noveltoon logo noveltoon
Oh, Boy, I Love You

Chapter 12

Ch. 13 / 42 Feb 05, 2022

CHAPTER TWELVE

N AKATINGALA ako sa langit at tinitingnan ang mga bituin. Umaasa na sana, kahit isa man lang sa libo-libong kumikinang na liwanag ang magbigay ng katuparan sa aking hiling. Nakaupo ako sa gilid ng parang bundok at naririnig ang mangilan-ngilang sasakyan na dumadaan sa aking likuran. Sa aking harap, ang dagat din ng liwanag. Kitang-kita ko ang mga ilaw sa gabi ng Kamaynilaan. Gaya sa langit, bawat ilaw ng poste ay hinilingan ko rin, nagpapanggap na bawat isa rito ay mga bulalakaw na kayang bumago ng aking kinalalagyan.

“Nakakawala ng prolema, `di ba?” sabi ng tinig mula sa aking likuran.

Pamilyar ang boses. Nagbalik na siya. Nilingon ko ang may-ari ng boses. Kahit malabo ang aking paningin ay nakita ko siya—ang lalaking nagligtas sa akin kay Jessie noon. Ililigtas uli niya ako ngayon. Siya nga ito, at tulad ng dati, may beer siyang hawak. Inihagis sa akin. Salamat, hindi ko man alam kung aling bituin ang tumupad sa aking kahilingan, pero salamat.

Bumagal ang pagkakabato ng beer papunta sa akin. Kitang-kita ko kung paanong kusang bumukas ang lata at bumulwak ang alak papunta sa aking mukha. Napapikit ako. Napadilat. Nagising. May tubig na tumatama; hindi, tumatalsik sa aking mukha. Parang may hose na nakatutok sa mukha ko at tinatalsikan ng kung anong tubig. Si Jessie. Nakahiga siya sa kama, may hawak na water gun at binabaril ang mukha ko. Paggising ko, babalik siya sa pagtulog. Alas-tres pa lang ng madaling-araw. Hindi na ako nakatulog kaya naligo na ako at nagbihis. Papasok na lang ako sa campus. Papalabas ako ng mansiyon nang bumukas ang gate at pumasok ang SUV ni Tito Raul. Dahan-dahang bumaba ang bintana sa passenger’s seat at nakita ko si Mama. Sinundo na pala siya ni Tito Raul.

“Oops, oops, oops! Wala pang alas-singko?!” sabi ni Mama.

“`Ma, Parañaque ito,” sabi ko. “Kakapain ko pa ang daan papasok.”

“Sumabay ka na lang kay Je-ar.”

“Mamaya pa siya, `Ma,” pagdadahilan ako.

“Ihatid ka na lang namin,” sabi ni Mama.

“Hindi na po,” sabi ko. “Okay na ako.”

“Sumakay ka na,” sabi ni Tito Raul. “Itururo ko na rin sa `yo kung paano mag-commute.”

Wala na akong nagawa. Bukod sa mas makakatipid ako sa pamasahe, makakabawi pa ako ng tulog sa sasakyan, kailangan ko ring malaman kung paanong mag-commute. Pagkatapos ituro ni Tito Raul ang mga sakayan ay nagtuloy ang kwento niya tungkol kay Jessie. Hindi ako nakikinig dahil parang ibang tao ang ikinukwento niya. Mabait, masunurin, matulungin. Saan galing ang mga obserbasyon niyang iyon?

Pagdating sa campus ay si Jessie pa rin ang iniisip ko. Doon na naman ako matutulog pag-uwi—sa impiyerno.

HINDI ko na sinimulang katakutan ang sumunod na gabi. Naa-attract daw kasi ang kinatatakuan. Siguro, kung hindi ko iyon kinatakutan, baka hindi mangyari. Pero ganoon pa rin ang nangyari. Nagpagabi na nga ako sa library. Para pag-uwi ay matutulog na lang ako sa bahay. Pero si Jessie pa rin ang inabutan ko, ang paghihigpit niya sa kwarto, ang kung ano-ano pa niyang trip na pananakit.

