CHAPTER EIGHTEEN
M ADALI kung sasabihin ko kay Gabriel ang mga panaginip ko kay Jessie. Pero nahihiya ako. Paano ko sasabihin na hindi pa man niya nasasabi ay nasuway ko na ang kaisa-isa niyang hiling—ang huwag titingin sa mga mata ni Jessie? Kaya heto ako ngayon, natatakot sa nakita ko? Ginawa ko na. Pananagutan ko na. Problema ko lang naman si Jessie. Oo, siguro natakasan ko siya sa tulong ni Gabriel pero gaya ng lahat ng pagtakas, naiiwan ang kaba na makakatagpo uli ang pinagtataguan. Hindi ko na hihintayin ang susunod na pagtatagpo, ako na ang lulusob. Wish ko naman kay God sa birthday ko ay tapang. Titingnan ko kung dumating na ang gift.
“Are you sure you’re okay?” tanong uli ni Gabriel. “Medyo dalawang kanta na ang hindi mo nasasabayan. Kung computer ka, napindot ko na ang ctrl + alt + del.”
“Sorry,” sabi ko. Panandalian, hindi ko alam kung nasaan kami.
“Are you having second thoughts, baby?” tanong ni Gabriel. “Yes, it is healthy na isama natin ang mama mo sa mga event in our relationship, but we can just invite her tomorrow sa condo?”
Hindi ako nakasagot. Naalala ko lang na nasa kotse na kami papunta sa Parañaque. Buong umaga na akong nagpapalit-palit ng isip. Kaya inabot na kami ng hapon bago sumugod sa mansiyon. Doon ako mag-i-stay nang weekend kasama si Mama. Pero nandoon din si Jessie. Isa rin sa mga pakay ko.
“Are you thinking about Jessie?” tanong ni Gabriel.
“Hindi,” sagot ko. Actually, oo. Kailangan kong makita si Jessie. Hinawakan ko ang kamay ni Gabriel na nasa hita ko. Doon ako kumuha ng tapang. “Si Jessie lang naman `yon. Hindi na ako natatakot sa kanya.”
“And if you change your mind, I can stay for the night.”
“Hindi na, Gab. Hindi ko pa bahay `yon. Nakakahiya.”
“Okay, hindi na ako magpipilit. I’m just a call away.”
“Alam ko `yon. Huwag kang mag-alala, mabilis naman ang araw. Sabado naman na. Linggo na bukas paggising ko. `Tapos uuwi na ako. Sa Monday, birthday ko na. Magkakasama na uli tayo.”
“Yes, eighteen ka na,” sabi ni Gabriel.
“Tama,” sagot ko. “Iyon na lang ang isipin natin.”
“And the things that will go with it,” hirit ni Gabriel saka pinisil ang kamay ko.
“But if you are really bothered by spending a night in that house, I can pick you up at nine.”
“Kaya ko na `to. Big boy na ang boyfriend mo.”
“I know.”
“Huh?”
Tumawa si Gabriel. Nag-joke siya na hindi ko na-gets.
“Nakakainis ka,” sabi kong napangiti na rin.
Humarap sa akin si Gabriel, hinawakan ang binti ko. At habang nakahinto ang kotse, nagtanggal siya ng seat belt, lumapit sa akin at nagnakaw ng halik.
MAGKAHAWAK ang mga kamay namin ni Gabriel nang pumasok sa bahay. Nahiya lang ako nang mapatingin ang kasambahay na nagbukas sa amin ng pinto. Sinubukan kong bumitiw kay Gabriel, pero mas hinigpitan niya ang pagkakahawak sa akin. Sinalubong kami ni Mama, malaki ang ngiti at nakataas ang isang kilay pagkakakita sa maghawak naming mga kamay ni Gabriel. Yumakap sa akin nang mahigpit si Mama, hinalikan ako sa noo bago binitiwan.
