noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 13

Ch. 14 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER THIRTEEN

“KUM APIT ka,” sabi ni Jessie.

Hindi ako sumunod. Kumapit ako sa likod ng motor at sinubukang panatilihin ang balance ko sa weird na position. Para namang nananadya si Jessie. Binilisan niya ang pagpapatakbo. Ilang beses akong muntik na malaglag kung hindi ko tinibayan ang kapit.

Hindi nagpatalo si Jessie. Mas bumilis pa kami. Napabitaw ang kanang kamay ko at napahawak sa baywang niya. Agad kong binawi ang kamay ko pero hinawakan niya at idinikit sa katawan niya. Wala akong nagawa. Ikinapit ko na rin ang kaliwang kamay kay Jessie. Sa ganitong posisyon, pinanatili niya ang mabilis na pagpapatakbo ng motor. Hanggang sa huminto kami sa traffic light. Doon ko lang muling narinig ang pag-ring ng aking cell phone.

“Akin na `yan,” utos ni Jessie.

“Ayoko nga,” sabi ko.

“Iiwan kita dito.”

Napalingon ako sa paligid. Ngayon lang ako napadpad sa lugar na ito. Hindi ko alam kung nasaan kami. Wala rin akong pera. Friday na, ubos na ang baon ko. Wala akong pang-taxi. Hindi rin ako makakabalik kay Gabriel. Iniwan ko siya. Bago pa ako makapagdesisyon, bumaba si Jessie ng motor at kinuha ang cell phone ko. In-off niya at ibinulsa. Sumakay siya sa motor at muling pinaandar, sabay sa pag-green ng traffic light.

MABILIS akong bumaba ng motor nang huminto si Jessie sa loob ng bakuran ng kanilang bahay. Hinubad ko ang helmet at iniabot kay Jessie. Hindi niya pinansin.

“Mabel, pakikuha,” sa halip ay sabi ni Jessie sa humahangos na kasambahay. “Ihatid mo na rin siya.”

“Opo, Kuya,” sabi ng batang kasambahay at saka bumaling sa akin. “Sir, doon po sa kwarto.”

Saan ako ihahatid ni Mabel? Sumunod ako. Dumeretso si Mabel sa loob ng bahay, umakyat sa kwarto nina Mama at Tito Raul. Napahinto ako nang tumigil si Mabel at binuksan ang pinto. Hindi siya tumuloy. Nakatingin lang siya sa akin, hinihintay akong pumasok. Iyon naman ang ginawa ko. Muling napabilis ang pagkilos ko nang makita si Mama na nakahiga sa kama. Tumingin sa akin na parang nanghihina. Agad akong lumapit kay Mama, naupo sa kama, sa tabi niya.

Hinawakan ni Mama ang kamay ko. “Mamamatay na yata ako,” sabi niya.

“Ano’ng meron, `Ma?” tanong ko.

“Bigla akong nahilo sa trabaho, `tapos, nawalan ng malay,” paliwanag niya na may namumuo pang mga luha sa mga mata. “`Tapos, hindi ko na alam ang nangyari. Nagising na lang ako, nasa clinic na. At sabi ng doktor...”

“Overfatigue,” sabi ni Tito Raul na kapapasok lang ng pinto, parang wala lang ang pagkakasabi.

“Ano ba `yan, Raul?” sabi ni Mama na kasinlamig na rin ng boses ni Tito Raul ang boses. “Nagda-drama pa ako, eh.”

“Veronica, ako na lang ang dramahan mo. Pag-aalalahanin mo pa ang anak mo.” Bumaling sa akin si Tito Raul. “Nagpaka-busy ang mama mo dahil name-miss ka yata.”

“`Ma? Hindi mo naman kailangang gawin `yon.”

“Nami-miss kita, eh,” sabi ni Mama. “Mapipigilan ko ba `yon?”

“Eh, di sana tinawagan mo ako?” sabi ko.

“`Tapos sasabihan mo ako na malaki ka na, kaya mo na, huwag na kitang kulitin, hindi mo na ako kailangan...” tuloy-tuloy na sabi ni Mama.

“Hindi mo naman maririnig sa akin `yon, `Ma. Kahit kulitin mo ako, hindi ako makukulitan. Hindi ko katatandaan ang pangangailangan ko sa `yo.”

“Wow, ang deep ng anak ko,” sabi niyang umangat sa pagkakahiga at yumakap sa akin. “Pero na-miss talaga kita, anak.”

Parang ako nga lang ang hinihintay ni Mama dahil pagdating ko, parang walang nangyaring sakit o panghihina sa katawan niya. Nagluto siya at naghain ng hapunan. Hindi ako umalis sa tabi ni Mama. Una, dahil na-miss ko rin siya. Ikalawa, wala akong ibang pupuntahan sa loob ng bahay. Ayokong bumalik sa kwarto namin ni Jessie. Sa tabi ng swimming pool kami nagkwentuhan ni Mama matapos ang hapunan. Inabot na rin kami ng gabi.