Isang gabi, pag-uwi ko, may kakaiba. Wala pa si Jessie. Mabilis kong ginawa ang mga dapat gawin. Nakapag-ayos pa ako sa banyo. Nakapag-organize ng mga gamit. Pagkatapos ay nahiga na ako sa puwesto ko sa isang sulok ng kwarto. Ang pagpapanggap kong pagtulog habang hinihintay si Jessie ay natuloy sa totoong paghimbing. Hanggang sa makaramdam ako ng sipa sa tagiliran. Ang sakit. Nakailang sipa bago ako nagising. Hinintay yata ni Jessie na magsalita ako. Pero hindi ako nagsalita. Hanggang sa hindi ko na kaya. Napaaray ako nang mahina habang sinasalag ang mga dumarating pang sipa.

“Goodnight,” sabi ni Jessie nang magsawa.

Napaiyak ako sa awa sa sarili. Wala talaga itong katapusan. Doon ko napansin na tapos nang mag-ayos ng sarili si Jessie bago ako pinagsisipa. Sando at boxer shorts ang pantulog niya. Humiga siya sa kama at nagkumot. Pinanood ko siya. Mabilis siyang nakatulog. Gusto kong tumayo at kumuha ng kutsilyo para saksakin siya. Pero hindi ako kriminal. Tumayo ako. Tinitigan siyang matulog. Para siyang malaking aso—nakakatakot kapag nagising dahil siguradong kakagatin ako. Pero hindi niya ako makakagat. Hindi na.

Kinuha ko ang unan at idiniin sa mukha ni Jessie. Idiniin ko ang katawan ko sa unan sa ulo niya. Doon ko binuhos ang lahat kong lakas. Nagpipiglas siya pero masyado akong mabigat para makakawala siya. Hanggang sa bumagal ang kanyang pagpiglas. Hanggang sa wala nang galaw akong maramdaman mula sa kanya. Napatay ko si Jessie. Napatay ko si Jessie.

At nagising akong muli.

Pagdilat ko, nakita ko si Jessie na nakatingin sa akin. Gising din siya. Pinapanood niya akong matulog. Nagpanggap na lang akong naalimpungatan lang at tumalikod sa kanya. Nagtulug-tulugan ako. Nakumbinsi yata siya dahil sa mahabang panahon, walang nangyari. Hanggang sa marinig ko ang boses niya. Mahina. Walang galit. Walang bigat.

“Goodnight, Alex.”

Lalo akong napadilat. Hinintay ko siyang tumayo. Inihanda ko ang katawan ko sa mga mas matitindi pang sipa. Pero wala. Ang pag-iisip ay tumuloy sa aking panaginip. Nahimbing ako na wala nang sakit na nararamdaman. Nagising na lang akong muli sa mainit-init na tubig na tumatama sa mukha ko. Nakaupo si Jessie sa kama niya at binabaril ako ng water gun.

Ito na ang regular gising ko. Pagkabaril niya, gumising na ako at naligo na. Sabay kasi kami ng klase ni Jessie, at kapag nauna siya sa banyo, hindi na ako makakagamit. Male-late ako sa klase kung hihintayin ko siya. Nananadya. Kaya maliligo na ako, matutulog uli at pagkagising, magbibihis at uunahan na si Jessie na pumasok sa school.

Iba na ang karanasan ko sa paliligo. Kung dati ay concert series ang nagaganap sa banyo, ngayon ay parang confessional. Parang nasa simabahan na ako at nagdarasal sa Diyos para sagutin ang tanong ko. Para saan ba ang lahat ng paghihirap na ito?

Nakiusap na rin sa akin si Mama. Sabi niya, sumabay na raw ako sa motor ni Jessie. Malayo ang Parañaque, nag-offer daw si Jessie na mag-uwian muna at hindi mag-boardinghouse para makasama ako.

Alam ko namang kasinungalingan iyon. Nagdahilan na lang ako. Wala akong helmet, takot ako sa disgrasya. Pero hindi ko na ito maidadahilan sa isang linggo. Sweldo ni Mama at ibibili raw niya ako ng helmet. Hindi pa ba sapat na magkasama kami ni Jessie sa kwarto at kailangan pang pati sa sasakyan ay makikisalo ako?

Pagkatapos maligo, itinapis ko na ang tuwalya sa katawan ko. Pero may bagong pakulo si Jessie. Ayaw bumukas ng pinto. “Jessie! Buksan mo naman, o! Jessie!” Makailang beses kong binanggit ang pangalan niya. Pero parang wala siya. Nakakapikon. Hindi ako makasigaw; hindi ko bahay ito at hindi ko gustong manggulo. Alas-tres pa lang ng madaling-araw. Umupo na lang ako sa tapat ng pinto, doon nakatulog hanggang sa bumukas ang pinto at tumama sa ulo ko.

