CHAPTER THIRTY-THREE
“NAS AAN ako?” Naramdaman kong may mga daliring nakapagitan sa aking mga daliri. Malabo ang paligid habang unti-unti akong dumidilat at medyo naguguluhan. Hindi ko alam kung nasaan ako. Naging pamilyar na lang ang lahat nang mapansin ko ang green na telang nakapalibot sa akin. Ang puting kama na may bakal na frame. At ang ilaw. Infirmary ito.
Tiningnan ko ang kamay ko. At ang kamay na may hawak sa akin. Si Jessie.
Agad kong binawi ang aking kamay. Nakaramdam ako ng kaunting kaba. Minsan, naaalala ko pa rin na binubugbog ako ng lalaking ito. Pero agad na rin iyong nawawala. Naalala ko rin agad na iba na ang dahilan kung bakit niya ako nilalapitan. Sa alaalang iyon, lalo akong lumayo. Pero hindi takot ang dahilan. Inis. Galit. Poot.
“Bakit ba ayaw mo na lang akong layuan?” sabi ko. Mahina ang boses ko pero nararamdaman kong naiiyak ako sa galit.
“Hinimatay ka,” sabi ni Jessie.
“At ano?” sabi ko, habang unti-unting naaalala ang nangyari sa mainit na kalsada. “Ikaw ang tagapagligtas ko? Hindi ikaw, Jessie! Hindi ikaw!”
“Bakit ka ba galit na galit?” tanong ni Jessie.
“Lapit ka kasi nang lapit?” sagot ko. “Sinira mo ang buhay ko noon, pinatawad kita. At ngayon, nandiyan ka pa rin, sinisira mo pa rin ako.”
Nahalata ko na hindi naiintindihan ni Jessie ang mga sinasabi ko. Hindi na ako nakapagpaliwanag dahil may humawi sa berdeng kurtina. Si Mama, lumapit sa akin at yumakap. Nakasunod sa kanya si Daddy.
“Sobrang init daw po, `Ma... Tita... Ma’am,” sabi ni Jessie. “Baka gutom daw siya o puyat kaya siya nahilo.”
“Doktor ka ba?” taong ni Mama. “Salamat sa pagtawag sa akin, Jessie. Pwede ka nang umalis.”
“Ikaw si Jessie?” tanong ni Daddy, makikita sa mga mata ang galit.
Napaatras si Jessie pero nahawakan pa rin siya ni Daddy sa collar at inambaan ng suntok. Nakita ko ang ngiti ni Mama.
“Daddy, huwag na po,” mahinang pakiusap ko.
Binitawan ni Daddy si Jessie. “Umalis ka na lang at huwag kang magpapakita sa akin,” sabi ni Daddy. “Pagbubuhulin ko kayo ng tatay mo.” Lumapit sa akin si Daddy. “At ikaw, Alex, hindi kita pinagsasabihan dahil alam kong wala akong karapatan. Pero pagagalitan kita ngayon. Kapag may nananakit sa iyo, huwag mong sasarilinin. Sabihin mo sa amin. O, sige, kahit sa nanay mo na lang. Hindi namin kakayanin na may mangyaring masama sa iyo. At kung may taong mananakit sa `yo, uunahan namin `yong taong `yon. Hinding-hindi kami papayag na masaktan ka nila.”
Hindi ko napigilan ang mga luha ko. Ang haba ng speech ni Daddy. Sinubukan kong huwag pansinin pero hindi ko maiwasan. Tama siya. Pinilit kong huwag umiyak. Tumango na lang ako.
Dumating ang doktor at kinausap kami nina Mama at Daddy. Pagkatapos ng ilang sandali ay pinayagan na akong lumabas ng infirmary. Sa unang pagkakataon, kahit sa image lang, nakita kong buo ang pamilya ko. Nasa gitna ako nina Mama at Daddy habang naglalakad kami palabas ng infirmary. May isang image ang panandaliang gumulo sa aking ilusyon. Inabutan naming magkausap sa tapat sina Jessie at Gabriel. Hindi ko alam ang dahilan pero kinabahan ako. Tumingin si Gabriel sa amin. Lumakad papalapit. Si Jessie naman, tumingin din. Pagkatapos ay lumakad palayo.