“Magagawa na ang kwarto mo, `nak. Ini-install na lang `yong aircon. Tama na ang landi, tapos na ang exam week mo. Dumito ka na.”

“`Pag tapos na, `Ma. Nakakahiyang makikwarto. Hindi pa naman talaga kami magkakilala.”

“Eh, kaya nga mas magkakakilala kayo kung magkasama kayo sa iisang kwarto!”

Hindi makalusot ang mga paliwanag ko. Hindi na lang ako nagsalita.

“Mabait naman si Jessie. Siya pa nga ang sumundo sa iyo para ibalik ka dito,” sabi uli ni Mama.

“Oo nga,” sabi ko. Na-guilty.

Lumapit sa amin si Mabel at iniabot sa akin ang cell phone ko. “Sir Alex, ipinabibigay po ni Kuya Je-Ar.”

“Salamat,” sabi kong inabot ang cell phone. Agad kong binuksan. Ang daming Missed calls at text message galing kay Gabriel.

Bakit hindi mo sinasagot ang phone mo? Okay ka lang ba?

Kinuha ba ni Jessie ang phone mo?

Kumusta ka na?

Susundan kita diyan.

Susunod sa akin si Gabriel. Hindi pwede. Tinawagan ko si Gabriel. Hindi siya sumasagot. Nakatatlong tawag pa ako pero hindi pa rin niya sinasagot. Parang gumaganti. Nag-text ako. Pero bago ko pa matapos ang text message, nag-ring ang cell phone ko. Si Gabriel.

“Hello?” sabi ko.

“Nasaan ka? Ano’ng nangyari?” nag-aalala niyang sabi. “Bakit ngayon ka lang tumawag? Bakit ka sumama—”

“Okay lang ako,” sabi ko para hindi na niya matuloy ang tanong niya. Ang totoo, hindi ko alam ang isasagot.

“Sure? Saan ka niya dinala? Susunduin kita! Bakit ka sumama sa lalaking `yon?”

Ramdam ko ang pagpipigil niya sa nararamdaman. Hindi ko alam kung pag-aalala o galit, pero nagpipigil si Gabriel.

“May sakit daw si Mama.” Nagawa ko pang alibi si Mama. Totoo naman. Pero hindi ko alam iyon hanggang sa makita ko siya.

“Seryoso?”

“Oo. Pero okay na siya.”

“Good,” sincere na sabi niya.

Lalo akong na-guilty. Nagsinungaling ako kay Gabriel. Nadagdagan pa nang makita si Jessie na nakatayo sa pinto. Naka-boxer shorts lang siya at sando. Ang napansin ko noon sa karpentero, napapansin ko sa katawan ni Jessie. Hanggang sa magtama ang mga mata namin.

“S-sige na, tawag ako ni Mama,” nagkandautal na sabi ko.

“Nandiyan si Jessie, `no?” sabi ni Gabriel na napansin yata ang pagbabago sa boses ko.

“Wala,” pagsisinungaling ko na naman.

“O, sige.” Naniwala siya sa sinabi ko. Pero alam kong may pag-aalinlangan siya. Dinugtungan na lang niya ng, “I miss you.”

“I miss you, too.”

“I love you.”

Hindi ko alam kung ano ang isasagot. Ibinaba ko na lang ang cell phone. Nakatingin pa rin sa akin si Jessie. Umiwas na ako ng tingin. Tumayo na ako. Pagpasok sa bahay ay dinaanan ko na lang siya. Alam kong nakatingin pa rin siya sa akin.

“Sa kwarto,” utos ni Jessie.

Hindi ako nagsalita. Pero wala akong alam na pupuntahan sa bahay. Ang gusto ko lang kasi ay makaiwas sa tingin ni Jessie. Makalayo sa mga lugar na malapit siya. Nilampasan ko siya pero sumunod siya sa akin.

“Akyat,” utos uli ni Jessie nang lumampas ako sa hagdan.

Tumalikod ako at tiningnan siya. Saktan na niya ako kung gusto niya pero hindi ako susunod.

“May utang ka sa akin,” sabi ni Jessie.

Hindi ako nagsalita.

“Sinundo kita dahil may sakit si Tita,” sabi niya sa flat at walang emosyong boses.

Umakyat na lang ako. Tama naman si Jessie. Dumeretso ako sa kwarto niya. Hindi ko siya nililingon pero alam kong nakasunod siya. Huminto ako pagdating sa pinto.

“Wala akong planong pagbuksan ka,” sabi ni Jessie.

Hinawakan ko ang doorknob at itinulak ang pinto. Pagpasok ay nakita ko ang kaunting pagbabago sa kwarto. Wala na sa tabi ng basurahan ang sheets; nasa tabi na ng kama.

“Maligo ka na, matutulog na tayo,” utos ni Jessie.

Hindi ako makagalaw. Ano ito?

“Hanggang maaari, hindi na kita sasaktan, kaya sumunod ka na lang.”