“Labas, maliligo na ako,” sabi ni Jessie. “O baka gusto mong manood.”

Lumabas ako. Ayoko na! Paano ko ba makukumbinsi si Mama na humanap na lang ng ibang bahay?

SINUNDO ako ni Mama sa school; trip niya lang.

“`Ma, hindi ako masaya sa bahay nina Tito Raul,” sabi ko. Ilang araw ko nang iniisip kung paano sasabihin ito. Gustong-gusto kong isumbong kay Mama ang mga ginagawa ni Jessie.

Tumingin sa akin si Mama. “Hindi ka lang sanay. One week pa lang tayo.”

“Pero, `Ma…” Alam kong ito ang sasabihin niya kaya may nakahanda akong sagot. “Ayokong makasanayan ang pagiging hindi masaya.”

Niyakap niya ako. Naramdaman kong may tumulo sa balikat ko. Umiiyak na si Mama. “Sige, aalis na tayo,” sabi niya. “Masaya naman ako kung saan ka masaya, eh. Titiisin ko. Pipilitin kong pagkasyahin ang sweldo ko para sa ating dalawa. Hindi na nga lang tayo makakabalik sa dati nating bahay kasi may umuupa na. Hahanap na lang tayo ng mas maliit na bahay. Kasi naman `yang school mo, tinawag pang state university pero hindi matustusan ng state ang tuition mo. One-five per unit. Single mom, bracket A. Pero sige, titiisin kong magtrabaho...”

“Si Mama naman,” sabi ko. Kailangan kong bumawi dahil mali ang pagiging masaya para sa opening line. “Nagdyo-joke lang ako.”

Tama si Mama. Ang dami na niyang sakripisyo para sa akin. Ano ba naman kung ako ang magsakripisyo para sa kanya? Hindi naman laging nakakahanap si Mama ng lalaking mahal na niya, mahal ako, at kayang tustusan ang mahal na pamumuhay. Problema nga lang, may anak din si Tito Raul.

Walang napuntahan ang “ayoko na” moment ko.

“`SABI ni Prof. Garcia, kung hindi ka late, antok na antok ka sa klase. Kung kailan papatapos na ang klase, saka ka nagkakaganyan. May isyu ba tayo, ha? Alex?” bungad sa akin ni Sir Cabalfin habang kumakain kami ng lunch sa canteen.

“Sir, sa Parañaque na kasi ako umuuwi,” katwiran ko.

“O, ano naman? Aminin mo na lang na nami-miss mo na ang knight in shining armor mo?”

Napaka-perfect ng description ni Sir Cabalfin kay Gabriel. Si Jessie ang dragon na kailangang patayin at ako ang prinsesang kailangang iligtas. Kaya lang ay wala si Gabriel. Kung nandito lang siya, malamang, hindi ako ganito kalungkot. Kahit paano ay magiging bearable ang pagtira ko sa Parañaque. Pero wala. May sarili pang dragon na hinaharap ang knight in shining armor ko.

“Ay!” tili ni Sir Cabalfin. “Dead-ma na sa dragon! Nagbalik na ang... Tingin sa likod, princess.”

Napatingin ako sa likuran. Bago ko pa makita ay nalanghap ko na ang pamilyar niyang amoy kasabay ng hangin sa mataas naming gusali. Kahit sa kanyang likuran nanggagaling ang liwanag ay may sariling kinang ang kanyang ngiti. Ang ngiting iyon ang nagsabi sa akin na okay na ang lahat.

“Gab ko?!” Napatayo ako at napayakap sa kanya. Niyakap din niya ako. Mahigpit, pahigpitan kami. Lahat ng nangyari sa buong linggo, tinangay na ng hangin. Pinilit kong huwag umiyak pero hindi ko kaya. Hinayaan ko na lang. Tahimik lang. Hanggang kaya ay hindi ako humikbi. Ang mga mata ko lang ang nagpakita kung ano ang nararamdaman ko.

“I missed you so much,” sabi ni Gabriel bago ako hinalikan sa noo. “Nandito na ako. Masasabi mo na ang gusto mong sabihin.”

“`Ayan na ang knight in shining armor ng prinsesa,” sabi ni Sir Cabalfin. “May masasabihan ka na ng problema?”

