noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 39

Ch. 40 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER THIRTY-NINE

NANINIWALA ako ag ang kaligayahan ay pinipili at hindi is ang bagay na dumarating. Kaya nagdesisyon ako; pupuntahan ko ang taong magpapasaya sa akin. Sana lang ay hindi pa huli ang lahat.

“Anong pupunta sa Baguio?” tanong ni Mama. “Gabing-gabi na. Mag-isip ka nga, Alex!”

“Kung hindi ko mahahabol si Gabriel, `Ma, hindi na siya babalik,” paliwanag ko.

“Babalik `yon. Kukuha `yon ng class cards, pipirma ng mga forms, at ga-graduate pa siya. Hindi `yon mamumundok para magrebelde. Nag-aaral pa rin siya. Anak, ha? Natatanga ka na sa love na `yan. Babalik pa si Gabriel.”

“Pero matagal pa `yon, `Ma,” sabi ko. “Makakalimutan niya ako.”

“Kung makakalimutan ka niya, hindi ka para sa kanya.”

“Binigyan ko na siya ng dahilan para isipin `yon, `Ma. Kailangan kong bawiin! Para pa rin kami sa isa’t isa.”

“Ang dami mong alam, `nak. Itulog mo na lang `yan. May pasok ka pa bukas. Mag-aral ka para makalimutan mo si Gabriel.”

“`Ma, parang awa mo na po…”

“Hoy, Alex!” Naging seryoso na si Mama. “Pinayagan ko kayong maglandian ni Gabriel dahil alam kong makakabuti sa pag-aaral mo. Pero kung ganyan na kayo—may pasok bukas `tapos nag-iinarte kayo—ay, Alex, hindi makatwiran `yan. Makakatikim kayo sa akin.”

Napahinga na lang ako nang malalim. Naiintindihan ko si Mama. Suportado niya ako mula umpisa. Ngayon lang siya tumutol. Kalabisan kung magpipilit ako sa kanya. Ako lang ang makakasolusyon dito. Pero paano?

Pumasok ako sa kwarto ko at tumitig sa cell phone ko. Walang message galing kay Gabriel. mensahe. Pareho kami ng cell phone ko—bumubukas pa pero wala namang buhay. Wala akong magagawa. Wala akong pera. Wala akong paraan para makasunod kay Gabriel.

Noon ko napansin ang patong-patong na mga plates na pina-frame ni Jessie. Tama si Jessie. Matutulungan niya ako. Lumabas ako ng kwarto. Nasa garahe ang motorsiklo ni Jessie. Nakasabit lang naman doon ang susi. Napakakapal na talaga ng mukha ko sa naiisip kong gawin. Pero may mga option pa ba ako? Maiintindihan naman ako ni Jessie.

Ayos na sana ang plano. Kaya lang, pagdating ko sa garahe ay nakaharang doon si Mama.

“Ano, hindi ka magpapapigil sa akin?” tanong niya. “Kakapalan na `yan ng mukha. Mangka-carnap ng motor ng isang lalaki para puntahan ang isang lalaki mo?”

“Hindi naman sa gano’n, `Ma. Hihingi lang ako ng tulong. Kaibigan ko pa rin naman si Jessie.”

“Ilalaban mo talaga `yan, Alex?”

Hindi ako nakasagot. Napayuko na lang ako sa kahihiyan.

“Gustong-gusto mo ba talaga `yan, ha, Alex? Iyan na lang ba talaga ang source ng kaligayahan mo? Wala nang iba? Final na?”

“Opo,” mahinang sagot ko. “Sorry po, `Ma. Hindi ko naman inakalang aabot sa ganito. Wala `to sa plano. Kaya naman naming isabay sa pag-aaral ang relasyon namin.” Natigilan ako. May kung anong kurot sa dibdib ang naglagay ng luha sa aking mga mata. Tumulo. Lumapit sa akin si Mama at pinahid ang mga luha ko. “May problema lang. Pero maaayos naming `to, `Ma. Huwag kang mag-alala, hindi ko pa rin pababayaan ang pag-aaral ko.”

Nakatitig lang si Mama sa akin, habang nakahawak pa rin sa aking pisngi ang isa niyang kamay. Hindi ko na naiangat ang ulo ko. Maybe I failed. I failed myself. I failed Gabriel. And now, I’m failing Mama.

