CHAPTER FOUR
N AKASAKAY na ako sa kotse ni Gabriel. Nang umandar ay hindi na ako lumingon pa. Wala na akong pakialam kung nakita ako ni Jessie. Ligtas na ako sa kanya. Pero sa katabi ko, sa pagpasok ko sa kotse niya, parang may pinapasok din akong bagong problema.
Hinawakan ni Gabriel ang hita ko at pinisil bago nagtanong. “Kailan pa ito? Does your kuya know?” Sa kalsada ang tingin niya pero damang-dama ko ang pag-aalala sa mga tanong niya.
Hindi ako nagsalita. Nilingon niya ako at ngumiti. Hindi niya ako kayang pagsalitain gamit ang kanyang authoritative voice, kaya siguro naging pabarkada na lang siya.
“Ihahatid na lang kita sa inyo?” tanong ni Gabriel.
Hindi pa rin ako nagsalita. Ano naman ang sasabihin ko?
“Santo Niño, Marikina, right?”
Napatingin ako sa kanya. Bakit niya alam?
Lumingon siya at nakita yata ang pagtataka sa mukha ko. “Bakit ko alam?” pa-cool niyang tanong. “I’m no stalker. Best friend ko ang kuya mo, `di ba?”
“Ano pa’ng alam mo sa akin?” tanong ko.
“Hindi naman marami,” tumatawang sagot ni Gabriel.
Hindi na uli ako nagsalita. Nakarating kami sa gate ng subdivision. Pero hindi siya huminto sa gate. Ipinasok niya ang kotse. Ipinasilip ako sa guard. `Tapos nagtanong sa akin.
“Hanggang dito lang ang alam ko. I have no idea what your address is or the color of your gate, or the number of your dogs.”
“Wala kaming dogs,” sabi ko. “Dalawa lang kami ng nanay ko sa bahay.” Itinuro ko ang daan papunta sa bahay. Huminto siya sa tapat ng bahay namin. Pagkababa ko ay bumaba rin siya. Tumingin uli ako kay Gabriel. May plano ba siyang pumasok pa sa bahay?
“May basahan ba kayo?” tanong niya.
Oo nga pala. Basa ako ng ulan nang sumakay sa kotse niya.
“Sige, pasok ka muna,” yaya ko na parang napilitan. “Ano? Sige, hahanap ako. Marami siguro sa loob.”
Siguro? Bahay ko, hindi ako sigurado?
“Talikod ka muna,” sabi ko pagdating namin sa pinto.
Na-weird-an si Gabriel, alam ko, pero sumunod naman. Tumalikod siya. Kinuha ko ang susi sa ilalim ng paso. Pagbukas ko ng pinto, pinatuloy ko siya.
“Upo ka muna,” sabi ko. “Wala pala akong maiaalok sa iyo kundi kape lang.”
“Thanks. Masarap nga raw ang kape mo,” tumatangong sabi niya. “Patikim naman.”
Parang medyo bastos ang tunog niyon. Sa isip ko lang. O baka ako lang ang nag-iisip.
Pagkatapos magtimpla ng dalawang tasa ng kape ay naupo na rin ako sa sofa. Nakaupo si Gabriel sa mahabang sofa, ako ay doon sa pang-isahan lang. Umisod siya para mapalapit sa akin, kinuha ang tasa ng kape niya, saka nilanghap at tinikman.
“Your Kuya is right,” sabi ni Gabriel.
“Nescafe lang `yan.”
“Masarap.”
Nakatingin lang ako sa kanya. Nagtataka, hindi ko napansing medyo nakanganga na naman ako.
Tumingin lang din siya sa akin. Ngumiti.
“Why do you have to part your lips like that?” sabi ni Gabriel.
“Ha?” tanong ko.
