CHAPTER TWENTY-TWO
I TO BA talaga ang binalikan ko? Naalala ko ang lahat. Sa aking pagpapaubaya at pagpikit, bumalik ang ilang mahahalagang sandali sa falls. Ang mga naisip ko bago ako magpumiglas kay Jessie nang gabing iyon. Paano naging ganito kalambot ang mga labi ng isang matigas na nilalang na kagaya ni Jessie? At sa pagbalik ko sa nangyayari, pagdilat ko ay nakita ko ang mukha ng lalaking nakapatong sa akin—nakapikit, dinadama ang bawat dampi ng mga labi niya sa mga labi ko. Para ding kinabisa ang galaw ng kanyang dila na malaya kong pinapapasok sa aking bibig.
Gusto ko ang ginagawa ni Jessie sa akin. Gusto ko ang ginagawa namin. Ang pagbitaw niya sa braso kong kanina lang ay ginagapos ng kanyang bigat hanggang sa paggapang ng kanyang kamay sa aking katawan. Itinaas niya ang aking damit. Itinaas ko ang aking kamay para matanggal niya ang T-shirt ko. Hinayaan na lang niya ako nang makita na kusa akong naghuhubad. Hinubad naman niya ang aking pantalon. Nang shorts ko na lang ang suot ko, muli siyang pumatong sa akin.
Muli kaming nagpalitan ng halik. Nagsimula na rin ang paglalakbay ng kamay ko sa katawan ni Jessie. Malaman, matigas, mapintog, malaki. Nagustuhan niya ang ginawa ko dahil napahalinghing siya kasabay ng kanyang halik. Mula sa bibig, gumapang ang halik niya sa aking leeg.
“Matagal ko na itong gustong gawin, Alex,” sabi ni Jessie.
Alam ko. Doon pa lang sa falls, naisip ko na. Pero hindi ako sumagot. Hinayaan ko lang siya sa kanyang ginagawa. Marahas ang pagsipsip niya sa aking balat. Ang haplos niya sa akin ay humihigpit, iniipit ako ng kanyang yakap. Damang-dama ko ang gigil ni Jessie.
“Gusto mo ba `to?” tanong ni Jessie.
At dito bumalik ang aking katinuan. Hindi ko gusto. Panandalian akong na-guilty. Bumigay na naman ang aking katawan. Pero wala akong panahong makonsiyensiya. Magagamit ko ang pagkakataong ito. Para ito kay Gabriel. Para ito sa akin at kay Gabriel. At sana, hindi napansin ni Jessie na nasakop na ng puso ko ang tawag ng aking katawan.
Nakatitig si Jessie sa akin. Puno ng pagnanasa ang kanyang mga mata. Tama ako. Gusto ako ni Jessie. Ito ang binalikan ko. Ito ang kasagutan. At hindi ko alam kung saan galing ang kakayahan kong mag-isip ng ganitong mga bagay. Pero gusto ko ang naiisip ko.
“Marami ka nang nagawa sa akin na hindi ko gusto, Jessie,” sagot ko.
Napatigil si Jessie. Tumayo.
Hindi ko ipinakita pero napangiti ako at tumayo na rin. “Bakit ka natigilan?” tanong ko. “Binibigyan mo na ba ako ng karapatang pigilan ka?”
Hindi nagsalita si Jessie.
Kinuha ko ang mga damit ko. Nakita ko si Tito Raul—nakapantulog pa—habang palapit sa amin. Hindi ko maipaliwanag ang ekspresyon ng kanyang mukha. Nakita niya kaya kami? Kinabahan ako. Nawala lang nang marinig ko ang splash mula sa swimming pool. Nag-dive si Jessie.
“Wanna join us, Dad?” malakas na tanong ni Jessie.
Ibinaba ko ang mga damit ko sa upuan sa gilid ng pool. Sumakay ako sa naisip ni Jessie. “Good morning, Tito,” bati ko, saka tumalon na rin sa swimming pool.