“Sorry po, `Ma,” sabi ko sabay yakap sa kanya.

Bumuntong-hininga si Mama. “O, siya, sige na.”

Nabuhayan ako ng loob. Agad akong bumitaw kay Mama at tumingin sa kanya. Ngumiti si Mama. Iyon na ang sign ko at tumakbo ako papunta sa garahe. Pero hindi pa rin ako nakatuloy. Nahawakan ni Mama ang damit ko at hinila niya ako paharap sa kanya.

“Pinayagan lang kitang lumandi uli, pero hindi mamatay,” sabi niya. “Naturuan ka lang mag-motor, feeling mo kaya mo na `yang dalhin sa kalsada.”

Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin.

“Hala, sige, sunod sa akin. Ihahatid kita.”

“Talaga, `Ma?”

“Oo!”

“Promise?”

“Oo nga,” sabi ni Mama. “Promise, cross my heart, hope to die, final answer. Come on. Bago magbago isip ko.”

Yumakap uli ako kay Mama. “I love you, `Ma!”

“I love you, too,” sabi niya na parang wala namang emosyon at nangangaral pa. “Basta ang pag-aaral, huwag pababayaan, ha?”

“Opo,” sagot ko.

“Saan ba sa Baguio nagpunta si Gabriel?”

“Sa Batad po.”

“Luka-luka ka. Hindi `yon Baguio. Almost Sagada na `yon. Banaue! Hagdan-hagdang palayan. Bawal ang bakla do’n, salot sa pananim!”

DAHIL sa promise, sa cross my heart hope to die, kahit nadagdagan ng ilang oras at ilang milya ang biyahe mula Baguio ay tumuloy pa rin kami ni Mama. Madilim na ang kalsada. Sapat lang ang mga ilaw ng mga poste para sa liwanag. Pero minsan, hindi na rin iyon sapat. Ilaw na lang kasi ng kotse namin ang nagpapakita sa amin ng daan. Pero kasabay niyon, sa itaas namin, sa gitna ng kalsadang napapagitnaan ng mga bukirin ay ang kalangitan.

Ang daming bituin. At sa pagtitig ko, kasabay ng isang bulalakaw na dumaan, hindi na ako nakahiling. Ambilis, eh. Sana pala gumawa na rin ako ng script para sa mga wishing devices na ganito. Napangiti na lang ako.

Malamig ang hangin. Mas pinili ni Mama na huwag nang mag-aircon dahil wala na kami sa mausok na Maynila. Iba ang amoy ng simoy ng hangin sa aming dinaraanan. Lahat ng iyon, nakakagaan ng pakiramdam, pero nakakabigat ng mga mata.

Ginising ako ni Mama para tanuningin kung ano ang gusto kong breakfast. Nasa drive thru kami. Hamdesal at Kape na lang ang in-order ko. Sa kotse na rin kami kumain.

“Okay din pala ito, `no, `nak?” sabi ni Mama. “Nakakapag-bonding tayo. Tinutulugan mo nga lang ako, pero okay na rin. Miss ko na rin ang long drive.”

“Talaga, `Ma? Nakapag-long drive na kayo dati?”

“Oo naman, `no. Made in Baguio ka kaya, at ako ang nag-drive sa amin ng tatay mo. Kotse nga lang niya. At siya ang nagturo sa aking magmaneho.”

May kung anong feels sa puso ko ang kwentong ito ni Mama. May naalala ako, pero kinalimutan ko. Hindi na ako pwedeng magpahadlang pa kay Jessie. Papunta na ako kay Gabriel.

Maliwanag na nang makarating kami sa Banaue. Nagtanong kami sa mga tao roon tungkol sa posibleng kinaroroonan ni Gabriel. Mas madali sana kung sinasagot ni Gabriel ang mga tawag ko. Pero parang desidido siyang hindi na ako makita.

Sa local government na kami nakakuha ng information. Apparently, marami ring mga estudyante ang nagpupunta sa Banaue at interesado sa kultura ng mga tagarito. Nang i-describe ko si Gabriel, kilala nila pero hindi nila alam kung dumaan doon. Malamang daw kasi, dumeretso na si Gabriel sa community na inaaral niya. Nakakuha na kasi siya ng permit dati pa.

