CHAPTER NINE
KAMIN G dalawa lang ni Gabriel ang sumakay sa elevator. Magkatabi kami sa isang sulok kahit kasya naman ang labinlimang tao. Sa peripheral vision ko, sinilip ko si Gabriel. Nakikita ko siyang nakangiti. May ibig sabihin. Naramdaman ko rin ang mga daliri niyang dumidikit sa aking kamay. Napangiti na rin ako. Ibinuka ko ang mga daliri ko at inilagay ni Gabriel ang mga daliri niya sa pagitan ng mga akin. Nagsayaw ang aming magkatalikod na mga kamay.
Bumukas ang elevator sa third floor. May pumasok na batang lalaki na nakita ang paglalaro ng aming mga daliri. Napangiti ang bata. Nakita rin ng nanay ng bata ang ginagawa ng kamay namin. Hindi natuwa ang nanay, kinuha ang anak at inilipat sa harap niya, malayo sa amin. Nakaramdam ako ng hiya, binitawan Gabriel at humalukipkip muna. Hindi nagustuhan ni Gabriel ang ginawa ko. Alam ko. Naramdaman ko. May panlalaban siya sa pagbitaw ko.
Bumukas ang elevator sa fourth floor. Bumaba ang mag-ina. Ibinaba ko rin ang aking kamay. Pero nakakuyom ang mga kamay ni Gabriel sa kanyang harap. Tinapik ko ang tagiliran niya. Tumingin lang siya. Tinapik ko uli. Ibinaba na niya ang kanyang kamay. Nagdikit uli ang aming mga daliri. Magkatalikod pa rin. Hanggang sa biglang inalis ni Gabriel ang kamay niya, inikot sa kamay ko, at hinawakan. Kaming dalawa lang sa elevator. HHSE. Holding Hands Sa Elevator.
Bago pa tuluyang bumukas ang elevator sa fifth floor, inalis ko ang kamay ko sa kamay ni Gabriel. Gusto ko pa siyang hawakan, pero parang instinct ang pagbitaw ko. Hindi na naman naghabol si Gabriel. Hinayaan lang ako.
“It’s okay, Alex,” sabi niya.
Ngumiti lang ako. Hindi ko pa kayang tumingin sa mga mata ng makakakita. Bumukas ang elevator at tumuloy na kami ni Gabriel sa pasilyo papunta sa unit ni Kuya. 5S. Kumatok si Gabriel sa Unit 5S; si Kuya ang nagbukas ng pinto. Pumasok kami sa pinto. Sa kanan ng unit ay ang banyo. Sa kaliwa naman ay kusina. Katapat ng kusina ang dining area at sa tabi nito ay ang sala. May three-seater sofa na nakaharap sa flatscreen TV at isang ottoman. May center table sa pagitan ng sofa at ng TV. Sa likod ng TV ay may pinto papunta sa studio ni Kuya para sa kanyang mga painting, reading, at kung anumang trip niya. Sa katabing kwarto ng studio ang kwarto ni Kuya.
Isinama kami ni Kuya Albert sa kwarto niya na maayos na pagdating naming ni Gabriel. Sa kama ay may dalawang unan at isang kumot. Sa sahig ay may nakalatag na kutson. May comforter na nakabalot. May kumot na nakatupi sa tabi at apat na unan.
“Mga gamit ni Gabriel `yan,” sabi ni Kuya.
Nakasuot si Kuya Albert ng sando at boxer shorts—handa nang matulog. Samantalang kami ni Gabriel ay suot pa rin ang mga ipinampasok sa school. Pareho kaming naka-T-shirt. Ako, naka-walking shorts, siya naka-pants. Nagpaiwan muna si Kuya para ayusin ang aircon. Paglabas ng kwarto ay nagtanong ako kay Gabriel.
“Madalas ka ba matulog dito kina Kuya?”
“Oo,” sagot ni Gabriel. “`Pag lasing na, dito na ako natutulog.”
Dumeretso kami sa sala at naupo sa sofa. Magkatabi. Hindi ako umiimik. `Pag nalalasing sila, dito sila natutulog. Hindi naman siguro... Nabasa yata ni Gabriel ang iniisip ko.
“No, Alex,” sabi niya. “Your brother is straighter than your T-square.”
Dumating si Kuya at parang nakikinig sa usapan namin. Umupo sa ottoman, kinuha ang remote control at binuksan ang TV.