Ngumiti lang siya at humigop uli ng kape. Nanatili siyang nakatingin sa akin. Nanatili rin akong nakatingin sa kanya. Hindi ako sanay na ganito, `yong tahimik kahit mayroon namang pwedeng kausapin. Wala akong masabi. Pero parang kailangan naming mag-usap. Hinayaan ko na lang. Hindi ako nagsalita. Magaling naman ako sa gano’n—`yong kinakausap ko ang sarili ko sa isip. Iyon lang din ang ginagawa niya. Ilang sandali pa kaming nagtitigan at ngumiti na siya.
Ano ba ang mayroon sa lalaking ito na kapag ngumingiti ay gumagaan ang pakiramdam ko? Bakit ko nga ba kasama ito ngayon?
Hanggang sa ang ngiti niya ay naging mahinang hagikgik
“Napopogian ka rin sa `kin, `no?” tanong ni Gabriel.
Hindi ako makasagot dahil oo, pogi siya. Bumbayin ang mga mata niya. Matangos ang ilong na hindi bilugan ang mga butas. Pangahan at may kaunting balbas na nagbibigay ng frame sa kanyang mukha. Nakatitig ako sa kanya. Maliban kay Jessie, si Gabriel lang ang natitigan ko nang ganito katagal. Hindi ko alam kung paano ko kinaya, samantalang hindi ko nga kayang tumingin sa mata ng isang tao nang matagalan. Lumakas pa ang hagikgik niya. Kailangan ko na talagang magsalita.
“Hindi ito ang una nating pagkikita, `di ba?” tanong ko.
“Your brother introduced us,” sagot niya.
“Hindi, mas matagal pa do’n?”
“Like? Past life?”
“Hindi ito ang unang pagkakataong iniligtas mo ako sa humahabol sa akin, `di ba?”
“Have I been in your dreams?” tanong ni Gabriel.
Nabaliw ako sa tanong niya. Bakit niya alam na napapanaginipan ko siya? Ang totoo, hindi talaga. Pero lately, iniisip kong siya iyong napapanaginipan ko bago ko pa man siya makilala. Mabuti na lang at itinuloy niya ang pagsasalita.
“Was there a part na nagsuntukan kami ng lalaking `yon, `tapos naitumba ko siya at binuhat kita and you cannot resist me kaya yumakap ka na lang din?” Tumawa siya habang tumatayo at ginagawang parang isang play ang pagsagip sa akin.
“Hindi nga siguro ikaw `yon,” na-realize ko.
“I don’t know,” sabi ni Gabriel. “But you have to stand up against him. Kung hindi mo kaya, ask help from your parents, from your kuya. The student council can help you. I can help you?”
“Alam ko,” sagot ko. “Pero nakakahiya. Kalalaki kong tao, nabu-bully ako.”
“Hindi mo kasalanan na hindi ka lumalaban. The thing is, wala ka dapat nilalabanan,” sabi ni Gabriel.
“Ganyan ka ba kaya ka nanalong college representative?” tanong ko. Hindi na ako komportable sa usapan. Kailangan ko nang baguhin.
“Oo,” napapangiting sagot ni Gabriel. “Sige, ayaw mo nang pag-usapan. Pero last na lang. It’s enough that, that guy is bullying you. But do not help him. Stop being your own bully. Start being your own hero.”
Hindi ako nagsalita. Hanggang sa lumapit pa siya sa akin at tinapik-tapik ang balikat ko.
“He is a big guy—”
“Si Jessie,” sabi ko.
“Jessie?” sabi ni Gabriel. “Well, he is a big guy. Nakakatakot nga. But you know what? That Jessie guy is also afraid of something. He is actually scared of you. Hindi ko alam kung paano. Pero ang totoo, nakikita niya sa iyo ang kanyang kahinaan.”
