CHAPTER FORTY
PARANG totoong isang emosyon lang ang pwedeng maramdaman ng tao sa bawat pagkakataon. Ngayon, sobrang lungkot ko. Ang sakit-sakit na. Kahit anong lingon ko sa tulay, wala na akong takot. Wala na ring lula. Mayroon lang sakit. Mayroon lang luha. Ang sakit lang na iyon ang pumipigil sa akin na kumilos at tumawid pabalik sa mataas, makitid, at nakakalulang tulay.
Naupo ako sa isang sa gilid ng poste ng tulay kung saan nagpaalam sa akin si Gabriel. Kanina ay nakatayo ako dito habang pinapanood ko siyang lumalayo. Sumandal ako, nakatalikod sa tulay, at nakaharap sa papataas na mga hagdanang taniman paakyat sa mas mataas pang langit. Iniikot ko ang aking paningin sa napakalawak na kabundukan at inisip kung gaano ako kaliit at ang aking pinagdaraanan sa lahat ng ito. Napakaganda nito para malungkot. Marami pang magagandang bagay sa mundo.
Pinilit kong ibahin ang aking nararamdaman. Na baka mawala ang sakit kung susubukan kong tabunan ito ng nakabibighaning paligid ko ngayon. Pero hindi sapat. Hindi mawala-wala ang sakit. Hindi kayang ibsan ng kahit ano ang nararamdaman ko.
Wala nang maganda.
Wala na ang lahat.
Wala na si Gabriel. Mahal ko siya. Pero hanggang ganoon lang. Hindi kasi sapat iyon para sa kanya. Hindi ko siya sinisisi. Hindi rin sapat ang pagmamahal kong iyon para unahin ko siya. Ang tunay na itinitibok kasi ng puso ko, wala na. Tuluyan ko nang tinanggap na mas mahal ko nga si Jessie. Maganda naman ang katotohanang iyon. Siya naman pala talaga. Kaya lang huli na. Wala na siya. Gusto ko man siyang habulin, hindi ko na magagawa. Nasa magkaibang kontinente na siguro kami.
Hindi lang bundok, hindi lang dagat ang naghihiwalay sa amin.
Bakit kung kailan pwede nang maglapit ang aming mga puso, doon pa kami nagkalayo? Kung kailan alam ko nang mahal ko siya, doon siya nagpakalayo para kalimutan ako. My God, napakalungkot ko na yata talaga para ganito na ako mag-isip. Para na akong tumutula. At muli, isa pang luha ang naramdaman ko sa aking pisngi. Ganoon na lang kasi, isa-isang pumapatak. Isang luha para sa nakaraang alaala. Gaya ng halikan niya ako sa falls, pati na rin sa kama. Isang luha para sa mga bagay na hindi na mangyayari. Gaya ng pitong araw na hindi na matatapos.
Nakaupo lang ako. Nakatulala. Minsan, nililingon ang tulay. Hindi ko alam ang susunod na gagawin. Sabi nila, natatapos ang lahat. Matatapos din siguro ito. Pakshet, ang sakit. Pinahid ko ang mga luha ko. Tama na muna ang pagda-drama. Hindi ko man kayang tanggalin ang sakit, kaya ko naman itong takpan muna, para hindi makita ng iba. Ng mga magsasaka, ng taumbayan, ng mga local dito sa Batad. Higit sa lahat, hindi ko kakayaning ipaliwanag ito kay Mama. Nakakahiya. At kahit alam kong maiintindihan niya, malulungkot ako na makita siyang masasaktan para sa akin. Hindi niya iyon mapipigilan, sinabi na niya. Anak niya ako. Ang nararamdaman ko, doble para sa kanya.
Tumayo ako. Isang tapak papalayo kay Gabriel, isang hakbang papalapit sa katotohanan.
Nakakatakot ang katotohanang ito. Una, ang tulay na mataas na kailangan kong tawirin nang mag-isa. At ikalawa, ang katotohanan na ang paglampas sa tulay ay patungo sa kawalan. Wala na akong babalikan. Ako na lang, wala si Jessie. Ako na lang.