“Best friend muna ni Gabriel si Summer bago ko naging girlfriend,” sabi ni Kuya Albert. “Siya ang naging tulay ko. At dahil best friends kaming tatlo, alam kong lalaki rin ang gusto ni Gabriel. Hindi nga lang ako kasama sa mga lalaking type niya.”
“Hindi naman dahil pangit ka,” sabi ni Gabriel. “Alam nating pogi ka. Masyado ka lang talagang straight.”
Kaya pala ako ang gusto ni Gabriel. Ako ang malambot na version ni Kuya.
“`Yan naman ang gusto ko sa `yo, eh,” sabi ni Kuya Albert kay Gabriel na naglabas na ng beer sa lata. “Alam mong gwapo ako.”
“Hindi lagi!” sabi ni Gabriel. “You’re not as dapper, until you met us. Siyempre, hindi kami papayag ni Summer na dugyutin ang makakasama namin.”
“Perks of having a gay best friend,” sabi Kuya at sabay silang uminom ng beer.
Ano’ng nangyayari? Naglalandian ba ang kuya ko at ang lalaking “nanliligaw” sa akin? Parang may sinusundang tennis ball ang mga mata ko sa pagtingin sa kanila.
“Kaya mo na bang uminom?” tanong ni Kuya.
Hindi pa.
Napansin yata ni Gabriel ang iniisip ko. Lumapit siya sa akin at umakbay.
“You wanna try, Alex?” tanong ni Gabriel.
“Parang mas kilala mo na ang utol ko kesa sa akin, ah,” sabi ni Kuya. “Nagkainuman na ba kayo?”
Napangiti lang si Gabriel na may ibig sabihin. Tumayo siya at pumunta sa fridge. Kumuha ng beer. Inihagis niya sa akin ang isang lata. Pagkasalo ko, naalala ko, hindi ito ang unang pagkakataon na sumalo ako ng beer. Naalala ko ang unang beses na nakatikim ako ng beer. Napangiwi ako. Sa Antipolo.
Naalala ko ang taong nakalimutan ko na. Ang lalaking nagdala sa akin sa Antipolo. Naitanong ko na ito kay Gabriel, hindi niya sinabing siya.
“Buksan mo na, parang Coke lang `yan,” sabi ni Kuya. “Para maipagmalaki ko na ako ang nagturo sa iyong uminom.”
“Nakatikim na ako nito,” sabi ko. “May nauna na.”
“Sino nga ba `yon? Kilala mo na ba?” tanong ni Gabriel na naramdaman kong nagseselos.
Binuksan ko ang beer in can at uminom nang hindi inaalis ang tingin kay Gabriel. Hindi ko talaga gusto ang lasa. Pero ang pait ay parang tumatamis na hindi ko alam. Ganito pala iyon kapag sobrang lamig. Ang sarap. Kaya pala maraming nag-iinuman.
“Hindi pa nga,” sabi ko.
“Gusto mo pa bang makilala?” tanong ni Gabriel.
“Oo,” sabi ko. Pinaglaruan ko pa ang pagtatanong ni Gabriel. Hindi ko alam kung bakit parang kinikilig ako sa ginagawa ko.
“Bakit pa?” tanong ni Gabriel.
“Gusto ko lang,” sabi ko. Natanong ko rin ang sarili ko. Gusto ko pa nga ba?
“Gusto lang?” sabi ni Gabriel.
Bakit ko gusto? Dahil nararamdaman kong gusto ko.
“Siguro. Para magpasalamat. Hindi naman ako inggrato. Oo, gusto ko pa rin siyang pasalamatan,” sagot ko. Iyon na rin ang sagot ko sa sarili ko. Gusto ko pa ring makita ang lalaking nagligtas sa akin kay Jessie.
“Ano’ng nangyayari sa inyong dalawa?” tanong ni Kuya na na-weird-an na sa usapan namin ni Gabriel.
“Albert, nililigawan ko si Alex,” sagot ni Gabriel.
“Ha?” Caught off guard si Kuya. “Well...”
“Kuya,” sabi ko.
Napatingin na lang ako kay Gabriel. Bakit? Hindi ba dapat ako ang nagsasabi kay Kuya? Pareho kaming walang nasabi ni Kuya. Hinihintay kong sabihin ni Gabriel na joke lang. Pero may kumatok sa pinto. Muli kong binitawan ang kamay ni Gabriel.
