noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 34

Ch. 35 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER THIRTY-FOUR

“B AKIT kahit kalimutan mo na ang feelings mo, nakakagawa pa rin ito ng paraan na makahabol?”

Nagsimula naman ako sa wala. Ang hirap-hirap mag-adjust pabalik sa dati. Sinubukan ko naman. Sinusubukan. Iyon lang pala ang solusyon. Subukan hanggang sa makayanan. Pero umiiyak pa rin ako sa gabi. Bago matulog. Hanggang sa paggising, iiyak pa rin. Para ngang walang chance ang mga luha ko na maging muta. Matutuyo pa lang, mababasa na uli ng bagong batch ng tears.

Sa umaga, hawak ko na agad ang cell phone ko; magte-text kay Gabriel ng “Good morning” pero hindi ko ise-send. O pag-iisipan kung ise-send o hindi. Sa ilang araw na nagiging habit ko iyon ay nababawasan naman ang sakit.

Isang umaga, paggising ko ay nagulat ako nang makita si Kuya Albert. Nakapagluto at nakapaghain na siya ng almusal.

“Kumusta na ang kapatid ko?” tanong niya.

“O, Kuya, napadaan ka,” sabi ko. “Okay naman.”

Lumapit sa akin si Kuya at tinanggal ang muta sa mata ko. “May muta ka pa. Hindi ka ba magsa-summer? Sumabay ka na sa `kin. Kukuha na ako ng subjects. Agawan ngayon sa subject na kailangan ko. Ayoko nang magpa-prerog.”

Tiningnan ko ang muta sa kamay ni Kuya. Binilot, bago pinitik. Napangiti ako.

“O, kung makatingin ka, muta `yon, hindi kulangot,” sabi ni Kuya.

Napangiti ako bago sinagot ang tanong niya. “Hindi muna. Nag-usap na kami ni Mama.”

“Where’s Tita, by the way?” hanap ni Kuya.

“`Ma,” sigaw ko.

Walang sumagot.

“Baka pumasok na,” sabi ko. Naupo na ako at sinamahan si Kuya sa pag-aalmusal. Fried rice, tocino, at itlog ang niluto ni Kuya. Siyempre, nagtimpla ako ng kape. Nagkwentuhan kami tungkol sa grades ko. May incomplete ako pero nagkamali lang ang professor ng nailagay na grade—1.75. Other than that, okay naman. Hanggang sa mabanggit ni Kuya Albert si Gabriel. “Friends naman kami,” sabi ko.

“Sakit ba, `tol?” tanong ni Kuya.

“Okay lang,” sabi ko.

“Tiisin mo `yan, makakasanayan mo rin.”

“Wow naman si Kuya! Naging hobby mo ba ang masaktan?”

“Hindi naman. Sapat na `yong isang beses para matuto. Pero sabi nila, iba rin daw sa bawat relationship. `Buti nga, friends kayo ni Gabriel.”

Gusto kong itanong kay Kuya kung ano ang ikinuwento ni Gabriel tungkol sa akin. Hindi naman kasi ako nagkukuwento kay Kuya. Ano kaya ako sa pananaw ni Gabriel? Nasabi kaya niya kay Kuya ang plano niya? Para alam ko kung paano kikilos. Para alam ko kung ano ang aasahan. Oo, umaasa pa rin ako.

Napabuntong-hininga na lang ako at saka tumayo.

“Kuha lang akong tubig,” sabi ko. Pero ang totoo, ayokong makita ni Kuya na may luhang nangingilid sa mga mata ko. Nakakahiya. Habang nasa fridge ako ay patuloy sa pagkukuwento si Kuya.

“Tuloy na tuloy na yata si Gabriel sa Bontoc bago mag-start ang summer classes. Mauuna na siyang bumisita ro’n sa mga ka-group niya.”

“Hindi naman niya naikwento sa akin,” sabi ko. As a matter-of-factly lang ang pagkakasabi ko. Iyong parang wala akong pakialam. Pero nalungkot ako. Aalis pala si Gago, hindi man lang nagpaalam. Mahal pala, ah. Gago. Parang hindi kayang palamigin ng fridge ang ulo ko. Nagbabalik ang lahat ng galit ko. Nakakainis.

“Hindi rin naman niya naikwento,” sabi ni Kuya. “Kinukuha namin siyang director sa play. Tumanggi. Baka raw hindi niya kayanin dahil nga sa thesis niya.”

Iyon naman pala. Akala ko pa naman makakapagtanong ako kay Kuya.

PAGKATAPOS kumain ay nag-ayos na si Kuya. Dumaan siya sa kwarto niya na kwarto ko na ngayon at may kinuha.

“Try kong dumaan mamaya,” sabi ni Kuya at nagpaalam na.

