noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 2

Ch. 3 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER TWO

A NG GULO-GULO. Nililito mo ako, pogi! Pero sige na, mali siguro ako. Hindi si Gabriel ang iniisip ko. Hindi naman dahil okay itong si Gabriel, siya na ang lalaking tumulong sa akin dati. Hindi dahil parang eksakto ang itsura niya sa lalaki sa panaginip ko, siya na nga iyon. Kung siya iyon, malamang na nasabi na niya kay Kuya ang pinaggagawa sa akin ni Jessie. Mag-best friend sila, `di ba?

Pumunta na ako sa freshies na kagaya ko. Nagulat ako. Noong sinabi sa akin na pangmayaman ang course ko, dapat pala ay naniwala ako. Bakit ba ako naligaw sa Interior Design? Ang nata-tatter kong pants ay laos na laos sa mga babaeng itinuloy ang summer sa pasukan—may mga nakapalda, shorts, at dress. Apat lang kaming lalaki. Dalawa pa rito, sa unang tingin ay bading. Wala ring nagsabi sa akin na hindi panlalaki ang course na ito.

Ang daming freshmen. Nakapila ang lahat at may kanya-kanyang designated blocks. “I-1” ang section ko at sa harap ng pila ay may isang upperclassman na hawak ang block number namin. Siya ang sinundan namin nang pumasok sa theater. Ang laki ng theater, kasya lahat ng bagong students. Nakaupo kami sa bandang likuran, kasama ang mga ka-college namin sa Home Economics. Hindi ko man naipapakita sa mga tao sa paligid, ang laki ng ngiti ko sa loob. College na talaga ako. Ito na `to!

“I-1?” tanong ng isang lalaking tumabi sa akin.

“Oo,” sagot ko.

“Arvin,” pakilala ng lalaki.

“Alex,” sabi ko na pinagmamasdan siya. Lalaking-lalaki si Arvin, medyo kapareho ko ng porma; hindi nga lang sira ang pantalon niya at may kwelyo ang T-shirt.

Itinuro niya ang block na A-1. “Next year, sabay na tayong mag-shift do’n.”

Ngumiti lang ako.

“Wala ka namang planong magtuloy ng Interior Design, `di ba? Pangbading `to, eh. Pero ayos daw itong ID, para may subjects ka na ng Arki.”

“Oo nga,” sabi kong may pagka-proud.

“Pare, hindi parang pera ang salita, huwag mo ipunin. Hindi mo `yan maipangtu-tuition.”

Nagtawanan lang kami.

“Tingnan mo `yon.” Itinuro ni Arvin ang isa naming blockmate. “Bagay siyang mag-Interior Design. Babakla-bakla.”

Ngumiti lang ako.

“Teka, pare. Hindi ka naman bakla, `di ba? Baka masabunutan mo ako. Masyado na akong nagle-label.”

Medyo napaatras ako sa tanong. “Hindi, pare,” sabi ko. “Hindi ako bakla.”

“Ayus! Ayokong mag-isa sa class,” sabi ni Arvin. “Ikaw ba? Gusto mo talagang mag-Interior Design? Hindi ko naman sana namaliit ang pangarap mo.”

“Plano ko ring mag-shift,” sagot ko.

Ngumiti na si Arvin. “Ayus! Magtulungan na lang tayo. Tutal, tayo lang yata ang straight sa block.”

Napangiti na lang uli ako. Sabi ko na nga ba. Mukha lang akong malambot, pero may naniniwala pa rin sa mundo na lalaki ako, higit pa sa sarili ko.

“Mahalaga raw na mataas ang grades natin ngayong first year,” sabi ni Arvin. “1.75 yata ang cut- off ng Arki. `Tapos, sali raw tayo sa org. Magaling daw `yong may hawak ng block A-1. ArkiSoc. `Ayun, o.” Itinuro uli ni Arvin ang Block A-1.