Tumayo si Kuya. Hindi ko maipaliwanag ang expression niya. Pero parang hindi naman siya galit. Binuksan niya ang pinto. Ang inaasahan kong galit na reaksyon ni Kuya ay naging reaksyon ko.
“O, nandito pala sina Gabriel at Alex, anak, ano’ng meron?”
Si Daddy. Bakit siya nandito?
“Ginagawa ang bahay nina Tita Veron,” sabi ni Kuya Albert. “Dito muna matutulog si Alex.”
“Well, sana hindi ako KJ, dito na lang ako sa sofa matutulog,” sagot ni Daddy na dumeretso sa kitchen at kumuha rin ng sariling beer.
Siguro, kung tatanda kami ni Kuya, si Daddy ang magiging itsura namin. Pero maputi si Daddy at si Kuya, siguro dahil maputi ang asawa ni Daddy. Samantalang si Mama, kayumanggi.
“Kumusta ka naman, Alex?” tanong ni Daddy sa akin na nakatayo pa rin sa kusina, umiinom na rin yata.
Mabuti na lang at nakatalikod ng sofa namin sa kanya. Ayoko kasi siyang makita. Ayoko rin siyang kausapin. Hindi na lang ako umimik. Ininom kong tuluy-tuloy ang beer. Pagkaubos, tumayo ako, kinuha ang bag ko, T-square at canister. Lumabas ako ng bahay ni kuya.
Sumunod si Gabriel sa akin. Malapit na kami sa elevator nang humabol si Kuya.
“Pasensiya ka na, Alex,” sabi ni Kuya. “Hindi ko alam na darating si Daddy.”
“Sorry din,” sabi ko. “Hindi ko kaya.”
“Saan ka na niyan?” tanong ni Kuya.
“Sa place ko na lang,” sabi ni Gabriel.
Nagulat ako. Napatingin kay Gabriel. Lumapit si Kuya kay Gabriel. Oo nga pala, bago ang drama with Daddy, hiningi ni Gabriel ang kamay ko sa kuya ko. Niyakap ni Kuya si Gabriel.
“Ingatan mo ang kapatid ko,” sabi ni Kuya. “Mahal na mahal ko `yan.”
Bumitiw si Gabriel kay Kuya at yumakap sa akin nang mahigpit.
“Malaki ka na, Alex,” sabi ni Kuya. “Alamin mo kung sino ka at kung ano ang mga gusto mo. Huwag kang pabigla-bigla.”
“Thank you, Kuya,” sabi kong humigpit din ang yakap.
“Nandito lang ako palagi,” sabi ni Kuya. “Mahal na mahal kita. Tandaan mo palagi `yan.”
“May mag-a-abroad ba?” tanong ni Gabriel.
Bumitaw si Kuya at ngumiti. “Basag-trip ka.”
Hinalikan ako ni Kuya sa pisngi at yumakap uli. “Basta, ha? Malaki ka na.” Ginulo ni Kuya ang buhok ko.
“Thank you, Kuya, mahal din kita,” sabi ko.
“Pero mag-uusap pa tayo,” sabi niya.
BUMUKAS ang elevator at sumakay kami ni Gabriel. Hinawakan ko ang kamay niya. Mahigpit. Hindi ako nagsasalita habang pababa ang elevator. Hanggang sa makarating kami sa condominium unit niya sa Katipunan. Naupo ako. Nakatulala pa rin. Nag-ring ang cell phone ni Gabriel. Sinagot niya ang tawag. Nakatulala pa rin ako. Siguro ito ang epekto sa akin ng beer. Lumapit si Gabriel at iniabot sa akin ang cell phone. Si Kuya pala ang kausap niya.
“Pareho tayong nagulat sa sinabi ni Gabriel,” paliwanag ni Kuya. “Pero huwag kang mag-alala, mabuting tao `yan. Sinabi na rin niya sa akin na hindi ka pa handa...”
“Sorry, Kuya, hindi ko sinabi sa iyo,” nahihiyang sabi ko. Siya ang best friend ko, ang kakampi ko, dapat sinabi ko sa kanya ang kalituhan ko.
“Okay lang,” sagot ni Kuya. “Hindi mo pa naman alam.”
