CHAPTER THIRTY-TWO
PI NAKAMAHIRAP talaga ang gabi. Noong una, ayoko kahit maidlip dahil sa masasamang panaginip. Pero mas pipiliin ko na iyon kaysa ngayon na kahit anong pilit kong matulog, hindi ko magawa dahil sa sakit. Dahil bakasyon, ipinagkatiwala ni Kuya Albert ang unit niya sa amin. Ako na muna ang gumamit sa kwarto niya; si Mama, sa kwartong ipinahihiram sa akin ni Kuya dati. Mabuti nga at wala nang pasok dahil ilang araw na akong umaga na nakakatulog. Ito ang kabayaran ng kasalanan ko. Hindi ako makatulog. Pero ano ba ang kasalanan ko? Mahal na mahal ko si Gabriel. Mahal na mahal din niya ako pero bakit kailangan naming maghiwalay? Bakit kailangan niyang makipaghiwalay sa akin?
Magkasabay kaming nag-breakfast ni Mama. A-araw ay may hanash si Mama sa breakfast.
“Anak, Walang forever. Lahat nagbabago, lahat naghihiwalay. Tingnan mo kami ni Raul. Natapos din.” Napansin yata ni Mama na ayokong mapag-usapan ang kahit anong may kinalaman sa pamilya ni Jessie. “Sorry, bad example,” biglang bawi niya. “Tingnan mo na lang ako at ang daddy mo. Akala ko, happy na kami. Pero ano? Nagkaroon ng kabit ang daddy mo. Nagkataon nga lang na ako ang kabit. Kaya move on lang.”
Napahiya si Mama. Ayokong maramdaman niya iyon kaya napilitan akong sumagot. “Eh, bakit sina Lolo at Lola? Kinatandaan at kinamatayan na nila ang isa’t isa? Ano `yon, long-term fling? Friends with benefits?
“ Anyare ? Nauna namang na-deds ang lolo mo, `di ba?” pagde-defend ni Mama. “Kahit ang lolo at lola ko, walang magagawa kapag naki-third party na sa kanila si Kamatayan. Walang forever.”
“Wala namang naki-third party sa amin ni Gabriel,” sabi ko.
“Ano si Jessie?” sabi ni Mama. “Hindi ba siya nga ang Lalaki One mo? Shit, `nak! Ang pangit pakinggan. `Pag inalis mo `yong one, magiging, `siya ba ang lalaki mo?’ Hindi maganda.”
“`Ma, hindi ko lalaki si Jessie. Hindi ko siya mahal. Si Gabriel ang mahal ko.”
“Mahal mo si Jessie,” giit ni Mama. “Sa kung anong freak of nature na dahilan, hindi ko alam. Pero mahal mo siya, anak.”
Natigilan ako. “Pero lagi ko namang sinasabi kay Gabriel na hindi ko mahal si Jessie, na kahit ano’ng mangyari, siya ang pipiliin ko, at iyon ang ginagawa ko.”
Tumayo si Mama. “Alex, hindi maitatago nito,” itinuro niya ang ulo bago ang dibdib, “ang nararamdaman nito. At nararamdaman iyon ni Gabriel.”
“Pero mas mahal ko si Gabriel,” sabi ko.
“Bakit ba tayo iniwan ng daddy mo?”
Hindi ko alam kung ano ang point of comparison ni Mama.
“Sinabi rin iyan ng daddy mo sa asawa niya—na mas mahal niya ang asawa niya kaysa sa akin. Hindi iyon pwede. May chance kasi na galingan ko ang performance ko, at mas mahalin ako ng asawa niya. Hindi pwedeng mas mahal mo si Gabriel. Dapat walang comparison. Dapat siya lang.”
Hindi ko alam kung ano ang isasagot.
“Kaya mo `yan, Alex. Puso lang `yan, malayo sa bituka.”
Hindi pa rin ako sumagot.
“Ay, hindi mangiti,” sabi ni Mama. “Gusto mo ba ng kasama? Pwede naman akong hindi pumasok muna.”
Pinilit kong ngumiti. “Kaya ko po, `Ma,” sabi ko.
“Good. I-fake mo lang hanggang maging totoo. Start na `yan.”
Napangiti ako nang medyo totoo.
