CHAPTER TEN
S OMETHING has changed within me. Something is not the same. I’m through with playing by the rules of someone else’s game…
“Anong kanta `yan?” tanong ko kay Gabriel. Hindi ko alam ang kantang tumutugtog sa kotse niya. Parang may bago siyang playlist dahil mag-iisang buwan na akong sanay sa mga kanta niya. “Parang narinig ko na pero parang hindi,” dugtong ko.
“Defying Gravity,” sagot ni Gabriel. “Wicked. Broadway Musical. Madalas `yang kantahin sa mga singing contest.”
“Wow! Parang sinabi mo namang wala akong alam sa mga musical,” sabi ko.
“Sorry,” sabi niya na parang nalungkot. Nawalan ng bigat ang kamay niyang nakapatong sa hita ko. Kaya hinawakan ko iyon nang mahigpit. Nakuha ko ang atensyon niya. Tumingin siya sa akin at nagtanong. “Bakit?”
Ngumiti ako at hinalikan ang kamay niya.
“Ito na ba? May nagbago na ba? Ide-defy na ba natin ang gravity?” nakangiti nang tanong ni Gabriel, halatang biglang naging masaya.
Napangiti rin ako. “Hindi pa.”
Nawala ang saya niya.
“Huwag kang malungkot, Gabriel. Ayoko lang agawin ang moment ng lola mo. Ayaw kitang pasayahin dahil tama lang na malungkot ka sa pagkawala niya. Pero...” Nakita ko na inaabangan niya ang sasabihin ko. “Pero binigyan ko na ng deadline ang pag-iisip ko tungkol sa iyo, sa atin.”
“Okay, continue,” sabi ni Gabriel na bumalik na ang ngiti.
“Pagbalik mo from Baguio, nakapagdesisyon na ako.”
“And your decision is a—”
“Basta,” sabi ko. “Basta huwag ka lang mawawalan ng pag-asa.”
“Hope is always good,” Siya naman ang humalik sa aking kamay.
Nakarating na kami sa bahay namin. Sa tapat kami nag-park. Nandoon pa rin ang mga karpentero, nananghalian na. Niyaya nila ako, pero tumanggi ako. Ngayon ko lang napansin ang mga karpentero na nakahubad na kumakain. Ang mga katawan nila, kahit payat ay namamaga ang mga muscle. Napapansin ko na… Hala! Nagiging bading na yata talaga ako.
“Kain, Alex,” sabi ng mas batang lalaki na anak ng matandang karpentero. Tatlo lang sila. Iyong isa, pinsan niya. (?)
“Sige, salamat,” sagot ko.
“Alex,” bulong ni Gabriel. “Nakatitig ka. Kumakain sila, hindi sila ang pagkain.”
“Sorry,” sagot ko.
Dumeretso kami sa loob ng bahay. Wala na ang mga gamit doon. Nagmamadali akong umakyat sa kwarto ko. Wala na rin ang mga gamit. Tinawagan ko sa cell phone si Mama. “Hello, Ma?” sabi ko nang sumagot siya. “`Ma, nanakawan ba tayo? Nawawala ang kama ko.”
“Hindi, nandito na sa bahay ni Raul,” sagot ni Mama.
“Bakit nandiyan na?”
“May uupa na diyan sa bahay natin pagkagawa. Dito na tayo kina Raul titira.”
“Ambilis naman!”
“Mas maagang may tumira, mas maaga tayong may kita.”
“Hindi mo man lang ako hinayaang magluksa?”
“O, mukhang nandiyan ka na naman. Sige na, halikan mo na lahat ng sulok ng bahay. Susunduin na lang kita kina Albert.”
Umupo ako sa isang sulok ng kwarto ko nang tapusin ni Mama ang tawag. Tumabi sa akin si Gabriel. Pinagmasdan ko ang bawat sulok ng kwarto kong wala na ngayong laman. Ang luwag. Hanggang sa humarap ako kay Gabriel na nakatingin sa akin.
“Sad?”
“Hindi ko alam,” sagot ko. “Siguro.”
“It will be okay,” sabi ni Gabriel.