Patuloy pa rin sa pagsasalita si Kuya kung paano niya naiintindihan ang pinagdaraanan ko. Ang totoo, higit pa sa pagiging kuya, parang mas nagagampanan niya ang pagiging tatay sa akin. Napakasuwerte ko. Ang mga taong mahalaga sa akin, suportado ako sa pinagdaraanan ko. Doon ko naisip na siguro, ito na ang gift sa akin ni Lord. Paano ba naman, punching bag ako ni Jessie. Hanggang ngayong college na ako, nandiyan pa rin siya, hindi na ako nilulubayan. Siguro ay deserve ko ang mga taong mamahalin ako. Si Dad kaya, mahal niya ako? Mamahalin kaya niya ako kung magiging bading ako? Ngayon pa nga lang, hindi na niya ako mahal. Paano pa kapag naging salot na ako sa lipunan? Ganito ba kapag nakakainom ng beer? Kaya pala bigla na lang umiiyak ang mga lasing.
Biglang nag-ring ang cell phone sa tenga ko.
“Hello,” sagot ko.
“Ano’ng nangyari sa `yo?” tanong ni Kuya Albert. “Bigla kang nawala. May gusto ka bang sabihin?”
“Ha, Kuya? Wala naman. Salamat.”
“Basta tandaan mo, kung ano ang nararamdaman mo, sundin mo. Hindi ibig sabihin na malambot ka, o malamya at tinutuksong bading, eh, bading ka na. Hindi ibig sabihin na nililigawan ka ni Gabriel, mamahalin mo na siya. Bata ka pa. Bata pa tayo. Marami pa tayong mararanasang iba, kaya huwag nating isasara agad ang mga bagay-bagay sa buhay natin. Kung makapagdesisyon ka man ngayon, at mali ka, siguro pagtatawanan kita, o pagsasabihan, o pagagalitan pa, pero kakampi mo pa rin ako.”
“Yes, Kuya, I love you.”
“I love you, too,” sabi ni Kuya. “Sige na, matulog na kayo ni Gabriel. Uminom ka pala ng Gatorade, lasing ka daw. Mag-Gatorade ka para hindi sumakit ang ulo mo bukas.”
“Thanks, Kuya.”
Lumapit na sa akin si Gabriel. Inabot ko sa kanya ang cell phone. Kinuha niya at tumabi sa akin.
“I love you,” sabi niya.
Tumingin ako sa kanya. Hindi ko alam ang isasagot.
“I love you, too,” sagot niya sa sarili. “Nang-aasar lang ako, hindi mo kailangang sumagot.”
Tumawa si Gabriel, pinisil ang ilong ko at saka tumayo. “Kape tayo para mawala `yang amats mo.”
Gusto kong sumagot ng “I love you too,” pero baka maging complicated ang lahat. Ang dami kong naiisip, hindi ko kakayaning madagdagan pa. Pero kung sasagutin ko si Gabriel, hindi kaya makabawas pa ito sa iniisip ko? Bahala na, may balikan pa naman siguro ito. Sige na, sasabihin ko na. Ipinagtapat na nga niya kay Kuya Albert ang ginagawang panliligaw, para namang may blessing na siya. Sige na, mapasubo na kung mapasubo, kung anuman ang ibig sabihin niyon.
Bumalik si Gabriel, may dalang isang tasa ng kape. “Sorry kanina. Hindi ko napigilang magpaalam kay Albert.”
Naudlot ang sasabihin ko. Inabot ko ang tasa ng kape, at nagsimulang inumin.
“Kailangan ko lang na maibilin ka sa kuya mo,” sabi ni Gabriel. “I will be in Baguio next week. My Lola passed away. Nandoon na si Ate. Bukas, after lunch, susunod na ako.”
“Ha?” gulat na sabi ko. “Bakit hindi ka pa sumabay sa ate mo?”
“I have class. And I have to attend to you. Lalo pa ngayon, hindi ka makakatulog sa bahay ng kuya mo.”
“Pero lola mo `yon,” sabi ko.
“Hindi naman mabubuhay si Lola kahit magmadali akong pumunta sa burol niya. Joke lang, I love you, Lola,” pagpapatawa pa niya.
“Salamat,” sabi ko.
“Sige na. Tayo na,” yaya niya. “Ligo tayo, tapos tulog.”