Hindi ko pinansin si Sir Cabalfin. Nakayakap lang ako kay Gabriel; at kahit siya ay parang naguluhan sa reaksyon ko. Siya na ang sumagot kay Sir Cabalfin.

“Hindi naman kailangang maging prinsesa para magkaraoon ng tagapagligtas,” sabi ni Gabriel. “Even a prince needs a knight in shining armor sometimes.”

“Napaka-sweet mo. Totoo ka ba?” sabi ni Sir Cabalfin. “O, siya, alis na ako.”

Pag-alis ni Sir Cabalfin ay bumitiw ako kay Gabriel. Tumingin lang ako sa mga mata niya. Patuloy ang pagpatak ng mga luha ko.

“What’s wrong?”

“Ayoko nang bumalik sa Parañaque.”

“Ano’ng ginawa sa iyo ng Tito Raul mo?”

“Hindi si Tito Raul,” sabi ko. “`Yong anak niya. Anak niya si Jessie.”

Muli akong niyakap ni Gabriel nang mahigpit hanggang sa maubos ang aking pag-iyak. Hinintay niya akong kumalma.

“Sa akin ka na,” sabi niya.

Tumango ako. Wala nang iba pang lugar na gusto kong manatili kundi sa kanyang tabi.

NAKASAKAY kami sa kotse at gaya ng dati, nasa passenger’s seat ako at si Gabriel ang nagmamaneho. Nasabi ko na rin ang isang linggong delubyo ko sa bahay nina Jessie. Galit na galit si Gabriel.

“Pupunta tayo sa Parañaque,” sabi niya.

“Huwag na, Gab,” sabi ko. “Ayokong magulo si Mama.”

“Sa tingin mo ba, Alex, gusto ng mama mo ang nangyayari sa iyo?”

“Pero gusto ko ang nangyayari sa kanya.”

Nasuntok ni Gabriel ang manibela. Natakot ako sa unang pagkakataon. Inihinto ni Gabriel ang kotse sa gilid ng kalsada at nagtanggal ng seat belt, saka ako niyakap.

“This is so unfair. You don’t deserve that.”

“Salamat,” sabi ko, hindi na naiiyak, nalulungkot o natatakot. Ang yakap niya ang nagtanggal ng lahat ng iyon. Pagkabitaw niya ay ibinalik niya ang seat belt.

“Tawagan mo ang mama mo,” utos niya, saka muling pinaandar ang kotse. “Hindi ka uuwi. Forever.”

Sinunod ko ang utos niya. Tinawagan ko si Mama sa cell phone. Mula sa kalmadong “hello”, nagulantang si Mama sa ipinasasabi ni Gabriel.

“Kabago-bago lang natin dito, hindi ka na agad uuwi? Para namang ipinapa-feel mo sa Tito Raul mo na ayaw mo dito sa kanila.”

Ayoko naman talaga, pero hindi ko iyon madedepensahan.

“Isang linggo pa lang tayo dito, Alex. They are very welcoming. Kahit si Je-Ar, iniwan muna ang boardinghouse just to complete our new family,” patuloy na sabi ni Mama. “Ano’ng idadahilan ko? Malungkot kasi ang anak ko dito?”

“Hindi na, `Ma, tapos na tayo do’n. Nalalayuan lang ako sa Parañaque.”

“Kaya nga sasabay ka kay Jessie.”

“Wala akong helmet.”

“Bumili na si Jessie para sa `yo!”

Hindi ako nakasagot.

“Umuwi ka, Alex.”

“`Ma, hindi pwede.”

“Bakit hindi?”

“Finals week na namin, `Ma. Stressful na sa exam, stressful pa sa biyahe.” Totoong finals week na kaya ito ang una kong naisip na legit na dahilan. Tumahimik si Mama. Alam niyang may point ako. Nakahinga ako nang maluwag.

“Pakausap kay Gabriel,” sabi ni Mama.

“`Ma…”

“Pakausap na!” seryosong sabi ni Mama.

Iniabot ko ang cell phone kay Gabriel. Inihinto niya ang kotse, saka kinausap si Mama.

“Opo,” sabi ni Gabriel. Pulos “opo” na lang ang narinig ko hanggang sa ibalik sa akin ni Gabriel ang cell phone.

“Sabado,” sabi sa akin ni Mama. “Ayoko ng kalokohan, ha?”

“Opo.” Iyon na lang din ang nasabi ko.

“Okay good. I love you, anak.”

