CHAPTER FIVE
N AGISING ako na may tumutuktok sa sahig ko. Si Mama.
“Alex, bangon na. May bumubusina sa labas, hinahanap ka!”
Nag-towel ako at bumaba para paalisin na si Kuya Albert. Ang aga-aga na namang manundo? Pero nawala ang inis ko nang maamoy ang almusal. Parang hindi lamig ang kakainin ko dahil may nagluto. Pagsilip ko sa kusina, may nagluluto na malaking lalaking labas ang abs. Pamilyar ang mukha ng lalaki. Lumabas ng banyo si Mama at yumakap sa lalaki, na parang gusto ni Mama na siya na lang ang damit ng lalaki. Doon ko naalala na si Raul pala ang lalaki.
“Good morning, Alex,” bati ng lalaki.
“Good morning po, Mang Raul.”
“No, Alex, `Tito Raul’ mo siya,” sabi ni Mama sabay halik kay “Tito” Raul. Tito level na si Tito Raul. Naglihim si Mama. Huminga na lang ako nang malalim at nagtaas ng kilay. Mahalaga kay Mama ang pantawag sa mga lalaki niya.
Mr. at Mang = Malungkot lang si Mama. Boyfriend na matatapos in three months’ time.
Tito = Masaya na si Mama. Na-picture na niya ang sarili niya sa future kasama ang lalaki.
Kaya ang ibig sabihin, tatlong buwan nang may ganap si Mama na hindi ko alam.
“Ibaba mo na ang kilay mo at baka sumama `yan buhok mo,” sabi ni Mama na lumapit sa akin at yumakap. “Hindi ko na muna ipinaalam sa iyo dahil baka mag-alala ka na naman sa love life ko. Malaki ka na, mayroon ka nang sarili mong issues na for sure, wit mo rin inispluk sa akin kasi ayaw mo akong mag-isip pa.”
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tito Raul, “hindi ako kagaya ng mga lalaking nagpaiyak sa mama mo.”
“Ang sweet, `di ba,” sabi ni Mama na bumalik sa bagong boyfriend. Parang wala na siyang planong mag-almusal; kay Tito Raul pa lang, mabubusog na siya.
Napangiti ako. Masaya na si Mama. Aprubado. Naglakad na lang ako papunta kay Kuya sa sala para sabihing huwag na akong sunduin. Nakukulangan lang ako ng tulog kapag dumarating siya. Nalaglag ang panga ko sa tumayo at sumalubong sa akin.
“Anak, pakikabit ang panga,” biro ni Mama.
“Good morning,” bati ni Gabriel.
“Good morning, Tito Gab...” What? Ano’ng nasabi ko? At ano itong suot ko sa harap ni Gabriel? Towel.
Ngumiti si Gabriel, parang masaya sa nakita. Nahiya naman ako at napatingin kay Mama na nakangiti rin pero may pang-aasar. Si Tito Raul, naghahain na sa mesa. Muli akong napatingin kay Gabriel. Nahiya na talaga ako.
“`Bibihis lang ako.” Minadali ko na lahat ng ritual ko sa umaga. Ligo. Buhos, shampoo, sabon, facial wash, buhos. Punas. Deo. Briefs. Pants. Socks. Shoes. T-shirt. Toothbrush. Pabango. Bag. Baba. Ngiti. “Let’s go!” yaya ko kay Gabriel.
Hindi na kami kumain at dumeretso na sa kotse ni Gabriel. Nakangiti lang siya habang nagmamaneho. Iniisip kung ano ba ang nangyayari. Lalo pa nang hawakan ni Gabriel ang hita ko. Kumalma naman ako, pero may ibang bigat ang pisil niya sa akin.
‘I’ve been keeping you up so late for more than a month now,” paliwanag niya. “To make it up to you, ihahatid na kita sa class mo.”