Tumayo na ako. Kaharap ng sofa ang TV na katabi ng pinto ng kwarto ni Gabriel. Katabi ng pintong iyon ang pinto ng banyo. At katabi ng banyo ang kwarto ng ate ni Gabriel. Katapat ng CR ang dining table at sa gilid ang kusina, na tuloy-tuloy hanggang sa pinto ng bahay. May partition ang banyo. Pagpasok sa CR ay may lavatory na may salamin. Medicine cabinet siguro ang nasa likod ng salamin. Katabi ng salamin ang toilet bowl at may salamin na hati para sa shower area. Frosted naman ang salamin. Pero nagulat ako nang habang nagsasabon ay may kumatok sa divider.
“Towel mo,” abot ni Gabriel.
Naiwan ko palang nakabukas ang pinto. Ano ba naman itong kalasingan na ito? Nalasing sa isang lata ng beer? “Sige, salamat.” Binuksan ko nang bahagya ang divider. Hindi ko naman akalain na umiihi siya. Napatingin tuloy ako palayo. “Pakilagay na lang diyan.”
“Sige, bilisan mo. Ako naman ang susunod. Not unless, handa ka nang may kasabay sa shower...”
Hindi ako nakasagot.
“Joke,” sabi ni Gabriel. “Makakapaghintay pa ako, Alex.”
Nakahinga ako nang maluwag. Pero parang ayoko nang magpahintay. Kaya kong sagutin ang tanong ko. Gusto ko ba? Gusto ko. Gusto ko!
Sumunod kong narinig ang flush at sumara na ang pinto ng CR. Hay, `buti at nakalabas na siya. Pagkatapos maligo ay pumasok ako sa kwarto ni Gabriel. Nandoon siya sa study table, sa harap ng laptop. Nakahubad at towel lang ang nakabalot sa baywang.
“Done?” tanong niya.
“Opo,” sagot ko.
Tumayo siya at nakita ko ang kanyang katawan. Heto na naman. Kahit bagong paligo, ang init ng pakiramdam ko.
“May holen ka ba diyan?” tanong ko.
“Bakit naman?”
“Higa ka, `tapos pabagsakin natin sa dibdib mo. Tingnan natin kung saan babagsak,” ngumingising sabi ko.
Damn this beer.
“Ginawa mo naman akong pachinko,” sabi ni Gabriel. “Magbihis ka na. Ako naman ang maliligo.”
Kinuha ko sa bag ang sando at boxer shorts. Pagkatapos magbihis ay humiga na ako hawak ang cell phone ko. Naglaro muna ako habang hinihintay si Gabriel. Medyo matagal siyang maligo kaya hindi ko namalayang tulog na ako. Nagising na lang ako na may nakapang malamig na bagay. Napayakap pala ako kay Gabriel na nakahiga sa tabi ko. Nakasandal pa siya sa headboard at nagbabasa.
“Sorry,” sabi ko.
“It’s okay,” sabi niya. “`Tulog ka na uli.”
Hita pala niya ang nahawakan ko. Mataas ang nahawakan kong bahagi. Wala akong makapang shorts. Iniangat ko ang kumot na ngayon ko lang napansing nakatakip din sa akin. Tiningnan ko kung nakahubad si Gabriel sa ilalim.
“Bakit?” tanong ni Gabriel.
“Naka-briefs ka pala,” sabi ko.
“Are you uncomfortable? Magpa-pajama ako.”
“Hindi, okay lang?”
Ibinaba ni Gabriel sa side table ang binabasa at humiga na rin. “Masarap matulog nang hubad kahit aircon. `Tapos, magbabalot ako sa kumot.” Tinanggal niya ang damit ko; at ako naman ay hindi na lumaban. “Sleep na tayo,” yaya niya, sabay hila ng switch ng table lamp.
Doon ko lang napansin na full moon pala. Malaki ang buwan at pumapasok sa bintana ang liwanag. Hindi naging madilim ang paligid, pero nawala ang kulay ng mga bagay-bagay. Sa liwanag ng buwan kami sabay nahiga hanggang sa narinig na namin ang paghinga ng bawat isa. Pero sa paghinga niya, alam kong hindi pa siya natutulog. Nakahiga ako pero ipinatong ko ang ulo ko sa balikat niya. Kanina, malamig pa siya, Ngayon, nag-init na. Iniangat niya ang kaliwang braso at inayos para mahiga ako sa kanyang kaliwang dibdib.
