noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 41

Ch. 42 / 42 Feb 05, 2022
Prev Next

CHAPTER FORTY-ONE

SABI ni Jessie, siya na ang bahala. Ito pala ang ibig niyang sabihin.

Nine PM, nakaabang na ako sa laptop ko. Bukas na ang Skype. Hinihintay na magkaroon ng pagbabago. Pero limang minuto na ang nakararaan, wala pa rin. Hindi ito gawain ni Jessie. Noong unang araw niya, fifteen minutes bago mag-alas-nuwebe, hindi na tumigil ang pagdating ng text messages niya sa cell phone ko. Pinapaakyat na ako sa kwarto para magkita na kami. Ngayon, siya ang late. Kahit limang minuto lang, alam kong hindi siya male-late.

Nag-message na ako sa viber.

Isa.

Dalawa.

Tatlong messages.

Wala. Hindi man lang seen.

Tiningnan ko ang huling message niya, mga ten hours ago na. “Good luck sa pila sa enrollment,” sabi sa message niya.

Nag-reply ako ng “Thanks. Ingat ka diyan.”

Pagkatapos niyon ay wala na. Ano ang nangyari kay Jessie?

Nagsimula na akong mag-alala. Malayo siya sa akin. Hindi na siya dito sa mansiyon nakatira. Kung may mangyari sa kanya, hindi ko alam kung ano ang gagawin.

Hanggang sa may kumatok sa pinto ng kwarto ko.

“Sir, may ipinaaabot ang mama ninyo,” sabi ni Mabel.

“`Di ba umalis sina Mama? Ang alam ko, kumain sila ng bulalo sa Tagaytay.”

“Bilisan n’yo raw kasi naghihintay si Sir Raul sa labas. May pupuntahan pa raw sila,” sabi ni Mabel.

Nagtaka ako. Bakit sila bumalik? Bakit inutusan ni Mama si Mabel? Hindi niya ugaling mag-utos sa mga kasambahay. Ano ang mali sa gabing ito? Pinagbuksan ko ng pinto si Mabel. Laking gulat ko nang makita si Jessie. Agad niyang sinara ang pinto, iniwan si Mabel sa labas. Niyakap niya ako at dinala sa kama. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Nadadala lang ako at nabalik sa ulirat nang hinahalikan ako ni Jessie sa mga labi.

Muli kong kinalimutan ang lahat at nagpaubaya sa nararamdaman ko, sa kagustuhan ko, sa pagmamahal na umaagos sa aking katawan papunta sa mga labi ni Jessie. Bumalik na lang ang aking pag-iisip nang nakahiga na ako sa kanyang matigas na dibdib at nakadantay sa matikas niyang katawan. Siguro, maganda kaming tingnan kung may salamin sa kisame, sa tapat ng kama ko. Kapwa kami naka- boxers, at iyon lang ang aming suot.

Humarap sa akin si Jessie at hinalikan ako nang mabilis.

“Surprised?”

“Sobra,” sabi ko.

“Parang hindi ka naman nagulat.”

“Ayoko na lang magtanong kasi nandito ka na. Iyon naman ang mahalaga,” sabi ko.

“Ayoko lang magsimula ang klase na hindi mo ako nakikita,” sabi ni Jessie.

“Iniisip mo pa rin bang makakalimutan kita?” tanong ko.

“Maaalis mo ba sa akin? Nasa Australia ako para kalimutan ka. Bawal tayo mag-usap. Bawal tayo magparamdaman, Pero ginagawa ko ang lahat para hindi kita makalimutan. Gusto ko, gano’n ka rin sa akin.”

“Mula nang una kitang makita, sa salamin ng banyo habang umiihi ka, hindi na kita nakalimutan. Ngayon pa ba na hindi na takot ang meron ako para sa `yo? Ngayon pa ba kita aalisin sa isip ko? Sa puso ko?”

Hinalikan uli ako ni Jessie. “May isip-isip, puso-puso ka pang nalalaman,” sabi niya.

Natawa na lang ako. Mahirap kasing hindi mag-isip. Mahalagang desisyon ang ginawa ni Jessie para sa aming dalawa.

PAGKAUWI mula sa Batad, sinabi ni Jessie na aalis na siya sa poder ng kanyang ama. Malaki na siya, kaya na niyang magtrabaho. May call center na kukuha sa kanya, tutulungan siya ni Mama. At habang nagtatrabaho, tatapusin niya ang kanyang pag-aaral. Ito pala ang plano niya. Ito ang “Bahala Na” plan.