Sumama sa amin ang isang local tour guide. “Ronaldo” ang pangalan. Tama lang ang taas, kayumanggi at kulot ang buhok na mahaba para sa isang lalaki. Kilala rin ni Ronaldo si Gabriel at siya na raw ang maghahatid sa akin. Gusto ko nang sumugod pero nagpigil si Mama.

“Ay, puro puso, wala nang sikmura?” sabi ni Mama. “Kain muna tayo.”

Isang oras na biyahe pa bago makarating sa Batad mula sa Banaue. Hanggang sa isang lugar lang ang pwedeng abutin niyon. Kailangan nang mag-trekking at tumawid ng bundok at ilog. Tama si Mama, ikagugutom namin iyon. Kaya dinala kami ni Kuya Ronaldo sa isang kainan. Maraming tindang putahe pero wala akong ganang kumain. Si Mama, sinubukan ang mga pagkaing dito lang niya nakita.

“Iuuwi kita, kumain ka,” sabi ni Mama.

Ayoko pang umuwi. Kaya itinuro ko na lang ang safe na kainin. Pansit.

Habang kumakain, naging pamilyar ang lasa ng pansit. Ito ang gusto kong lasa. Napadalas ang subo ko hanggang sa maalala ko kung kailan ko huling natikman.... Napatigil ako. Napainom ng tubig. Busog na ako. Hindi ito pwede. Pero patuloy pa rin si Mama sa pagkain hanggang sa kailanganin na niyang tumigil.

“CR lang ako, ha? Ang sarap ng mga pagkain, pero parang hindi kaya ng tiyan ko,” sabi ni Mama saka tumayo.

Naiwan akong nag-iisip. Kailangan ko nang mahanap si Gabriel, pero paano? Naputol ang pag-iisip ko nang marinig kong sumigaw si Mama at tinatawag ako. Agad akong pumunta sa CR. Sumunod din ang tour guide. Naabutan namin si Mama sa sahig ng banyo. Nadulas. Iniangat ko si Mama. Tumayo siya, pero nahirapan.

“Anak, Alex, ang paa ko… Nagkamali ako ng tapak… Ang sakit,” sabi ni Mama.

“Ano’ng nangyari?” tanong ko.

“Alam mo namang ayokong umuupo sa hindi natin CR. Pagtapak ko, nadulas.”

“Hala naman, `Ma,” sabi ko. “Paano natin mahahabol si Gabriel?”

“Kaya `yan, anak. `Pahinga lang tayo sandali. Kaya ko `to.” Sinubukan uling tumayo ni Mama pero hindi niya kaya. “Akin na ang bag ko. Magpatulong na tayo saTito Papa mo.” Iniabot ko sa kanya ang bag. Pagkakuha niya sa bag ay agad niyang nilabas ang kanyang cell phone at nakitang maraming Missed calls mula kay Tito Papa. “Wait, teka, hindi pala tayo nakapagpaalam! Lagot na!”

Agad na tumawag si Mama kay Tito Papa. Mahaba ang paliwanag ni Mama, pero nang marinig ko ang “I love you” niya, alam kong under her spell na naman ang ste dad ko. Good job.

Naiba lang ang timpla ng sitwasyon nang mapasigaw si Mama.

“Airport?” sabi ni Mama.

“Airport?” sabi ko.

Nagkatinginan kami.

“Ano’ng gagawin mo sa airport?” tanong ni Mama.

Kahit na nag-aalala ako sa paa ni Mama, napaisip ako kung ano ang pinag-uusapan nila.

“Umalis si Jessie,” sabi ni Mama. “Hindi nagpaalam kay Raul. Baka tumuloy na sa Australia.”

“Bakit siya pupunta sa Australia?” tanong ko.

“Baka nakapagdesisyon na siya, anak. Hindi na niya siguro kaya ang nararamdaman niya sa iyo.”

“Ano’ng alam n’yo sa pagdedesisyon niya?” tanong ko. May alam kaya siya sa sinabi sa akin ni Tito Papa?

“Ay, hindi ko alam,” sabi ni Mama. “Ang alam ko lang, nag-usap na sila. Kung kailangang lumayo ni Jessie, lumayo siya. Kaya nga ipinaalam niya sa akin na sana, makapag-bonding muna kayo bago siya umalis.”