“Alam ko. Ang dami lang nagbabago sa akin. Kahapon, kanina. Mula nang makita kita, alam kong may mababago sa akin. Noong una, hindi ko alam kung gusto ko iyon. Pero kagabi, alam ko, gusto ko na. At masaya ako na gusto ko `yon.”
“And I am very happy to hear that,” sabi ni Gabriel. “This would have been very romantic kung hindi patay si Lola…”
“At hindi ako magpapaalam sa kwarto kong ito.” Tumayo na ako pagkatapos ng kaunting dramahan. Lumabas kami ng kwarto. Isinara ko ang pinto.
“When a door closes, another one opens,” sabi ni Gabriel.
“Literal na mangyayari ito ngayon,” sagot ko, napahinga nang malalim.
Inihatid na lang ako ni Gabriel sa apartment ni Kuya Albert. Doon na rin kami nag-breakfast. May pasalubong kaming takeout para kay Kuya. Masaya kaming naupo. Pero may balita si Kuya na tinimpla muna niya ang sitwasyon bago i-open up. parang natagalan siyang mag-isip dahil patapos na kaming kumain nang sabihin niya.
“Gabi pa ang balik ni Daddy,” sabi ni Kuya Albert. “May construction sila sa malapit kaya dito muna siya umuuwi. Please don’t walk out `pag dumating siya.”
“Okay,” sabi ko. “Sorry last time. Lasing yata ako.”
Nabago ang mood ng room. Napansin ni Gabriel na ayoko nang usapan kaya siya na ang nagbago ng topic.
“O, Albert, ikaw na ang bahala kay Alex ko, ha?” bilin ni Gabriel.
“Teka…” Kinuha na rin ni Kuya Albert ang pagkakataon para pagaanin ang mood. “Kapapaalam pa lang sa akin nitong mokong sa `yo, ah, sinagot mo na?”
“Hala,” sabi ko. “Kuya, hindi pa.”
“Pero sasagutin mo?”
“Pagbalik niya.”
Nanlaki ang mga mata ni Kuya Albert. Nanlaki rin ang mga mata ko. Tumawa nang malakas si Gabriel. Tawa ng saya. Ang saya-saya niya. Nagliwanag ang mukha niya at nakita ko kung gaano siya kagwapo kapag masaya. Napangiti ako. Napapasaya ako ng kasayahan niya.
“Buhay mo `yan,” sabi ni Kuya Albert, hindi maipinta ang mukha.
“Kuya, sasagutin ko lang siya,” bawi ko “Hindi pa ako sigurado sa sagot.”
“Ay?” Nawala ang saya ni Gabriel. “Akala ko naman—”
“No pressure, Alex,” sabi ni Kuya Albert at tiningnan nang masama si Gabriel. Pagtalikod ni Kuya, kumindat si Gabriel. Napangiti ako. “Nakikita ko kayo sa salamin. `Lalandi n’yo.”
“Lalandi talaga?” react ko.
“Alam ko namang mahal mo kami at kaligayahan lang namin ang gusto mo,” sabi ni Gabriel na tumayo na para magpaalam. “Sige na, una na ako. Baguio pa ako.”
“Tantanan mo ako,” sabi ni Kuya Albert at yumakap kay Gabriel.
“Bye, Alex.” Sa akin naman yumakap si Gabriel. “I’m just a text away. I love you.”
Muntik nang lumuwa ang mga mata ko. Hindi ko alam kung dahil sa higpit ng yakap niya o dahil sa “I love you.”
“Wala munang sagot,” sabi ni Gabriel sabay pisil sa ilong ko at tuluyan nang umalis.
Bumalik kami ni Kuya sa kusina. Nagtimpla ako ng dalawang tasa ng kape. Nakatingin lang si Kuya.
“Isinuko mo na ba ang Bataan?” tanong niya matapos ang mahabang titig sa akin.
“Hala! Wala akong Bataan.”
Ngumiti si Kuya, nawala ang kaseryosuhan.
“Kung itinatanong mo kung may nangyari sa amin, wala pa,” sabi ko.