“Dito ka,” sabi niya.
Isiniksik ko ang sarili ko sa bahaging iyon ng kanyang katawan. Ang sarap. Ang hubad kong katawan, nakadikit sa kanyang kahubdan.
“Ang init mo,” sabi ko.
“Katabi kasi kita,” sagot niya. Ano ba ang naitanong ko? May gusto ba akong simulant? Bakit hindi nagpapaalam ang subconscious ko sa conscious side ng utak ko? “Kanina kasi ang lamig mo,” bawi ko para hindi maglaro ang usapan namin sa init. Baka kung saang init pa mapunta.
“Bagong ligo ako nang tumabi sa `yo,” sagot ni Gabriel. “Bakit, ayaw mo ba akong mainit?”
“Pilyo ka,” sabi ko.
Gumalaw si Gabriel at tumagilid para humarap sa akin at yumakap. “Sa iyo lang naman ako pilyo,” sabi niya. ”Okay lang ba ito?”
Hindi ko alam ang sasabihin. Hindi ako nagsalita.
Ngumiti si Gabriel. Hinalikan ako sa ilong. “Ang hirap matulog nito,” natatawang sabi niya, saka tumalikod.
Napahinga ako nang malalim at tumalikod na lang din. Tinangka kong matulog pero parang bawal antukin sa ganitong sitwasyon. Parang iyon din ang nararamdaman ni Gabriel. Kahit magkatalikod kami ay pilit niyang idinidikit ang likod niya sa likod ko. Masarap pala ang ganoong pakiramdam. Nanigas ako. Pero ilang sandali lang ay nawala ang likod niyang kumikiskis sa aking balat. Lumayo si Gabriel. Nagtaka ako. Nawala ang pagtataka ko nang maramdaman ang kamay niyang bumalik ang yakap sa akin. Naramdaman ko rin ang hininga niya sa aking balikat.
“Okay lang ba, Alex?” tanong ni Gabriel.
Gusto kong magpanggap na natutulog. Pero para saan? Gusto ko ang ginagawa ni Gabriel. Gusto ng katawan kong parang alam na ang dapat gawin. Kahit walang salita, ang kamay ko ang nagbigay ng sagot. Hinawakan ko ang kamay ni Gabriel na nakayakap sa akin at lalong hinigpitan sa aking katawan. Lalong uminit. Ang sarap ng init niyang lumilipat sa katawan ko. Nararamdaman ko kung paano niyon niyakap ang kabuuan ko hanggang sa maramdaman kong napapaso ako sa sarili kong balat.
Kumabog ang dibdib ko. Mangyayari na ba? Gusto ko na. Hinalikan ni Gabriel ang balikat ko. May impit na ungol na lumabas sa aking bibig. Hindi ko sadya, tinangka kong pigilan, pero ang sarap, hindi ko ma-contain. Ang halik niya ay umabot sa aking leeg. Hindi ko napigilang gumalaw at humarap kay Gabriel. Idinikit niya ang mga labi niya sa mga labi ko. Inipit ng kanyang mga labi ang itaas ng aking mga labi; at naramdaman ko doon ang kanyang dila habang kanya itong sinisipsip.
Itinuloy niya ang paghalik sa akin, at ginaya ko ang bawat galaw ng kanyang mga labi. Oo nga, hindi halikan ang nangyari sa amin sa swimming pool ng campus. Ito ang halikan. At ang sarap pala. Humigpit ang yakap namin sa isa’t isa habang patuloy sa pagpapalit ng dampi ang aming mga labi. Hanggang sa ang katigasan ko ay bumabangga na rin sa kanya, at nararamdaman kong matigas na rin siya. Patuloy ang aming ginagawa hanggang sa huminga siya nang malalim at mapatigil.
Nagkatitigan kami. Muli niya akong hinalikan, isang halik lang sa gilid ng aking mga labi.
“Sorry,” sabi niya. “This isn’t right.”
Hindi ko alam ang sinasabi niya. May nagawa ba ako? “Sorry,” sabi ko na lang.
“No, it’s not you,” sabi ni Gabriel. “Okay lang siguro na magkatabi tayo ngayon. Pero kung may mangyayari, baka multuhin na ako ni Lola.”
Para akong nabunutan ng tinik. Tama si Gabriel. Makakapaghintay naman siguro ang dapat mangyari.