Hanggang sa mapahinto ako sa pag-ring ng cell phone ko. Sinagot ko ang tawag. “Hello?”
“Kumusta, anak? Nagkita ba kayo ni Gabriel?” tanong ni Mama.
Bumilis ang paghinga ko. Hindi na ako muling nakahakbang pa. Nanghina ang mga tuhod ko at muling napaupo. Hindi ko mapigilan ang malakas na pag-iyak. Parang falls na sa pagbagsak ang mga luha ko. Lumalakas. Ang paghinga ko ay naging paghikbi. Gusto kong magsalita, pero hindi ko makontrol ang aking sarili. Iyak lang ang kaya kong gawin.
“Anak,” nagtatakang sabi ni Mama. “`Sabi ni Ronald, okay ka raw kasama si Gabriel...”
“`Ma, wala na si Gabriel. Wala na kami...” Sinubukan kong pigilan ang pag-iyak, dahil baka nakakahiya para sa ibang tao. Pero naisip ko lang ang hiya, hindi ko maramdaman. Itong sakit lang. At ang sinasabi ng sakit, wala silang pakialam, hindi nila nararamdaman ang nararamdaman ko. At tumuloy lalo ang pag-iyak ko.
“Ipinagtabuyan ka ba niya? Ipinahiya ka niya sa harap ng maraming tao? Inayawan ka ba niya?” tanong ni Mama.
“Opo,” sagot ko.
“Aba, ang gagong baklang `yan—”
“`Ma, kasalanan ko. Hindi ko pala siya gano’n kamahal.”
“Ay, ang aarte ninyong dalawa.”
“`Ma naman,” umiiyak pa ring sabi ko. “Suporta naman diyan. Mamaya na ang sermon. Ang sakit-sakit pa.”
“Masakit talaga `yan. O, sige, sige, nasaan ka ba? Hintayin mo na ako.”
Hindi ako nakasagot. Naramdaman ko ang pag-aalala ni Mama.
“Huy, anak! Magsalita ka naman. Relax ka lang. Hinga lang nang malalim. Wait ka lang. Darating ako diyan.”
Hindi na naman ako nakapagpigil. Ganito pala kapag masakit na masakit. Kung ano ang naisip, sasabihin ng bibig. Wala nang sala-sala ng sasabihin. “`Ma, si Jessie naman ang puntahan natin,” sabi ko.
“Lumipad na `yon,” sabi ni Mama. “Hindi ka na niya matutulungan.”
“Pero, `Ma…” Lalong lumakas ang pag-iyak ko. May parang nakabara sa lalamunan ko kaya nahihirapan akong banggitin ang susunod na sasabihin. Pero kinaya ko. “Siya pala ang mahal ko,” sabi ko. “`Ma, si Jessie ang mahal ko. Pero wala na siya. `Ma, wala na si Jessie.”
“ Jusko naman, Alex! Napaka-cliché mo naman. Nare-realize mo ang halaga ng isang tao `pag nawala na.”
Lalong hindi ko napigil ang sakit. Lalong napalakas ang aking mga hikbi. Nagsisimula na uli akong tumingin sa paligid para pansinin kung may nakakapansin. Nababawasan naman ang sakit para magbigay-daan sa kahihiyan, pero hindi iyon sapat para mapatahan ako.
“Sige,” sabi ni Mama na nagkakaroon na ng concern ang boses. “Iiyak mo nang lahat iyan.”
Umiyak nga uli ako. “Mama, maling-mali ako. Ang sakit din palang magkamali.”
“Masakit talaga,” sabi ni Mama. “`Yang mga ganyang pagkakamali, pagsisisi. Pero nangyayari talaga. Iiyak mo na lang. Pupuntahan na kita.”
“Sige, `Ma, pero huwag mong ibaba ang phone. Mukha akong tanga dito, umiiyak ako sa palayan.”