Tumingin sa akin si Mama.
“Okay na po ako,” sabi ko.
“Hello po, Tita, Tito,” bati ni Gabriel.
Tumaas ang isang kilay ni Mama. “Hindi pala sasaktan ang anak ko, ha?”
“`Ma, ako na lang po,” sabi ko.
“Gabriel, mag-ayos kayo. Babatukan ko kayong dalawa.”
“Yes, Tita,” sabi ni Gabriel.
“Sige, Alex,” paalam ni Mama. “Una na kami ng daddy mo.”
Naglakad na sila sa parking, papunta sa sasakyan ni Daddy.
Naiwan kaming nakatayo ni Gabriel.
“Bakit ka nandito?” tanong ko.
“Jessie told me that you passed out and that you were here in the infirmary,” sabi ni Gabriel. “What happened?”
“Hinimatay ako,” sabi ko. “Kulang ako sa tulog. Hindi ako nakakain kasi... kailangan ko ba talagang magpaliwanag sa `yo?”
“Not necessarily,” sabi ni Gabriel. “So, where are you going now? Hatid na kita. At least, ako naman ang sasalo sa iyo when you pass out again.”
“Gusto mo ba talaga?” tanong ko.
“Of course,” sabi ni Gabriel.
“Bakit mo ako nilaglag no’ng una?”
“Kasi, gustong-gusto mo nang bumitaw.”
Hindi ako nakasagot. Ibabalik na naman niya na lagi kong pinipili si Jessie.
“Kukuha ako ng class cards,” sabi ko.
“Me, too,” sagot ni Gabriel.
Naglakad kami papunta sa kotse ni Gabriel. Binuksan niya ang pinto para sa akin. Saka siya sumakay sa driver’s side at pinaandar ang sasakyan. Wala kaming usapan. Pangiti-ngiti lang siya na parang wala kaming nakaraan at walang puputahan.
Gago ka. Alam ko na `to. Ganito tayo no’ng nakipag-break sa akin, eh. Ang taas ng level ng sweetness `tapos bigla akong ibabagsak. Gago ka! Diskarte mo bulok.
Galit pa pala ako. Pero hindi ako magpapatalo sa galit. Ngumiti lang din ako. Hindi niya dapat makita na ipinagpalit ko ang pagkain at pagtulog sa pag-iyak.
“Ano’ng ginagawa natin?” tanong ko.
“Getting our class cards,” sagot niya.
Pinipilosopo niya ako. Ako na nga ang naglakas ng loob na magsimula ng usapan.
“Okay,” sabi ko.
Tahimik uli.
“Don’t get me wrong,” sabi ni Gabriel. “I was just worried when I got the call from Jessie. After all, we are still friends, right?”
“Of course we are.” Napapa-Ingles ako kaya galit akong talaga. “You care pa pala.”
“Of course I do,” sagot niya.
Tahimik uli. Bumaba kami sa building ng college ni Gabriel. Nagkataon na may mga subject ako roon at pareho kami ng department na pupuntahan. Sabay na kami. Kumuha rin siya ng class cards niya. Pagkatapos niyon, pwede na kaming maghiwalay. Hindi ko alam ang nangyayari sa amin, pero nasasaktan ako. Para niya akong pinalalakad sa bubog, nakatsinelas naman, pero iyong tsinelas na kaaawaan ni Korina Sanchez.
Iyong tsinelas ang nagsisilbing saya. Nararamdaman ko na may saya pa rin kapag kasama ko si Gabriel. Pero kailangan kong alisin dahil hindi na kami. Mahal pa namin ang isa’t isa pero ayaw na niya. Malinaw naman sa akin iyon. Masaya na masakit. Hindi ko alam.
