CHAPTER SIX
“HINDI k o rin alam kung ano ang baffled, anak, pero ito nga siguro `yon,” sabi ni Mama na matagal-tagal ding nakayakap sa akin. Mas humigpit pa ang yakap niya, humalik sa noo ko bago ako binitawan.
Ikinuwento ko kay Mama ang nangyari sa amin ni Gabriel. Mula nang iwan ako ni Gabriel sa bahay ay wala akong ibang ginawa kundi ang mag-isip. Saan ba papunta ang mga pangyayaring ito? Ginulo niya ako. Pero hindi gaya ng panggugulo ni Jessie. Nararamdaman ko na isa itong magandang problema. Kaya ko itong ihingi ng tulong kay Mama. Dahil bukod sa akin, siya ang pinakamaaapektuhan ng magiging desisyon ko. Well, pagkatapos pa pala ni Gabriel. So, ang effect ng desisyon ko ay una ako, tapos si Gabriel, tapos si Mama na. Kaya kailangan itong malaman ni Mama.
“Sabi ko na nga ba, eh! Sabi ko na,” paulit-ulit na sabi ni Mama. “Dapat talaga, pagkabalik ng alindog ko, naghanap na dapat ako ng bago mong tatay.”
Hindi ko inaasahan ang reaksyon ni Mama. Umupo na ako pagkabitaw niya. Nanatili siyang nakatayo at nakatingin sa akin.
“`Ma, hindi ka naman nagkulang. Okay ka naman,” sabi ko.
“Siyempre naman! Alam ko `yon! Pero tingnan mo ngayon ang problema mo. Hindi ka siguro matutuluyan kung may tatay ka na laging nakagabay sa iyo. `Yong sasapak sa iyo kapag lumalambot ka. Pero nandiyan na `yan. Ano pa ba’ng magagawa natin?”
“Talaga, `Ma?” tanong ko. “Papayagan mo akong saktan ng iba?”
“Alex, kung sa ikabubuti mo, bakit hindi,” depensa niya. “Ano ba naman `yong masapak ka nang isang beses, kung kapalit naman, eh, hindi kita makikitang sinasaktan ng mga tambay habang tinutuksong bakla? Aba, sabi n’ong baklang officemate ko, mas okay na raw `yong binugbog na lang siya noon kaysa araw-araw siyang hinuhusgahan sa bahay, sa eskwelahan, at kahit sa opisina dahil bakla siya. Mas masakit daw `yon.”
“Hindi mo naman ako sasaktan nang gano’n dito sa bahay, `di ba?” nalungkot kong tanong.
“Hindi ko pa sure.”
“`Ma?”
“Joke lang.” Lumapit sa akin si Mama at niyakap uli ako. “Siyempre, nag-iisa kitang anak. Kumbaga sa mga calls ko, scripted na ako na mahalin ka at tanggapin kung ano ka pa man. Kung hindi ko susundin `yon, baka matanggal ako sa trabaho.”
“Sinusunod mo lang pala ang dikta ng society na mahalin ako para masabing magaling kang ina?”
“Oo, anak! Sige, isipin mo ang gusto mong isipin.” Nagtaray nang kaunti si Mama. “Joke lang. Siyempre mahal kita, may society o wala.”
“`Ma, kung hindi ba ako nag-iisang anak, ganyan ka pa rin?”
“Hindi. Mas mahal ko `yong kapatid mo. Kasi, ayoko sa bakla. Galit ako sa bakla. Dahil malas sa pamilya, salot sa lipunan, peste sa pananim.”
“`Ma?”
“Okay na. Love na love ka na, puro ka pa pa-confirm.”
Nagtawanan kami.
“Pero, `Ma, hindi pa ako ano, ha?” paalala ko. Hindi ko alam kung sinasabi ko ito kay Mama o sa sarili ko. Parang paalala na rin sa sarili ko.
Bumuntong-hininga si Mama, tumitig sa akin, saka ngumiti. “May chance pa? Pwede ka pang maging straight? Paanong... Gusto mo si Gabriel, `di ba?”
“`Yon na nga, `Ma. Gusto ko si Gabriel, pero ayoko pang maging gano’n. Pwede ba `yon, `Ma?”
“Ay, inunahan ako sa tanong,” sabi niya. “Pwede ba `yon?”