Isang malakas na batok ang inabot ni Jessie mula kay Mama. Ang akala namin ay tulog si Mama habang pinag-uusapan namin iyon. Hindi pala.

“Kayo, ambabata n’yo pa para magdesisyon na titigil sa pag-aaral para magtrabaho. Akala n’yo ang dali-dali,” sabi ni Mama. “Pinapayagan ko `yang kalandian n’yo, pero hindi ko hahayaang masira ang kinabukasan n’yo. Bata pa kayo at ina-allow ko kayong mag-have fun, because we girls, of course, just wanna have fun. Pero fun lang. Hindi fun ang kahihinatnatan ng plano n’yo...”

Mahaba pa ang litanya ni Mama. Pero ang gist, hindi pwedeng tumigil sa pag-aaral dahil kapag nangyari iyon, pati siya, hindi na papayag sa mga nangyayari sa pagitan namin ni Jessie.

“Ikaw, Alex,” sabi ni Mama. “Mabubuting tao tayo. Hindi tayo masamang impluwensiya. Kausapin mo `yang... Ano ba’ng itatawag ko, kuya mo o jowa mo? Jusko! `Pasalamat kayo, hindi kayo tunay na magkapatid, kung hindi bakla na kayo, incest pa. Double murder na `yan. Lagot na kayo kay Pacquiao. Kahit Nike, hindi kayo susuportahan `pag nagkataon.”

Kaya sinabi ko kay Jessie na sundin na lang namin ang papa niya. Huwag na lang naming ipaalam. Pero iba ang gusto ni Jessie. Pagdating sa bahay ay kinausap niya ang papa niya.

“Dad, mahal ko si Alex,” sabi ni Jessie. “Higit pa sa gusto ninyong pagmamahal na maramdaman ko para sa kanya.”

“Alam mo na ang mangyayari,” sabi ni Tito Daddy.

Sumunod si Jessie sa kasunduan nila ni Tito Daddy. Kung higit pa rin sa pagmamahal ng isang kapatid ang nararamdaman ni Jessie para sa akin, kailangan niyang lumayo.

Lumayo si Jessie para makalimutan niya ako.

Para sa akin naman, walang hiniling si Tito Daddy. Nirerespeto niya na hindi niya ako tunay na anak, at wala siyang ganap na karapatan sa buhay ko. Mayroon isang taon si Jessie para kalimutan ako. Sa Australia na niya tatapusin ang kanyang pag-aaral. Babalik si Jessie matapos ang isang taon at sasabihin sa tatay niya na mahal pa rin niya ako. At kung pabalikin siya sa Australia para makalimot, susunod na lang uli siya. Hanggang sa mapansin ni Tito Papa na hindi Australia ang sagot. Dahil kahit anong layo, kahit anong tagal, hindi mapuputol ang tunay na pagmamahal.

Hindi kinaya ni Jessie na iwan ako noong una. Kaya nga kahit desidido na siyang bumili ng ticket para sa earlier flight, hindi na niya itinuloy. Instead, nagmaneho siya papunta sa Batad para sunduin ako. Pero sa sumunod na araw, kaming lahat na ang naghatid sa kanya sa airport.

Malungkot ang paghihiwalay, pero para saan naman ang technology. Parang ang lapit-lapit lang din namin. Viber-viber. Skype-skype..

PAGKATAPOS magbihis, hinila ako ni Jessie papunta sa swimming pool. Maliwanag ang kapaligiran dahil malaki ang buwan. Manilaw-nilaw pa nga na kung may aalulong na aso, parang nasa horror movie na ako. Pero si Jessie ang kasama ko ngayon. At ang malaking buwan na ito ay nakadagdag sa pagiging romantiko ng pagkakataon. Parang hindi naman tama kung alas-diyes na ng gabi, lulublob pa kami sa tubig. Hindi iyon nakakakilig, nakakanginig.

“Gabing-gabi na. Malamig,” sabi ko. “Ayokong sipunin.”

“Hindi tayo lalangoy.”

Sa pagkakasabi niyang iyon, biglang umilaw ang isang bahagi ng pool area. Isang gazebo ang hindi ko namalayang naitayo roon, kumpleto sa setup ng mga bulaklak, at may dining set na nakalagay. Naku, nakapanood na ako ng ganito. Magpo-propose ba sa akin ng kasal si Jessie? Malabo. Hindi pa tanggap ang kasal ng parehong lalaki sa Pilipinas.

“Sana, hindi ka pa kumakain,” sabi ni Jessie.