“Pero hindi pa kami tapos, umalis na agad siya?” sabi ko.

“Paanong hindi pa tapos?” tanong ni Mama. “Mayroon ba kayong nasimulan?”

Hindi ako nakasagot.

“Hindi ko alam sa `yo, ha?” sabi ni Mama. “Kung makatahimik ka, as if naman meron nga.”

Wala pa rin akong imik.

“Ay, ang labo mo, `nak. Inakyat natin ang kabundukan para sa Gabriel mo, `tapos may kung ano pa rin palang tumitibok diyan para sa stepbrother mo.”

Umiling ako. “Wala po, `Ma,” sabi ko.

“Dapat lang. Kasi ang gulo-gulo mo na. Mahihiya sa `yo ang hindi na-trim na pubies.”

Hindi uli ako nakaimik.

“Well, mabuti na rin na nakaalis na si Je-Ar. Masasaktan lang iyon kapag nakitang pinili mo na si Gabriel.”

“Masyado ko ba siyang nasaktan?” tanong ko.

“Hindi ako manghuhula, Alex. Nararamdaman niya `yon, hindi ko `yon alam. Pero kung nagi-guilty ka, malamang sa hindi.”

Hindi na naman ako nakasagot.

Lumipat si Mama sa tabi ko at umakbay sa akin. “Kung anuman ang nararamdaman ni Je-Ar, hayaan mo na. Huwag mo nang isipin. Malilito ka lang. Nagdesisyon na siya. At nagdesisyon ka na rin, `di ba? Si Gabriel ang kaligayahan mo. Habulin mo na siya.”

“Opo,” sabi ko.

“Anong opo? Go na, sige na. Ako na muna dito.”

“Papayagan po ninyo akong mag-isa?” Na-excite ako.

“Hahadlangan ko ba ng pilay ko ang happiness mo? Hindi naman ako mapapag-trek nang ganito ang paa ko.”

“`Wag kang mag-alala, `Ma. Kaya ko naman ang sarili ko.”

Bumaling si Mama sa tour guide. “Ronaldo, huwag mong pababayaan ang anak ko. Ako na’ng bahala sa iyo pagbalik n’yo.”

“Wala pong problema,” sabi ni Kuya Ronaldo.

“Okay, just keep your phone open, anak,” sabi ni Mama, sabay kuha ng powerbank sa bag niya. “May charger naman ako, sa iyo na `to.”

Agad akong lumabas. Sabi ni Kuya Ronaldo, may oras ang mga jeep na dumadaan at wala na kami sa schedule. Tricycle na ang sinakyan ko. May-kamahalan nga lang. Pero ano naman ang mahal na pamasahe kung para naman sa pagmamahal ko?

Mabilis ang tricycle. At may sounds pa. Okay din ito.

“Boss, kaunti na lang, Saddle na,” sabi ni Manong Driver sa matigas na accent. Parang hinasa niya ang sarili para sa Tagalog. “Doon na po kayo magsisimulang maglakad para doon sa sinasabi ninyong pupuntahan n’yo.”

“Salamat po,” sabi ko.

Kaunti na lang, mayayakap ko na uli si Gabriel. Matatanggal na niya ang lamig na bumabalot sa akin, hindi lang dahil sa taas ng lugar na ito, kundi dahil sa tagal ng pagkakalayo ko sa kanya. At habang iniisip ko kung ano ang magiging reaksiyon ni Gabriel kapag nakita ako, nagpalit ng tugtog ang radyo. Pamilyar ang kanta, pero hindi para sa amin ni Gabriel. At kahit mag-isa ako, may naramdaman akong init.

Said all I want from you is to see you tomorrow.

Nagpaulit-ulit ang kantang iyon sa isip ko. Kahit pilitin kong palitan ng Sa Kabukiran , o ng Sa Bukid Walang Papel , o Paru-Parong Bukid , wala. Dumating kami sa Batad ng tour guide ko. Nakausap din namin ang local leader sa Batad, at sinabi ngang dumaan na roon si Gabriel.

Agad kaming lumabas para magsimula na ng trekking. Kung saan, hindi ko alam. Iaasa ko na lang sa tour guide ang daan. At kung hindi siya, hindi naman siguro ako bibiguin ng puso ko.