Naiwan ako sa bahay. Mag-isa. Iniisip ang mga gagawin kay Gabriel. Pupunta pala sa Bontoc, hindi man lang nagpaalam. Friends pala, ha? Nailigpit ko na ang mga pinagkainan nang bumukas ang isa pang kwarto. Nagulat ako nang lumabas doon si Mama. Ngayon ko lang naabutan si Mama sa bahay. Magulo ang buhok niya. Mukhang bagong gising.

“Sino `yong bisita mo kanina?” tanong ni Mama.

“Si Kuya, dumaan, nag-breakfast bago pumunta sa school,” sagot ko. Naglagay ako ng isang pinggan sa mesa at inalis ang takip ng ulam. Naupo si Mama. Tahimik kami. Nagtimpla ako ng dalawang tasa ng kape—isa para kay Mama at isa pa uli para sa akin. Pagkatapos ay umupo ako sa harap niya.

“Ayaw mo talagang mag-summer?” tanong ni Mama. “Baka mainip ka dito sa bahay. Wala ka pa namang jowa , wala kang hahanapan ng pagkakaabalahan.”

“Kahit may jowa ako, `Ma, hindi ko naman maaabala. Pupuntang Bontoc, eh,” sabi ko.

“Parang naiba ang ihip ng hangin. Mukhang si Gabriel ang iniisip mo ngayon. Ano? Nauntog ka na? Tinantanan mo na si Jessie? Wala nang Lalaki One?”

Hindi ako nakapagsalita.

“Ganyan talaga, anak. Kailangang mawala muna ang isang bagay sa iyo para maisip mo rin na may pinupunan siya sa iyo.”

Parang may sariling hugot si Mama sa pagkakasabi niya. Parang may sakit pa ring naiwan ang huling relasyon niya. Doon ko lang napansin na kahit magulo ang buhok ni Mama, kahit amoy-gutom pa ang hininga niya, wala rin siyang muta.

“Sorry, `Ma,” sabi ko.

Umiling si Mama. “Kaya ko pa namang i-extend ang ganda ko,” sabi niya. “Makakabingwit pa ito ng true love.”

Nakatitig lang ako kay Mama. Alam kong nagpapakatatag lang din siya. Pero tinaasan lang niya ako ng kilay.

“Unahin mong ayusin `yang puso mo, ako na dito sa nasa dibdib ko,” sabi ni Mama, at inayos ang suso niya. “`Ayan, kaunting balik-alindog program pa.”

Pero dahil sa paggalaw niya, napigtas ang strap ng bra niya.

“`Di ba masamang matulog nang naka-bra?” tanong ko.

“Eh, `wag ka nang matanong? Marunong ka pa sa suso ko. Pakikuha `yong isa pang strap sa bag ko sa kwarto.”

Tumayo ako at sumunod kay Mama. Parang mas maraming inuuna si Mama na isipin bago ang bra niya. Magnanay nga kami. Mana ako sa kanya. Pumasok ako sa kwarto. Pagkakuha ko ng strap sa bag ni Mama, napansin kong nagba-vibrate sa isang bahagi ng kama ang cell phone ni Mama. May tumatawag. Kinuha ko na rin ang cell phone para iabot kay Mama kasabay ng bra strap. Pero hindi ko naiwasang basahin ang pangalan ng caller. “Raul Kupal.”

Huminto sa pagri-ring ang cell phone. Pagkatapos ay may nag-pop na message.

Magkita na tayo. Hirap na hirap na ako. Pag-usapan natin ito.

Iniwan ko na lang sa kama ang cell phone. Pagkaabot ko ng bra strap kay Mama ay bumalik ako sa pag-inom ng kape. Inayos naman ni Mama ang bra niya sa harap ko. Lagi niya itong ginagawa. Sanay na ako. Sanay ako sa itsura ni Mama na ganito. Doon ko lang naisip na ganito lagi siya kapag nakaharap sa akin. Pero alam kong may problema siya. Alam kong nasasaktan siya. Ayaw rin niyang makarating sa akin ang mabigat niyang dinadala. Gusto ko sana siyang pabayaan. Desisyon naman niya iyon. Pero paano kung may magagawa ako?

“`Ma, mahal mo pa ba si Tito Raul?”

“Anak, hindi ako necromaniac.”

“Ha, bakit?” Sinakyan ko ang kung ano mang joke na sine-set up ni Mama.

“Mas mahal kita, anak. At `yong ginawa niya sa iyo, `yong ginawa ng magtatay na iyon sa `yo, hindi kapata-patawad. Kumbaga kay Lord, deadly sin na iyon at kamatayan lang ang katapat. Kaya patay na siya sa akin. At wala akong planong magmahal ng patay.”

“`Ma, ang dami mong sinabi.”

Natahimik kami.

“`Ma, napanood mo `yong Sarah,” tanong ko.