“Nakakainis ka, Alex, ha? Akala ko sa Lunes pa kayo darating. Maghahanda ako sa birthday mo. Eh, may pa-monthsary pala kayo. Sana, nakapagluto ako,” sabi ni Mama.
Tumalikod ako para umupo. Nasa dining area kami, at nakahain na ang spaghetti na pasalubong namin ni Gabriel. Pero bago ako makaupo, pinalo ako ni Mama sa puwit.
“Masakit?” tanong ni Mama.
Napakunot-noo ako sa tanong ni Mama. Hindi ko naman naintindihan.
“Good!”
“So, ikaw ang nasasaktan?” tanong ni Mama kay Gabriel.
“Tita naman,” sabi ni Gabriel. “Sabi n’yo, hinihintay n’yo ang debut niya.”
Naglakad si Mama papalapit kay Gabriel at niyakap ang lalaki. Pagkabitaw ni Mama ay naging seryoso na ang mukha. “Basta safe kayo, ha? May nategi na sa opisina.”
“Of course, Tita,” sabi ni Gabriel at umupo na.
Magkatabi kami ni Gabriel habang si Mama ay nakaupo sa tapat ko. Walang nakaupo sa kabisera. Nakangiti pa si Mama habang pinapanood si Gabriel na lagyan ng pagkain ang pinggan ko. Ako naman, pinipilit na itago ang saya at kilig. Masaya si Mama para sa akin. At si Gabriel, ipinagmamalaki sa nanay ko kung gaano niya ako pinapahalagahan. Hanggang sa magsalita si Mama at batiin ang bagong dating.
“Je-Ar, `nak,” bati ni Mama sa lalaking nakasilip pala sa dining area. “Kain ka na rin.”
“Thanks, `Ma,” sabi ni Jessie na parang hindi ako napapansin.
Hindi ko rin siya nakikita dahil nakatalikod kami ni Gabriel. Pero nararamdaman ko ang lamig ng kanyang boses. Mababa at walang emosyon.
“Nandiyan ba si Daddy?” tanong ni Jessie.
“Nasa gym pa,” sagot ni Mama. “Dadaan pa `yon sa hardware. Pero dito daw siya magdi-dinner. Halika na muna, upo ka muna dito.”
“Busog pa po ako. Thanks,” tanggi ni Jessie. “Huwag n’yo na lang ipakita kay Daddy `yang dalawa.”
“Ano `yon?” tanong ni Mama.
Narinig ko ang papalayong mga yabag ni Jessie. Narinig ko rin ang mga huling salita niya. Mahina iyon at naiintindihan ko na hindi narinig ni Mama. Parang para sa akin talaga ang mensahe.
“Ano raw?” tanong ni Mama.
“Just wake him up when his dad is back daw po,” sagot ni Gabriel. Alam din niya ang mga pananakot kapag nakarinig siya ng isa.
PAGKATAPOS kumain ay isinama kami ni Mama sa kwarto ko. Maayos at maganda na ang attic.
“Para hindi ka masyadong manibago, ginawa ko nang kakulay ng dati mong kwarto ang pintura,” sabi ni Mama. “Nandiyan na rin `yong mga box mo. Ikaw na ang bahalang mag-ayos kung paano mo gusto. Alam ko namang ayaw mong pinakikialaman ang mga gamit mo...”
“Thanks, `Ma,” sabi ko. “Magpapatulong na lang ako kay Gab.”
“Sige. Iwan ko na kayo. Pero sa Lunes pa ang debut, ha?!”
“`Ma?!”
“Joke lang, Alex,” sabi ni Mama. “O, siya. Gabriel, ha? May tiwala ako sa `yo.”
“Yes, Tita.”
Umalis na si Mama. Pagkasarang-pagkasara ng pinto, niyakap ako ni Gabriel. Hinalikan. Hanggang sa mapahiga kami sa bago kong kama.
“It’s been three hours since my lips touched yours. I can’t wait for another minute,” sabi ni Gabriel.