“Natatakot din akong maging… gay. Paano kung hindi naman talaga ako gano’n, `tapos nagka-boyfriend ako? Baka maging gano’n na ako habang-buhay. Ang totoo, hindi naman talaga. Baka mapasubo ako.”
“Mapapasubo ka talaga, anak.” Tawang-tawa pa rin si Mama. May joke ba akong nasabi? Hanggang sa mag-ring ang telepono at huminto siya sa pagtawa. “Hindi ka pa bakla kung hindi mo pa naiintindihan,” sabi niya, saka tumayo at lumapit sa telepono at sinagot ang tawag. “Next week na... Hindi ko pa nasasabi, isa-isa lang... Oo, may isyu pa kaming magnanay... `Di makapaghintay... Oo, papayag din ito. No... O, sige, may heart to heart talk pa kami... Sige, I love you, too. Hindi, sige na, ikaw na ang magbaba... Hindi, ikaw na... O sabay tayo... Ay, hindi pa niya ibinaba... Ulit. One, two, three... `baba mo na... O sige, isa pa... One, two, three... Ay, ibinaba na. Gusto ko pa, eh,” mahabang sabi niya saka muling lumapit sa akin. Napataas ang kilay ko. “Ibaba mo `yang kilay mo,” sabi niya. “Anlakas maka-confirm niyan.”
“Ibaba mo na... Hindi, ikaw muna... One, two, three... Sige na... Ikaw muna,” pang-iinis ko kay Mama.
“Ay, parang hindi niya ginagawa. Naririnig kita kapag kausap mo si Gabriel. Ganito ka rin.”
“Teenager ako, `Ma,” paalala ko.
“So, ikaw na lang ang pwedeng maging masaya, ganyan? Kayo lang ni Gabriel ang may karapatan sa love?”
“Love na ba agad `yon?”
“Oo nga pala, naudlot,” sabi ni Mama. “Binasted mo nga pala. Binasted mo kasi hindi ka pa sure kung bakla ka o hindi. Paano niya iyon tinanggap. Ay, ang Tito Boy na question, I love it!”
“Okay naman, `Ma,” sagot ko. “Hindi na lang namin napag-usapan uli. Kain lang kami, `tapos nood sa laptop. Kwentuhan.”
“`Tapos?”
“Hinawakan niya ang kamay ko.”
“Para sa straight, kinikilig ka,” sabi ni Mama. “I bet, hindi mo binawi ang kamay mo.”
“Ang galing niya, `Ma, eh. Naramdaman ko na lang na hawak niya ang kamay ko, at `yong mga daliri ko sa pagitan ng mga daliri niya. Napansin ko na lang `yon no’ng ipatong niya `yong ulo niya sa balikat ko.”
Nakatingin lang si Mama.
“`Ma, ang bango ng buhok niya,” kwento ko.
“Anak, masamang sign `yan.”
“Alam ko, `Ma. Natatakot nga ako. Hindi pa ako gano’n pero hinahayaan kong makipaghawakan ako ng kamay sa kanya.”
“Hindi `yon, anak. Inamoy mo `yong buhok niya. Masamang senyales `yon,” nakatingin sa akin na sabi ni Mama. “In love ka na.”
Gusto ko nang tumawag kay Gabriel para sabihing, “Hoy, Gabriel! Hindi love `yong nangyari kagabi.” Pero weird naman yatang gawin. Hinihintayin ko na lang na magkita kami at mapara-paraan ko naman siguro.
DUMAAN ang weekend, hindi nag-text, nag-PM, o kahit nag-poke man lang sa FB si Gabriel. Iyon na ba iyon? Hanggang sa dumating ang araw ng klase. Wala pang alas-singko ay gising na ako, naghihintay sa busina ng kotse ni Gabriel. Ang tagal na pero wala pa rin. Baka wala na talaga. Gusto ko mang mauna sa pagkontak sa kanya, baka sabihing ako ang naghahabol. Hinayaan ko na lang. Nang mag-ring ang cell phone ko, agad kong kinuha sa baso.
“Hello,” sabi ko na gising na gising.
“Nagising ba kita?” tanong ni Gabriel. Napataas ang dalawa kong paa at napapadyak na naman sa ere. Pero kailangang magpanggap na hindi ako masaya.
“Uhm, oo,” sagot ko. “Bakit?”
“I don’t wanna wake your neighbors up,” sabi niya. “Nandito ako sa labas. Prepare ka na, pasok na tayo.”