Totoo naman. Mula nang maging FB friends kami, lagi na siyang nagcha-chat sa gabi. At kapag may napagtalunan kami, tatawag na siya para ayusin ang pagtatalo. Hanggang sa mayroon nang tawanan at sabihan ng “goodnight” , “sweet dreams”, “see you tomorrow”, “see you in my dreams”, “Goodnight na talaga.” Tapos, magkikita kami sa tambayan nila. Isinama na ako ni Kuya sa theater ng Rep Club. Nasa fourth floor iyon kaya mataas na akyatin. Nakikitambay na lang ako doon para makaiwas kay Jessie. Doon na rin ako nagla-lunch kasama ni Kuya. Dumarating din doon si Gabriel para tumambay. Minsan, nagkukwentuhan kami. Madalas, busy siya sa mga friend niya. Okay lang. Nakikinig na lang ako sa mga kakulitan ng mga ka-org nila ni Kuya.
Iba ang araw na ito. Hindi ako bahagi ng crowd. Hindi ako isa sa mga taong nakapaligid lang sa kanya sa tambayan. Sinundo niya ako at nasa kotse na naman niya kami.
“Arki?” tanong uli ni Gabriel.
“Oo,” sagot ko. “Salamat.”
“Iniisip ko talaga kung paano ka nakakaiwas kay Jessie. Kaya para siguradong hindi ka niya malalapitan, susunduin na kita lagi.”
“Okay lang ako,” sabi ko. “Binibilisan ko lang talaga.”
“No,” sabi niya. “Susunduin kita lagi.”
Ano ba itong ginagawa sa akin ni Gabriel? Para saan ito? Totoo ba ito?
“Ayaw mo?” tanong ni Gabriel.
“Hindi naman,” sagot ko.
“Anong hindi naman?”
“Si Jessie kasi... problema ko siya...”
“Then forget about Jessie. Susunduin lang kita. `Tapos, kain tayo.”
Kung isa akong siopao, hindi ako regular. May pula ako, special. First time kong maramdaman na special ako. Pero sobra naman ito.
Humarap sa akin si Gabriel, pinalaki ang bumbayin niyang mga mata, pinaliit ang makipot na bibig, at saka sumimangot. Kinuwestiyon ko na naman ang nangyayari sa mundo, sa nararamdaman ko, sa ginagawa ni Gabriel. Bakit niya ito ginagawa? Para pa rin ba ito kay Kuya? Best friend duties pa ba ito?
“Sige na,” sabi kong hindi na kinaya ang ka-cute-an niya.
“Gotcha!” bawi agad niya pagkatapos mag- puppy face. “Oo na `yan!”
“Pinaglalaruan mo ba ako?”
Nagulat si Gabriel. Napahiya. “Sorry, hindi?” sincere niyang sagot.
Kung alam mo lang, Gabriel, kung ano ang ipinaparamdam mo sa akin. Pakisabi. Kasi ako, hindi ko alam.
“Sorry talaga,” patuloy ni Gabriel. “But please, have lunch with me. Nasa MassCom sila lahat. May performance. Mag-isa lang ako ngayon.”
Hindi na siya naka-puppy face. Hindi niya kailangan. Napaka-charming niya. Kung babae lang ako, hinalikan ko na ito.
“Tara na,” sabi ko.
“Thank you.” Humarap uli siya; nagpapa-cute na naman ang mukha.
“Pero wala nang ganyang mukha?”
“I can’t help it,” sab ni Gabriel. “Just prep yourself for more of these.”
“Gusto mo yatang mag-lunch mag-isa.”
“I really like you,” tumatawang sabi ni Gabriel.
He really likes me? Bakit niya sinabi `yon? Hindi na iyon mawawala sa isip ko. Kahit pa nasa harap ko na ang professor namin. Paano ko maiintindihan ang sinasabi ng professor kung ang nasa isip ko lang ay, “I really like you.” Kinuha ko na lang ang canister ko at inilabas ang drafting paper, ang t-square at ang mga lapis. Nagsisimula na pala sina Arvin at Jobi sa plate. Ako, lumilipad pa ang isip, tinatangay ang puso. PUSO?!
Lumapit sa akin ang professor.
“Ay, Alex! In love?”
“Sir?”
“Okay lang `yan. Tapusin mo na muna itong plate, `tapos ma-in love ka na lang uli. Isang oras lang to sa `yo.”
Binasa ko ang instructions sa board. Oo nga, mabilis lang ito. Pero “I really like you” daw. Matanong na si Gabriel kung ano ang ibig sabihin ng sinabi niya. Kinuha ko ang cell phone ko para mag-text kay Gabriel. Pero may message na pala.