BAGO mag-dinner, nagdesisyon nang umuwi si Gabriel. Hindi na rin ako tumutol. Mami-miss ko siya pero dapat din namang maghiwalay kami paminsan minsan. Inihatid ko siya hanggang sa pinto.
“Alam mo naman siguro ang nangyayari sa loob ng kulungan, `no?” bulong ni Mama kay Gabriel.
“I’ve heard stories, Tita,” sagot ni Gabriel.
“Mama,” pagtatama ni Mama Veron. “Alam ko rin kaya huwag na huwag mong sasaktan ang anak ko.”
“Of course, `Ma,” sagot ni Gabriel, saka bumaling sa akin. “Your mama is so sweet. Ipapakulong niya ako kapag sinaktan kita.”
“Ay, hindi gano’n, bata,” sabi ni Mama. “Ayokong maranasan ang buhay sa loob ng kulungan. Dahil kapag sinaktan mo ang anak ko, sasaktan kita. Iyong sakit na pwede akong makulong. So, maging good boy ka sa Alex ko, okay?”
“Well, that is scary,” sabi ni Gabriel. “Sige po, `Ma. Una na po ako.”
Inihatid ko si Gabriel sa kotse. Nagyakap kami nang mahigpit bago siya sumakay at pinaandar ang kotse. Nang wala na siya ay saka ako bumalik kay Mama. Papasok na kami nang may bumusinang sasakyan. Dumating na si Tito Raul. Hindi na muna kami pumasok ni Mama at hinintay na naming makapasok sa bahay si Tito Raul. Binati niya kami at pagkatapos ay humalik siya kay Mama.
“Kaninong kotse `yong umalis?” nakangiting tanong ni Tito Raul.
Bago pa makasagot si Mama ay nagsalita na si Jessie na nasa likod pala namin.
“Classmate ni Alex, Dad!” sabi ni Jessie. “Ano’ng pagkain? Gutom na ako.”
Pumasok na si Tito Raul kasama si Jessie. Sumunod kami ni Mama na nagtataka sa mga kilos ni Jessie. Lalo pa at nagpaiwan si Jessie at bumulong kay Mama.
“`Ma, huwag mo munang sabihin ang tungkol kina Alex at Gabriel,” sabi ni Jessie. Tumingin siya sa akin. Wala pa rin akong mabasa sa kanyang mga mata.
Pero parang pamilyar ito. Parang napanaginipan ko na ito.
TAHIMIK ang dinner. Kahit busog pa ako, pinilit kong kumain kasama ang buong pamilya. Maraming kwento si Tito Raul. Maraming tawa si Mama. Mga twenty. Si Jessie, ngingiti-ngiti lang. Sasagot kapag tinanong. Hindi niya rin ako tinitingnan sa mga mata. Gusto ko nang bumuwelo. Gusto ko na siyang matitigan para makita niyang may gusto akong sabihin, may isyu ako sa kanya at may kailangan kaming pag-usapan. Pero napakahusay niyang umiwas.
“Dad, may kailangan akong tapusin, sorry,” paalam ni Jessie, saka umalis.
Pinuntahan ko siya sa kwarto niya. Pero may sign sa pinto. Do not disturb. Naisip ko, makapaghihintay naman ako. May Linggo pa.
Kinabukasan, alam kong hindi iiwasan ni Jessie ang breakfast. Hinintay ko siya sa hagdan. Paglabas niya ng pinto, tumuloy-tuloy siya pababa. Nakatingin lang ako. Nilampasan niya ako at hindi man lang tiningnan.
“Jessie!” tawag ko, hindi alam ang sasabihin.
Huminto siya at humarap sa akin. Blangko pa rin ang mukha. “Alex, not now,” sabi ni Jessie. Tumalikod siya at dumeretso sa dining area.