Hindi ko na napigilang hindi sundan ng tingin ang malaking lalaki na parang nag-uutos sa isa pang lalaking may hawak ng placard ng A-1. Kilala ko ang lalaking iyon. Si Jessie. Jessie Reyes. Uminit ang pakiramdam ko. Arki ba ang course niya talaga? O tagahawak lang siya ng placard ng mga Architecture freshmen? Ang dami kong Arki units.

Malaki ang ngiti ni Jessie habang nagpapa-cute sa mga freshmen. May mga kagrupo rin siyang nakikipagbiruan sa block na hawak nila. May mga babaeng gustong magpa-picture sa kanya. Ang totoo, gwapo siya sa suot na dark blue shirt na maganda ng bagsak sa katawan, bakat ang dibdib at simisilip ang malalaki niyang braso. Parang tuwang-tuwa si Jessie sa atensyon na ibinibigay sa kanya. Hinahanap niya ang mga nakatingin sa kanya. Hanggang sa mapahinto sa tingin ko. Bakit ko ba siya tiningnan? Nawala ang malaki niyang ngiti. Lumiit ang kanyang mga mata. Sinipat ako. Kinikilala.

Inalis ko ang tingin kay Jessie. Sinubukan kong mawala sa kinauupuan ko, pero wala pala akong ganoong powers. Sa pagbalik ng mga mata ko, nakatingin pa rin sa akin si Jessie. Nakangiti na uli siya, pero hindi ngiti na kagaya ng kanina. Hindi ko alam kung puso ko ba o ang baga ko ang lumolobo, pero naninikip ang dibdib ko. Nandito siya. Nandito ako. Nagkita na kami. Ayoko nang mag-college. Ito na siguro ang katapusan dahil bumalik ang alaala ko mula umpisa. Paano na ako iihi? Babalik na naman ba ang UTI ko? Hindi na kasi ako makakapasok sa kahit anong banyo, dahil baka nakaabang na naman siya. Hindi ito high school all over again!

“O, Alex,” sabi ni Arvin. “Kilala ka yata n’ong may hawak ng block. Nakangiti sa iyo. Kilala mo ba `yon?”

Kung alam mo lang, Arvin, kung paano ko nalaman ang pangalan niya. Kung gaano ako kasaya na hindi ko na ito naririnig. Matagal akong nag-ingat, umiwas sa lalaking iyon. Pero hayun at magkakasama uli kami sa iisang campus. Unang araw pa lang, ito na ang naramdaman ko, tatagal ba ako?

“Nagpa-flashback ka ba?” tanong ni Arvin. “Ang tagal mong nakatulala, eh.”

Oo, gusto kong sabihin kay Arvin. Pero hindi ko na rin nagawa. May boses na nag-echo sa loob ng theater. May nangyayari sa stage na mas interesting kaysa sa flashback ko. May mga nagsasalitang aktibista. Pagkatapos ay may isang grupo na naiwan para mag-perform. Isa roon si Kuya Albert. Ito pala ang ginagawa ng Rep Club.

“Inihahandog ng Repertory Club ang isang pagtatanghal na...”

Iyon lang ang narinig ko dahil nag-shut off na ang buong system ko. Nakita ko ang nagsasalita. Si Gabriel—nakasuot ng white T-shirt na may tatak ng Rep Club, jeans, at may suot na orange spectacles habang binabasa ang hawak na papel. Isa na namang flashback. Umiiyak ako sa kotse, may nag-abot sa akin ng pouch ng salamin, at ang salamin galing sa pouch ay kulay-orange.

Nag-text ako kay Gabriel, sa bagong bigay niyang number. “Ganda ng salamin mo, ah,” sabi ko, saka bumalik sa panonood sa kanya. Hindi ko naiintindihan kung tungkol saan ang mga pinagsasabi nila; parang sa tuition, basta ang dulo.

“Kakayanin natin `to!” sabi pa ni Gabriel.

Pagbaba nila ng stage, naghintay ako ng reply. Walang reply. Nakakainis. Tinuloy ko na lang ang araw sa university. Pagkatapos ng orientation ng lahat ng freshmen, tumuloy kami sa aming college. Hindi ko alam kung bakit nasa College of Home Economics ang course na ito, samantalang marami kaming Architecture units. Ayos na rin, kahit papaano, kahit sa college man lang, malalayo ako kay Jessie.