“High school pa lang ako no’ng una niya akong bugbugin…” Nagdire-diretso na ang kwento ko mula sa unang pagsuntok sa akin ni Jessie hanggang sa pananakot niya sa akin sa pagpasok sa university. Naikwento ko rin ang tungkol sa lalaking tumulong sa akin na makabalik sa bahay noong unang bugbugin ako ni Jessie sa campus, kung paanong hindi ko nakilala ang lalaking iyon dahil sa nabasag kong salamin, at kung paanong gusto ko siyang makita dahil hindi ako nakapagpasalamat. “Gabriel, huwag mong sabihin kay Kuya, ha? Mabait sa akin si Kuya. Lagi na lang niya akong ipinagtatanggol. Gano’n din si Mama. Hindi nila hinahayaang may manakit sa akin. Iyong kay Jessie, laban ko `to. Kung kakailanganin ko pa sila para malampasan ito, baka tuluyan nang mawala ang respeto ko sa sarili ko.”
Ang dami kong nasabi kay Gabriel. Hindi ko alam kung paano niya nagawang hugutin sa akin ang lahat ng ito. Hindi ko alam na nanginginig ako. Napansin ko na lang nang hawakan ni Gabriel ang mga kamay ko. Kumalma ang pakiramdam ko. Nakahinga ako nang maluwag.
“Sige,” sagot ni Gabriel. “But you have to be braver and stronger. You have to have someone not necessarily to fight your fight. Someone who will tell you not to lose yourself when the worst has come. Someone to remind you to be tough, without being hard, especially to yourself.”
“Pari ka ba?” seryoso kong tanong.
Natawa si Gabriel. “`Kita mo, joker ka pa pala,” biro niya. “You need someone to laugh with your jokes. At sa lahat ng kakailanganin mo, I can be there.”
“Bakit?” Nagulat ako sa offer niya.
“Ayaw mo?”
Hindi ko inalis ang tingin sa kanya. Ano ang mapapala niya sa pagtulong sa akin? “Bakla ka ba?” Hindi ko alam kung dapat kong pagsisihan ang tanong na iyon. Pero ang weird na. Pinapasok ko siya sa bahay namin, pero bakit may ganitong moment? Bakit sinasabi niyang nandito siya para sa akin?
“May gusto ka ba sa akin?” tanong ko. “Kasi, hindi ko alam kung kaya ko `yong ganyan.”
Ngumiti si Gabriel. “Best friend ko si Albert. I love your kuya. I love the people he loves and he loves you very much. Since ayaw mong ipaalam sa kanya ang pinagdadaanan mo, ako na lang ang gagawa para sa kanya.”
Napahiya ako at hindi nakapagsalita.
“Well, iyon naman, eh, kung papayagan mo rin ako,” dugtong ni Gabriel.
Yumakap ako sa kanya at umiyak. Iyak ng takot at pagod, na sa lahat ng pinagdaanan kong iyon, pinagdaanan kong mag-isa. Ngayon, may isang taong nagsasabi na pwede ko pala siyang maging kakampi. “Salamat,” sabi ko na nagpatuloy pa rin sa pag-iyak at pagsinghot. Ang bobo ko. Concerned lang pala `yong tao sa akin, pinagkamalan ko pang bakla. Pinag-isipan ko pang may gusto sa akin. Nakakahiya.
Bumitiw sa akin si Gabriel at may kinuha sa bulsa. “Sorry, wala akong panyo, ito na lang.” Iniabot niya sa akin ang pouch ng shades. Napahinto ako sandali. Pero hindi ko na pinansin. Sinabi niyang hindi siya ang lalaking iyon, ibang tao siya. Maniniwala na lang ako. Sa ngayon, siya ang kakampi ko, hindi ang lalaki sa aking alaala. Pwede ko na siyang alisin sa panaginip.
“Free ako tonight,” sabi ni Gabriel. “Kung okay sa `yo, samahan muna kita. `Nood tayo ng movie?”
“Bili muna tayo ng pagkain, magugutom tayo. Teka lang, magpapa-deliver ako,” pagsang-ayon ko.
“Nope, let’s drive na lang muna. Gusto ko ring kumilos-kilos. Nakakangawit `yong drama mo, eh.”
Nagtawanan kami.
