay na,” pamimilit ng lalaki na muling pinaandar at kotse at sinabayan ako sa paglalakad.

Hindi ako nagpapilit. Huminto ang kotse. Dumarami na ang sasakyan sa likod ng kotseng sumusunod sa akin. Nagsisimula na ring dumami ang mga bumubusina. Lumingon ako. Ang sama na ng tingin ng mga kapitbahay namin.

“Alex, sumakay ka na diyan!”

“Halika na,” pamimilit uli ng lalaki.

Lumingon muna ako sa mga galit na driver, saka bumuntong-hininga bago binuksan ang pinto ng kotse at sumakay.

“Kumusta ang unang araw mo?”

Hindi ako nagsalita.

“Sabi ni Albert, mabilis ka naman daw naka-adjust. Parang high school lang din, `di ba?”

“Huwag po tayong magpanggap na ayos tayo?” sabi ko.

“Anak...”

“Bababa na po ako.”

“Hindi. Ihahatid na lang kita.”

Ang maganda lang sa mga nangyari ay umaga pa lang, sirang-sira na ang araw ko. Wala nang ikasisira pa. Kumbaga, nalampasan ko na ang pinakamasasama, quota na. Bukas na uli.

ISANG mahabang klase sa umaga ang pinasukan ko pagkahatid sa akin ng tatay ko. Parang high school pa rin talaga; magkakaklase pa rin kaming magkaka-block. Katabi ko pa rin sina Arvin at Jobielyn. Tanghalian na kami natapos. Pagkatapos kumain ay tatlong magkakadikit ang subjects namin. Sa College of Social Science and Philosophy naman. Hindi na siguro ako tatambangan ni Jessie. Marunong naman sigurong mag-spacing si Lord.

Kaya lang, parang mali ako. Hindi na-schedule ni Lord ang spacing sa problema ko. Naglalakad ako sa footpath sa likod ng building, papalabas ng maliit na gate papunta sa canteen, nang makita ko si Jessie. Nakatingin din siya sa akin. Bumuka ang bibig niya. Naningkit ang mga mata ko sa pagbasa ng sinasabi niya.

“Miss mo `ko?” pang-iinis niya.

Tumalikod na lang ako at naglakad pabalik sa loob ng building. Sa harap na ako lalabas, makaiwas lang. Pero may naririnig ako sa likuran ko na mga naabalang estudyante.

“Ano ba?”

“Mag-excuse me ka naman!”

Binilisan ko ang paglalakad at bahagyang lumingon. Napansin ko si Jessie na sinasangga ang kung sino-sino makahabol lang sa akin. Tumakbo na ako. Labasan na ng mga estudyante kaya mahirap akong mahanap. Umakyat na lang ako sa second floor para doon magtago. Dumeretso ako sa CR. Hindi ko alam kung bakit CR na naman ang naging salvation point ko. Pero nandito na ako. Pumasok ako sa isang cubicle at naupo. Kahit nakapahinga, sobra na naman ang kabog ng dibdib ko. Kasabay ng takot ko kay Jessie, hiningal ako sa pagtakbo. Ilang beses akong huminga nang malalim; kahit paano, napakalma ko ang sarili ko. Sana, lumabas siya ng building. At kapag nawala na ang mga tao, saka na lang ako lalabas. Pero narinig ko ang boses ni Jessie.

“Parang may batang nakikipaglaro ng taguan dito.”

Bumalik ang kaba ko. Napapikit na lang ako habang nanlalamig uli sa pawis mula sa pagod ng pagtakbo.

“Para mas masaya, magsisimula ako sa dulo. Kunwari, hindi ko alam na nasa unahan ang bata,” sabi ni Jessie.

Hindi ako makagalaw sa pagkakaupo. Naririnig ko ang lahat ng bagay sa paligid, hinihintay na ang pinto ko na ang susunod niyang sipain. Kailangan kong ayusin ang sarili ko. Muli, huminga ako nang malalim. Kailangan ng oxygen ng utak ko. Ilan pang buntong-hininga at nakaipon din ako ng tapang. Kung mabubugbog ako, simulan na. Hindi iyong ganitong pinapatay ko ang sarili ko sa takot. Lalaban ako. Naalala ko ang laki ni Jessie nang pitsarahan niya ako at suntukin sa tiyan. Halos maiangat niya ako mula sa lupa. Binalewala ko. Kahit mas maliit ako, basta makasuntok lang ako, ayos na. Basta lumaban ako.

