noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 21

Ch. 22 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER TWENTY-ONE

PAGKATAPOS kong maramdaman ang init at pagnanasa sa lalaking nasa aking harap, narinig ko ang kanyang mababa at malumanay na boses, nag-uutos na maghubad ako. Paano pa ako makakatanggi? Pero walang pagnanasa sa kanyang mga mata. Hindi kagaya ng mga mata ni Gabriel kapag nakatitig siya sa akin bago mapapikit sa pagdadampi ng aking mga labi. Si Gabriel. Nagnanasa ako sa lalaking hindi si Gabriel. Pinaghububad ako ng lalaking hindi si Gabriel, na hindi ko alam kung ano ang gagawin sa akin.

“Maghubad ka na,” sabi uli ni Jessie sa mababa at mahinahong tinig. “Hindi mo gugustuhing bumalik sa bahay na basa.”

Lalangoy kami sa ilog na ito ngayong gabi? Iyon ba ang gusto niyang mangyari?

“Hubad na!” Narinig ko ang pagkainip sa boses niya.

Napaatras ako nang bahagya. Nakaramdam uli ng takot. Naalala ko ang boses ni Tito Raul. At oo nga, si Tito Raul din ang nagpadala sa akin dito. Hinawakan ko ang laylayan ng aking damit at tinanggal. Hindi ko inaalis ang pagkakatitig kay Jessie na sa pagsunod ko ay muling lumambot ang titig sa akin. Tinanggal ko ang sapatos ko. Hinubad ang pantalon. Huli ang mga medyas. Kagaya ni Jessie, ibinagsak ko lang sa sahig na kahoy ang mga hinubad ko.

“Sumunod ka,” sabi ni Jessie na hindi nakatingin sa akin.

Bigla siyang tumalon sa tubig. Malamig ang mga talsik na tumama sa binti ko. Lumangoy siya na parang sarap na sarap sa ginagawa. Parang may-kalaliman ang ilog. Pero marahan naman ang agos. Bagsakan lang kasi ng talon at parang sa kabilang dulo ay may isa pang falls na mapupuntahan. Pero parang ito ang pinakamaganda. Parang kabisado ni Jessie ang lugar.

Nasa gitna na si Jessie ng tubig nang humarap sa akin. Tumatango-tango ang ulo niya na nagyayaya sa aking tumalon na rin. Hindi ako gumalaw. Nanigas ako. Hanggang sa may nagbago sa pagkakatitig sa akin ni Jessie. Hindi siya galit. Mas parang nag-e-enjoy siya na nakatingin sa hubad kong katawan. Kapirasong puting briefs na nga lang suot ko, at sa kanyang pagtingin ay parang nahuhubad pa ito. Nahiya ako sa sarili ko kaya tumalon ako para maitago ang patpating katawan.

Ang lamig!

Ang lalim!

Hindi abot ng mga paa ko ang lalim ng tubig. Kailangan kong magpapadyak at ia-apply ang mga natutunan sa swimming class para hindi malunod. Hala, lulunurin nga kaya ako ni Jessie? Lumapit siya sa akin. Hinawakan ang aking kamay. Sumunod ako. Pumunta kami sa gilid kung saan bunabagsak ang tubig. Naupo lang kami sa bato na naroon. Magkatabi. Balat sa balat. Umisod ako palayo pero inakbayan ako ni Jessie at pinaglapit ang aming katawan.

“Giginawin tayo.”

Ayaw pala niyang ginawin pero tumalon sa ilog sa gitna ng gabi. Pero hindi ko na nasabi. Anumang iniisip ko ay tinanggal ng init na pinagsasamahan ng aming mga katawan. Nagiging komportable na ako. Ganito pala kapag sobrang lamig. Kahit kinatatakutan mo ay yayakapin mo para sa kanyang init.

“Langoy na uli tayo,” yaya ni Jessie.

Bago pa siya tumalon ay nahawakan ko ang braso niya. Nang lumingon siya at natigilan ay parang tumigil din ang puso ko. Ginawa ko ba talaga iyon? Napigilan ko ba siya? Ano ang gagawin niya sa akin ngayon? Pero hindi ko nakita sa mukha niya ang inaakala kong galit.

“Bakit, Alex?” tanong niya.

“Ano ba’ng plano mo sa akin? Dito mo ba ako papatayin? Lulunurin mo ba ako dito?”

Tumawa si Jessie. “Halika na, langoy na uli tayo.” Siya naman ang humawak sa braso ko at hinila ako sa tubig. Paglublob namin ay lumangoy siya palayo. Pinanood ko muna siya. Alam na alam talaga niya ang bawat sulok ng lugar. Lalayo siya, babalik, sisisid, aahon.

Nang magbalik ang lamig ay lumangoy na rin ako. Nasanay na uli ang katawan ko. Ang sarap lumangoy sa ilalim ng buwan. Sumunod ako kay Jessie. Ginaya ko siya. Ang lalim talaga, maging sa mga gilid. May nakatumbang puno na malapit falls. Parang inayos ang puno para may sampahan ang mga napapagod na lumangoy. Tumuntong si Jessie sa kahoy at tumayo. Ang laki ng katawan niya. At dahil sa paglangoy, parang lalong namintog ang muscles niya sa dibdib, sa mga braso at sa mga binti. Para siyang isang diyos sa mga Greek myths na nakahubad at iniilawan ng buwan. Oo, halos hubad na siya sa puti rin niyang briefs na dahil nabasa ay parang nakikita ko na ang itinatago. Nahiya ako sa tinitingnan ko. Hinawi niya ang buhok na tumatama sa mukha at ngumiti siya sa akin. Natunaw ako.