“I love you, `Ma.”

FIVE days of bliss sa bahay ni Gabriel, matatapos sa day of hell pagdating ng Sabado. Hinawakan ni Gabriel ang kamay ko. Hinalikan. Inalis ang ilang araw kong pangungulila. Nakalimutan ko na si Jessie. Nandito na si Gabriel. Hindi na ako mag-iisa. Maging si Gabriel, kumalma ang galit. Sa oras na ito, kami lang dalawa. Isang linggong kami lang dalawa. Sa Sabado na ng umaga kami mamroroblema.

Pagdating sa bahay, hindi na nagbihis si Gabriel. Dumeretso na sa kusina para magluto. Hindi niya ako pinakilos. Nagpahinga na lang ako at naligo. Hanggang sa yayain na niya akong kumain.

“I’ll just put on something. Relax ka lang muna, pray if you want.” Umalis si Gabriel. Pagbalik ay may dala nang isang long-stem rose. Pulang-pula. Pero walang nadagdag sa suot niya. “Mapula ka pa sa rosas, ah,” nakangiting puna ni Gabriel.

“Akala ko, may isusuot ka?” tanong ko, kumabog ang dibdib. Gusto ko ang kabang ito.

“Pabango,” sagot ni Gabriel. “Hindi ba halata?”

Naamoy ko nga ang sinasabi niyang suot niya. Ang sarap na niyang tingnan, ang sarap pang amuyin. Anong sense pa ba ang dapat kong gamitin para masarapan din?

“Tikman mo na,” sabi niya.

Gusto kong tanungin kung alin. Pero hindi na. Kinuha ko ang tinidor at tumusok ng kapirasong meatball.

“Ang sarap,” sabi ko, walang halong pambobola.

“May isasarap pa `yan,” sabi ni Gabriel. “Nandito na ako. Hindi na kita pababayaan.” Hinawakan niya ang kamay ko at tumitig sa aking mga mata. May kuryenteng dumaloy mula sa mga palad niya papunta sa likod ng mga kamay ko, paakyat sa mga balikat at pinuno ang buong katawan ko. Kakaiba ang kanyang ngiti. Nangungusap, nagtatanong. Hindi ko mabasa kung ano. “I’m back, Alex,” sabi niya.

Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga salitang iyon. Bakit paulit-ulit? Parang nabasa niya ang iniisip ko. Mula sa pagkakatitig sa akin ay napatingin sa baba ko si Gabriel. Bumitaw siya sa pagkakahawak sa akin. Naiwan ang ngiti sa mga labi niya, pero parang nag-iba na ang iniisip.

“Bakit?” tanong ko.

“Wala,” sabi niya at ngumiting muli. “Kain na.”

Mula nang magyaya siyang kumain, hanggang sa pagsesepilyo at paghiga namin sa kama, naging malamig na ang mga sandali. Hindi ko alam kung may nasabi ba ako na ikinabago ng mood ni Gabriel. Magkatabi kaming nahiga. Nakakumot. May mga kaunting kwento, pero parang walang pinatutunguhan.

“Kumusta sa Baguio?” tanong ko.

“Malungkot,” sagot ni Gabriel. “Iyak ako nang iyak. Pero nag-usap kami ng family ko. We have to accept that Lola is now in a better place. How’s Tita and your stepdad to be?” biglang tanong niya.

“Mahal na mahal ni Mama si Tito Raul,” sagot ko. “Sobrang okay sila.”

No follow-up questions.

Hanggang sa ako na ang magtanong.

“May nasabi ba ako o nagawa kanina? Nagbago kasi ang mood mo kanina sa dinner.”

“Wala,” sagot ni Gabriel. “Ikaw ba? Wala ka bang gustong...?”

“Wala naman. Ang hirap lang ipagpaliban hanggang Sabado ang pag-iisip ng pagbalik ko sa Parañaque.”

“Baka kailangan mo ring matutunan na mahalin ang bahay na iyon. Kung magiging bahay iyon ng mama mo, bahay mo na rin `yon.”

May kakaiba sa tono niya. Humarap ako kay Gabriel. “Pinauuwi mo na ba ako?”

“Hindi, Alex. Sorry if I sounded like that.” Humarap sa akin si Gabriel at niyakap ako. “Sorry.”