“Aalis na ako,” sabi ni Mama. “Huwag kang magpapakamatay, ha, gago ka. Love lang `yan, tao ka.”
“Hindi po, `Ma,” sabi ko.
PAG-UWI ni Mama galing sa trabaho, binigyan niya ako ng hard drive. Ikinopya niya ako ng movies, TV series, reality shows at mga competition sa States. At iyon nga ang ginawa ko sa mga gabing hindi ako makatulog. Marathon. May mga sumunod pang umaga. May mga sumunod pang hanash .
“Marami ka namang natutuhan, `di ba? Okay na `yon.”
“Anak, alam mo, huwag mong isiping natapos na ang kwento mo. Isang chapter lang `yan. Pwede ka nang mag-start ng bago.”
“Mas maraming magagandang naghihintay sa iyo kaysa sa mga nangyari na. Hintay ka lang, may darating pang iba.”
“Huwag kang mag-dwell sa mga bagay na hindi mo mababago. Feelings niya `yon. Siya na ang nakakaalam do’n. Feelings mo ang i-adjust mo. Simulan mo nang ilayo sa kanya. Anak, `yong moving on, okay na experience daw. Gusto mong subukan?
Unti-unti, nakakaya ko na. Mas nakakangiti na ako nang totoo. Napapatawa ako nang malakas sa mga napapanood ko. Nakakaya ko. Nakangiti ako nang lumabas ng kwarto. Nakaligo na ako at nakahanda nang kumain. Masaya rin ang bati ni Mama.
“Mukhang doing good ang anak ko, ah,” sabi ni Mama. “Masakit pa ba?”
“Medyo po,” sagot ko.
“Sabi sa iyo, kung gaano ka sumaya, ganoon din `yan kasakit. Kaya ang tanong, sulit ba?”
“What’s sulit, Mama?”
“Anak, ang luma naman ng Kris and Bimby commercial as a reference sa joke. Kumusta ang tulog mo kagabi?”
“Mas mahaba na po.”
“Alin ang mas basa? `Yong unan mo sa luha bago matulog o `yong unan mo sa laway pagkagising?”
“`Yong laway na po.”
“Good.” At niyakap ako ni Mama.
Natawa na ako. Oo, hindi pa ako nakaka-move on. Pero nakakatulog na ako; hindi sapat pero mas mahaba na kaysa noong nakaraan. Kailangan. Kuhanan na ng class card. Malapit na ang enrollment para sa summer class. Iniisip ko pa kung mag-e-enroll ako.
Papaupo na kami sa mesa nang bumukas ang pinto at pumasok si Daddy.
“Oh! Hello, stranger,” bati ni Mama. Sinalubong niya si Daddy at nag-beso. Ang cool lang nila. Parang walang past. “Sumabay ka nang mag-breakfast sa amin ng anak mo sa akin,” yaya ni Mama.
“`Oy, Veron,” sabi ni Daddy. “Wala ka bang pasok?”
“Wala,” sagot ni Mama. “Pero si Alex mo, meron. Kukuha daw ng class cards.”
“Una na po ako,” paalam ko.
“Hindi ka ba muna kakain?” tanong ni Mama.
“Hindi na,” sabi ko.
“Kumain ka na muna,” sabi ni Daddy.
Hindi ko pinansin si Daddy. Tumuloy na ako sa pag-alis. Isa-isa lang. Kay Gabriel muna ako. Huwag muna daddy issues.
HALOS wala nang klase nang makipaghiwalay sa akin si Gabriel. Ngayon na lang uli ako tatapak sa campus. Ang totoo, ngayon lang uli ako nakalabas ng bahay. At ang akala kong natakasan ko nang sakit, kaya palang bumalik na parang boomerang.
Walang laman ang jeep na nasakyan ko, maliban siyempre sa driver. Sa unahan na ako umupo. Umandar ang jeep at naalala ko ang mga kamay ni Gabriel sa bawat pagkambiyo ni Mamang Driver. Hindi sa gusto ko ring ilagay niya ang kamay niya sa hita ko. Pero naalala ko ang malambot na kamay ni Gabriel. Ang paghawak at paghalik niya sa kamay ko. Ang pagtingin-tingin niya sa akin, hinuhuli ang pagtingin ko sa kanya para ngitian.