May kausap si Gabriel na kaklase niya nang lumabas ako sa room ng professor ko pagkatapos kong kunin ang class card. Iiwan ko na sana si Gabriel, kasama ng mga kung ano pang nararamdaman kong dapat nang kalimutan. Hindi ko naman kailangan ng closure. Malinaw naman sa akin ang lahat. Tama nang nagkita kami. Friends. Sige na, okay na.
Naglakad ako palayo. Nang narinig ko ang pagtakbo ni Gabriel. Alam kong si Gabriel iyong tumatakbo kahit hindi ko nilingon. Ayokong siguruhin. Masasaktan ako kapag nalaman kong hindi sa kanya ang mga paang nagmamadali para pigilan akong lumayo. Kaya ipinagpatuloy ko ang paglakad. Hanggang sa maramdaman ko ang kamay niya sa balikat ko.
Si Gabriel ito. Sana si Gabriel ito. Huminto ako.
“Wait up,” sabi niya.
Napahinto ako. Napaiyak. Si Gabriel nga. Pinigilan niya ako.
“I was just talking to my groupmate,” sabi niya na nagpatuloy sa paglakad.
Napalakad din ako at sumabay sa kanya.
“We’ll be staying in Bontoc, early in the first semester,” sabi ni Gabriel. “Hopefully we are done in a month or two. Too many preparations.” Tuloy-tuloy siya sa kwento niya. “So, are you heading to your college?”
“Oo,” sagot ko. Sasamahan mo ba ako?
“Okay,” sabi ni Gabriel. “We’ll be meeting our adviser in a while. Hintay lang kami ng text.”
Ay, busy pala. Paasa naman. Well, ano ba naman ako? Ang hopia pagkain. Hindi ako.
“But if you want, we can get some hopia in the cafeteria?” sabi ni Gabriel. “Wala pa namang text, eh. `You in a hurry?”
“Nang-aasar ba `yang hopia mo?”
“Hindi.” At ngumiti si Gabriel. Ito ang ex kong napakaguwapo. Inaakit na naman ako. “Come on,” sabi niya. “My treat. As friends. Hindi naman mawawala ang mga class card mo sa college mo.”
Pumayag ako. Kung bakit, hindi ko alam. Sinunod ko na lang ang... puso ko?
PAGKAUPO ay may inilabas si Gabriel. May dala nga siyang hopia at kape. Pero hindi siya sa tabi ko pumuwesto. Sa harap ko. Magkaharap kami. Hindi na mangyayari ang inaasahan kong paglapat ng kamay niya sa hita ko habang kumakain kami.
“May sugar `yan,” sabi ni Gabriel. “Hindi yan bitter.”
“Nang-aasar ka ba?” sabi ko. “Alam mong pwede kitang walk out-an. Gaya ng ginawa mo sa akin sa rooftop.”
“`Oy, ha? I didn’t walk out on you,” sabi ni Gabriel. “I broke up with you. Pero nagpaalam ako no’ng aalis na ako. We even sealed our good-byes with a kiss.”
“At proud ka pa na ikaw ang nakipag-break,” sabi ko.
“Yeah, because I still love you,” sabi ni Gabriel. “And I know that you are trying but you still love me. Maybe not as much as before, I don’t wanna assume. But it is safe, I think if I say that you still have some love for me, your Gab.”
“Alam mo, `yong mukha mo, feel ko hanggang dito,” sabi ko. “Ang kapal, hindi kayang harangan ng table.”
Ngumiti lang si Gabriel.
Ngumiti rin ako. “Okay, sige,” sabi ko. “Mahal pa rin kita.”
“Good that you acknowledge it. That’s the first step. Acceptance of the problem. Because, Alex, you have to forget all those love that you have for me. You have to throw them all away. I cannot accept that anymore.”
“`Ayan ka na naman. Ang gago mo, eh,” sabi ko.
“No cursing,” sabi ni Gabriel. “We don’t do that.”
