noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 23

Ch. 24 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER TWENTY-THREE

“N OONG una, kamao ni Jessie ang madalas na naghe-hello sa mukha ko. Pero ngayon, iyong lips na niya ang gustong tumambay sa lips ko,” kwento ko kay Sir Cabalfin. Consultation na lang kami para sa final plate. Nagpahuli ako para maka-extra ng kuwentuhan. Wala naman akong ibang masabihan. Alam na siguro nina Mama at Kuya ang pagkatao ko, pero hindi ko pa kayang ipagsigawan ang nararanasan ko.

“Hindi pa huli ang lahat. Pwede pang ma-expel si Jessie sa pambu-bully niya sa `yo,” sagot niya.

Kay Sir Cabalfin ko lang kayang sabihin ang lahat ng ginagawa sa akin ni Jessie—mula sa suntok hanggang halik. Mula sa unang sigaw na, “Gago ka, pak u .” Hanggang sa sabay niyang pagbigkas kay Gabriel ng “I love you, too.” Kay Sir Cabalfin ko lang inamin ang mga bangungot ko. Kung paanong ang mga suspense thriller na panaginip ko na si Jessie ang kontrabida, pinawi ni Gabriel at pinalitan ng magagandang gising. At nang bumalik si Jessie, naging mahirap na uli sa akin ang matulog. Kailangan kong maintindihan si Jessie. Hindi sapat ang pagdating ni Gabriel.

“Sir, `wag na po. Maraming magugulo,” sagot ko.

“Hindi pwede. Witititit keri. Dapat, may makaalam pa niyan. Dapat, malaman `yan ng nanay mo. Nakikisali pa `yong tatay. Nakakaloka.”

“Kaya ko naman po, Sir. Masaya na si Mama kay Tito Raul. Matagal siyang nagtiis para sa akin. Ngayon lang siya naging gano’n kasaya. Ayoko nang alisin sa kanya `yon. Kahit ako naman ang magtiis.”

“Cherry Pie, ikaw ba `yan? Ulirang ina awardee?”

“Sir naman, eh. Umo-okay naman na siya. Hindi na niya ako sinasaktan.”

“Oo, pinagnanasaan na lang,” sabi ni Sir.

Hindi ako nakaimik.

“Ay, bet mo?” pansin ni Sir.

“Hindi naman sa bet, Sir. Pero gusto ko po ang nangyayari ngayon.”

Tumaas ang isang kilay ni Sir.

“Masama po ba ako, Sir? Gusto ko po kasing gamitin `yong mga ginagawa niya sa akin ngayon against him.”

“Uy, uma-against him ka na, ha?” sagot ni Sir Cabalfin. “Expound, anong evil plan ba ang naiisip ng isang newly annointed scheming bitch?”

“`Di ba nga po, nag-I love you too na siya? Iyon na `yong hinihintay ko, Sir, eh. Alam ko na, may gusto siya sa akin. No’ng hinalikan niya ako, pwede kasing trip lang niya `yon. `Tapos, no’ng hinalikan niya ko uli—”

“Trip na trip?” untag ni Sir.

“Hindi po. Sinabi niya nga `di ba, matagal na niya `yong gustong gawin. So, iyon na `yong clue ko. Trip niya na naging gusto, `tapos love na. Sir, mahal ako ni Jessie.”

“Ay, akala ko, dito ang university mo. Assumptionista ka pala.”

“Sir, hindi ako nag-a-assume. Alam ko. Feel ko.”

“O, sige, granted, mahal ka niya. Ano `yang nabubuo mo, evil scheme?”

“Ipaparamdam ko sa kanya na gusto ko rin siya. At aalamin ko kung bakit niya ginawa sa akin ang lahat ng ginawa niya. At `pag alam ko na, gaganti ako. Ilalaglag ko siya—”

“At tatapakan. At dudurugin. At duduraan. At iihian. At... At... At...”

“Sir naman, eh.”

“Akala ko kasi, Cherry Pie ka. Cherie Gil pala.”

“Pero, Sir, tama na ang biro. Sa tingin n’yo, okay lang ba?”