Bumaba ako ng jeep kahit hindi pa ako nakakarating sa dapat kong babaan. Sa sumunod na sinakyan, sa likod na ako umupo, malapit sa pinto. Wala naman sigurong dala si Gabriel na memory dito. Pero mali ako. Ang mga nilakaran namin, ang mga inikot namin ng kanyang sasakyan, ang mga kinainan, kwentuhan, ang daming alaala. Alaala, oo, kasi wala na.
Wala na.
Wala na.
Inabutan na lang ako ng lalaki sa harap ko ng tissue ng kinakain niyang burger. Doon ko lang napansin na patuloy pala sa pagtulo ang mga luha ko. Nakakahiya. Bumaba na lang uli ako. Doon ko lang napansing lumampas na rin pala ako sa dapat kong babaan.
Nag-abang uli ako ng jeep.
Tirik na tirik ang araw, ang init-init. Pero ako, nasa kalsadang hindi kayang takpan ng puno ang powers ng araw. Pero hindi pansin ng balat ko ang hapdi, dahil mas masakit ang nasa dibdib ko. Nararamdaman ko ang patuloy na pagbagsak ng mga luha ko. Ang lungkot-lungkot. Ang sakit-sakit. At ang bawat kotseng dumadaan ay nagiging kotse ni Gabriel sa paningin ko. Bakit ganito? Ayoko na. Hanggang sa ang pananaginip ko nang gising ay binasag ng isang pamilyar na ingay ng motorsiklo.
“Sakay na,” sabi ni Jessie.
Tiningnan ko si Jessie. Parang okay na siya. Ako, hindi. Kaya hindi ko siya pinansin. Naglakad na lang ako papalayo.
“I thought we were cool,” sabi ni Jessie.
Hindi ko pa rin siya pinansin.
Sumunod pa rin siya.
“Maayos naman ang paghihiwalay natin, `di ba. Akala ko, napatawad mo na ako.”
Hindi ako nagsalita.
“Alam mo, nangyari na ito. Lalakad ka, bibilis, babagal, `tapos mahihirapan ako kasi may dala akong motor.” Bumaba si Jessie ng motorsiklo at naglakad kasabay ko. “May problema ba?”
Ibang-iba si Jessie. Hindi siya galit. Hindi malungkot. Ang kalmado niya. Pero kagaya ko, napansin kong nahuhulas na rin siya at tumatagatak ang pawis.
“Jessie, okay lang ako,” sabi ko. “Mauna ka na. Hindi mo kailangang maglakad sa init.”
“Pero gusto ko ito,” giit ni Jessie.
“Huwag mo nang gustuhin,” sabi ko.
Nagsalita siya. Hindi ko naintindihan. Hindi ko na lang din siya pinansin. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hanggang sa wala nang nagsalita. Wala nang kumibo. Wala na akong kasabay. Mabuti naman at iniwan ako ni Jessie. Huminto na ako at nag-abang na uli ng jeep. Doon lang muling bumalik si Jessie.
Nagulat.
“Hindi ka nga nakikinig,” sabi ni Jessie. “Ipinark ko lang `yong motor. Ang hirap maglakad na may dalang mabigat. Kailangang bitawan muna.”
Hindi ko pa rin siya pinansin.
“Natatakot ka ba na baka makita tayo ni Gabriel?” sabi ni Jessie. “Don’t worry, kakausapin ko siya. Wala naman tayong ginagawang masama.”
“Jessie, tigilan mo na ako. Pinatawad na kita. Okay na` yon. Tama na, please? Layuan mo ako.”
“Sorry. Nag-away ba kayo ni Gabriel.”
Tumingin ako kay Jessie. “Wala na kami,” sabi ko.
“I’m sorry,” sabi ni Jessie.
Umiling ako. “Hindi ka sorry, Jessie. Wala kang karapatang maging sorry. Hindi iyang sorry na naaawa ka. Kung magiging sorry ka, eh, dahil sa ginulo mo kami. Ikaw ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Kung bakit ako iniwan ni Gabriel. Ikaw, Jessie, ang dahilan” Gusto ko siyang sapakin. Gusto ko siyang sigawan. Gusto ko siyang mawala. Pero hindi ko magawa. Hindi ako makakilos. Nakatitig lang ako kay Jessie. Hanggang sa lumabo ang lahat. Nawala. Nagdilim.