CHAPTER NINETEEN
“H UWAG ka nang mag-alala, `nak. Nakausap ko na nang maayos ang tito mo bago tayo umalis. If you know what I mean,” sabi ni Mama. Idiniin pa ang salitang “naayos” na kasamang quote-unquote ng mga daliri.
Hindi na lang ako nag-react. Dumeretso kami ni Mama sa kusina at iniligay ang mga pagkain sa fridge. Pinagluto na rin ni Tito Raul si Mama ng hapunan. Hindi ako kinausap ni Tito Raul. Ang huling narinig ko sa kanya ay nang utusan niya si Jessie na sila na ang magbuhat ng mga gamit dahil sila ang lalaki, sila ang malalakas. Marami pa siyang ibang sinabi, pero iyon lang ang tumatak sa akin.
Hindi ko dapat iniintindi ang mga ikinikilos ni Tito Raul. Hindi pa naman talaga kami nagkakasama nang matagal. Kahit si Mama, alam ko, marami pang malalaman tungkol kay Tito.
“May lahing militar ba sina Tito Raul?” tanong ko.
“Ay, stereotype?! Basta militar, galit sa beks ?” sabi ni Mama.
Nagkatawanan kaming mag-ina.
“Bawal lang talaga sa kanila,” sabi ni Mama pagkatapos . “Hindi nila naiintindihan kung bakit may kakaiba, so, pinili nilang ayawan na lang. Thus, alamat ng homophobia.”
“Hindi ba `yong mga may homophobia, sa totoong buhay, homo din?”
“Akala ko rin dati. Pero dahil kay Raul,” napakagat- labi si Mama, “nabago ang isip ko.”
Natawa uli ako pero hindi nagtagal. Narinig ko na ang mga yabag ng mga paa nina Tito Raul. Lumapit si Mama at pinunasan ang pawis ni Tito.
“Last na `to. Tumulong ka na, Jessie, sa paglalagay ng mga `yan sa ref,” sabi ni Tito Raul. Ibinaba ni Tito ang huling cooler na may laman na mga lata ng beer.
Inisa-isa ko nang ilagay ang mga lata ng beer sa fridge. Binilisan ko para hindi na kailanganin pa ni Jessie na tumulong. Pero hindi ako ganoon kabilis. Lumapit si Jessie, huminto sa tapat ko. Hindi siya tumitingin sa akin kaya hindi niya namalayang huling lata ng beer ang hawak ko. Nahawakan niya ang kamay ko. Hindi pa rin siya tumingin. Pero hindi niya inalis agad ang kamay niya sa kamay ko. Malamig ang lata ng beer pero mainit ang hawak ni Jessie. Napatitig ako sa aming mga kamay. Hindi gumagalaw si Jessie. Naramdaman ko ang parang kuryenteng gumapang mula sa kamay niya papunta sa kamay ko, sa braso, hanggang sa kaloob-looban ko.
Mula sa kamay ni Jessie, tumaas ang paningin ko sa kanyang mukha. Hindi niya inaalis ang tingin sa loob ng fridge. Bumuntong-hininga siya, na sa tingin ko ay dahil naramdaman din niya ang kung anong bagay na dumaloy sa katawan ko. Sa mahabang pagkakataon, ngayon lang uli niya ako nadikitan. Sa mahabang panahon, ngayon ko lang naramdaman ang kanyang hawak. At hindi ito masakit kagaya ng mga una kong alaala.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Mahigpit pero hindi marahas. At unti-unti, binitawan niya ang kamay ko. Tumayo. Na siya.
“Punta lang ako sa `taas,” paalam ni Jessie sa tatay niya.
ADOBO ang niluto ni Mama. At iyon ang pinagsaluhan namin. Kahit na nalinis na namin ang dining area, hindi pa rin namin mapigilan ang paminsan-minsang mabahing dahil sa alikabok. Kaya pagkatapos kumain ay lumabas agad kami.
“Dad, mag-camp out na lang kami ni Alex. Masyadong maalikabok. Baka bumalik ang hika ko,” sabi ni Jessie.
Nagulat ako sa paraan ng pagbanggit ni Jessie sa pangalan ko. May kakaiba. Malumanay. Hindi pasigaw. Parang bago ang pangalan ko sa kanyang bibig gaya ng bago ito sa aking pandinig.
“Mabuti pa nga para naman...” sabi ni Tito Raul pero natigilan nang pagtaasan ni Mama ng kilay. “Para naman masolo ko ang mama ninyo.”
Napakagat-labi si Mama. “Bilisan na ninyo. Mag-camping na kayo at may camping din kami dito ng daddy n’yo.”
Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang mga ganitong usapan sa pagitan namin ni Mama. Awkward, oo, pero siguro alam niyang maiintindihan ko. Pero hindi iyon ang una kong napansin. Magka-camp out kami ni Jessie. Samantalang nitong mga huling araw ay hindi niya ako pinapansin.
Tumayo si Tito Raul. “Sasamahan ko na muna itong dalawa sa garahe.”
“Okay na, Dad,” sabi ni Jessie. “Kami na lang.”
“Itse-check ko lang din `yong motor ko.”
“Hayaan mo na ang mga bagets, Dad,” sabi ni Mama.
“Mabilis lang kami,” sabi ni Tito Raul na may kindat pa.
Hindi normal ang kinikilos ni Tito Raul. Uunahin pa niya ang motor kaysa kay Mama na kanina pa nagpapahiwatig. Kung tunay na lalaking homophobic si Tito Raul, uunahin niya si Mama at hahayaan na kaming umalis ni Jessie. Parang may pinaplano ang mag-ama. Pero parang si Tito Raul lang din. Gusto rin akong masolo ni Jessie. Wala naman sana silang planong saktan ako.
“Basta bilisan mo,” sabi ni Mama kay Tito. “Alam mo namang mainipin ako.”
“Mabilis na mabilis lang `to,” sabi ni Tito Raul.