“Sorry,” sabi niya. “I’m overreacting”
“Okay lang. Pero, Kuya…” Hindi ko natapos ang statement ko.
“Ano `yon?” tanong niya na nagbalik ang seryosong pagtitig.
“Kuya, gano’n na ako.”
“Anong gano’n?”
“Katulad ni Gabriel.”
“Anong katulad ni Gabriel?”
“Gay,” mahinang sabi ko.
“Hindi ko narinig, Alex.”
“Gay,” sabi ko sa malakas na boses.
“Sigurado ka?”
“Parang oo.”
Uminom ng kape si Kuya Albert.
“Kanina, Kuya, napatingin ako sa pawisang katawan n’ong anak ng karpentero ni Mama.”
“Ano’ng naramdaman mo?”
“Wala naman. Parang ang ganda lang niyang tingnan. Parang… ang ganda.”
“Tumigas ba `yang si Junior mo?”
“Ha?”
“TInigasan ka ba? Pinagnasahan mo ba ang katawan n’ong karpentero?”
“Ha?” Napaisip ako. “Wala naman akong napansin.”
“O baka appreciation lang `yan, Alex. Baka sobrang ganda ng katawan n’ong karpentero na kahit ako, eh, mapapatingin talaga.”
Ako naman ang uminom ng kape bago muling nagsalita. “Pero, Kuya, tumigas si Junjun ko no’ng maghalikan kami ni Gabriel.”
Uminom ng kape si Kuya Albert at napapikit.
“Alex, tell me, where do you want me to focus on that statement? Sa tinigasan ka o sa naghalikan kayo?”
“Sorry, inisang bagsak ko na lang.”
Tumayo si Kuya. “Tayo,” utos niya.
Tumayo ako.
Niyakap ako ni Kuya bago binitiwan. “So, gano’n ka na talaga?”
“Oo,” sagot ko.
“Anong gano’n?”
“Gay,” bulong ko.
“Lakasan mo.”
“Gay.” Nilakasan ko.
“Tagalugin mo.”
“Bakla,” mahina uling sagot ko.
“Lakasan mo,” utos ni Kuya Albert.
“Bakla,” sabi ko, lumakas lang nang kaunti.
“Lakas pa.”
“Bakla.”
“Bakla ka ba?”
Hindi ako nakasagot.
“Sagutin mo nang buong tapang,” utos ni Kuya. “Bakla ka ba?”
Sa unang pagkakataon, hindi ako nakasunod sa utos niya.
“Ano?”
Hindi pa rin ako nakasagot.
Niyakap uli ako ni Kuya Albert. “Kapag nasagot mo na ang tanong ko nang malakas at may pagmamalaki sa pagkakasabi, pwede mo nang sabihin sa akin na bakla ka na. Pero ngayon, nalilito ka pa. Isip ka pa. Okay?”
Napatango ako. “Thank you, Kuya.”
KINAHAPUNAN ay naglaro kami ni Kuya Albert ng X-Box. Biglang may sumigaw sa labas.
“Albert, ang Tita Veron mo `to!”
Boes iyon ni Mama. Kulang sa kanya ang doorbell.
“Wait po!” Tumayo si Kuya Albert at pinagbuksan ng pinto si Mama.
“Nagulat ka ba, Albert?” sabi ni Mama. Nag-beso sila. “Pwede ka namang dumalaw sa Parañaque.”
“Siyempre po, dadalawin ko kayo doon,” sabi ni Kuya Albert.
“Si Mama naman kasi, nagmamadali,” sabi kong tumayo na rin at kinuha ang kanyang bag.
“Mansiyon `yon, Alex. Hindi na ipinagpapabukas ang pagpunta sa mansiyon,” sabi ni Mama. “Imagine, matutulog ka ngayon. Paggising mo, nasa loob ka na ng isang mansiyon?”
“Mami-miss ko pa rin ang bahay natin, ang kwarto ko,” sabi ko.
“Well, I think, mami-miss mo ang kwarto in general,” sabi ni Mama.
“Bakit? Wala akong kwarto? `Ma, ayokong tumabi sa inyong dalawa ni Tito Raul.”