Sumunod na lang ako. Pumasok ako sa banyo, naghubad at pumasok sa glass encasing. Binuksan ko ang shower at nanginig ang katawan ko sa tubig. Pero habang umiinit, sumarap ang aking pakiramdam. Biglang pumasok si Jessie sa banyo. Nagulat ako.

“Towel,” sabi niya at nag-iwan ng tuwalya.

Hindi ko alam kung ano ang game ni Jessie. Tinapos ko ang paliligo. Lumabas akong naka-towel. Wala si Jessie sa kwarto. Hinanap ko siya at saka ko lang napansing nakahiga siya sa ibaba ng kama. Tulog. Nahulog ba siya? Hindi ko na lang inisip ang sagot. Maginaw dahil nakabukas ang aircon. Nagmamadali akong kumuha ng ng T-shirt at boxer shorts sa bag ko. Pagkatapos magbihis ay ibinalik ko ang towel sa banyo, saka lumapit kay Jessie at umupo sa tabi niya.

“Gising na. Lumipat ka na sa kama,” sabi ko.

Hindi umimik si Jessie; parang malalim na ang tulog. Ano kaya kung sipain ko o kaya ay buhusan ng tubig. Gisingin ko kaya siya kung paano niya ako ginigising? Pero hindi ako ganoon kaya tumayo na lang ako. Tinitigan ko ang natutulog na si Jessie. Tinitigan ang kama. Bagong palit ng sheets. Hinawakan ko ang kama. Dahan-dahang nahiga. Ang lambot. Ang sarap. Nagkumot ako at niyakap ang mga unang pagkalalambot din.

“Bakit ka sumakay sa motor ko?”

Napaupo akong kumakabog ang dibdib nang marinig ang boses ni Jessie. Hindi ko nga lang alam kung dahil sa inakala kong tulog siya, o dahil hindi ko alam ang isasagot ko.

“Sasagot ka ba?” tanong uli niya.

Hindi pa ako nakakapagsalita. Pero nagbigay na siya ng options. Pwede akong umoo, pwede akong humindi. Hindi pa rin ako nagsalita.

“Mahiga ka na uli,” utos ni Jessie. “Tatanungin uli kita paggising. Ihanda mo ang sagot mo.”

Paano niya ako nagagawang pagbantaan at nagagawang pahigain sa kama niya? Ang totoo, wala siyang karapatang tanungin ako kung bakit ko piniling sumama sa kanya at iwan si Gabriel. Pero kailangang malaman ko ang sagot. Hindi para sa kanya. Hindi rin para kay Gabriel. Para sa akin.

Naputol ang pag-iisip ko sa pagtigil ng lagaslas ng tubig sa banyo. Tapos nang maligo si Jessie. Pagkakataon ko namang magpanggap na natutulog. Kahit ang totoo ay padilat-dilat ako at pasimpleng tinitingnan siya. Bumukas ang pinto ng banyo at lumabas si Jessie. Nakatapis siya ng tuwalya habang pinupunasan ng mas maliit na towel ang ulo. Humarap siya sa salamin at doon nagsimulang magbihis.

Pinanood ko siya. Hindi ko mapigilang ikumpara ang katawan niya kay Gabriel. Mas malaki si Jessie at balbunin. Ang maumbok niyang dibdib ay nagkakaroon na ng balahibong bumababa sa flat niyang tiyan, papasok sa kanyang boxers. Mas mabilog ang kanyang mga braso na defined ang cuts ng bawat bahagi, shoulders, biceps at triceps. Parang nag-push-up pa siya sa loob ng CR dahil buong-buo ang kanyang mga muscle.

Pero higit pa sa katawan niya, may kakaibang aliwalas din ang kanyang mukha. May kakaibang lungkot ang kanyang mga mata. Wala ang ikinakatakot ko kapag kami lang dalawa, at ang nangangambang tingin kapag nandiyan si Tito Raul. Pero bago pa tumama ang tingin ni Jessie sa akin, nagawa ko nang pumikit. Naramdaman ko na lang na lumapit siya sa akin. Alam kaya niyang gising ako? Pumikit uli ako. Matagal-tagal nang walang paggalaw sa kwarto, pero hindi ako dumilat. Hindi rin ako gumagalaw. Hanggang sa marinig ko ang malalim niyang paghinga. Ang kanyang paglunok na parang may gagawing hindi tiyak. Ano ag iniisip niya? May plano na naman ba siya? Papatayin na niya ako ngayon kaya pinatulog na sa kama niya?

Ang kaninang naririnig ko lang niyang paghinga ay naramdaman kong lumalapit sa pisngi ko. Kumabog na naman ang dibdib ko.

“Je-Ar! Bilis na,” sigaw mula sa labas ng kwarto.

Si Tito Raul.

Mabilis na tumayo si Jessie. Iniwan ako. Marahan siyang naglakad palabas at tahimik na isinara ang pinto.

Dumilat ako. Ano ang nangyari?