Wala akong class. Dito lang ako sa likod mo.
Nasa drafting area kami, sa lobby ang klase at bukas sa lahat. Lumingon ako at nakita ko siya. Nakatayo sa tabi ng column ng building. Ginagawa na naman ang mukha niyang... Haaay! Hindi ako nakatiis. Nag-text na ako.
Kanina ka pa diyan?
Kanina pa ganito ang mukha ko para mainis ka. Nangalay na nga, eh.
Hahaha. `Buti nga sa `yo.
“Alex, plates muna? Mamaya na ang landi,” paalala ng professor.
“Hala,” sabi ko. “Landi agad. Friend ko lang `to, Sir.”
“Friend? Namamasa na `yang upuan mo sa kilig, friend lang?”
Hinawakan ko ang silya ko. Hindi naman basa.
“Natakot ka dahil posibleng totoo?”
Nagtawanan ang mga kaklase ko sa sinabi ng professor namin. Napalingon tuloy ang mga nakatambay na estudyante sa likuran namin. Isa roon si Jessie. Nakangiti rin nang mapang-asar. Tumingin si Jessie sa akin at lumingon kay Gabriel. Sumunod ang malakas na tawa. Hindi ko inalis ang tingin ko kay Jessie. Bumuka ang bibig niya. Nabasa ko ang sinasabi niya. Bakla. Tumawa siya nang mas malakas.
“Wow naman, Jessie,” sigaw ng professor. “May pa-audition si Santa Claus?”
Natawa na rin ako.
“Alex, plates,” paalala ng professor.
Lumingon muna ako kay Gabriel na nakatakip ang bibig at alam kong nakangisi. Kinalimutan ko na muna si Jessie. Focus sa pag-aaral. Huwag sa... Huwag sa ano, Alex? Sige, kausapin mo ang sarili mo. Huwag sa landi . Sinimulan ko na ang plate. Eksaktong isang oras ay natapos ko ang plate. Tapos na rin ang paghihintay ni Gabriel kaya dinala niya ako sa gusto niyang kainan.
Chocolate Kiss.
Isang maliit na restaurant iyon sa campus, medyo tago at kaunti lang ang kumakain dahil sa mga naririnig ko, medyo mahal ang mga pagkain doon.
“Antagal mong gumawa ng plates. I’m famished,” sabi ni Gabriel papasok namin sa Chocolate Kiss.
“Famished, `tapos dito kakain?” sabi ko. “Ano’ng mabibili ng allowance ko dito?”
“Kahit ano. You see, I don’t spend for a week just to be here on Fridays.”
“Talaga?”
Umupo na kami sa isang mesa at iniabot na ng waiter ang menu.
“Of course not,” tumatawang sabi ni Gabriel. “Mayaman ang parents ko. Sobra.”
Natawa rin ako. Pero binawi ko rin nang makita ang menu. Pangnagtatrabaho ang presyo ng mga pagkain doon. Bottomless iced tea lang ang afford ng baon ko.
“Hindi mayaman ang parent ko,” sabi ko.
“Treat ko,” sabi ni Gabriel. “Ako naman ang nagyaya.”
“Hindi, `no,” tutol ko. “Kaya ko.”
“Okay.”
“Sa akin, bottomless iced tea,” sabi ko.
Napatulala ang waiter at si Gabriel. Parang naghihintay pa ng iba kong o-order-in.
“`Yon na `yon,” sabi ko.
“Bottomless iced tea,” sabi ng waiter sabay sulat sa kapirasong papel.
“Sa akin din, bottomless iced tea lang,” sabi ni Gabriel.
“Akala ko ba gutom ka?” sita ko sa kanya.
“Nakakahiya naman kung full meal ako, `tapos ikaw, iced tea lang,” sagot ni Gabriel.
Lumapit uli ang waiter at isinerve ang iced tea. Tig-isang baso kami ni Gabriel. May kasama iyong isang baso ng honey para pampatamis. Ang fancy pala nitong restaurant na ito, lalagyan mo ng honey ang iced tea depende sa tamis na gusto mo.
Hahawakan ko na ang honey pero nauna ang kamay ni Gabriel. Napadikit ang kamay ko sa kamay niya. Nagtitigan kami. Binawi ko ang kamay ko. Ngumiti siya. Iniangat niya ang baso ng honey at unang nilagyan ang iced tea ko.