Sa unang pagkakataon, masaya ako. Kanina, pinapasok ko siya sa bahay ko. Ngayon pinapasok ko naman siya sa buhay ko.
HINDI agad ako nakatulog nang umuwi si Gabriel. Alas-tres na pero hindi pa ako inaantok. Kaya binuksan ko muna ang desktop at nag-facebook. Hinanap ang account ni Gabriel. Hindi ko pa pala alam ang apelyido niya. Pinuntahan ko ang FB ni Kuya; malamang naman friends sila. Friends nga sila. Gabriel Carlos. One friend in common. Add as friend? Bakit ko naman siya ia-add as friend? Baka tanungin pa ako ni Kuya.
Hanggang sa may mag-pop sa Messenger.
Add mo na `ko.
Tapos, may lumabas na friend request.
Gabriel Carlos wants to add...
Bakit niya ako ina-add?
Confirm? Confirm. Confirmed!
Gabriel: You’ve confirmed my friend request. Now, let’s chat.
Alex: Kaka-open ko lang ng computer.
Gabriel: Why still awake?
Alex: Bakit andami mong tanong?
Gabriel: Ayaw mo?
Alex: Okay lang. Sige, tanong ka lang.
Gabriel: Hindi ka pala Mendoza like Albert.
Alex: Yup, Cruz ako, sa nanay ko.
Gabriel: Antagal nating magkasama, hindi mo nasabi.
Alex: Kung sinabi ko, eh, di wala na tayong pag-uusapan ngayon.
Gabriel: Ine-expect mo palang mag-uusap pa tayo ngayon. Bakit hindi mo pa ako in-add kanina?
Ha? Giveaway ba ako? Bakit niya alam?
Gabriel: Seenzoned na ba ako? Bawal mag-isip. Sagot lang nang sagot.
Hindi ako nakasagot. Nakatitig lang ako sa screen nang matagal. Biglang nag-ring ang cell phone ko. Hindi ko pinansin dahil si Gabriel lang naman ang tumatawag. Itinuloy ko ang pakikipag-chat.
Alex: Bakit ka tumatawag?
Gabriel: Sagutin mo ang cell phone mo.
Alex: Bakit?
Gabriel: Kasi nagri-ring?
Kinuha ko ang telepono.
“Hello?” sagot ko.
“Hi,” sabi ni Gabriel. “You have my full name, right? Bakit `di mo pa ako in-add agad?”
“Mag-chat na lang tayo.” Sinubukan kong baguhin ang usapan. “Kung napansin mo kanina, hindi ako sanay magsalita.”
“Sasanayin kita.”
“Ano?” tanong ko.
“Chats gives you time to filter your thoughts,” sabi ni Gabriel. “But when we are actually talking, walang edit-edit ng conversation.”
“Oo nga, `yon nga ang hindi ko kaya,” sabi ko. Hindi ko sure kung gusto ko ang patutunguhan ng gabing ito.
“Kaya mo `yan. Umpisahan natin doon sa seenzoned mong kwento kanina. So, bakit hindi mo pa ako in-add, eh, gusto mo rin naman palang mag-usap pa tayo?”
“Alam mo, hindi ka farmer?”
“Bakit?”
“Ang fishing mo, eh.”
Natawa siya. Natawa ako.
“Joker ka nga. Dapat, nagsasalita ka nang madalas. Sayang ang mga mapapasaya mo.”
Napapasaya ko ba siya? Kung ano-ano pa ang naikwento niyang jokes tungkol sa mga ginagawa nila ni Kuya sa org. Ako naman ay nag-share kung ano ang palagay ko sa campus. Iba-iba pero napansin nga niya na madalas natitigilan ako.
“O, nag-e-edit ka na naman ng sasabihin.”
“Napapasaya mo rin ako,” sabi ko. “Ito naman, edit kaagad.”
“Para walang dead air,” sabi ni Gabriel. “O bakit hindi mo nga ako ina-add?”