Sinundo pa rin niya ako. So, kagaya ng dati naming ritwal, pinapasok ko siya, nag-ayos ako ng sarili, tapos sabay kaming kumain ng ininit kong breakfast na niluto ni Mama bago siya matulog pagkauwi niya mula sa opisina. Medyo walang masyadong usapan habang kumakain kami ni Gabriel. Kaya ang plano kong paglilinaw, hindi naisakatuparan.
“`Ma, alis na ako,” sigaw ko pagkatapos kumain. “I love you!”
PINAGBUKSAN ako ni Gabriel ng kotse. Muli, hindi ko napigilang mapasinghot nang mapadaan sa kanya. Ang bango ng buhok niya. Naalala ko ang theory ni Mama. Theory lang naman iyon. Pero dahil iniiwasan ko rin, hindi ko magawang i-open ang iniisip ko. Nagpatuloy kami sa mga dati naming ginagawa. Ayoko ring may mabago. Araw-araw na uli kaming nagkikita at gabi-gabing nagkukwentuhan.
“Nasa gym na tayo, nakatulala ka pa diyan?” sabi ni Gabriel.
At naamoy ko uli ang parang laging bagong eipilyong hininga niya. Medyo nakakadiri ang iniisip ko. Not cool, Alex, not cool.
“Male-late ka na Alex,” paalala ni Gabriel.
“Oo nga pala.” Nagising ako sa mga kung ano-anong tumatakbo sa isip ko. Kaya pala ako nakasuot ng T-shirt at shorts na may nakalagay na PE ay para mag-PE at hindi magmuni-muni. “Thanks!”
Agad akong nag-unbuckle ng seatbelt at lumabas. Ibinaba ni Gabriel ang bintana at pinanood akong pumunta sa gym. Lumingon ako sa kanya. “Salamat uli! Ingat ka papunta sa class,” sigaw ko. Nagmamadali na ako kaya hindi ko na nalingon ang pag-alis ng sasakyan. Alam ko lang sa tunog ng pag-arangkada ng kotse na umalis na siya.
Pagdating sa loob ng gym, wala na ang mga classmate ko. May nakasulat lang sa board.
PE 1 class, dissolved, go to your new respective PE class.
Sa ilalim ay may listahan ng mga pangalan namin.
Cruz, Alexander Miguel. Swimming.
Ha? Bakit ako nasa swimming?
Pagkatapos kong i-text si Gabriel na lumipat na ako ng PE, dumeretso na ako sa swimming pool. Isang sakay din iyon, at medyo iikutin ang buong campus bago makarating, kaya naman late na ako. Kumaway si Arvin sa akin at nang kinawayan ko pabalik, umahon siya mula sa swimming pool.
“Pinalipat na tayo lahat ng PE. Naikwento mo dati na marunong kang lumangoy kaya dito na kita inilista,” sabi ni Arvin.
“Wala tayong ganoong usapan,” takang-takang sabi ko.
“Ah, hindi ba ikaw `yon?” tawa ni Arvin. Halatang gusto lang niyang may makasama sa PE kaya ako inilista.
“Classmate mo?” tanong ng isang medyo matandang lalaki na naka-trunks.
Tumango si Arvin. “Yes, coach.”
“Punta ka sa shower room, tingnan mo kung may magpapahiram sa iyo?” sabi sa akin ng coach.
“Po?” tanong ko, hindi naintindihan ang sinabi niya.
“Marami nang students, isa na lang ang tatanggapin ko,” sabi uli ng coach. “`Pag nauna ka ditong bumalik nang naka-trunks, sa iyo na ang slot.”
Nagmadali na akong pumunta sa shower room. Baka makahiram ako ng trunks sa mga naunang nagklase. Dalawang lalaking nakaupo sa bench sa locker area ang naabutan ko. Pamilyar ang mukha nila. Isang naka-PE uniform pa at isang naka-briefs na lang at parang handa nang magpakita sa swimming pool kahit briefs lang ang suot.
“Wala na,” sabi ng naka-uniform. “Isa lang ang naliligo do’n, ayaw pa magpahiram.”
“Ano ba’ng nangyari kay Coach Noel?” tanong ng isa.
“Pumunta na raw sa Singapore. Do’n na lang daw magtuturo.”