“Ang tingin ko, andami mong time. Ang dali-daling isumbong sa nanay mo ng isyu ng mag-amang `yon para mapag-usapan n’yo. I-explain mo sa nanay mo na napatawad mo naman na `yong mag-ama kaya hindi niya kailangang hiwalayan ang Tito Raul mo. And if their love is strong enough, jusko, maaayos `yan in jutay. I mean due time. `Tapos n’on, magkakapatawaran kayo. Then charan... peace of mind. Hindi kailangan `yang ganti ng naaapi hanash. ”

Hindi ako sumagot. Naisip ko, tama si Sir. Peace of mind. Pagpapatawad ang daan para makuha iyon. Pero pwede ring pagganti.

“Pero dahil bakla ka na, you’re into those theatrics-teleserye-pasabog-ng-bus-amnesia-kidnapan plot lines at mga paandar. Go ahead. Ang dami mong time, gawin mo ang lahat ng gusto mo.”

Tuluy-tuloy nang magsalita si Sir. Ramdam ko na medyo naiinis na siya. “Huwag ko na lang pong ituloy?” sabi ko. “Sige po. Kaya ko na `to.”

“`Yang linyang `yan… Jusko , bahala ka. Nababasa ko sa mga mata mo na gagawin mo pa rin ang gusto mo. Well, just learn from that mistake.”

“Mistake agad, Sir? Hindi ko pa nga nasisimulan.”

“Believe me, mistake `yan,” nakataas ang isang kilay na sabi ni Sir.

“Kakayanin ko, Sir. Ito na lang po ang ibibigay ko sa sarili ko—ang mga kasagutan ko sa katauhan ni Jessie. Kailangan ko siyang maintindihan para mapatawad ko siya. At doon lang po siguro ako matatahimik.”

“Alex, ang arte-arte mo. Architecture ang subject natin, hindi arte-tecture. Tama na `yan. Sundin mo ang boyfriend mo bago mo pa siya masaktan. Move on, just forget. Dead-ma sa forgive, Basta forget na. May nagmamahal naman sa `yo. Sayang si Gabriel. Jowa na, naging bato pa.”

Napapikit ako at napabuntong-hininga.

“Ay, sige. Gawin mo ang gusto mong gawin. Malaki ka na, bakla pa. Wala kang hindi kakayaning gawin. Final na ba talaga `yan?” tanong ni Sir.

“Final na,” sagot ko.

“O, siya, good luck na lang sa `yo. Isinabay mo pa talaga ngayon. Finals na.”

PAGKATAPOS mag-consult kay Sir Cabalfin tungkol sa final plate at final decision ko, nanatili pa rin ako sa lobby para mag draft ng mga floor plan. Kasama ko ang blockmates kong sina Jobi at Arvin. May iba rin kaming classmates pero sa dalawang ito ako pumagitna.

“Arvin, matatapos na ang sem, may bagong classmate pa tayong pumapasok?” sabi ni Jobi.

“Ay, ang sama,” reaksyon ko.

“Si Jobi naman `yon. Ikaw, tsong?” sabi naman ni Arvin.

“Sige pa. `Asar pa,” sabi ko. “Kayo, ngayon na nga lang ako gumawa dito, pagti-trip-an n’yo pa ako.” Matagal din kasing sa bahay ni Gabriel ako laging dumideretso. May drafting area ako sa kwarto niya. Kapag nagda-draft ako, nagbabasa naman si Gabriel.

“Baka naman may isyu lang sa love life,” sabi ni Jobi.

“Oo nga. Gano’n naman, `di ba? `Pag walang loblayp, balik sa friendship.”

“Hala? Hindi naman,” napangiting sabi ko. At least, nasa linya pa rin ako ng friendship nila.

Nagkakatuwaan pa kaming tatlo nang tumawag si Gabriel.

“Alex, babe, I’m almost done with our meeting. I’ll pick you up in about twenty?”

“`Wag na, okay lang ako. Tatlong plates pa ang tatapusin ko ngayon,” sagot ko.`

“I can wait for you?”

“Huwag na. Kasama ko rin kasi sina Jobi at Arvin. May mga catching up kaming dapat gawin.”

“Catching up naman pala” bulong bi Arvin kay Jobi.

Nagtawanan ang dalawa.

“Okay,” sabi ni Gabriel. “Daan ka na lang sa house after that. I’ll cook dinner.”

“Sige,” sagot ko.