Hindi ko alam kung ano ang problema ni Jessie. Pero ako, alam ko ang problema ko. Kailangan kong sabihan si Jessie na tigilan na ako. Kung anong mayroon sa mga tingin na iyon, tigilan na niya. Masaya ako kay Gabriel at sana, huwag na niya kaming guluhin. Pero hindi ko pa masabi dahil sabi ni Jessie, “Not now.” Kaya habang nasa mesa, hindi ako nagsalita. Hindi lang ako. Lahat. Walang nagsasalita. Gusto kong isipin na ganito talaga, pero parang kahit si Mama ay naninibago. Nakatingin siya kay Tito Raul na nakaupo sa kabisera. Pagkatapos ay titingin siya kay Jessie na katapat niya, sa kabilang side ni Tito. Si Mama ang nasa kanan at katabi ko. Para lang kaming mag-ate.
Hindi pa nakaayos si Mama, parang naghilamos lang at nagtali ng buhok. Pero kahit walang makeup ay maganda si Mama. Kita nga lang ang kaunting wrinkles at medyo maitim na eye bags. Dala na rin siguro ng puyat. Si Tito Raul, parang bumangon lang din at dumeretso sa kainan. Suot pa niya ang sando at pajama na ipinantulog niya kagabi. May eyebags din. Parang hindi sila nakatulog kagabi.
May nangyayaring pakiramdaman. Si Tito Raul, nakahawak lang sa kubyertos pero hindi pa nagsisimulang kumain. Si Mama naman, bawat subo ay mabagal. Si Jessie, tuloy-tuloy lang kahit alam kong nag-iisip din siya at nakikiramdam. Ako, umiikot din ang mata sa tinginan ng mga tao sa paligid ko. Ang tanging maririnig ay ang pag-aayos ng mga kasambahay ng pagkain sa mesa. Sina Aling Rosa Mary at Ate Mabel.
Sinalinan ni Mama ng juice ang baso ni Tito Raul. Ibinaba ni Tito Raul ang hawak na kubyertos na hindi pa nagagamit, kinuha ang baso at uminom. Pagkatapos ay wala na uling ingay. Nag-ingat din akong gumawa ng tunog sa aking mga kutsara at tinidor.
“Walang pasok bukas, Lunes,” sabi ni Tito Raul. “Pupunta tayo mamaya sa Pangasinan, sa lumang bahay natin doon. Gusto ko sana iyong ipaayos na. Maganda do’n, malapit sa dagat. Pwede tayong mag-camping. Tingnan natin kung gaano kayo katapang. Subukan natin ang pagkalalaki ninyo.”
Natawa si Mama. “Huwag palang pag-uusapan, ha?”
Hindi na nagsalita si Tito Raul. Pero naramdaman ko ang tensiyon sa kanilang dalawa ni Mama.
“Kumain ka na,” sabi ni Mama.
Sumunod si Tito Raul.
Pinanood ko ang kilos ni Jessie. Tinitimpla rin niya ang sitwasyon. Patuloy siya sa pagkain. Kahit nakayuko, napapansin kong madalas siyang tumingin sa kanyang tatay. Minsan kay Mama. Pero hindi sa akin. Ang huli niyang tingin sa akin ay kahapon pa. Hindi pa rin ako nakakakuha ng pagkakataon na kausapin siya.
“Dad,” sabi ni Jessie. “May lakad kasi ang frat...”
“Sasama ka sa Pangasinan,” matigas ang boses na sabi ni Tito Raul. “Kailangan mong turuang magpakalalaki `yang kapatid mo. Kung kinakailangang iparanas mo sa kanya ang dinanas mo sa frat, gawin mo...”
“Subukan n’yong galawin ang anak ko,” matigas ding sabi ni Mama.
“`Ma, birthday ko bukas,” bulong ko. Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko; hindi na ako nagsalita.
Bumulong si Aling Rosa Mary kay Ate Mabel. Napaatras silang dalawa. Parang alam na nila ang mangyayari. Ako, hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari. Nagulo ba sila dahil sa pagdating ko? Kung oo, aalis na lang ako.
“Ano po ba ang problema?” tanong ko.