Pero kailangang harapin ang dapat harapin. Next subject namin ay sa College of Architecture na. Sumusunod na lang talaga ang mga paa ko kung saan dapat pumunta. Pero sa bilis ng tibok ng puso ko, kung may paa lang din ito, malamang nakauwi nang mag-isa sa bahay. Ayoko sa Arki. Kahit anong kumbinsi ko, sigurado ako, Arki ang course ni Jessie.

“Dapat daw, sumali na tayo agad ng org sa Arki para may tumulong sa pagshi-shift natin,” sabi ni Arvin na parang nakaplano na ang buhay at gusto akong idamay. “`Yong ibang prof kasi do’n, alumni ng mga org. Koneksyon agad.”

“First day n’yo pa lang, gusto n’yo nang umalis?” hirit ng isang babae, saka nagpakilala. “Jobielyn. Blockmates tayo. I-1?”

“Arvin,” pakilala ng lalaki. “Hello, Miss Beautiful. At ito si... Ano nga uli ang pangalan mo?”

“Alex,” sagot ko.

“ArkiSoc ang salihan natin!” pagmamalaki ni Jobielyn. “Alumni do’n ang kuya ko.”

“Tama, ArkiSoc nga,” sabi ni Arvin.

Nagpatuloy ang dalawa sa pagkukwentuhan habang umaakyat kami sa fifth floor ng Engineering Building. Nandoon ang College of Architecture. Pagdating sa palapag, hinanap namin kung saan ang classroom namin. Hindi pala kami sa classroom. Sa lobby ang klase. Dalawang sets ng mga drafting table ang nasa lobby na nakaharap sa mga blackboard—isa sa kanan, isa sa kaliwa. Sa kaliwa kami. Isang upuan sa bawat drafting table. At kumuha na ako ng sa akin, katabi nina Arvin at Jobielyn. Habang hinihintay ang professor, nagdatingan na rin ang mga magkaklase sa kabilang side. Mga upperclassman.

Tanggalin mo ang takot mo sa katawan, Alex. You attract what you fear. You attract what you fear.

Huli na ang pagma-mantra ko. Pinilit ko siyang hindi lingunin, pero nararamdaman ko ang presensya niya. Nakita ko siya, kahit hindi ko tinitingnan. Ayaw tumigil sa pagkabog ang dibdib ko. Nanlalamig ang pakiramdam ko, namuo ang pawis sa noo. Nilingon ko na para magkaalaman na. Kung nakita man niya ako, nakilala, sige na. Tapusin na ang takot na ito.

Marahan akong lumingon. Siya nga iyon. Suot pa rin niya ang damit niya sa orientation sa theater—iyong dark blue shirt at dark pants. Napahinga ako nang malalim. Nakatalikod siya at may mga kausap. Nagtatawanan. Sila ba ang magka-class sa likod namin?

“Cruz, Alexander Miguel?!”

Nakatigil na ako, pero pati ang puso ko ay parang tumigil sa pagtibok sa malakas na pagkakabanggit ng pangalan ko. Napatigil din si Jessie at tumalikod, humarap sa klase namin. Humarap sa akin. Nagtama ang mga mata namin.

“Cruz, Alexander Miguel? Absent? First day ng class ever sa college life niya? Absent?” Ang daming sinabi ng prof na kanina pa nasa harap.

“Alex, class card mo,” paalala ni Arvin.

Marahan kong binawi ang tingin sa pagkakatitig ni Jessie. Tumayo ako at lumapit sa prof. “Present,” sabi ko. May mga sinabi pa ang prof, pero hindi ko na narinig. Iniisip ko ang ibig sabihin ng tingin ni Jessie. Hindi siya galit. Parang gulat na parang masaya. Hindi na niya inalis ang tingin na iyon sa akin. Hindi ko alam kung paano babalik sa silya ko na hindi humaharap kay Jessie. Bakit pa ba ako pumasok? Sana um-absent na lang ako sa first day ng class ever sa college life ko. Pero huminga na lang ako nang malalim. Haharapin ko na lang uli siya. Titigan lang naman ito.