“Ay, kawawa naman ang anak ko. Sige na, lakad na. Magpapasama na ako kay Ronaldo. Hintayin mo ako sa lugar na hindi ko na kailangang mag-trek. Mataas-taas daw ang aakyatin at bababain.”
Taas? Akyat-Baba. Naramdaman ko ang mga ugat ko sa dalawang paa na hindi ko laging nararamdaman. Parang nagmamadali ang mga dugo ko papataas sa aking ulo. At nagdesisyon ang ulo ko na paikutin ang mga nasa loob ng tiyan ko. Napalitan ng takot sa taas ng tulay ang aking nararamdaman. Nakapagdesisyon na ang puso ko. Kakalimutan ko na si Gabriel. Hindi ko na iisipin si Jessie. Kailangan ko lang makita si Mama. At nagpapaalala lang ang tulay ng takot ko sa heights.
Paano ko ito tatawirin?
Isa na namang pagsisisi sa huli. Dapat kasi, nagpahatid na ako kanina kay Gabriel noong niyaya niya ako. Pero hindi. Hindi ko na kailangan ang tulong niya. Tama siya, ang mga pagtulong niya sa akin ang dahilan kung bakit ako nalilito sa nararamdaman ko sa kanya.
Tama na, haharapin ko itong mag-isa. Ako lang. Kaya ko ito. Tulay ka lang, tao ako. At taong nasaktan, kaya I’m stronger. What doesn’t kill me makes me stronger. At sobrang sakit nitong nilalampasan ko ngayon. Ang strong-strong ko na dapat. Pwede na akong superhero. Ako na si the Hulk!
Napangiti ako sa naisip. Pero naisip ko rin na nagpapanggap lang ako. Ganito ba ang nasaktan sa pag-ibig? Bawal talagang maging masaya? `Pag may moment na mapapangiti ako, maaalala kong malungkot ako, may sakit akong nararamdaman. At ang reasoning naman na ito, pinatungan ng isa pang isyu. May tulay. Hindi ko alam kung paano ko ito malalampasan.
Takot pa rin akong tumawid.
Sa gitna ng takot at sakit na nagsasalitan, isang pamilyar na boses ang narinig ko.
“Alex!”
Hinanap ko kung saan nanggagaling ang pamilyar na boses. Gusto ko ang boses na iyon! “Nasaan ka?” sabi kong naiiyak na naman. Hindi sa lungkot, hindi sa sakit, kundi sa saya sa pagkakarinig ng pamilyar na boses.
Mula sa mga pilapil na binaybay ko para makarating sa tulay, mula sa bahagi ng bundok kung saan ilang sandali akong sumigaw, nakita ko ang lalaking kukumpleto sa kagandahan ng kanina lang ay walang-kahulugang kapaligiran. Paakyat sa bundok ang langit, pero bumababa ngayon, at palapit sa akin ang anghel ng aking kaligayahan. Ang ulap ay nagmukhang pinto ng langit na nakayakap sa hagdan ng bundok pababa sa akin. May dalang liwanag si Jessie, pinatitingkad ang luntiang mga palayan. At ang asul na tubig ay kasinlinaw na aking nararamdaman ngayon.
“Jessie,” mahina kong nasabi. “Jessie ko.” Sa kanya lang ako nakatingin. Inaabangan ang paghawak niya sa akin. Pero hindi ko na iyon mahintay. Hindi ko na inalis ang pagkakatingin sa kanya. Baka ilusyon lang ito, na kapag pumikit ako, mawawala. Nasa Australia si Jessie. Wala siya rito.
Sa kanya lang ako nakatitig. Sa kanyang ngiti, at sa mga matang may pananabik. Natumbasan ko ang pananabik na iyon. Tumakbo ako. Gusto ko na ang init niyang magtatanggal sa lamig na bumabalot sa akin. Bawat hakbang palapit sa kanya ay mabilis, pero bumabagal dahil nagkakaroon ng ibig sabihin ang aming paglalapit. Matagal ko na itong alam; pero hindi ko kinikilala. Iniwasan ko pa nga. Tinangka ko pang ayawan. Pero ngayon, narito na. Ang paglapit kay Jessie ay pagsuko sa pagmamahal. At taas- kamay ko iyong tatanggapin.