Inihanda ko na ang sarili ko sa pagod. Pero hindi ko pa man nararamdaman, parang napawi na ito nang makita ko ang tanawin. Kaya pala ito dinarayo ng mga turista. Kaya pala ito iniingatan ng bansa. Ang hagdan-hagdan palayan. Napakaganda. Walang katapusang mga bundok na ginuhitan ng mga luntiang pilapil. Sa malayo ay para talagang mga steps ang mga ito, na kahit hindi pantay-pantay, napakaperpekto ng pagkakagawa.

May ilang pulu-pulong bahay din na umuusbong sa parang luntiang karagatan na may hindi gumagalaw na alon. At sa pagitan ng mga luntiang linya ay ang asul na langit na nananalamin sa lupa. Nagmadali akong bumaba sa mga minsan ay luntian, minsan ay putikang taniman. At sa gitna ng pinagmamalaking wonder of the world, nakita kong naglalakad papalapit sa isang hanging bridge ang lalaking nagbigay ng wonder sa puso ko.

“Gab!” sigaw ko. Napalakas ang sigaw ko. May kaunting alingawngaw. At kasabay niyon ang pagtigil ng mga tao sa kanilang ginagawa para lang lingunin ako. Napahiya ako nang kaunti. Sa pagtigil ko, muling bumalik sa kanilang gawain ang mga naabala ko. Maliban kay Gabriel. Hindi siya tumuloy sa paglalakad sa patutunguhan niya. Nagsimula siyang maglakad para salubungin ako.

Ako naman, hindi na nagpapigil. Binilisan ko ang pagkilos para mapalapit sa kanya.

Unti-unti kong napansin ang kasabikan din ni Gabriel na makita ako. Ang mga lakad niya ay naging takbo na. At sa mga pilapil at baitang ng hagdan-hagdan palayan, doon ko siya agad na niyakap.

“Gab,” sabi ko. “Sorry. Ikaw ang pinili ko. Ikaw ang lagi kong pipiliin.”

Yumakap din sa akin si Gabriel. “I know, thanks,” sabi niya. “But you don’t have to go here to tell me that. You’ve told me that so many times, I lost count.”

“Pero kailangan ko,” sabi ko, hindi bumibitaw sa pagkakayakap. “Baka makalimutan mo. Kailangan kong ipaalala lagi sa iyo.”

Humigpit ang pagkakayakap ni Gabriel bago niya ako binitawan. Ako rin naman ay bumitaw.

“Hinabol kita agad kahit sinabi mong paalis ka na,” sabi ko. “`Buti naabutan pa kita. Ipinag-drive ako ni Mama. Nagpaiwan na si Mama sa Banaue…”

“Your Mama is so sweet,” sabi ni Gabriel. “I left early because I took the bus. And I had the long way. I want to think things through. And that would be very dangerous if i preferred to drive.”

“Isa ba ako sa mga iniisip mo?” tanong ko.

“You’re not isa sa mga,” sabi ni Gabriel. “It was just you. And the things you do to me.” Napahinto siya. “And to Jessie,” tuloy niya.

Napatikom ang bibig ko. Ang tour guide na ang bumasag ng katahimikan.

“Gab-gab, una na ako,” paalam ng tour guide.

“Salamat, Kuya Ron,” sabi ni Gabriel. “Ako na ang bahala kay Alex. Pakisabi na lang sa mama niya, Alex is safe at kasama na niya ako.”

“Okay po, Boss,” sabi ni Kuya Ronaldo.

“Thank you, Kuya Ronaldo,” sabi ni Gabriel.

Hindi kami nagsalita pagkaalis ng tour guide. Hindi ko alam kung ano ang pag-uusapan. Ayoko namang balikan ang naiwang awkward moment. Ano? Itutuloy na lang ang awkwardness? Si Gabriel na ang unang nagsalita.

“I’m more than happy that you are here, Alex. But don’t get me wrong, I have to meet my community here. You can join me if you want, but I will be a little busy. You have other plans ba?”

“Siyempre...” sabi ko na hindi alam ang iba pang sasabihin. “`Yong samahan ka. Magpaka-busy ka lang . Panonoorin lang kita. Okay lang ako. Basta kasama ka.”

“That’s nice.”