Ngumiti si Tito Raul. “Kailangan mo lang talagang umuwi dito nang madalas-dalas, Alex, para masanay ka na ring tawagin akong `Daddy,’” sabi niya. “Sige, diyan muna kayo. Magpapahanda na muna ako ng almusal.”
Sumisid ako para kunin amg cell phone kong napunta sa swimming pool kanina lang. Pasampa na ako sa gilid ng pool nang hilahin pababa ni Jessie. Nasa likod ko siya, dumidiin sa akin. Nakahawak siya sa aking tagiliran at nakadikit ang kanyang harapan sa aking likod. Naramdaman ko ang mainit niyang hininga sa aking balikat. At unti-unti ring nanigas ang bahagi niyang kumakaskas sa aking likod. Nakakapag-init ang kanyang bigat, ang kanyang matigas na katawan sa aking balat. Pero napatingin ako sa kamay ko. Napahigpit ang hawak ko sa cell phone. Kailangan nang matapos ito. Hanggang dito lang ito. Muli kong iniangat ang sarili ko sa swimming pool. Hindi ko man iyon naituloy, nakuha ni Jessie ang message. Hinila pa rin niya ako pababa.
“Nandiyan lang ang tatay mo,” sabi ko, dahilan ng pagbilis ng tibok ng aking puso.
Iniikot ako ni Jessie. Ang lakas niya, nagawa niya akong iharap. Muli niya akong hinalikan. Mabilis. At sa huli, kinagat niya ang aking labi, hinila, bago pinakawalan. Masakit. Napakagat-labi si Jessie habang sinusubukan kong alisin ang kirot ng pagkakakagat niya sa akin.
“Wala ka pa ring karapatan,” sabi niyang tumalikod na at lumangoy papalayo sa akin.
Parang alam din ni Jessie ang larong ito. Ngayon ko pa nga lang susubukan, ngayon ko pa lang uumpisahan, pero parang nakalamang na siya. Kaya ko `to. Umahon ako at dumeretso sa kwarto. Hindi na ako nakapag-agahan. Mas pinili kong bumawi ng tulog. Nagising ako sa katok sa pinto. Kinabahan ako. Kung si Jessie ang kumakatok, hahalikan na naman ba niya ako? At kung gagawin niya iyon, ano ang gagawin ko? Napahinga ako nang malalim.
“Alex, anak,” sabi ni Mama. “Kain muna tayo. Sabay-sabay na, bilis. Matulog ka na lang uli mamaya. Sayang ang moment.”
“Opo,” sabi ko.
“Okay, gising ka na. Bilisan mo!”
MAY ISANG kahon sa mesa at nakalagay iyon sa tapat ng lagi kong inuupuan.
“Buksan mo,” sabi ni Tito Raul.
Sumunod naman ako. Ngumiti ako at nagpakita ng kaunting enthusiasm. Hanggang sa maging totoo pagkakita ko sa bagong cell phone.
“Kinuha ko `yong cell phone mo sa bigasan. Sinubukan kong ipagawa pero hopeless na. Ako naman ang may kasalanan kung bakit `yon nabasa kaya hayan, binilhan kita ng bagong cell phone,” sabi ni Jessie na ngumiti at kumindat. Naiwan ang ngiti niya habang nakatingin sa akin. Parang kasabay kong natulala ang puso ko. Nakalimutang pumintig nang panandalian bago tumuloy-tuloy. Mas mabilis sa usual.
“Alex, hoy,” sabi ni Mama. “Magpasalamat ka naman. `Wag `yong tulaley ka diyan. May bagong cell phone lang, nganga na?”
Hindi alam ni Mama na hindi lang ang cell phone ang bago sa paningin ko kundi pati ang ngiti ni Jessie. Ngiti, hindi ngisi. Ngiting kaya kong balik-balikan.
“Nakalagay na rin diyan ang sim card mo,” sabi ni Jessie. “Baka may kailangan kang tawagan. Kailangan mong sabihan na sa school na lang kayo magkita.”
Sa mga huling salita niya nanumbalik ang dating Jessie. Concern ba siya o nananakot? Nagsasabi ba siya o nag-uutos? Ako ang may plano, pero bakit ako ang natatalo?