Gumuho ang pader na nabuo sa pagitan namin kanina lang. Saan man ako pumunta o tumira, yakap ni Gabriel ang aking uuwian. Iyon na ang mga salitang nakatulugan namin. Kaya kong gumising araw-araw sa ganitong kama, katabi ng lalaking pinakaperpekto sa mundo. Parang sumang-ayon din sa akin ang langit dahil sa kapirasong siwang ng kurtina ng bintana, sumilip ang liwanag ng umaga at tumama sa mukha niya—ang aking anghel, si Gabriel.

Nakatagilid siya at nakayakap ang kanang braso sa akin. Bahagyang nakabuka ang kanyang bibig at doon siya humihinga. Naaamoy ko ang kanyang hininga.

“Good morning,” sabi niya habang nakapikit pa rin. Parang alam na pinagmamasdan ko siyang matulog.

“Good morning,” ganting bati ko. Parang hinintay lang ni Gabriel na magsalita ako para mahanap ang aking bibig. Dahil walang sabi-sabi, kahit hindi dumidilat ay lumapit ang mga labi sa mga labi ko. Diniinan niya ang halik na may kasabay na malalim na paghinga. Hinila niya ako para maglapit ang aming mga katawan. “Bakit hindi ko magawang mainis sa iyo, Alex?” bulong niya.

Bumitaw ako sa pagkakayakap niya. “Ha? Bakit ka maiinis sa akin?”

Ngumiti lang si Gabriel, inalis ang kumot namin at bumangon na. Inayos ang boxer shorts niyang nagulo sa pagkakahiga. “I’ll prepare our breakfast,” sabi niya.

“Bakit ka naiinis?” Naupo na ako sa kama. Nakatapis pa sa akin ang kumot. Para akong naluging prostitute, hindi naman sa alam ko ang itsura niyon.

Bumalik si Gabriel at muing humalik sa pisngi ko. “Hays, lambing lang,” sabi niyang tumalikod na at lumabas ng kwarto.

“Gab?”

IYONG natirang pasta kagabi ang breakfast naming; ininit lang ni Gabriel sa oven toaster. Nagtimpla ako ng kape para sa aming dalawa. Sabay kaming kumain. Naka-boxer shorts pa rin si Gabriel. Ako naman, bukod sa boxer shorts na ipinantulog ko, nagsuot na rin ng sando.

“Alas-siyete na. Ready for your exam?” paalala ni Gabriel.

“Oo,” sagot ko, ipinasok sa microwave oven ang tinimplang kape dahil kasinlamig na ito ng mga tanong niya.

“What time ka matatapos?”

“Twelve. `Tapos, may exam ako ng one PM.”

“Let’s just have lunch together.”

“Ikaw ang bahala.”

“May problema ba?”

“May problema ba?” ulit ko.

“Meron. May nakakalimutan ka.”

“Ano?”

“Kapag ipinaalala ko, everything will be spoiled. Okay?”

“Ano nga `yon?” pamimilit ko. “Sabihin mo na lang.”

“Hindi.” Itinuloy niya ang pagkain.

PAGKATAPOS ng isa sa mga exam ko, dumeretso ako sa cubicle ni Sir Cabalfin sa faculty room. Aalamin ko ang standing ko sa course niya. Nasa table niya ang patong-patong na plates namin mula pa noong Tuesday na sinisimulan na niyang i-check.

Isinuot ni Sir ang kanyang salamin at tiningnan ang mga grade ko. “`Yong totoo Alex, ano’ng ipapa-check mo? Plates o puso?” tanong niya.

“Puso po,” sagot ko. “Sir, bakit ba ayaw na lang sabihin ni Gab kung ano ang problema niya sa `kin?”

“Wow! Aksiyon agad!”

“Thirty minutes lang ang consultation,” sabi ko. “Iyon nga, Sir, may nakalimutan daw ako. Ayaw naman niyang ipaalala.”

“Baka may kinalaman sa kanya.”

“Ano naman ang makakalimutan ko sa kanya?”

“Ano ba ang huli ninyong ginawa?”

Inalala ko ang mga bagay-bagay. Naging okay naman kami ni Gabriel pagkatapos kong ikwento ang tungkol kay Jessie. Okay rin kami noong magpaalam kay Mama; kumain lang kami. Pero kung hindi ako doon may nakalimutan, saan? Noong bago siya umalis?

“Nabitin po kami bago siya pumunta sa Baguio,” sabi ko.

“Nabitin?”