“Reyes Jessie B!”

“Here!” sagot ni Jessie na papunta na rin sa prof niya.

Nagbibigayan na rin ng class card sa kabilang klase. Kaya pagharap ko ay nakatalikod na si Jessie. Lumuwag ang pakiramdam ko. Nakabalik ako sa upuan. Natapos ang class sa Arki. Tawid naman kami sa kabilang building. Classroom setup na. Unang araw pa lang ng college, parang aatakihin na ako sa puso. Mabuti at patapos na ang araw. Walang masamang nangyari.

Pero mali ako.

Nag-text si Kuya na mauna na raw akong umuwi. Kaya pagkatapos ng last subject ko, sumabay na ako kina Arvin at Jobielyn. Pababa kami ng hagdan nang makita kong nakaabang si Jessie. Tumango sa akin.

“Mauna na kayo, may naiwan ako,” paalam ko kina Arvin at Jobielyn. Bumalik ako sa classroom. Una, ayokong mapahiya sa blockmates ko. Ikalawa, natakot ako. Ikatlo, natakot talaga ako. May mga kaklase pa rin ako sa loob. Nilampasan ko ang classroom at dumeretso na sa CR. Napahawak ako sa lavatory. Mahaba ito, may apat na sink, na umaabot sa wall. Kasinglapad ng sink ang salamin kung saan ako napatitig. Nanginginig ako at naiiyak sa takot.

Napalingon na lang ako sa pagpasok ng isang lalaki. Ito na ang hinihintay kong sana ay hindi dumating. Pero dumating si Jessie. Isinara niya ang pinto. Kinalma ko ang sarili ko. Nakatingin lang ako sa kanya. Lumakad siya papunta sa dulo ng sink—malayo sa tabi ko. Pero hindi nawawala sa akin ang tingin sa salamin. Tumango uli siya.

Hindi ako nagpatinag.

“Ano `yong huling sinabi ko sa `yo?”

“Jess...”

“Uy, babanggitin mo ang pangalan ko?”

“Hindi... hindi,” sabi ko na napayuko.

Nakahalukipkip lang siya at hindi kumikilos. “Lika na!” utos niya.

Lumapit ako para matapos na. Para makauwi na rin ako. Mangyari na ang dapat mangyari. Papalapit pa lang ako nang hablutin niya ang T-shirt ko at isandal ako sa pader ng isa sa mga cubicle. Idiniin niya ang kaliwang braso niya sa leeg ko. Nakatitig lang ako sa mga mata niya. Hindi naman niya siguro ako papatayin. Hanggang pananakit lang ang kaya niyang gawin. Pero ganoon pa rin ang kaba ko.

“Paisa naman,” sabi niya na hindi ko naintindihan. “Welcome ko sa iyo sa university. Tigas ng ulo mo, eh.”

Nakatitig lang ako sa mga mata ni Jessie. Napapangiti siya sa nakikitang takot sa mga mata ko. Gusto kong sabihin na gawin mo na ang gusto mo. Sige na! Nabasa naman niya yata, at mula sa kanan niyang kamay, isang malakas na suntok ang tumama sa tiyan ko.

“Masakit ba? Iiyak mo na, bakla ka naman!” sabi niya habang ilang pulgada lang ang lapit ng aming mga mukha.

Titig na titig siya sa mga mata kong pinipilit na dumilat sa sakit. Pero hindi ako iiyak. Hindi ko nga lang nakayanan ang sakit, napapikit ako at nagdilim ang buong paligid. Nawalan ako ng malay. Hanggang sa makita kong muli ang mukha ni Jessie. Mukhang nagiging halimaw. Nanlilisik ang mga mata niya, nagkakapangil ang mga ngipin, at ang mabuhok niyang braso kasama ng parang bato niyang kamao na susuntok na naman sa mukha ko. Humingi ako ng tulong, pero walang boses na lumalabas sa bibig. Pinilit kong igalaw ang mga braso ko, pero naninigas ang katawan ko. Hindi ako makasigaw at makagalaw.