“Sino? `Yong batang babaeng papatas?” tanong ni Mama.

“Opo,” sagot ko.

“Bakit, gano’n ka ba inapi n’ong magtatay? Pinaghanap ka ba nila ng patatas sa ulan?” Biglang nanlaki ang mga mat ani Mama. “Pinagbalat ka ba nila ng patatas?”

“Hindi po,” sabi ko. “Iniisip ko lang kasi, si Sarah kaya at si Gertrude, nagkabati?”

“Sino si Gertrude?”

“`Yong best friend ni Lavinia.”

“Sino si Lavinia?”

“`Yong kontrabida.”

“`Di ba si Miss Minchin ang kontrabida? Si Miss Minchin `yong nagpapabalat ng patatas?”

“Opo, pati rin si Lavinia. Si Lavinia `yong classmate niya na bully. At best friend ni Lavinia si Gertrude. Pero sa tingin ko, kung wala si Lavinia, pwedeng naging magkaibigan sina Gertrude at Sarah.”

“O, bakit ko kailangang makilala si Gertrude?”

“Kasi galit din siya kay Sarah. Pero `yong galit niya, dahil kay Lavinia. Sa ending, nagkabati sina Sarah at Lavinia. Hindi ko lang alam kung nagkabati rin sina Sarah at Gertrude.”

“Eh, malamang nagkabati din `yon. Damay lang naman si Gertrude sa away nina Lavinia at Sarah,” sabi ni Mama saka sumubo ng pagkain. “So, ano naman ang magandang dulot ng usapan na ito sa pamilyang ito? Ikaw ba si Sarah? At `yong magtatay sina Lavinia at Gertrude mo?”

“Ako po si Lavinia,” sabi ko.

“Ay, ang taray ng name ng anak ko,” sabi ni Mama. “ Shume -Chery Gil.”

“At kayo po, `Ma, si Gertrude. Napatawad ko na po si Tito Raul. Sana po, mapatawad na rin ninyo siya.”

“Bakit ka affected?”

“Sorry po kung martyr ako. Pero tama lang pala na hindi ko sinabi sa inyo ang mga pinagdaanan ko sa magtatay. Kasi `yong saya mo no’ng nakatira tayo sa mansiyon, iyon `yong pinakamasaya kang nakita ko.”

Doon ko napansing may kumislap na luha sa mga mata ni Mama. Itinikom niya ang kanyang bibig. At hindi niya naawat ang pagpatak ng mga luha. Tumayo ako at niyakap si Mama. Pagkatapos ng ilang sandali, pinahid ni Mama ang mga luha at humingan nang malalim. Niyakap ako pabalik at bumitaw.

“Mag-summer ka na, anak. Kung ano-ano ang naiisip mo kapag wala kang ginagawa.”

SINUNOD ko ang payo ni Mama. Kumuha ako ng dalawang subject—Comm 3 at Hum 2. Mabilis lang akong naka-enlist. Hindi muna ako nagbayad dahil nagdedelihensiya pa si Mama. Medyo biglaan kasi ang desisyon naming mag-aral ako ngayong bakasyon.

Simula na ng klase ko. Umaga ang Comm 3. Okay naman. Mga bagong mukha. Wala sina Arvin at Jobi. After lunch naman ang Hum 2. Mga bagong mukha rin ang nasa class. Pagpasok ng professor ay nagpakilala siya. Matanda na pala ang professor namin sa Hum 2. Isa-isa niyang tinawag ang mga pangalan ng nakalista sa klase. Nagtaas kami ng kamay. Maluwag ang klase niya. Kaunti lang ang kumuha ng course. Kaya bukas pa sa mga hahabol na students.

Habang naghihintay, sinubukan kong mag-text kay Gabriel.

Nag-enroll ako this summer. `Pag nakita mo ako, huwag kang magulat. Iyon ay kung nasa campus ka rin at wala sa Bontoc. Pupunta ka pala doon ngayon, kay Kuya ko pa nalaman...

Ise-send ko ba ito o hindi?

Nagsisimula na ang klase. Ibinibigay na ang mga requirement nang may kumatok.

“Ma’am, prerog po?”

Pamilyar ang boses. Ayokong tingnan.

“Sure,” sabi ng prof. “Just have a seat. Mamaya na natin ayusin.”

Narinig ko ang paglapat ng mga paa sa lupa ng bagong dating. At sa kung ano mang sumpa ang dumating sa akin, sa tabi ko pa ang napili niyang upuan. Sa kaba ko, kinuha ko ang cell phone ko para magkunwaring busy. Hindi ko napansin na nakabukas pa ang message ko kay Gabriel. At na-send ang message. Magre-reply kaya siya? Iyon ang iniisip ko pero nadi-distract ang pag-iisip ko sa text sa lalaking alam kong nagnanakaw ng tingin sa akin.