“Gaano ka-sweet ang gusto mo?” tanong niya na may kasabay na kagat sa labi.
Nauumay na ako! Sobrang tamis mo, Gabriel, para kang honey na pumupuno sa baso ko.
“Tama na ba?” tanong niya.
“Sige pa,” sagot ko.
Ganoon lang kami nang mga sumunod na sandal—sumisipsip ng iced tea, o-order uli at bubuhusan ng honey. Nakakatatlong bottomless iced tea na kami. Nagtitinginan na ang mga waiter sa amin. Puno na kasi ang restaurant at may naka-wait list na. Pero kami, iced tea lang ang order.
“Sige na, um-order ka na,” sabi ko. “Nakakahiya sa mga nakapila.”
“Okay lang `yan,” sabi ni Gabriel. Pero pumikit siya at ipinahalatang nagugutom na.
“Eh sa iyo, pwedeng mahiya?” Ibinigay ko na ang hinihingi ng arte niya. “Gutom ka na.”
“I’m okay.”
“Sigurado ka?”
Umiling si Gabriel.
“Um-order ka na.”
“Join me?”
Hindi muna ako nagsalita. Nagpa-cute na naman siya na kay hirap tanggihan. Napakaarte. Kung si Arvin lang ito o kahit si Mama pa, wo-walk-out-an ko lang. Pero ayaw akong patayuin ng nararamdaman ko. Parang tanga lang. Pero isa ito sa mga pinakamasarap na katangahan.
“Sige. Pero magbabayad ako,” sabi ko.
Itinaas ni Gabriel ang kanang kamay at tumawag ng waiter. “Isang nachos at isang puttanesca. Paki-split ang puttanesca.” Tumingin sa akin si Gabriel. “Kain, ha!”
Umoo na lang ako kahit hindi ko alam kung ano ang gagawin sa mga susunod na mangyayari. Paano ako uuwi? Isandaan lang ang baon ko. Seventy-five pesos pa ang iced tea. Twenty-five ang share ko sa meal. Hay, mamaya pa naman iyon. I-enjoy ko na lang. Nagkwentuhan kami ni Gabriel habang hinihintay ang mga in-order. Nagbago ang mukha ni Gabriel nang may makita sa likuran ko. Siya ang nakaharap sa pinto at nakakakita ng mga pumapasok sa Chocolate Kiss.
“Nandyan siya?” kinakabahang tanong ko. Baka si Jessie ang nakita ni Gabriel.
Yumuko si Gabriel.
Hindi pumasok sina Jessie. Waitlisted yata. Hanggang doon na lang ang iisipin ko. Hindi ako lilingon sa demonyo. Huminga ako nang malalim at nag-focus sa anghel sa harap ko. Anghel talaga ang naisip ko. Angels versus demons? Pero napapansin ko pa rin ang mga mata ni Gabriel na sumisilip sa labas.
“Wala naman siyang magagawa,” sabi ko kay Gabriel. “Huwag muna natin siyang isipin.”
“You sure, you’re okay?”
“Opo.” Ngumiti ako para mapanatag siya.
Ngumiti na rin si Gabriel. Dumating na ang mga in-order niya. Pinili niya ang mas marami at inilagay sa harap ko. Kinuha ko agad ang pinggan. Napangiti siya. Medyo nao-awkward ako.
“Don’t worry, hindi kita susubuan,” sabi niya.
“Ano?” gulat na sabi ko.
“Gusto mo ba?”
“Ano?”
“Kain na tayo,” nakangising sabi niya.
Hindi ko pa rin naiintindihan kung nagdyo-joke ba siya. Pero gusto ko iyon. Natapos kaming kumain na hindi pa nakakapasok sina Jessie. Nagtaas uli ng kamay si Gabriel para sa bill.
“One hundred sa iyo,” sabi ni Gabriel.
Sana, bigyan niya ako kahit sampung piso para may pamasahe ako pauwi. Isandaan lang ang baon ko. Pagkabayad at pagkakuha ng sukli ay tumayo na si Gabriel, may iniwang mga barya sa mesa. Mga beinte pesos siguro iyon. Tip. Nakatingin lang ako sa mga barya.