“No,” sabi ko. “`Yang ginagawa mo ang we don’t do. `Yong pasasakayin mo ako sa mga salita mo. Ipapa-feel mo sa akin na mahal mo ako. Paaaminin mo ako ng nararamdaman ko, `tapos dadalhin mo sa gaguhan. Gago ka, Gabriel.” Kahit ako, natakot sa sinabi ko. Na-feel ko ang galit ko. Ibang galit ito, hindi kagaya ng naramdaman ko kay Jessie. At napaisip ako. Bakit ko iniisip si Jessie? Bakit ko ikinukumpara ngayon si Gabriel kay Jessie?
“I’m sorry,” sabi ni Gabriel. “I deserve that gago.”
Hindi ko pinansin ang sinabi niya.
“But that galit is good.”
“Tantanan mo nga ako, Gabriel,” sabi ko. “Lalo akong napipikon sa `yo. Wala kang point! Sasabihin mong mahal mo ako, `tapos ako, dapat kalimutan ko na mahal kita. Ano `yan, Gabriel, ha? Ano `yan?!”
“Because I don’t want your tainted love.”
Natahimik kami pareho.
Hanggang sa magsalita si Gabriel.
“I talked to Jessie,” sabi niya.
Hindi ako nagsalita. Iyon pala iyong inabutan namin na magkausap sila sa labas ng infirmary.
“I told him na wala na tayo,” patuloy ni Gabriel. “That he has a chance to win your love.” Hinintay niyang magsalita ako. Pero wala pa rin akong sinabi kaya nagpatuloy siya. “He said that I was stupid for giving you up. Dahil aagawin ka na raw niya. At kahit kaunti lang ang maibigay mo sa kanyang pagmamahal, hindi na raw niya pakakawalan. Some of the words he actually used. Yet I told him, go for it. But I would not make it easy. I’ll fight for you, Alex.”
“You’ll fight for me... Aagawin niya ako...” sabi ko. “Kung sa tingin mo, mapa-flatter ako, hindi. Gabriel. Hindi ako bola. Huwag ninyo akong pag-agawan. May pakiramdam ako. Tao ako. Ano sa tingin mo ang nararamdaman ko ngayong ipinapasa mo ako kay Jessie?”
“The same thing I felt no’ng pinaasa mo siya sa iyo,” sabi ni Gabriel.
Natigilan ako.
“You gave him a chance. If you choose him, I’ll be very happy for the two of you,” patuloy ni Gabriel. “Wala naman akong magagawa. Pinili mo siya. But I’m not saying that I am giving up. Hindi ko aalisin ang pagmamahal ko sa iyo, Alex. Itutuloy ko ito. Because I want you to love me again. Again, because I want you to unlove me first. And love me like the first time you fall in love with me. `Yong ako lang. `Yong walang kahati. `Yong walang pinagkukumparahan.”
“Pero mahal na mahal pa rin kita ngayon,” sabi ko. Naiiyak na naman ako. Napaka-vulnerable ko sa sitwasyon namin.
“I don’t want that love,” sabi ni Gabriel. “I tried, pero nasasaktan ako. I know that loving can be painful, but we don’t love to get hurt.”
Nakikita ko rin ang hirap ni Gabriel. Bagsak din lahat ng depensa niya. Kitang-kita ko ang lungkot niya sa mga mata. Kung gaano ko siya na-disappoint. Kung paanong mahal niya ako pero masakit. Pero hindi iyon sapat para paglaruan nila ako ni Jessie.
“Ang dami ninyong drama,” sabi ko. Parang naririnig ko na si Sir Cabalfin na nagsasabing, “Ay, nag-comment ang hindi maarte.” Pero ang unfair. Ang unfair-unfair ng nangyayari.
“I’m sorry, Alex, kung paglalaruan ka namin,” sabi ni Gabriel. “But you also have the option of just leaving the game.”
Tumitig na lang ako kay Gabriel. Hinihintay na sabihin niyang joke lang ito. Pero wala na. Iyon na ang mga huling salita ni Gabriel. Hindi na rin ako nagsalita. Hindi ko alam ang sasabihin. Hindi ko na naman alam kung nasaan ako.