Sa aming paglalapit, hindi na kami nakapagpigil na magyakap nang mahigpit na mahigpit. Natunaw ang yelo ng kalungkutan na kanina lang ay nakabalot sa akin. Sabik na sabik ako kay Jessie. Iyon lang ang aking naramdaman. Bahagya lang iyong napalitan ng takot nang makita kong malayo na ako sa tulay. Natawid ko ang tulay nang hindi ko namamalayan. Ang kinatatakutan ko, nalampasan ko nang dahil kay Jessie.
“Mahal na mahal kita, Alex,” sabi ni Jessie. “At hindi ko iyon kayang kalimutan. Ayokong malimutan.”
Hindi ko alam ang isasagot. Masaya akong marinig ang mga iyon, pero iniwan niya ako. Akala ko wala na siya. Biglaan ito. Wala akong masabi. “Nandito ka ba talaga?” tanong ko. Hinawakan ko siya. Baka tumagos ang mga kamay ko sa katawan niya. Pero hindi.
“Buhay ako,” sabi ni Jessie. “Hindi ako multo. Hindi ako ilusyon.”
“Saan ka pumunta? Akala ko—”
“Akala ko rin. Akala ko kaya ko. Pero hindi, eh.”
“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung iniwan mo ako,” sabi ko. “Kasi, alam kong hindi lang ako ang masasaktan. Nasaktan mo rin ang sarili mo. At ginawa mo iyon dahil masakit ang ginawa ko sa iyo. Hindi kita pinili. Akala ko kasi si Gabriel, eh.” Napatigil ako. Napahikbi. Naiiyak na naman. “Ikaw pala,” patuloy ko. “Ikaw pala talaga.”
“Alam ko naman `yon,” sabi ni Jessie. Ngumiti siya. Ang yabang. Pero gusto ko ang yabang na iyon. “Pero huwag mong sisihin ang sarili mo. Dahil hindi ako umalis dahil nasaktan ako. Pinili kasi kita, eh. Akala ko hindi iyon tama.”
Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi ni Jessie.
“Nagkasundo kami ni Papa,” paliwanag ni Jessie. “Kung mamahalin kita, masisisira ang pamilya natin. Malulungkot siya. `Tapos, malulungkot ang mama mo. At malulungkot ka. Kapag nalungkot ka, malulungkot ako. Makasarili ang pagmamahal ko. Kaya dapat kong kalimutan ang nararamdaman ko sa para iyo.”
Iyon pala ang tinutukoy ni Tito Papa na desisyon ni Jessie.
“Pero bago ko iyon kalimutan, kailangan ko munang ibigay,” sabi uli ni Jessie. “Sinabi ko kay Papa. Binigyan niya ako ng pitong araw para ubusin ang kung ano mang pagmamahal na mayroon ako sa iyo. Para na rin wala akong pagsisisihan.”
“Pero anim na araw pa lang tayo?” sabi ko.
“Alam ko,” sabi ni Jessie. “At `yong fifth day, nagpa-miss pa ako. Inasikaso ko ang Visa ko sa Australia. Doon na ako magtatapos ng pag-aaral. Titira ako sa mga tita ko. Doon ko kalilimutan ang kahibangan ko sa iyo.”
“Kahibangan?”
“Oo,” sabi ni Jessie. “Nahihibang ako sa iyo. Nababaliw ako sa pagmamahal sa iyo. Binago mo ako, Alex. Gusto ko `yon. At patuloy mo akong binabago. Kaya umalis na ako. Dahil ang inakala kong mauubos na pagmamahal kapag binuhos ko sa iyo, sa anim na araw pa lang ay lalo pang dumarami. Umalis ako hanggang kaya ko pa.” Huminto siya sandal bago nagpatuloy. “Pero hindi ko na kaya,” sabi niya at muli akong niyakap. “Hindi ko kinaya.”