“Don’t bother. Ihahatid kita later,” sabi niya na parang na-practice na ang sasabihin bago pa man kami magsimulang kumain.
Nakakahiya naman. Ramdam na ramdam kong nakalambitin ako sa poverty line. Hindi pa iyon ang isyu na kailangan kong harapin. Lalabas na kami at papasok na si Jessie na may kasamang magandang babae. Parang magde-date sila. Hindi naman siguro siya aastang halimaw sa harap ng babae niya. Naglampasan lang kami na hindi nagpapansinan.
“Gabriel Carlos,” sabi ni Jessie sa mahina pero may kapangyarihang boses.
Huminto ako.
“Huwag mo siyang pansinin, Alex,” bulong sa akin ni Gabriel. Hindi ako kumilos kaya hindi na rin siya gumalaw. Humarap na lang siya kay Jessie. Hindi ako makalingon pero sigurado akong nagtitigan silang dalawa. “What’s up, man?” tugon ni Gabriel.
“Hindi mo siya laging matatabihan,” banta ni Jessie.
Doon ko hinarap si Jessie at tiningnan. Hindi ko alam pero napapansin ko na kapag malapit sa akin si Gabriel ay nagagawa kong tingnan si Jessie.
Ngumiti si Jessie.
“Let’s go,” yaya ni Gabriel.
Sumunod na ako kay Gabriel at tuluyan na kaming lumabas ng restaurant.
“Let’s not let him spoil our day,” sabi niya.
“Oo. Salamat sa lunch,” sabi ko.
“Uy, hindi libre `yon.”
“Alam ko. Pero hindi ko kasi inakalang makakakain ako sa Chocolate Kiss.”
“Ah, i-reserve mo na lang `yang thank you mo. Marami pa tayong kakainan.”
Masaya ako na nakasama kong mag-lunch si Gabriel. Perfect na nga sana kung hindi ko nakita si Jessie. Nang maalala ang lalaki, kahit nasa kotse na ako at katabi si Gabriel. Kinabahan ako. Nakakatakot ang huling tingin ni Jessie. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng ngiti niya. May iniwan sa aking tanong na hindi ko alam kung ano at para saan. Pinalampas ko na muna. May mas mahalaga ngayon. Si Gabriel. Pinapasaya niya ako. Kagaya ng pangako niya, inihatid niya ako sa bahay.
NASASANAY na ako sa paghatid-sundo ni Gabriel. Nasasanay na rin si Mama sa kanya.
“Anak, `yong totoo, ano’ng meron diyan sa Gabriel na `yan?”
“Hindi ko alam, `Ma,” sagot ko. “Pero okay naman siya. At least, may service ako papasok at pauwi. Hindi mo kailangang mag-alala.”
“Sabagay,” sabi ni Mama. “Pero itanong mo rin sa kanya kung ano ang pakay niya, ha? Baka serial killer `yan.”
“Wala naman sa itsura niya ang papatay,” sabi ko. “May kilala ako na mas malala ang itsura.”
“Ay, you can never can tell,” sabi ni Mama, saka niya ako niyakap. “Pero proud ako sa iyo, anak, at nakakahanap ka na ng friend.”
Natuwa rin ako. Si Gabriel ang una kong kaibigan na hindi ko kaklase. First time ko. Kaya na rin siguro hindi ko tinatanong kung normal ba ang ginagawa ni Gabriel. Wala akong pagkukumparahan. Aprubado na rin naman kay Mama. Minsan nga, nang umuwi ako, may note si Mama sa fridge. Alam na niyang may kasama ako. Si Gabriel pa ang unang nakakita at nagbasa ng note.
Papasukin mo muna si Gab. Pakainin mo. May food pa sa fridge, i-oven toaster mo na lang. Masama raw kasi `pag microwave lagi ang ginagamit...
“Akin na `yan!” Agad kong binawi ang note.
“Tita is so sweet,” sabi ni Gabriel, saka kinuha ang spaghetti sa loob ng fridge. “No wonder your dad fell for her.”
“Ang mga sweet na tao, hindi niloloko,” matter-of-factly na sabi ko. Nakasanayan ko nang hirit iyon pero parang hindi usual sa pandinig ni Gabriel. “Sorry.”