Hindi na naman ako nakasagot.
“Uy, ang tagal mong sumagot.”
“Bakit? Bawal na mag-isip?”
“O, sige, magkwento ka na lang. Pampaantok. Para makatulog na rin tayo.”
“Wow, ginawa mo pa akong TV. So, anong telenovela naman ang gusto mong marinig?”
“Actually, alam ko naman na half brothers lang kayo ni Albert. Pero hindi ko alam na magkaiba kayo ng apelyido.”
Tumayo na ako mula sa desktop at umupo sa kama. Kung gagawin ako niyang pampaantok, dederetso na rin ako sa pagtulog. Load naman niya ang mauubos. Nagkwento na rin ako.
“Iyon ba? Kahit other woman si Mama, mataas pa rin ang pride niya. Ayaw niyang ipagamit ang apelyido ni Daddy sa akin. Sabi niya, siya na rin daw ang bubuhay sa akin, si Daddy lang ang nagpipilit na magpakaresponsable sa akin.”
“Ayaw mo ba n’on, kahit hindi magkasama ang mommy at daddy mo, may dalawang magulang ka pa rin na nagmamahal sa iyo.”
“Hindi ko na kailangan ang pagmamahal ni Daddy. Okay na ako kay Mama.”
“Ayaw mo na bang may magmahal sa `yong iba?”
Hala. Napatayo ako. Lakad nang kaunti. “Meron pa bang iba?” tanong ko.
“Oo naman.”
“Sino pa?” Alam ko na ang mga ganitong usapan. Kapag sumagot siya ng, “Nasa paligid lang sila, hindi mo lang pinapansin...”
“Nasa paligid lang sila, hindi mo lang pinapansin,” sabi nga ni Gabriel.
Natatawa ako pero hindi ko ipinaririnig. Napahiga ako at sa hindi maintindihang dahilan, itinaas ko ang mga paa ko at nagsisipa sa hangin. May gusto siya sa akin. Final na.
“O, bakit may lindol dyan sa lugar mo?” sita ni Gabriel.
“Ano ba naman kasing sagot `yan,” sabi ko. “Kung babae ako, kinilig na ako.”
“O, hindi ka babae, huwag kang kiligin,” basag-trip na sabi ni Gabriel. “I was talking about your daddy. Ikaw, not listening ka.”
Napabagsak sa kama ang mga paa ko. Medyo malakas. Narinig sa ibaba. Dumating na rin pala ang nanay ko.
“Alex! Gising ka na o gising ka pa?” sigaw ni Mama.
“Alas-singko na ba?” tanong ko kay Gabriel. “Dumating na si Mama.”
“Oo nga. O, sige na, Alex. Matutulog na rin ako. Goodnight.”
“`Nyt. Salamat sa pagtawag,” sabi ko.
Ibinaba na niya ang telepono.
“Alex, bumaba ka muna,” tawag ni Mama.
Bumaba naman ako. “Bakit, `Ma?” tanong ko.
“Bakit makalat?”
Hindi ko pa pala nalinis ang pinagkainan namin kanina ni Gabriel. “Ay, `Ma, may kasama akong kaibigan kanina,” sabi ko.
Niyakap ako ni Mama. “May kaibigan na ang anak ko.”
“May kaibigan naman ako talaga,” sabi ko na medyo nainsulto.
“Puwes, maganda `yan dahil may kaibigan din ako,” sabi ni Mama na may itinuro sa sala.
Pagtingin ko sa sala ay may lalaking nakangiti. Matangkad. Mukhang artista na kumukuha ng tatay roles. Nasa late forties to early fifties. Matangos ang ilong. Mestiso. Makapal pa ang buhok para sa edad niya. Naglakad kami ni Mama patungo sa sala. Lumaki ang ngiti ng lalaki.
“Alex, si Raul,” pakilala ni Mama, “or better call him `Tito Raul’.”
Muling nagbalik ang kaba sa akin.