“Cool. So I’ll just wait for you. I’ll send you a message `pag tapos na ako. Bye, I love you.”

“Sige. I love you, too.”

“Catching up pala, ha?” sabi ni Jobi. “Baka may iba ka lang talagang gustong ma-catch sa floor ngayon?”

Kung makahirit si Jobi, parang may alam. Pero hindi ko na lang pinatulan. Tumawa na lang ako. Ayoko nang palakihin. Tuloy lang ang catch-up sessions naming tatlo nang dumating ang mga upperclassmen. May dala silang scaled model ng isang building. Naupo sila sa likod ng area namin. Bumilis ang tibok ng puso ko. Isa sa kanila si Jessie. Alam ko. Naririnig ko ang mababa niyang boses. Tumatawa, nagkukwento.

Ilang sandali pa ay tumahimik. Sa narinig kong usapan, hindi si Jessie ang mag-uuwi ng project dahil motor ang dala niya. Pagkatapos magdesisyon ay tumahimik. Noon lang ako nagkalakas ng loob na lumingon. At muling napahinto ang tibok ng puso ko. Nakaupo sa drafting table si Jessie. Nakatingin sa akin. Walang ngiti, pero hindi rin nananakot. Gumalaw ang kilay niya nang magtama ang aming mga mata. Hindi ko alam ang magiging reaksyon. Ngumiti ako nang hindi lumalabas ang ngipin, tumalikod kay Jessie at itinuloy ang pagdo-drawing.

Ramdam ko ang presensya ni Jessie. Hindi siya umalis. Pinapanood lang niya ako.

Naunang matapos si Arvin. Sumunod si Jobi. Sabay silang nagpaalam. Hindi na rin ako nagpahintay. Baka gusto nilang magsolo, ayokong maging third wheel. Nakatapos ako ng tatlong plates nang apat na lang kami sa floor. Nang makapag-ayos ako ay saka umalis si Jessie sa pagkakaupo sa drafting table. Sumunod siya nang maglakad ako. Sinabayan niya ang pagbaba ko ng hagdan. Hindi siya nagsasalita. Sumasabay lang. Hindi ko pinansin ang presensya niya. Hanggang sa hawakan na niya ako sa balikat. Napahinto ako at kinabahan. Ang totoo, hindi ko pa rin mabasa ang mga kilos ni Jessie.

Paghinto ko, kinuha ni Jessie ang mga nakasukbit sa balikat ko at siya ang nagbitbit. Nauna siyang maglakad. Sumunod ako. Hindi ko alam kung dahil dala niya ang mga gamit ko o dahil gusto ko ring pumunta kung saan man siya pupunta. Kailangan bang isa lang ang dahilan? Pwede namang pareho.

“Hindi pa ako uuwi sa atin,” sabi ko, nakasunod pa rin. “May dadaanan pa ako.”

“Sabi sa `yo kailangan mo pa `yang cell phone,” sabi ni Jessie na parang walang pakialam sa opening statement ko. “I-text mo na ang siyota mo. Sabihin mong hindi ka na dadaan.”

“Huy, hindi pwede `yon.”

Hindi natinag sa paglalakad si Jessie. Papunta na kami sa parking area.

“Sige, ite-text ko si Gabriel. Pero sa isang kondisyon,” sabi ko. Hindi magtatanong si Jessie kung anong kondisyon. Wala siyang pakialam sa akin. Kaya kasabay ng pagbabaka-sakaling mag-work ang larong naisip ko, sinabi ko na agad ang proposisyon ko. “Sasagot ka ng isang tanong ko.”

Parang nagustuhan ni Jessie ang game. Napatigil siya at napaharap sa akin. “I-text mo na.”

Nagulat ako sa reaksyon niya. Binuksan ko ang cell phone na bigay niya at pinuntahan ang conversation namin ni Gabriel. Si Gabriel ang huling nag-message. I’m home. I’ll start cooking in a while. Hindi pala ako naka-reply. At ngayong magme-message ako, magpapaalam pa. Hala, paano kung nakaluto na siya? Bahala na. Mas kailangan ko ang mga sagot ni Jessie. Uwi na ako, Gab. I’m sorry. Kailangan ko nang madaliin ang mga plates. I love you po, text ko. Pinindor ko ang Send button, saka tumingin kay Jessie.