Napahiya na naman si Gabriel, nanatiling nakaharap sa oven kahit napihit na niya at pwede nang iwan. Nakita ko rin ang reflection niya na nakakagat- labi at lukot ang mukha. Sising-sisi sa kanyang nasabi.
“Okay lang,” sabi ko. “Hindi ko na `yon isyu.” Hindi pa rin siya lumingon kaya parang gusto ko nang matunaw. “Seventeen years na `yang fact,” pagsisiguro ko. “Noong mag-fourteen ako, tanggap ko na. Tanggap na nga ni Mama, ako pa ba?”
Humarap na si Gabriel. “I was insensitive. I should have studied my compliment list.”
“Parang marami ka nang nasabihan niyan.”
Natawa siya. “Not really,” sabi niya. “Sinubukan ko lang.”
Tinapik ko nang mahina ang braso niya. “Okay nga lang,” sabi ko. “Applicable naman. Na-touch naman ako.”
Ngumiti siya. “Isa pa nga,” hirit niya.
“Ng alin?”
“`Yong tapik,” sabi niya saka itinuro ang braso niyang napansin kong nag-flex.
“Bakit tumitigas `yan?” tanong ko. Ni-relax niya at natawa ako. “Bakit ba kasi tinapik lang, pinapaulit mo pa?”
“First time mo akong hawakan,” sabi niya.
Ano’ng pinagsasasabi nito? At ngumingiti pa na parang namimilit. Kaya hayun, tinapik ko na lang uli. Nagtawanan kami. Inulit ko pa ang pagtapik sa kanya. Paulit-ulit at pabilis nang pabilis. Lalong gumanda ang ngiti ni Gabriel. Hanggang sa nakatitig na lang siya sa akin at nakangiti. Sa huling tapik ko sa kanya, sinalo niya ang kamay ko. Hinalikan. Nakangiti pa rin siya at ako, nakatitig lang. Nawala ang ngiti ko. Biglang tumunog ang oven. Thank you oven. Mas awkward pa ito sa pagkapahiya ni Gabriel kanina. Binawi ko ang kamay ko.
“Walang lasa `to,” sabi ko. “Nando’n `yong spaghetti, kung gutom ka na.”
“Maalat kaya,” natatawang sabi niya.
Napangiti na lang ako dahil ayoko siyang mapahiya. Bakit niya hinalikan ang kamay ko? Sa sala na ako dumeretso dala ang bowl ng pasta at sauce. Binuksan ko ang TV. Teleserye na ang mga palabas. Tapos na ang balita. Nakasunod sa akin si Gabriel na may dalang dalawang pinggan, mga kubyertos at dalawang baso. Isinunod niya ang isang bote ng tubig. Bago siya umupo ay pinatay niya ang TV.
“Bakit?” tanong ko.
“Let’s just watch us,” sabi ni Gabriel, saka inilabas ang kanyang laptop at pinatugtog ang playlist ng lumang album ni Nina. “O, `di ba,” ngumiti siya, “ampogi natin sa TV.”
“Ano?” Nagulat ako. Hindi ko naiintindihan. Saan ito papunta? Ano ang pinagsasabi niya?
Nilagyan niya ng pasta ang mga pinggan namin. Isinunod niya ang sauce. Hinalo muna niya ang spaghetti ko, `tapos iyong sa kanya. Pinapanood ko lang siya habang hinihintay ang sagot sa tanong ko.
“Narinig mo naman, eh,” sabi ni Gabriel.
Nagpapaka-cool siya. Parang normal na usapan lang ang ginagawa niya. Pero ako, nababaliw na sa paandar niya. Siya nga ang unang kong kaibigan. Pero sa mga napapanood ko sa TV, sa mga nababasa ko sa libro, hindi ganito ang concept ng friendship. Sinabayan ko lang ang pa-cool niya. Pinanood ko siya. Alam ko na nakikiramdam din siya sa mga ginagawa ko. Sumubo siya. Ngumuya. Tuloy-tuloy ang pagkain na may mga paminsan-minsang tingin sa akin. Mga tinging kino-confirm ang nararamdaman ko sa pagkakataong iyon.