Tuloy lang ang usapan ng dalawa. Nililinga-linga ko ang paligid. Sinilip kung sino iyong naliligo. Patuloy pa rin kasi ang lagaslas ng tubig. Baka lalong magdamot kung papasukin ko. Umupo na lang muna ako sa tabi ng dalawang lalaking napanghinaan na ng loob. Nakakahawa pala iyon. Nawalan na rin ako ng pag-asa. Hay, goodluck na lang sa pangarap kong maging Laude. Dapat, kompleto raw ang PE sa first two years ng class.
Hindi ko pwedeng biguin si Inay. Hindi ko puwedeng hayaan si Itay na ipamukha sa akin na hindi ko ito magagawang mag-isa. Hindi ko hahayaang maapi ang mga katulad kong mahina at silang mga malakas ang manatiling nasa kapangyarihan.
“Brad, okay ka lang?” tanong ng naka-briefs. Nagsusuot na siya ng damit at parang handa nang umalis.
Hindi ko napansing nagpupuyos na ako. Mahigpit na ang pagkakasara ng kamay ko, at parang maiiyak na ako sa galit. Tumayo na lang ako at napahiya. Napalakad ako sa shower area. Tumayo na rin ang dalawa. Tumakbo iyong naka-PE uniform habang nagmamadaling nagbihis iyon isa at humabol, sumisigaw na siya ang nakaisip na bumili na lang ng trunks sa shopping center.
Hahabol sana ako. Mabilis naman akong tumakbo. Napatunayan ko na. Pero tumigil na ang paglagaslas ng tubig. Baka puwede ko nang hiramin iyong trunks ng naliligo. Nakasalubong ko ang isang nakahubad na lalaki na may nakatapis na towel sa balakang. Matangkad siya at matipuno. Malaki ang dibdib. Kapag humihinga ay nagkakaroon ng division ang kanyang flat na tiyan. Masyadong mababa ang kanyang towel at kitang-kita kung paano tumuloy ang mga guhit ng kanyang tiyan pababa at papasok sa natatakpang bahagi ng kanyang katawan.
“Hoy, bakla! Sa mukha ko ikaw tumingin.”
Nanlaki ang mga mata ko. Kilala ko ang boses na iyon. Paanong pag-aari ng lalaking iyon ang katawan na ito? Bakit pareho pa kami ng PE ni Jessie?
“Kung saan-saan gumagala ang mga mata mo. Gusto mo ba ito?”
Tinanggal ni Jessie ang towel. Hindi ako tumingin. Lumingon ako sa locker room. Higit pa sa pag-iwas ko sa ipinapakita niya, gusto kong tiyakin na wala ang dalawang kaklase ko. Ayokong may makakita sa kung ano man ang gagawin sa akin ni Jessie.
Ibinato ni Jessie ang tuwalya sa mukha ko. Napaatras ako habang papalapit siya sa akin. Ibinaba ko ang tuwalya mula sa mukha ko at nakita ko si Jessie—hubad at tanging blue na trunks lang ang suot. Tama siya, iyon ang gusto ko. Hindi pala gusto, kailangan ko. Pero hindi na lang kung sa kanya manggagaling. Pero lalong lumapit sa akin si Jessie. Habang naglalakad siya ay hinila niya ang garter ng trunks at agad binitawan. Tumunog ang pagtama ng garter sa kanyang balat kaya muli akong napatingin doon.
“Huhubarin ko sana ito, pero parang mas gusto kong ikaw na lang ang magtanggal. Ikaw naman ang may kailangan, `di ba?”
Tatakbo na ako pero mabilis niyang naiharang ang kanyang braso. Napasandal tuloy ako sa pader katabi ng malaki niyang braso na nakaharang sa kaliwa kong pisngi. Lilingon sana ako sa kabila, pero humarang naman ang kaliwa niyang kamay. Unti-unting lumapit ang basa at hubad niyang katawan sa akin. Dadaganan ako.
“Ano? Tanggalin mo na.” Iginiling niya ang balakang niya papalapit sa akin. Tumama ang harapan niya sa harapan ko. Napayuko na lang ako sa hiya. Itinaas ni Jessie ang mukha ko at kahit anong pilit kong iiwas ang ulo ko, ipinipihit niya ito papaharap sa kanya.
Mahigpit ang hawak niya sa panga ko. Nasasaktan ako, pero hindi ako makalaban. Hindi dahil sa ayaw ko; masyado siyang malakas. Hindi rin ako makasigaw, maeeskandalo lang ako. Ano ang iisipin ng mga kaklase ko kapag may isang lalaking hubad na halos nakapatong na sa akin?