“Ikaw!” sigaw ni Tito Raul, titig na titig sa mga mata ko. Mas nakakatakot ang titig na iyon kaysa sa mga una kong karanasan kay Jessie. “Ikaw bata ka! Bakit kailangan mong maging malamya, malambot... Bakit ka naging...”
“Hoy, Raul!” sigaw ni Mama.
Hindi na natapos ni Tito Raul ang sinasabi niya. Nakita ko na lang ang baso niyang tumama sa aking pinggan. Malakas ang kanyang pagkakabato. Nahati ang pinggan ko sa dalawa at tumalsik ang baso papunta sa sahig. Nagulat kaming lahat. Masama ang tingin nina Mama at Jessie kay Tito Raul. Tumingin si Tito kay Mama. Si Tito ang sumuko, inalis ang tingin pero hindi nabago ang igting.
Binalingan niya si Jessie. “Ano, naiinggit ka?!” sigaw ni Tito Raul, kinuha ang pinggan ni Jessie at inihagis sa sahig.
“Tigilan mo nga ang pagsisira ng gamit dito sa bahay?!” sigaw ni Mama.
Parang may gusto pang sabihin si Tito Raul pero makikita ang pagtitimpi. Tumayo na lang siya at bumuntong-hininga. “Tuloy tayo sa Pangasinan!” sigaw niya bago tumalikod at umalis ng mesa.
Tumayo si Mama. Magsasalita pa sana siya pero pinigilan ko. Kilala ko siya. Hindi nagpapatalo. Tumingin siya sa akin bago sumunod kay Tito Raul. Mayamaya ay bumalik din.
“Tuloy kung tuloy!” sabi ni Mama.
Napatingin sa akin si Jessie. Wala pa ring ekspresyon. Pumasok ang dalawang kasambahay para ligpitin ang mga nabasag.
Huminga nang malalim si Mama. Nagtanggal ng bara sa lalamunan. “Sayang naman `yong baso at mga pinggan,” sabi niya.
Napatingin kami ni Jessie kay Mama. Pinagbabato na kami, ang naisip pa ni Mama ay iyong pinambato sa amin?
“Aling Rosa Mary,” tawag ni Mama sa kasambahay habang hinihilot-hilot ang magkabilang sentido. Parang sumakit ang ulo niya. Na-stress. “`Yon pong si Mang Nando, papuntahin n’yo raw dito. Ipapaayos ni Raul `yong pinto ng banyo, `yong mga tiles at pati na rin `yong salamin sa kwarto namin. Hay, nakakaloka.”
“Sige po,” sagot ni Aling Rosa
buhay pa naman si Nando.”
HINDI simple ang naging gabi nina Mama at Tito Raul. Siyempre, makakarating ang nangyari sa boyfriend ko. Medyo matagal akong naghintay bago sagutin ni Gabriel ang tawag ko. Napasarap yata ang tulog niya. Patapos na ako sa pag-aayos ng mga dadalhing gamit sa Pangasinan nang sa wakas ay magsalita si Gabriel mula sa kabilang linya. Agad akong nagkuwento. Alalang-alala si Gabriel.
“Tama naman si Mama. Nasaktan na kami ni Tito Raul,” sabi ko.
“Hindi ka ba na-trauma?” tanong ni Gabriel.
“Binato ni Tito si Jessie na pinakakinatatakutan ko. Nang makita ko siyang kinabahan, nakahinga ako nang maluwag. May kinatatakutan din pala si Jessie.”
“Okay,” sabi ni Gabriel. “I’ll just wait for you call on Monday. I’ll be around to pick you up once you’re there.”
“Opo,” sabi ko.
“And tell me at once kung saan kayo sa Pangasinan pupunta, ha?”
“Oo naman. Tatawag agad ako sa `yo.”
“Jessie is there. `Pag may ginawa siya, baby, ha?”
“Huwag ka nang mag-alala, Gab. Parang safe naman ako kay Jessie. Hindi na nga niya ako pinapansin.”
“Why? Gusto mo bang pansinin ka niya?”