Yumakap sa akin si Gabriel. “Galing mo, ha? Sarap.”
Natawa ako. Ano ang magagawa ko? Natural pala ako.
Nagkwentuhan na lang kami buong gabi. Mas nakilala ko siya. Lola’s boy siya. High school siya nang naramdamang iba siya sa mga lalaki. Nang mag-college, may nakilala siyang minahal niya. Sa lola niya ito unang sinabi. Ang lola ni Gabriel ang nagsabi na ipagtapat ang lahat sa parents niya. Disappointed ang tatay ni Gabriel, hindi siya kinausap nang isang linggo. Ang lola at mama niya ang kumausap sa tatay niya. Nagkaayos sila at ngayon, tanggap na tanggap na siya ng buong pamilya. Bakit ba naman hindi? Valedictorian si Gabriel mula elementary hanggang high school. Student leader ngayon sa campus, at may planong mag-aral ng Law. Mabait na ay gwapo pa. At ang ganda ng katawan.
“Sana next year, ganyan na rin ang katawan ko,” sabi ko.
“Sige, Alex, may gym sa campus,” sabi niya. “Gym buddy tayo.”
Para hindi na naman mapunta sa katawan ang usapan ay ako na ang nagbago. Ako naman ang nagkwento tungkol sa tatay ko. Sa araw na nakatatak sa isip ko. Ang araw na napatunayan kong hindi niya ako mahal. Six years old lang ako noon. Pumunta kami ni Mama sa bahay nina Kuya sa Cavite. Karga-karga ako ni Mama, nasa gate kami. Parang preso na nakakapit sa mga bakal si Mama, nagmamakaawa na mahalin ni Daddy. Lumapit si Daddy. Kinausap si Mama na huwag mag-eskandalo. Pero patuloy si Mama sa pagsigaw at pagmamakaawa. Hindi mapakali si Daddy, lalo pa at lumabas ang mag-iina niya. Si Tita Regina, karga ang isang sanggol habang si Kuya Albert ay nakayakap sa binti ni Tita Regina. Ano ang laban ng isang anak ni Mama—ako iyon—bilang bala para makuha si Daddy kung may dalawang batang pinapagitnaan ang edad ko? Baby pa ang isa. At siyempre pa, kasal si Daddy kay Tita Regina.
“Intindihin mo na lang siya, Alex,” sabi ni Gabriel.
“Naiintindihan ko naman,” sabi ko. “Pero iyong galit na naramdaman ko, hindi maalis.”
“Simulan mo nang alisin. Baka kasi tuwing mawawala na, inaalala mo pa.”
“Ang hirap, eh. Six years old lang ako no’n… Eleven years ng galit… Hindi ko na malilimutan `yon.”
“Soon, twelve years of galit na `yan. Kung hindi mo titigilan, lalo iyang lalaki.”
“Ang hirap makalimutan. Nando’n ako. Hindi lang naman ito kwento ni Mama.”
“Hindi mo naman kailangang kalimutan `yong nangyari. Iyon lang naramdaman mo. At makakalimutan mo lang `yon if you’ll give your dad a chance.”
Napahinga lang ako nang malalim.
“Sorry,” sabi niya.
“Okay lang.”
Yumakap si Gabriel sa akin.
Yumakap din ako. Alam ko na. Hindi man ako makapagdesisyon ngayon, alam ko na ang sasabihin ko sa lalaking ito. Hinigpitan ko ang yakap sa kanya. Sa mahigpit naming pagyayakapan kami nakatulog.
MAG-ISA ako sa kama nang magising. Mataas na ang sikat ng araw. Bumangon akong nakahubad pa rin at nakita ko sa dining area si Gabriel. Naka-briefs pa rin siya at apron habang naghahain ng agahan. Ang ganda ng umaga ko.
“Good morning,” bati ni Gabriel. “Upo ka na at sabay na tayong kumain.”
Naupo ako sa silya. Sumunod na siya. May bacon at sunny side-up na itlog. Sinangag. Wow!
Nakatitig lang ako kay Gabriel.
“I’m not in the menu,” natatawang sabi niya.
“Ewan ko sa `yo,” sabi ko.
“Kidding. `Yong itsura mo kasi, parang sasagutin mo na ako.” Napatayo siya at hindi napigilan ang ngiti. “Ano? Oo na ba? Tayo na?”