Ang inaakala kong lamig na mawawala pagkakita kay Gabriel ay nanatili. Hindi ko alam kung dahil talaga ito sa klima ng lugar. O dahil sa turing sa akin ni Gabriel. Hindi ko na iyon inisip. Hinawakan ko ang kamay ni Gabriel. Kahit paano, may init akong naramdaman lalo na’t humigpit ang kapit niya sa kamay ko.

Nagsimula na kaming maglakad. Hanggang sa makita ko ang tulay. Ang hanging bridge na dapat sana ay tatawirin na ni Gabriel kung hindi ko siya tinawag. Inisip ko kung kaya ko itong tawirin. Pinagmasdan ko ang tulay. May-kahabaan ang tulay, at lalo pang nagmukhang mahaba dahil sa kakitiran. Gawa sa bakal ang frame. At may mga taling bakal pa na sumusuporta. Ang sahig naman, bakal din, pero butas-butas, kita ang taas ng babagsakan kapag nahulog ka. Dahil nasa bundok, habang papalapit sa gitna ng tulay, lalong papalalim ang matatanaw sa ibaba.

“Hindi ba pwedeng bumaba na lang tayo, `tapos, umakyat na lang tayo sa kabilang bundok?” tanong ko.

“That’s a very long way,” sabi ni Gabriel. “Don’t worry, I’ll just be by your side.”

Mabuti na lang at hawak ko ang kamay ni Gabriel. Humigpit pang lalo ang hawak ko sa kanya. Hindi ko alam kung dahil sa kaba, o dahil matagal ko ring hinintay na mahawakan ang kamay niya. May kung anong naramdaman ako sa paa ko, paakyat sa sikmura at doon ay umikot. Ito na iyong moment na “I’ll cross the brigde when I get there.” Totoong bridge ito. Paano ko ito tatawirin? Kailangan kong samahan si Gabriel kung saan man siya pupunta. Kung ano-ano nal ang ang inisip ko para makalimutan ang pagkalula.

Nagsimula kaming lumakad. Mabagal at nakatingala. Masasabing naninigas ang mga paa ko sa bawat paghakbang.

“The indigenous people here has somehow maintained their culture,” sabi ni Gabriel. At nagpatuloy siya ng kung ano-anong trivia sa lugar na inaaral niya. Sinusubukan kong makinig, pero walang pumapasok sa isip ko. Napansin iyon ni Gabriel. Kaya binago niya ang usapan. “Has Jessie left?” tanong niya. “Or is he still waiting till today ends?”

Nag-iba ang dahilan ng aking kaba. “Bakit mo naman biglang naisip si Jessie? Wala na siya. Hindi na tayo dapat maabala pa, kahit ng pangalan niya.”

“You need to be occupied,” sabi ni Gabriel. “Apparently, my hand isn’t enough to take your fear away. You’re still shaking. Maybe we need to keep your mind...”

“Ang dami mong sinasabi,” sabi ko.

Napangiti kami pareho. Pero ako, natakot sa pagkakasabi ni Gabriel ng pangalan ni Jessie. Wish ko lang na hindi niya iyon napansin. Kaya inalis ko na lang din sa isip ko. At sa pagkawala ng thought ni Jessie, pumalit ang thought ng tulay. Hindi ko namalayan, ilang hakbang na lang kami bago ang dulo ng tulay. At doon bumalik ang kaba dahil higit pa sa taas nito, namali ng tapak ang paa ko at muntik na akong madapa.

Sinalo ako si Gabriel.

“Salamat,” sabi ko. “Lagi mo akong nasasalo.”

“I know. That’s why you thought you were falling.”

“Ha?” Narinig ko naman talaga ang sinabi niya. Hindi ko lang naintindihan.

“Don’t look down,” sabi ni Gabriel na binago ang usapan na may kasamang ngiti. “Just look into my eyes.”

Iyon nga ang ginawa ko. Pero ayaw maalis ng kaba.

“Okay,” sabi ni Gabriel. “Look into my eyes and tell me something, anything, just talk.”

“Umalis na si Jessie,” sabi ko. Hindi ko alam kung bakit sa gitna ng kaba, ng takot, ng lahat ng nararamdaman ko, iyon ang naisip kong sabihin. Kasasabi ko lang na ayoko nang makasagabal sa amin si Jessie.