“Go, shoot,” sabi ni Jessie.

Nakahanda nang sumagot si Jessie. Pero hindi ko inasahang aabot ako sa puntong ito. Ano ang itatanong ko? Mahal mo ba ako? Bakit mo ako hinalikan? Bakit hindi mo na ako binubugbog?

“Five-four-three-two…” Binilangan ako ni Jessie.

“Ano’ng ibinulong sa `yo ni Tito Raul no’ng nasa Pangasinan tayo? Ano’ng ipinagawa niya sa `yo?”

“Sumunod ka,” utos ni Jessie sa halip na sagutin ang mga tanong ko.

Napakadominante ni Jessie. Nakakainis. Wala akong nagawa kundi sumunod. Mahabang lakarin ito na walang usapan. Susukuan ko na sana ang kagustuhan kong sundan lang siya. Pero hostage niya ang mga final plate ko. Pumasok kami sa pool area. Hapon na, tapos na ang huling swimming class. Kami na lang ni Jessie ang nandoon.

“Ang hilig mo sa tubig. Gustong-gusto mong nababasa,” sabi ko.

Walang imik si Jessie. Naghubad siya hanggang sa boxers na lang ang suot. “Hubad,” utos niyang walang halong galit.

Hindi ako sumunod. Baka ito na ang sinasabi ni Sir Cabalfin na pagnanasa.

Binuksan ni Jessie ang canister kung saan nakalagay ang mga plates ko. Itinapat niya sa swimming pool. Wala akong nagawa. Naghubad ako.

“Talon na,” utos niya.

Tumalon ako sa malalim na parte ng tubig na itinuro ni Jessie. Nagsimula akong mag-threading para hindi lumubog. Ibinaba ni Jessie ang canister at T-square, pagkatapos ay tumalon din siya at lumapit sa akin. Nakatingin ako sa kanyang mga mata habang naghihintay. May pag-aalinlangan sa kanyang mga mata. Hahalikan na naman ba ako ni Jessie? Nabasa ko ang aking mga labi. Pero ang totoo, hindi ko iyon sinadya. Kung puwede nga lang ay ire-rewind ko, at hindi na gagawin uli. Baka isipin ni Jessie na hinihingi ko ang kanyang halik. Ayokong maging inviting. Sana ay hindi niya maisip iyon.

Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa aking mga balikat. Nawala ang pag-aalinlangan sa mga mata ni Jessie. Napunta sa aking mga mata. Nagsimula akong matakot nang manlisik ang mga mata ni Jessie at magsimula siyang itulak ako palubog sa tubig. Hindi ako handa. Ibinabad niya ang ulo ko. Nagsimula akong pumalag, pero malakas si Jessie. Iniangat niya ako.

“Gagong kabaklaan `yan! Aalisin natin `yan sa katawan mo!”

Hindi pa ako nakakabawi ng hininga nang muli niya akong ilublob. Nagsimula akong makainom ng tubig. Napapaubo ako sa paghahabol ng hangin tuwing iaangat niya ako.

“Bakla...”

“Lulunurin natin...”

“Masama...”

Wala akong maintindihan na buong pangungusap.

“Walang bakla sa lahi natin!”

“Lalaki ka ba?”

“Lalaki ka na ba?”

Sa bawat tanong, nilulunod ako ni Jessie. Hanggang sa hindi ko na kaya. “Tama na!” sigaw ko nang paulit-ulit. Sa huling sigaw ko, napakapit ako nang mahigpit kay Jessie. Yumakap. Tumigil siya at niyakap din ako nang mahigpit. Sa hindi ko maintindihang dahilan, naintindihan ko si Jessie. Pagkaahon ko sa tubig ay nahiga muna ako sa gilid ng swimming pool. Pagpd na pagod ako. Umahon si Jessie at iniabot ang kanang kamay sa akin. Hinawakan ko ang kamay niya para makatayo.

Iniaangat ako Jessie nang biglang may kamao na deretsong tumama sa mukha niya. Napatumba si Jessie at nahila niya ako pabagsak. Pareho kaming nasa sahig, tinitingala ang lalaking bagong dating. Pagod, humahangos, nagmamadali at galit na galit si Gabriel.