Game na. Sige. Paka-cool tayo sa eksenang ito ng teleseryeng gusto mong pagbidahan natin.
“Oo, narinig ko,” sabi ko. “Ampogi natin sa TV.”
“Ayus, narinig mo nga,” sabi ni Gabriel “May kasunod pa `yon.” Pero tumigil siya, inubos ang laman ng bibig, saka lumunok at uminom ng tubig. Tapos, tumitig siya sa mga mata ko.
Nakipagtitigan ako sa kanya. Ako naman ang napalunok. Napakaamo ng mukha niya. Gusto ko nang marinig ang sasabihin niya. Nagkakaroon na ako ng clue; at hayun na nga, tama ako.
“I like you,” sabi ni Gabriel.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. “Sinabi mo na `yan,” palusot ko. “`Sabi mo pa nga, you really like me. May really pa nga.” Ako naman ang nag-angat ng pinggan at nagsimulang sumubo ng spaghetti.
“Yes, I really like you,” sabi ni Gabriel. Sumubo uli siya at nagpatuloy sa pagkain. Parang sinabi lang niya na roses are red violets are blue refrigerator. Papasa ito sa akin na romantic pero parang normal lang sa kanya ang mga salitang sinasabi niya. Walang pambobola. Pero ang totoo, parang joke.
Pero gusto ko. Okay lang ako. Casual lang. Madaling sakyan. Sinabayan ko na lang siya. Ito ang game mo, kaya ko rin ito.
“Sige,” sagot ko.
Nilagyan niya ng tubig ang baso ko at iniabot sa akin.
“Thanks,” sabi ko.
Nagpatuloy uli kami sa pagkain. Patuloy pa rin si Nina sa pagkanta.
“Tell your mom, her pasta is delicious,” sabi ni Gabriel.
Wow? Saan nanggaling ang komento niyang iyon?
“You should try her recipe. `Paturo ka. Nakakagwapo lalo sa guy if he knows how to cook.”
“Sa tingin mo, gwapo ako?” tanong ko.
“Have you been in the sea, lately?”
“Ha?” Saan na naman nanggagaling ang tanong na iyon?
“Ang fishing mo kasi.” Tumawa siya. “Kaya ko ring maging funny.”
“Well, minsan, nagluluto rin ako. `Pag umaalis si Mama, nag-iiwan siya ng recipe, `tapos gagawin ko. Masarap naman ang kinalalabasan. Nauubos ko rin,” kwento ko. Pareho kaming natahimik. Itinuloy ko na lang ang gusto kong itanong bago namin napag-usapan ang tungkol sa pagkain. “Gabriel,” sabi ko.
“Yes?” sagot niya.
“Normal ba itong ginagawa mo? Masaya kasi ako na magkaibigan tayo. Pero nalilito ako kung ganito ba talaga ang magkaibigan.”
“Not all friends are like this,” sabi ni Gabriel. “This isn’t a normal me with a friend. Hindi ako ganito sa kuya mo. Sinabi ko naman sa `yo. I really like you.”
O, sige na. `Wag nang tanga-tanga. Deretsahan na.
“Bakla ka ba?” tanong ko.
“Yes,” sagot niya, saka sumubo uli ng spaghetti. Ako naman, napainom ng tubig at natahimik uli.
“Are we still okay?”
“Sa tingin ko naman,” sagot ko. “Walang problema.”
Tahimik uli.
“Other than spaghetti, ano pang recipe ng pasta ang alam mo?” Iniba na niya ang usapan. “Like do you know puttanesca or carbonara?”
“Nasubukan ko na rin dati. Iba-iba na ring kulay ng pasta ang naluto ko,” sagot ko. Pero kahit nag-iba na ng topic, hindi pa rin nawawala sa isip ko ang pag-amin niya. Bakla siya. Hindi halata sa itsura niya. Hindi naman sa naliwanagan ako sa mga kinikilos niya. Mas na-confirm lang iyong hindi ko iniisip na ginagawa niya sa akin. “Gabriel, sabi mo, you really like me,” biglang sabi ko.
“Yes, Alex, I really like you,” sabi ni Gabriel.
“Kailangan ko rin bang masabi ang nararamdaman ko sa iyo?”