Siguro ay hindi niya iyon napansin. Sana, hindi niya napansin. Agad siyang tumalon at umikot sa ere. Ang linis ng dive niya. Parang sanay na siya. Bumalik siya sa nakatumbang puno at tumayong muli. Inayos niya ang briefs na parang natanggal sa pagkakatalon kanina. Bakit ko napapansin ang mga ganoong detalye sa kanya?

“Halika,” yaya niya. “Tuturuan kita.”

Umiling ako.

Tumalon uli si Jessie. Ang galing niya. Ang linis ng bagsak. Kaunting tubig lang ang tumalsik pagpasok niya pailalim. Pero mga ilang sandali na ang lumipas ay hindi pa rin siya umaahon. Nag-panic ako, sumisid at hinanap si Jessie sa ilalim. Baka tumama ang ulo niya sa bato pag-dive. Baka naipit sa mga sanga sa ilalim ang mga paa niya. Baka nalulunod na siya. Papailalim ako nang makita siyang papaakyat sa akin. Nakangiti. Parang hinintay talaga ako.

Nang paahon na ako ay pumailalim sa akin si Jessie. Magkaharap kami sa ilalim ng tubig. Magkatitig. Alam kong mabilis ang langoy namin, pero parang nakikita ko ang detalye ng bawat galaw ng aming mga katawan. Ang bawat expression ng kanyang mukha. Hanggang sa makalabas ang ulo namin sa tubig at makalanghap na uli ng hangin.

Tumalikod na si Jessie at lumangoy papunta sa gilid ng tubig. Sumunod ako. Malalim pa rin sa bahaging iyon, pero may mataas na batong pwedeng tuntungan at pahingahan. Doon sa bahaging iyon, hanggang balikat lang ang tubig. Tumayo si Jessie doon. Maliit lang ang tuntungan kaya pagdating ko, naghati kami sa kinatatayuan namin. Matagal din kaming nakatayo roon. Ako, tinitingnan ko ang reflection ng buwan sa tubig. Magical. Nakakakalma at nakakawala ng lahat ng gumugulo sa isip. Siya, hindi ko alam kung ano ang iniisip niya.

“Giniginaw na ako,” sabi ko. Nang gumalaw ako nang kaunti ay nadulas ang paa ko. Nanigas.

“Ouch!” Napapikit ako. Pinupulikat ako.

Humarap si Jessie sa akin at ibinigay na ang tungtungan para sa dalawa kong paa.

“Ituwid mo lang ang leg mo. Then stretch the toes up,” sabi niya.

Sinunod ko ang sinabi ni Jessie. Pinapanood niya ang mukha ko para malaman kung umaayos na ang pakiramdam ko, kung nawawala na ang sakit. At nang parang nabawasan na ang sakit, nagyaya na akong umahon.

“Tara na,” sabi ko. “Malamig na talaga.”

Pero hindi siya natinag. Nanatili si Jessie sa harap ko. At sa halip na lumayo ay lumapit siya sa akin. Yumakap. Nakabalot sa katawan ko ang mga braso niya. Nakadikit ang pisngi niya sa pisngi ko. Hindi ko alam kung nagyelo na ako sa lamig dahil hindi ako makagalaw. O hindi ako makagalaw dahil hindi ko naiintindihan ang ginagawa ni Jessie. Hindi rin ako makapag-isip. Hindi ko ito inaasahan. Hanggang sa may mainit na hanging dumampi sa aking leeg. Sumunod sa mga hininga ni Jessie, ang mga labi na niya ang humahalik doon. Naramdaman ko ang marahan at malambot niyang mga labi, ninanamnam ang aking balikat, leeg, panga papunta sa aking mukha.

Doon ako nagising. Hindi pwede `to.

“Jessie, hindi ganito... Huwag.”

Pero hindi tumigil si Jessie.

Iniangat ko ang aking kamay at itinulak ang katawan niya sa katawan ko. Pero mas humigpit lang ang pagkakayakap niya sa akin. Patuloy ang paghalik ni Jessie. At tinutunaw ng bawat pagdampi ng mga labi niya sa katawan ko ang nanlalamig kong pakiramdam. Unti-unti nga, maging ang mga bahagi kong nasa ilalim ng tubig ay nag-iiba na rin ang pakiramdam. Parang tinatanggap ng katawan ko ang init mula sa para na ngayong nagbabagang katawan ni Jessie.

Marami akong dahilan para hayaan si Jessie na magpatuloy. Pero nilabanan ko pa rin. Mahal ko si Gabriel. Mahal ko si Gabriel. Iyon lang ang katapat ng napakaraming dahilan para magpaubaya. Alam kong ikasisira namin ito ni Gabriel pero gusto ko ang ginagawa sa akin ni Jessie. Malakas si Jessie. Ang mga halik niya ay napunta na sa aking mga labi. Pero kahit pinipilit ng mga labi at dila niyang ibukas ang sa akin, hindi ko magawa. Kapag nagpaubaya ako kay Jessie, para na rin akong pumili, hindi ko pa man alam kung mayroon akong mga pagpipilian.