Hindi ako nakapagsalita. Gusto ko nga ba? Naninibago ba ako at hindi ko gusto ang pagbabagong ito?
“Baby?”
“Okay na nga `yong ganito. Walang pansinan. Walang sakitan.”
“Just call me when you need help. Or even if you just need someone...”
“Ikaw lang. Walang nang someone o anyone,” putol ko sa sinasabi ni Gabriel. “Ikaw lang ang tatawagin ko.”
“That’s sweet. Basta, take care of yourself. There is a bigger bully in your house.”
Nagpatuloy pa ang pag-uusap namin. Kailangan ko na nga siyang i-speaker phone para matapos ko ang pag-eempake. At pagkatapos ko, natapos na rin kami. Kailangan ko nang harapin ang pinakamalaking bully sa mundo.
“SORRY kanina, Alex,” sabi ni Tito Raul. “Hindi ko isyu ang kabaklaan mo. Isyu n’yo `yang mag-ina. Basta huwag mong hahawahan ang anak ko.”
Hindi ako nakapagsalita. Ang pagkakasabi ni Tito Raul ay parang sinabi lang niya na bughaw ang langit. O kaya ay madilim kapag pumikit ka. Totoo lang.
Hinawakan ni Mama ang kamay ni Tito Raul. “Last na `yan,” sabi niya.
Hinalikan ni Tito Raul ang kamay ni Mama. Si Tito Raul ang nagmamaneho ng Montero. Katabi niya sa unahan si Mama. Nasa likod kaming dalawa ni Jessie. Hindi umiimik si Jessie. Hindi rin ako nagsasalita. Hindi ko nga lang maiwasang lingunin siya paminsan-minsan. Hindi ko alam kung bakit, pero iniisip ko kung lilingon siya sa akin.
Nakadikit ang ulo ni Jessie sa bintana ng sasakyan. Hindi nakatingin sa labas, deretso lang talaga. Hindi ko na inisip kung ano ang iniisip siya. Hanggang sa mapansin kong dumalas ang pagtingin-tingin ko kay Jessie. Hanggang sa nakatingin na lang ako sa kanya. Hindi pala siya nakakatakot talaga kung sumasabay siya sa kapayapaan ng kapaligiran. Hindi siya mukhang halimaw. Siguro dahil may takot ako sa kanya.
Tiningnan ko si Tito Raul. Naalala kong natakot si Jessie. Ang takot niya na may halong panliliit. Hindi halimaw si Jessie. Tao lang din siya. At ngayon, sa sandaling nakadikit ang ulo niya sa bintana, nakita ko ang tunay niyang itsura. Lalo pa nang humarap si Jessie. Sa unang pagkakataon, nakita ko ang buong mukha niya bilang isang normal na nilalang. Wala akong takot na naramdaman. Bata nga lang din siya. Parang ako lang din.
Bumalik na lang ako sa reyalidad nang ang mga mata ni Jessie ay nanliit sa pagtitig sa aking mga mata. Humarap na siya at ngayon lang nag-sink in sa akin na nakatitig ako sa kanya. Pangalawang beses na niyang tumingin sa akin at nahuli niya akong nakatingin sa kanya, inaaral ang mukha niya. Napahiya ako.Agad kong binawi ang ulo ko. Ngumiti ba siya? Hindi man sa mga labi niya, parang sa mga mata niya, ngumiti siya.
Kinuha ni Jessie ang wireless headphone at nakinig na lang ng music.
Ako naman, kinuha ang telepono ko at nag-text kay Gabriel.
Paalis na kami, Gab, sabi ko. PM mo ako lagi.
Tumunog ang telepono ko. Nag-reply si Gabriel. Pero bago ko mabasa, napansin kong napansin ni Tito Raul na may ka-text ako. Napatingin ako sa rearview mirror at nakatingin din siya sa akin. Nasa mga mata na niya ang mata ng halimaw na dati ay na kay Jessie.
Papunta na kami sa Pangasinan. Hindi ko alam kung bakit ako biglang kinabahan.