Nagpatuloy siya sa pagkain at saka sumagot. “Baka kasi nagtataka ka na sa mga ginagawa ko,” paliwanag ni Gabriel. “Sinabi ko na lang, so you won’t be baffled.”
“Sige, hindi na ako maba-baffled.” Kung ano man ang baffled na iyon, context clues na lang.
“Pero hindi naman kailangan,” patuloy ni Gabriel. “Bahala ka. Kung gusto mong sagutin, mas masaya. Kung hindi naman, okay lang.”
Baffled na naman ako. Habang sumusubo uli siya ng spaghetti, nagtanong ako. “Nasubukan mo na bang sumali sa marathon?”
“Oo, bakit?”
“Ambilis mo, eh!”
Nagtawanan kami.
Sunod na ikinuwento ni Gabriel iyong panahon na sumali siya sa marathon. Silang dalawa raw ni Kuya Albert. Sumampa pa raw sila sa Skyway. Naiba na naman ang topic. Kwento, tawa, kwento tawa. At saka pagkain. Alam naming may gusto kaming ibang pag-usapan pero nagpapadala kami sa kwentuhan. Dito ko napansin na kinakabahan si Gabriel. Hindi niya rin pala kayang dere-deretsuhin ang usapan. Marunong pala siyang manimpla. Ayaw niyang mahalata na nagiging vulnerable siya sa pagsasabi ng nararamdaman. Napapansin ko iyon sa ilang kakaiba niyang tingin. Nakikita ko na gusto niya ako. Pero bigla niyang binabawi tuwing napapansing magtatanong ako ng iba. At nang mahuli ko ang tingin niya, ibinalik niya ang kwento sa marathon.
“I got a very bad blister then,” sabi ni Gabriel. “I was wearing a new pair of shoes, and it didn’t fit me that well kapag itinakbo na. My whole sole was in pain the day after. Paltos lahat.”
Out of the blue ay sisingit ako. Kailangan ko lang sabihin ang nararamdaman ko. Naging matapang na si Gabriel sa pagsasabi ng nararamdaman niya. Kailangan ko na rin. “Okay lang bang hindi ko muna sabihin sa iyo ang nararamdaman ko?” tanong ko. “Hindi pa kasi ako sigurado.”
“Okay na `yong hindi sigurado.” Nakikita ko na sinusubukan ni Gabriel na maging okay sa sagot ko. “At least hindi mo sinabing hindi mo ako gusto. More of, pag-iisipan pa. Tama ba ako?”
Ayoko mang ipakita pero natatawa ako. Nakikita kong nagtatapang-tapangan si Gabriel. Nakikita ko kung paano niya pinipilit na itaas ang confidence level niya. Kaya napasagot ako. Hindi ko pinag-isipan ang sagot ko. Ito ang mga unang pumasok sa isip ko.
“Gusto rin kita,” sagot ko. “Sigurado ako do’n.”
“Well, that is so much better,” sabi ni Gabriel na nakahinga nang maluwag.
Nagtawanan uli kami at nagkwentuhan habang kumakain. Sa gitna ng kwentuhan tungkol sa panga ni Nina, si Gabriel naman ang parang nagbalik ng usapan.
“When you said na gusto mo rin ako, it is the gusto as in gusto? Kasi gusto kita as in gusto na gusto kita, eh. And I assume na no’ng sinabi mong sigurado ka nang gusto mo rin ako, iyon `yong gustong- gusto mo rin ako. Tama ba?”
“Oo. Kung lalaki’t babae tayo at hindi parehong lalaki, babaguhin na natin ang status natin sa facebook na in a relationship.”
“We can do that. Don’t you want to be in a relationship with me?”
“Gusto.” Hala, ang honest ko. “Sigurado akong gusto kita. Pero hindi ko alam kung kaya kong maging in a relationship sa isa ring lalaki.”
“Ah, hindi mo pa alam,” medyo natatawang sagot niya. “Akala ko, alam mo na.”
“Alam ko na ang alin?” tanong ko na medyo nainsulto.
“That you’re one of us?” sagot ni Gabriel.
“Us? Sinong us?” gulat ko na may nakakatakot na reyalisasyon, “Si Kuya? Bading si Kuya?”
Tumawa si Gabriel. Sobrang tawa na hindi ko naintindihan.