Lumapit kami sa gazebo at ipinaghila pa niya ako ng upuan.

“Huwag kang mag-alala, hindi ka mapapahiya sa `kin,” sabi ko.

Umupo na rin si Jessie at inalis ang takip ng pagkain.

Pickles.

“Inaral ko `yan sa Australia,” sabi niya. “Sa tingin ko, na-perfect ko naman.”

“Amoy pa lang, mukhang masarap na,” sabi ko.

“Bolero!”

Nagsimula na kaming kumain.

“Gusto mo?” tanong ni Jessie sa unang subo ko.

“Sobra,” sabi ko. “Masarap nga.”

Ngumiti siya.

Ang dami kong kwento kay Jessie. Pero may mga pagkakataon na napapansin kong hindi siya nakikinig at nakangiti lang sa akin.

“Kung yelo ako, natunaw na ako sa tingin mo,” sabi ko.

“Kayang-kaya naman kitang patigasin uli,” sabi ni Jessie.

At mayroon siyang ngiting medyo nakakatigas nga.

Sa mga tanong ko naman, ang tipid niyang sumagot.

“`Yon na `yon?” sabi ko. “Malungkot sa Australia? Nami-miss mo ako?”

“Oo,” sabi ni Jessie. “Kaya nga titig na titig ako sa iyo. Babawiin ko na uli ang mga pagtitig ko sa iyo na hindi ko magagawa kapag magkalayo na tayo.”

“Sino’ng bolero sa atin ngayon?”

Nagtawanan kami.

“Gusto mo ba, mas mahaba ang mga sagot ko?” tanong ni Jessie.

“Hindi naman,” sabi ko.

“Sabihin mo lang. Ayoko lang magkamali. Ngayon lang tayo nagkita, maiksing oras lang. Kaya gusto, everything is perfect.”

“Hindi,” sabi ko. “Ang totoo, ngayon pa lang na nandito ka, ang perfect na ng gabi ko. At kahit ngayon lang mangyayari ito, dahil alam kong aalis ka na uli, okay lang. Aalis ka lang naman, hindi ka mawawala. At dahil doon, perfect na rin ang buhay ko.”

“You make my life perfect, too,” sabi ni Jessie na may dinukot sa bulsa na maliit na kahon. Magpo-propose nga yata talaga. “I will not ask you to marry me, don’t worry.”

“Salamat naman,” sabi ko. “Hindi pa ako handa.”

“Pati naman ang Pilipinas,” sabi niyang binuksan na ang maliit na kahon. Kinuha niya ang kamay ko at sinuot ang isang singsing sa aking palasingsingan. “Alex, hindi ako naghanda ng speech. Hindi rin ako luluhod para yayayain kang magpakasal. Hindi pa sa ngayon. Pero ang singsing na ito ay para sa isang pangako. Hindi kasi madali ang tinatahak nating landas ngayon. Nasa magkaibang kontinente tayo. Kung nahihirapan ka na, pwede mo na itong hubarin. Pero pangako ko, hanggang suot mo ang singsing na ito, iyong-iyo ako. Hindi kita malilimutan. Pero kung nabibigatan ka na, pwede mong hubarin. Hindi ko nga alam kung malilimutan kita, pero palalayain kita...”

Hinawakan ang kanyang mga kamay kaya natigilan si Jessie sa pagsasalita. Kinuha ko ang isa pang singsing, iniangat ang kaliwang kamay ni Jessie at isinuot sa kanyang palasingisingan. “Hindi pa natin kailangang isipin ang pagpapalaya, Jessie,” sabi ko. “Huwag muna ngayon. Kasisimula pa lang natin. Huwag muna tayong maging realistic.”

Napangiti si Jessie.

“Pero kung `yan ang pangako mo, mayroon din ako. Sana, isuot mo palagi ang singsing na iyan. Isusuot ko rin lagi itong sa akin. Masaya man tayo o malungkot. Magkasama man o magkahiwalay. Basta suot natin ito, alam nating kakayanin natin. At ito ang pangako ko. Hanggang may isa sa ating nakasuot ng singsing, hindi ako susuko.”

May isang luhang tumulo sa pisngi ni Jessie. Tumayo siya at lumapit sa akin. Tumayo rin ako. Hinila niya ako papalapit sa kanya at hinalikan. Muli akong bumigay sa init ng kanyang yakap.

“Mahal na mahal kita, Alex ko,” sabi ni Jessie.

“Mahal na mahal din kita, Jessie ko.”

THE END