Hinarap ko na lang si Jessie. Ito ang gusto niya, titigan ko siya? Tinitigan ko siya. Mata sa mata. Hanggang sa bitawan niya ang mukha ko. Pero masyadong malapit ang mukha niya sa mukha ko. Walang isang sentimetro ang layo ng ilong niya sa akin. Naramdaman ko ang init ng kanyang hininga. Pinilit kong hindi langhapin ang hanging nanggaling sa kanya; ayokong magkaroon ng kahit anong galing sa kanya.
Hinawakan niya ang dalawa kong kamay at inilagay sa balakang niya. Muli akong lumaban pero mahigpit ang hawak niya sa mga braso ko. Pilit niyang naidikit ang palad ko sa katawan niya. Mainit ang kanyang balat, at inihagod niya ang kamay ko pababa sa kanyang trunks. Doon niya inilapat ang mga kamay niya sa mga kamay ko.
“Tanggalin mo na,” utos niya. “Baka mas magustuhan mo pa ang nasa loob.”
Nakakainsulto ang yabang ni Jessie. Lalo pa nang unti-unti niyang naibababa ang garter ng trunks niya gamit ang aking mga kamay.
Lumaban ang kamay ko, kahit gaano pa kasakit ang paglaban na iyon.
“Ang arte mo naman,” bulong ni Jessie sa tapat ng mukha ko. “Ikaw na nga ang pinagbibigyan, lumalaban ka pa.”
Sobra na siya. Iniangat ko ang kanang paa ko at tinapakan siya. Wala siyang suot kaya alam kong mas masakit ang pagdiin ko ng sapatos sa paa niya. Pero parang lalo siyang nagalit. Dahil habang idinidiin ko ang pagtapak sa kanya ay lalong dumidiin ang paghawak niya sa akin. Nagtiim ang mga bagang ko sa sakit. Hanggang sa may impit na boses na lumalabas sa bibig ko.
“`Yan lang pala ang kaya mo, eh,” sabi ni Jessie na lalong lumalapit ang bibig sa akin.
Namumuo na ang mga luha ko. Ayokong makita iyon ni Jessie. Hindi ko ibibigay sa kanya ang saya na makita akong nasasaktan at umiiyak. Nasasanay na ang braso ko sa kamay niya, pero muli ay lalo pa itong sumakit. May ihihigpit pa rin pala ang pagkakahawak niya sa akin. Napapalakas na ang pag-aray ko. Papatak na ang luha ko.
Hindi ito pwede.
Hanggang sa may isang kamay akong nakita na dumaan sa harap ko. Tumama sa panga ni Jessie.
Nabitawan ako ni Jessie. Humarap siya sa sumapak sa kanya. Kay Gabriel. Gumanti si Jessie. Sinapak niya si Gabriel. Napatumba si Gabriel. Hindi ako makakilos sa mga nakikita ko.
Natawa si Jessie. “`Yan muna. Quits lang.” Pinulot niya ang towel at lumakad papunta sa locker area.
Nanginginig pa rin ako, hindi ko alam kung sa takot o sa galit. Sinundan ko lang ng tingin si Jessie.
Tumayo si Gabriel at lumapit sa akin. Yumakap. “Sige na, umalis na siya.” Hinintay niyang kumalma ako at mawala ang panginginig. Mas hinigpitan pa niya ang hawak para lalong mawala ang kung ano mang iniwan ni Jessie. Hanggang sa mapaiyak na lang ako at yumakap na rin kay Gabriel. Hanggang sa maubos ang mga hikbi ko.
“Last na `to, promise,” sabi ko.
Isang mahigpit pang yakap bago kami magbitiw.
“Now go to your class,” sabi ni Gabriel sabay abot ng trunks. “Just show him that you have a trunks so you can get the slot. Go.”
Muli akong yumakap kay Gabriel. “Thank you,” sabi ko.
“May kapalit `yan,” sabi niya.
“Ano?” Napalingon ako sa sinabi niya.
“Kidding. Just go,” sabi niyang may pahabol pang bulong. “Akala ko, may mauuna pa sa akin sa `yo, eh.”
Papalayo na ako pero napatigil uli ako at bumalik kay Gabriel. Hinawakan ko ang kanyang mukha at idinikit ko ang mga labi ko sa mga labi niya.
Ito na ang simula.