“Is that why you are here? Or is it you’re here that’s why he left?” tanong ni Gabriel na napatigil din sa paghakbang.

“Hindi ko alam,” sagot ko. “At hindi na mahalaga. Kasi, ikaw na ang kasama ko.”

Nanatili kaming nakatayo at noon ko napansin na wala na kami sa tulay. Natawid na namin. At natawid na rin ang problema namin ni Gabriel.

“Sorry, I left without telling,” sabi niya. “I was hurt. No need to lie. I can see you falling for Jessie.”

“Hindi,” sagot ko.

“I said there is no need to lie.”

“Gusto mo `yong hindi lie? Nagkasundo kayo nang wala akong kaalam-alam. Ipinamigay mo ako nang wala akong kamuwang-muwang. Oo, hindi ko mapigilang mapagbigyan siya sa mga ginagawa niya. Nasa iisang bahay kami. Siya ang naghahatid-sundo sa akin.” Napahinto ako para huminga. “Hindi ako masamang tao para hindi magpasalamat o tumanaw ng hiya sa mga ginagawa niya para sa akin. Pero iyon lang `yon! Ngayon, wala na siya. Nasa Australia na siya. Kahit sa tatay niya, hindi nagpaalam. Kakalimutan na niya ako. Kakalimutan ko na rin siya. Wala ka nang pagseselosan.”

“Thank you for choosing me between your options,” sabi ni Gabriel.

“Hindi kita option,” sabi ko. “Hindi ko alam na nakaalis na si Jessie nang umalis kami ni Mama sa Maynila. Walang kinalaman ang pag-alis ni Jessie sa pagpunta ko sa iyo dito.”

“Then what made you decide to go here?”

“Dahil hinalikan ako ni Jessie,” sabi ko.

“This isn’t the first time,” sabi ni Gabriel.

“Ikaw kasi dapat ang humahalik sa akin at hindi siya.”

Doon humarap si Gabriel sa akin. Nagulat ako sa kanyang pagkakatitig. Unti-unting lumapit ang mukha niya sa mukha ko. Ang bibig niya sa bibig ko. Naramdaman ko ang kanyang paghinga. Naramdaman ko ang tibok ng puso niya. Naramdaman ko ang galaw ng mga labi niya. Hindi ko dapat iyon nararamdaman. Hindi ko kasi nasasabayan. May ibang tumatakbo sa isip ko. Tumigil na rin si Gabriel sa paghalik sa mga labi ko. Inilayo niya ang kanyang mukha hanggang sa magkaharap na lang kami.

Napahiya ako.

Si Gabriel na lang ang nag-alis ng nararamdaman ko. Ngumiti siya. “It’s okay,” sabi niya. “You don’t feel my kisses anymore. And it’s okay.”

“Hindi naman sa gano’n,” depensa ko.

“If it’s not sa gano’n, then ano?”

Bigla na lang, hindi ko alam ang isasagot. Napatitig na lang ako sa mga mata ni Gabriel na nagtatanong.

“Do you know that it pains me every time you tell me that he kissed you?” patuloy ni Gabriel. “You should have known that by now, and yet, you keep on telling me. For what? Para sugurin ko siya at awayin? Or for me to show you that I can still kiss you better than he does?”

“Ayoko lang na may hindi sinasabi sa iyo,” sagot ko. “Hindi kita gustong saktan. Gusto ko lang na magpaka-honest.”

“Who do you wanna be honest to, to me or to yourself?” tanong ni Gabriel. “Telling me he kissed you doesn’t take away the taste of his lips in your mouth. And the truth that you want that taste more than you like mine.”

“Sorry,” singit ko. “Pero...”

“You don’t have to be sorry, Alex. After all, you owe me nothing. Wala kang kailangang tanawing hiya. I will never look at you bilang masamang tao. I just saved you from Jessie before. But now, Jessie has to save you from me. Because I can never make you happy as he can. Because he is the one you really love.”

“Ikaw ang mahal ko, Gabriel,” sabi ko. Ang totoo, kahit ako, sa pagkakataong ito, nagdududa na.

“Alex enough!” Nagtaas na ng boses si Gabriel.