Pagkabukas ko ng cell phone, agad kong dinayal ang number ni Gabriel. “Excuse me lang po,” paalam ko kay Tito Raul. Nang tumango siya ay tumayo na ako at lumakad palayo ng dining area. Nag-ring nang tatlong beses bago may sumagot.
“Hello, Gab?” bati ko.
“Alex, how are you?” tanong ni Gabriel sa mababang boses—halatang bagong gising—pero ramdam ko ang pag-aalala niya. “Everything okay? Should I pick you up?”
“Hindi,” sagot ko. “Huwag muna. Nandito si Mama. Nagla-lunch kami. Okay ako.”
“Okay,” sabi ni Gabriel. “I love you.”
“Alam ko. Lagi kong naaalala,” sagot ko. Biglang tumahimik sa kabilang linya. Hindi ko alam kung nawalan ng signal sa lugar ko o hindi talaga nagsalita si Gabriel. “Gab? Dinukot ka ba ng alien? Nawawala ka. Gab...?”
“No, I’m still here. That’s just not the answer I’m waiting for. Though to be honest, I kinda expected that. It’s okay.”
“Gab ko, nandito ako sa mansiyon. Malapit lang si Tito Raul. Baka marinig niya,” mahinang sabi ko.
“I know. That’s why I expected it. It’s okay.”
“Gab naman. Alam mo naman, `di ba...”
“Yeah. I know that you love me, too. I understand. I always understand. I believe everything you say. That’s why, just for us to stay longer, you better choose the words you use. Because I know how honest you are.”
“Ano na naman ang nasabi ko, Gab?”
“Babe, there’s a difference between `laging naaalala’ at ‘hindi nalilimutan.’”
Natigilan ako. Parang may dalawa o higit pang multo ang nagpulong at napunta ako sa kanilang presensiya. Puso ko na lang yata ang nagpa-function dahil walang ibang bahagi ng katawan ko ang gumagalaw. At mayroon pa pala sa tiyan, may butterflies sa stomach ko, pero parang mariposa sa laki.
“I still love you, Alex. Go back to Tita Veron. Kain na kayo. Matutulog lang ako uli. I haven’t got a decent sleep waiting for your call. Just so you know.”
“I’m sorry Gab.”
“I don’t need your I’m sorry. I need your I love you. Is it that difficult to say now?”
“Nandito ako...”
“Sa mansiyon! Mansiyon `yan. Ang laki-laki niyan. Singlaki ba niyan ang tenga ng Tito Raul mo at maririnig ka kahit saang sulok ng mansiyon ka magsabi ng ‘I love you’?”
“Galit ka, Gab. Sumisigaw ka na. Na straight na tagalog.”
“Just say ‘I love you’!”
“Teka,” sabi ko habang naglalakad patungo sa may pool area.
“Aren’t you far away enough. I have been begging you since last night for that I love you. Sabihin mo na...”
“Bakit ba nagmamadali kang marinig ang ‘I love you’?” Napipikon na rin ako dahil nagtataas na siya ng boses sa hindi ko maintindihang dahilan. “Password ba `yon ng butas ng ilong mo? Hindi ka ba makakahinga `pag hindi mo narinig? Ikamamatay mo ba? Ha?”
“Oo, baka ikamatay ko `pag hindi ko na narinig.”
“Ay, I’m sorry.” Puyat si Gabriel, galit, at mainit na ang ulo. Pero kaya pa rin niyang maging ganito ka-sweet. Lalo akong na-guilty.
“I told you, I don’t need your I’m sorry. It’s the I love you that I am waiting for,” sabi niya na parang natauhan na rin. “Sige na. Enough of this cheesiness. Say your I love you so I can say my I love you, too. And you can go back to eating your lunch, and I can have my sleep...”
“I love you,” sabi ko, hindi na siya pinatapos sa pagsasalita. “I. Love. You.”
Pero may isa pang boses akong narinig na hindi galing sa kabilang linya.
“I love you, too.”
Napalingon ako at nakita si Jessie na nakatayo at nakatingin sa akin.