Sinipa na ni Jessie ang huling cubicle bago ang pinagtataguan ko. Hinintay ko siya. Hanggang sa maramdaman ko na ang tao sa tapat ng cubicle ko. Hindi niya ito sinipa. Binuksan niya ito habang nakapaling pa ang mukha sa kausap.

“Boss, Ano’ng problema?”

“Sino ka?”

“College Rep po. Sinisira n’yo ang university property.”

Nasilip ko sa kapirasong awang ng pinto ang kausap na lalaki ni Jessie. Kahit profile pa lang, nakilala ko na si Gabriel. College Representatvie pala siya. Pero mabilis na natigil ang paghanga ko kay Gabriel. Nagbalik na siya at ililigtas na naman niya ako. Paano? Kaya ba niya si Jessie? Hindi ko kinaya ang sumunod na nangyari. Pumasok si Gabriel sa cubicle ko na parang hindi ako nakikita. Tumingin siya sa akin at inilagay ang hintuturo sa bibig. Quiet daw. Sumenyas pa siya, marahan akong pinapaalis sa toilet bowl na kinauupuan ko.

Sumunod ako. Marahan. Tahimik. Hindi ko alam ang plano niya. Malamang, hindi rin alam ni Jessie ang nangyayari. Ang trip niya ay gulatin ako sa cubicle. Pero ngayon, ang cubicle na inaakala niyang pinagtataguan ko, pinasok ng ibang tao. Maniniwala kaya si Jessie? Hindi ko alam.

Alam ni Gabriel kung paano gagawing convincing ang plano niya. Theater boy talaga. Lalong hindi ko kinaya nang ibaba ni Gabriel ang zipper ng pantalon niya, inilabas ang bagay na hindi ko tiningnan. May narinig akong talsik ng tubig sa toilet bowl. Umihi si Gabriel. Ang kumalma kong dibdib, kumaba uli. Lalo kong inilayo ang tingin sa kanyang bukas na pantalon.

Natapos si Gabriel. Nag-flush.

Lumakad palayo si Jessie. Naisip siguro niya na para siyang tanga na nagmo-monologue at nagsisisipa sa banyo na wala namang tao na natatakot sa kanya. Lumabas si Gabriel ng cubicle. Kalmado. Nakita niya si Jessie pero hindi pinansin. Naghugas ng mga kamay si Gabriel habang si Jessie, tuluyan nang lumabas.

“Binu-bully ka ba n’on?” sabi ni Gabriel.

“Huwag mong sasabihin kay Kuya, please?” sabi ko, saka lumabas ng cubicle.

“Okay,” sabi niya habang nagtutuyo ng mga kamay. “Sikreto mo ito. Hindi atin.”

“Salamat,” sabi ko.

“Let’s go, wala na `yon.”

Lumabas na rin ng CR si Gabriel.

Naghintay pa ako nang ilang sandali bago lumabas. Nanalamin muna ako. Namumutla pa rin ako. Hanggang sa maalala ko si Gabriel. Umihi siya kanina. Walang pakialam na nandoon ako. Naghilamos ako para mahimasmasan. Paglabas ng CR, may narinig akong sumitsit. Paglingon ko ay may nagsalita.

“Antagal mo do’n, ah. Kulang pa ba `yong college rep? Naghihintay ka pa ng ibang lalaki?”

Si Jessie. Hindi pala siya umalis at ngayon ay lalapit na naman sa akin. Unang paghakbang niya, tumakbo na ako. Natakasan ko siya. Pagbaba sa lobby, papalabas ng building, napansin kong nakapayong ang mga naglalakad. Talaga naman. Umuulan. Pinakamagandang pagkakataon para maghabulan. Nabangga ko ang mga nakatayo lang at nagpapatila ng ulan, ganoon din si Jessie na humahabol sa akin. Takbuhan kami hanggang sa sidewalk. May mga dumadaang sasakyan. Pagdating sa waiting shed, kung saan maraming tao, may humintong kotse. Bumaba ang bintana.

“Sakay!” sabi ni Gabriel.

Nakita ko si Jessie na papalapit na sa akin. Mabilis na akong sumakay sa kotse ni Gabriel. Napagod ako sa pagtakbo. Natakot ako kay Jessie. Nakasakay ako sa kotse. Katabi ko si Gabriel. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit ganito ang tibok ng puso ko? Kung fifty years old na ako, siguro ay inatake na ako sa puso.