Hindi ko na iyon natutulan. Dahil ang pagdududa ko ay lumilinaw na sa akin. Oo, tinatanggap ko na. Pinagdududahan ko na ang nararamdaman ko kay Gabriel. Oo, gusto ko ang halik ni Jessie. Mas gusto ko na. Hinahanap ko na. Masama na ba ako?

“Sorry, Gabriel,” sabi ko. Nakikita ko ang sakit sa mga mata niya. Nakikita kong alam na niya ang pagdududa ko sa nararamdaman ko para sa kanya. Hindi ko alam kung paano aalisin ang sakit na iyon. Sa dahilang iyon, kahit ako ay nasasaktan. Hinawakan ko na lang ang kanyang kamay. Walang lakas ang pagkakabagsak ng mga iyon, pero may panginginig na kasama. Nakayuko akong humingi uli ng tawad. Kapag nakasakit naman, iyon lang ang pwedeng gawin. HIndi ko naman matatanggal ang sakit na nagawa ko sa kanya. “Sorry,” sabi ko.

“It’s okay,” sabi ni Gabriel. “We both knew it. Jessie and I. That’s why I left. I was always there to catch you and that confuses you, making you think that you are still falling. But you are not. I mean, yes you are still, but no longer for me.”

Hindi ako nakapagsalita. Iniisip ko ang sinasabi niya. Gusto ko pang itanong—magtanga-tangahan—kung sino ba ang tinutukoy niya. Pero sinagot na rin niya.

“But for Jessie,” sabi ni Gabriel.

Umiling ako nang marahan. Gusto kong tumutol. Pero hindi tumawid ang mensahe. At kahit nakatingin ako sa mga kamay namin, alam kong may luha na siya sa kanyang mga mata.

“You keep holding on the fact that he hurt you, he bullied you, he broke you,” patuloy ni Gabriel. “But the truth is, you changed him, and I know, Alex, that when you realized that, you learned to love him more that you hate him. You learned to love him more than you love me. And I couldn’t tell that to your face, because I don’t want you to feel that I am pushing you away. I don’t want you to hate me, too. I don’t want to lose you that way. I am still your soulmate...” Napatigil siya sandali. “And so is Jessie. And he is your better soulmate.”

Humigpit ang pagkakahawak ko sa kamay ni Gabriel. Humigpit din ang pagkakahawak niya. Pumatak na lang ang mga luha ko pabagsak sa mga pilapil na aming tinutuntungan. At nakita ko ang mga luha ni Gabriel, bumabagsak na rin sa aming paanan. Binitawan niya ang kamay ko at hinawakan ang aking mukha. Itinaas niya ito at tinitigan ako sa mga mata.

“Don’t be afraid to fall for him,” sabi ni Gabriel. “I’m setting you free.”

“I’m sorry, Gabriel,” sabi ko. Alam kong makapal ang mukha ko. Pero hindi ko napigilan. Niyakap ko si Gabriel.

“It’s okay, Alex.”

“Salamat.”

Salamat at malaya na ako. Hindi si Gabriel ang magpapasaya sa akin, tama siya. Si Jessie. Napakasaya ko sa mga huling araw na nakasama ko si Jessie. Pinipilit ko pang hindi tanggapin ang pagmamahal na ibinibigay niya. Niloko ko ang sarili ko. Sinaktan ko siya. Kailangan kong makausap si Jessie.

“I’m sorry, Alex, but I have to go,” paalam ni Gabriel. “People are waiting for me.”

Ngumiti lang ako.

“You want me to help you cross the bridge back?”

“Hindi na. Salamat na lang,” sagot ko.

Pinilit kong magmukhang matatag, buo, kahit durog na durog ako sa loob. Gusto ko pang magpasama pabalik pero hindi na. Baka pareho pa kaming malito. Kapag nagsama pa kami ng kahit isang segundo, maliligaw na naman ang kaligayahan namin sa isa’t isa. At ligaw iyon na ang kalalabasan ay paulit-ulit lang na ganito. Iba na ang aming kaligayahan. At naniniwala ako na ang kaligayahan ay pinipili at hindi isang bagay na dumarating, kaya nagdesisyon ako. Pupuntahan ko si Jessie, ang taong magpapasaya sa akin.

Pero nasaan siya? Paano ko siya makikita kung nasa Australia na siya?

Sana lang ay hindi pa huli ang lahat.