“Hindi ko rin alam ang gagawin ko nang malaman kong wala ka na, Jessie. Kung kailan ko nalaman na mahal kita, akala ko, mawawala ka na.”
“Bahala na, Alex. Pero huwag kang mag-alala, Alam ko na ang gagawin ko.”
Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin. Pero nang hilahin niya ako, hindi na ako pumalag.
“Halika,” sabi ni Jessie. “Dahil nandito na tayo, may pupuntahan tayo.”
Tumakbo kami ni Jessie. Pagkatapos magpaalam kay Mama, si Jessie naman ang nagtanong sa mga nakakasalubong namin tungkol sa lugar na hindi ko alam.
“Saan ba iyan?” tanong ko.
“Surprise,” sabi ni Jessie.
Nagpatangay na lang ako sa ano mang sorpresa niya. Nilampasan namin ang bahagi ng kabundukan na may taniman. Nakakita ako ng ilog. Hila-hila ako ni Jessie. Inalalayan niya ako at sinabing mag-ingat at magdahan-dahan sa matatarik na bahagi. Kahit nga patag naman ang daraanan, hindi niya binibitawan ang kamay ko. Ang tigas ng kamay niya ang nagbibigay sa akin ng security. Kagaya ng pagmamahal niya na matigas pero mapagkalinga.
Napansin ko siyang huminto. Napahinto na rin ako at nakita ang nakahuhumaling na pagbagsak ng tubig sa pagitan ng mga kabundukan.
“Napakaganda,” hindi ko napigilang sabihin.
“Alam ko,” sabi ni Jessie.
Isang falls sa gitna ng kabundukan. Sa gitna ng itaas ng bundok ay ang may-kataasang talon. Makitid lang ang talon, hindi kalat ang bagsak ng tubig, at ang lagaslas nito ay parang nangangako ng kapayapaan.
Naghubad ng damit at sapatos si Jessie. Naiwan ang suot na maong na pantalon. Hindi nagpatalo ang kakisigan si Jessie sa buong paligid. Hindi na rin ako nagpahuli. Hinubad ko na rin ang aking sapatos at damit. Tinira ko ang aking shorts. Nakita ko ang paghihintay ni Jessie at ang kasabikan niya nang makita ang katawan ko na handa na sa pagsulong sa tubig.
Ang aking katauhan na handa na sa pagsuong sa kanyang pagmamahal.
Sa mga mabatong daan, maingat kaming tumapak patungo sa tubig. Malamig ang tubig sa aming mga paa. Hindi ko iyon alintana. Masarap ang lamig kasabay ng mainit na trek sa ilalim ng araw. Sa mainit na pag-alalay ni Jessie. At nang makarating kami sa tubig, sa malalim na bahagi, muli akong niyakap ni Jessie.
“Sa ganitong lugar ko unang inamin sa aking sarili na mahal kita. Sana, hindi ako mabigo ngayon.” Napatigil si Jessie. “Alex, mahal na mahal kita. Sana, tanggapin mo ang pagmamahal ko.”
“Mahal na mahal din kita, Jessie,” sabi ko. “Hindi ko na nakakalimutan ang nangyari sa atin nang gabing iyon.”
“Huwag mo iyong kalimutan. Doon mo na lang unahing buuin uli ang alaala mo sa akin. Sana, makalimutan mo na ang mga mali kong nagawa. Mayroon akong mga bagong alaala para sa iyo. Ito ang isa pa.” Hinawakan niya ang aking mukha at idinikit ang mga labi niya sa mga labi ko.
Wala nang pag-iisip, gumalaw ang aking bibig kasabay ng sa kanya. At ang aming mga halik ay sumayaw kasabay ng ritmo ng pagbagsak ng tubig sa talon. Hindi natatapos. Na sana ay katulad din ng aming nararamdaman ngayon. Na kung may isang bagay na lang akong mararamdaman habang-buhay, ito ay ang pagmamahal kay Jessie na sana ay walang katapusan.