Nagtinginan kami ni Sir Cabalfin. Ilang sandali lang ay naintindihan na niya.

“Naipangako mo bang ialay ang iyong pagkabirhen? Ilang araw din siyang nawala at nag-abang. Tigang na tigang na ang lupa...”

“Naku, hindi, ha? Hindi ako gano’n kamapamahiin.”

“Eh, saan siya nabitin? Baka hindi aksyon ang hinihintay niya. Baka iyan!” At tinuro niya ang puso ko.

Napangiti ako. Naalala ko na.

“Bakla ka?!” sigaw ni Sir Cabalfin. “`Pakalandi mo. Nang-iinggit ka pa!”

May kumatok at sumilip sa pinto ng faculty room—si Arvin. Tumingin kay Sir Cabalfin.

“Okay, Arvin, wait lang,” sabi ni Sir Cabalfin. “O, siya, Alex… Sagutin mo na, ibigay mo na ang ibibigay. And to be fair sa iyo, hindi bababa sa 1.25 ang grade mo.”

Kinuha ko ang bag ko at T-square. Tumayo na ako at nag-text kay Gab. Sasagutin na kita, sabi ko sa text.

Mabilis ang reply ni Gabriel. Naalala mo na.

Bakit ko ba nakalimutan? Sabi ko kay Gabriel, kapag bumalik siya sa Baguio, ibibigay ko na sa kanya ang sagot kung ano na ang gusto ko sa aming dalawa. Nag-reply ako. Oo. Paglabas ko ng pinto, nakita ko si Arvin. Kakaiba ang tingin niya sa akin. Parang niloko ko siya. Tiningnan ko rin siya. Magkaaway ba kami?

“``Tol, bakla ka ba?” tanong ni Arvin.

Nawala ang lahat ng mga naalala ko kay Gabriel. Inubos ng mapanghusgang tingin ni Arvin.

“Ha?” sabi ko.

“Nagbabaklaan yata kayo ni Sir sa loob,” sabi ni Arvin na parang may pandidiri.

“Wala.” Naging defensive ako. “Alam mo naman si Sir.” Tumunog ang cell phone ko. Nag-text si Gabriel. “Una na `ko,” paalam ko kay Arvin at binasa ang message. Papunta na ako. Sa tapat na lang ng building n’yo. Ihanda mo na ang sagot mo. J Heart. Tumalikod ako kay Arvin at naglakad. Mabilis noong una, pero nang makababa na ng isang floor, bumagal ang bawat hakbang ko. Hanggang sa isang floor na lang at nasa pinakababa na ako ng building. Napahinto ako. Nawala ang excitement.

Ano ang isasagot ko?

Kung ibigay ko na kay Gabriel ang puso ko, alam kong wala akong talo. Pero gusto ko na ba? Tanggap ko na ba ang lahat ng pagbabago? Naalala ko ang mukha ni Arvin. Ang mapanghusga niyang tingin. Ang mapangmaliit niyang tono. Kaya ko bang gawing mundo ko si Gabriel kapalit ng panghuhusga ng buong mundo? Masyado nang matagal para paghintayin ko pa hindi lang si Gabriel kundi maging ang aking sarili.

Naghintay ako sa harap ng building, sukbit ang bag sa likod at T-square sa balikat. Nakikita ko na ang kotse ni Gabriel. Pero may isang humaharurot na motor na lumampas sa sasakyan ni Gab. Umusok ang kalsada sa mabilis na paghinto ng motor sa harap ko.

“Sakay,” sabi ng naka-helmet na lalaki.

Kinabahan ako. Ang buong tindig ni Jessie sa motor, ang kanyang katikasang nananakot. Ang boses niyang nag-uutos. Ang isang linggo kong binuno sa bahay nila, nagbabalik ngayon sa harap ko. Napatingin ako sa sasakyan ni Gabriel na bumilis din ang takbo. Iniabot sa akin ni Jessie ang isa pang helmet. Pula. Malaki. Maganda. Bago.

Nag-ring ang cell phone ko.

“Mamaya mo na sagutin `yan. Sakay na,” utos ni Jessie.

Hindi ko alam ang gagawin. Kinuha ko ang helmet at isinuot. Sumakay ako sa likod ni Jessie. Mabilis na umandar ang motor. Napahawak ako sa baywang ni Jessie. At saka ako lumingon. Nakita kong huminto ang kotse ni Gabriel. Ano ang ginawa ko?