“Well, hindi ka naman sa amin tatabi. Makiki-share ka muna ng kwarto sa anak ni Raul.”
“Sino `yon?” sagot ko.
“Stepbrother mo,” sabi ni Mama.
“Sa future pa `yon, `Ma, hindi pa sure,” sabi ko.
“Sure na `yon!”
“`Ma?”
“Ipinapaayos na ni Raul `yong attic para maging kwarto mo. Eh, dahil nga napabilis ang paglipat natin, under construction pa rin. Pero mabilis lang `yon.”
Hindi ako sumagot.
“O, sige, gusto mo dito ka muna sa kuya mo?” sabi ni Mama.
Nagkatinginan kami ni Kuya.
“I’m cool with that,” sabi ni Kuya Albert.
Napahinga ako nang malalim. Makibahay ako kay Daddy o makikwarto sa hindi ko kakilala? Grabe lang siguro ang galit ko kay Daddy.
“Tara na po, `Ma,” sabi ko.
“Okay, let’s go.”
“Thank you, Kuya,” sabi ko saka yumakap kay Kuya at nagpaalam.
“Ite-text kita `pag wala na si Daddy.”
“Ay, Albert, sige, kunsintihin mo `tong galit ng kapatid mo sa tatay n’yo,” sabi ni Mama.
Nag-beso sina Mama at Kuya at pagkatapos ay umalis na kami ni Mama.
“MABILIS lang na magagawa iyong attic,” sabi ni Tito Raul habang nagmamaneho papunta sa bahay nila. Bahay na pala namin. Katabi niya si Mama sa passenger’s seat. Ako, mag-isa sa likod. Sila pala ni Mama ang sundo ko.
“Thanks, Tito,” sabi ko.
Marami pang kwento si Tito. Nakikinig lang ako. Sasagot paminsan-minsan. Kinikilala ko siya sa bawat sabihin niya. Parang mapagkakatiwalaan naman. Parang totoo ang mga alam niya. Parang matalino. Mayaman. Parang lalaking-lalaki nga lang. At mukhang iyon ang nagustuhan ni Mama.
Totoo nga ang sinabi ni Mama na sa exclusive subdivision nakatira si Tito Raul. May sumasaludong security guard sa main gate. May lane para sa mga walang sticker na sasakyan. Ilang liko lang, nakarating na kami sa bahay ni Tito Raul. Modern ang style ng mga bahay. At ang hinintuan namin, maraming salamin na walls. Ang ganda ng bahay ni Tito Raul.
Napanganga ako pagpasok. Ang yaman lang talaga. May chandelier.
Sinamahan ako ni Tito sa magiging kwarto ko—sa attic. Pagkagaling sa attic, bumaba kami para tingnan ang tutulugan ko, ang pansamantala kong kwarto.
“Dito ka muna katabi ni Je-Ar,” sabi ni Tito Raul. “Mabait `yon. Magkakasundo kayo.”
“Thanks, Tito,” sabi ko.
Maayos ang kwarto pagpasok namin. Ang nakagulo lang ay ang mga kahon ng mga gamit ko. Dumeretso ako sa kama, umupo. Ayos pumili si Mama ng magiging tatay ko. At nakita ko sa mukha ni Mama ang gusto niyang sabihin: “Ang best ng nabingwit ko, `no?” Pero parang hindi ko gusto ang naramdaman ko nang makita ang picture sa study table. Bumaligtad ang sikmura ko. Nanlambot ang mga tuhod ko. Gusto ko nang umalis agad sa mansiyon. Ayokong lapitan. Ayokong mapatunayan ang nakikita ko at maging totoo ang naiisip ko.
“Tito Raul…” Itatanong ko lang ang tanong na dapat ay noon ko pa itinanong.
“Ano `yon?”
“Tito Raul, ano nga uli ang apelyido ninyo?”
“Ay, talaga?” sabi ni Mama. “Hindi ko pa ba nasasabi?”
“Tito Raul, ano po’ng apelyido ninyo?” tanong ko uli.
“Reyes,” sagot niya. “Jesulito Raul Reyes.”
Ayoko pala ng mga pagbabagong ito.