Hindi ko na lang siya pinapansin. Ayokong tingnan ang mukha niya dahil baka masiguro kong siya ang kaklase ko, ang katabi ko. Hindi ko tinitingnan ang katabi ko. Naka-focus lang ako sa prof na nagsasalita, at sa cell phone ko na hinihintay ko kung may magre-reply.

Hanggang sa may lumapag na kapirasong papel sa armchair ko.

Can we start over again?

Gusto kong lamukusin ang papel. Pero sobra naman yata iyong statement. Hindi ko na lang pinansin.

Kinuha niya ang papel.

Mabuti naman.

Bumalik ang papel. Sinilip ko uli.

Please, give me a chance?

Hindi ko pinansin.

May sumunod na ball pen sa papel.

Kinuha ko ang ball pen. Ibabato ko ba ito?

Sumulat na lang ako.

No.

Tumayo ako at lumipat ng upuan.

Hindi pinansin ng professor ang ginawa ko.

Natapos ang klase namin. Nagtayuan ang mga kaklase ko, pati ang katabi ko kanina at agad na lumapit sa prof.

“O, `yong iba pang mga prerog, maiwan. Jessie Reyes?”

Nagmadali na akong lumabas dahil imi-meet ko lang si Mama sa cashier para magbayad.

“Yes, Ma’am,” sabi ni Jessie na ramdam kong humahabol pa ng tingin sa akin.

“Okay, bayaran mo na. Good ka na sa class ko,” sabi ng prof.

Mabilis na sumunod si Jessie sa lakad ko.

“Huwag mo nga akong sabayan,” sabi ko. Naiinis na ako talaga.

“Hindi kita sinasabayan,” sabi ni Jessie. “Pero kung sa Cashier ka pupunta, okay lang ba na sabay na tayo?”

“Hindi ako pupunta doon,” sabi ko. Lumiko ako at nag-iba ng direksiyon, palayo sa cashier kahit doon din naman ang punta ko.

“Okay,” sabi ni Jessie at hindi na niya ako sinundan.

Tumatagaktak ang pawis ko nang makarating sa Cashier. Mabuti na lang at wala pa rin doon si Mama. Ang masama, nandoon si Jessie. Papalabas na, mukhang tapos nang magbayad. Nakita ako ni Jessie. Nag-iba ang tingin niya. Kung kanina ay gusto niya akong samahan, ngayon, gusto niya akong paalisin sa daraanan niya. Pero hindi si Jessie ang nagpakabog sa dibdib ko. Sumunod kay Jessie ang tatay niya. Napatingin din si Tito Raul sa akin. Hindi pala Tito kundi Mang. Mang Raul.

Gusto kong umurong. Aalis na muna ako at iiwas. Pero may bumangga sa akin mula sa likuran.

“No, anak, hindi ka aalis. Sasalubungin natin sila. Taas-no. Chin up. Stomach in, chest out,” sabi ni Mama.

Lumakad kami papalapit sa kanila. Patuloy ang kaba ko. Pero mas secured ako na katabi si Mama. Hindi naman umiwas ng daan ang magtatay. Pero walang galit sa mukha ni Mang Raul ngayon.

“Veronica,” sabi ni Mang Raul.

“Raul,” sabi ni Mama.

“Alex,” sabi ni Mang Raul.

“Jessie,” sabi ni Mama.

Nagkatinginan kami ni Jessie. Pareho naming hindi alam kung paano kikilos sa harap ng dalawang matanda. Hanggang sa may isang mabilis na lalaking humabol sa aming apat. Nakita ko na lang si Mang Raul na nakabagsak sa sahig. Isang suntok ang inabot niya mula sa daddy ko. Bumangon si Mang Raul para harapin ang sumuntok sa kanya.

Mas malaking tao si Mang Raul kaysa kay Daddy. Batak ang katawan ni Mang Raul sa gym at walang laban ang mga braso ni Daddy sa kanya. Pero kahit na lean lang si Dad, mas malaki kay Mang Raul ang determinasyon niyang itumba ang kalaban.

“Tarantado ka,” sabi ni Daddy. “Ang laki-laki mong damulag, pumapatol ka sa bata. Gago ka, ako ngayon ang harapin mo.”

“Pare, sorry,” sabi ni Mang Raul. “Gago ako.”

“Gago ka talaga,” sabi ni Daddy.

“Miguel! Tama na `yan,” awat ni Mama.

Papalapit na rin ang mga guwardiya sa amin.

“Daddy, huwag na po,” sabi ko.

“Alex, sorry,” sabi ni Mang Raul.

Umakto na silang aalis ni Jessie. Pero si Mama ay may pahabol.

“Mamaya, same place,” sabi ni Mama. “Isama mo si Jessie.”