noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 33

Ch. 34 / 98 Feb 05, 2022

Pawisan ang noo at umiiyak nang magising si Rose. Naramdaman niyang nakaunan na siya sa isang pares ng mga hita pero nasa ibabaw pa rin sila ng kanyang kama. May isang kamay ang malambing na humahaplos sa pisngi niya.

“Mama…” halos bulong niya nang mamulatan nang nalalabong paningin ang nagmamay-ari ng pala. Lalo siyang naiyak nang makita ang nakangiting mukha ng mama niyang mahigit isang dekada na niyang hindi nakikita. “Mama… Mama…” Hindi na niya napigilan ang muling mapahagulhol kasunod ang mahigpit na pagyakap dito. “Sorry po mama… Sorry po…”

Hinagod-hagod ng babae ang likod ni Rose at hinayaan lang itong umiyak. “Tahan na anak…”

Napalunok si Rose nang marinig ang pamilyar na boses kasunod ang tila pagbalik ng sarili niya sa kasalukuyan. Saglit siyang nag-isip bago nagbitaw ng buntong hininga at kumalas na sa pagkakayakap kay Nanay Harwina. Bumangon na siya at pinunasan ang mga luha. Napansin niya sa bukas ng bintana ng inuupahan niyang kwarto na mataas na ang sikat ng araw. “P-Pasensya na po Nanay Harwina. N-Nanaginip lang po ako.”

Ngumiti naman si Nanay Harwina. Isinuklay pa nito ang kamay sa buhok ni Rose. “Nanaginip ka na naman.”

Hindi pa rin humihinto ang mga mga mata ni Rose sa pagluha kaya patuloy siya sa pagpunas sa basang pisngi. “Nasaan po pala si Tatay Poncio?” pag-iiba niya sa topic.

“Nauna na siyang umalis kanina.” Bumaba na rin ng kama si Nanay Harwina nang saw akas ay tumahan na ang kanilang bisita. “Narinig kitang umiiyak kaninang madaling araw. Para kang binabangungot ng masama. Ginigising kita at nang tumigil ka na sa pag-iyak ay hinayaan na lamang kitang makatulog ulit. Pero ilang beses kang gano’n kaya nagdesisyon ako na dumito na lamang muna sa kwarto mo at paunahing umalis si Poncio. At dahil mukha namang maayos ka na ngayon, maaari na akong umalis.”

“Pasensya na po ‘nay, dala lang po siguro ito ng mga pinapanood kong horror movies,” pagdadahilan pa ni Rose. Hindi niya alam kung mapapaniwala niya ba ang matanda sa sinabi niyang iyon.

Itinali muna ni Nanay Harwina ang buhok bago muling nilapitan si Rose at nakangiting hinaplos ang pisngi nito. “Kung kailangan mo ng kausap, nandito lang ako… Kami ni Tatay Poncio para sa iyo. Hindi ko alam kung anong pinagdaanan mo noon pero sana… Lagi mong tatandaan, anak ka na rin namin ni Poncio.”

Ginawa ni Rose ang lahat upang muling pigilan ang mga luha niya pero bigo siya. “Salamat po, Nanay Harwina…”

***

“Buti inabutan kita,” sabi ni Jin nang makita si Adolph na kumakain ng lugaw sa isang karinderya. Umupo siya sa mahabang bangko katabi nito bago um-order sa tindera ng lugaw na may laman na para sa kanya.

“Nagmamadali na nga ako paps, may lakad na naman kasi ako,” tugon naman ni Adolph bago muling sumubo ng lugaw na hindi na masyadong mainit.

“Saan lakad mo?” tanong ni Jin.

“Saan pa ba, mag-aasikaso na naman ng para sa letseng kasal na ‘yan. Naiirita na nga ako eh.”

“Baka naman ang ibig mong sabihin, nae-excite ka na , paps,” nakangiting pang-aasar pa ni Jin.

“Gago,” inis na ngumisi si Adolph. “Mas nae-excite pa nga ako kapag nagkikita kami ni Rose.”

Nakakailang subo pa lang si Jin pero parang bigla na siyang nawalan ng gana. Hindi niya iyon pinahalata sa kaibigan. “Kumusta na pala kayo? Nagkikita pa ba kayo?”

Bumuntong hininga si Adolph. “Tatlong gabi na ngang hindi eh. Hindi na siya masyadong pumupunta do’n sa kitaan namin. Sa bangka na nga ako halos natutulog maabangan lang siya. Kasi nga ‘di ba, ngayong linggo at sa mga susunod pang araw. Mawawalan na talaga ako ng oras na makipagkita sa kanya.”

“Kailan ba kayo huling nagkita?” muling curious na tanong ni Jin.

“No’ng gabi na niyaya mo ako na mangisda. Pagkatpos no’n, hindi na kaaagad ako nakapunta do’n kasi nga madaling araw na ako nakakauwi galing sa kabilang isla kasama si Grace. Kaya baka siya naman ang nagpunta no’n tapos ako naman ang wala,” naiinis na kwento ni Adolph.

“Ano bang ginawa ninyo kasi no’ng last kayong nagkita?”

“Bakit parang sobrang interesado ka?” takang pansin naman ni Adolph. Naging sunud-sunod kasi ang tanong nito. Kilala niya si Jin, ito ang kahuli-hulihang kaibigan niya na hindi magiging interesado sa lovelife o sex life niya.

“W-wala lang. Siyempre, gusto ko lang malaman kung ano. Kung naka-iskor ka na ba sa kanya,” sagot naman ni Jin.

“Hindi pa nga eh.” Kumamot si Adolph sa ulo nang maubos ang kinakaing lugaw. Inabot niya ang toothpick. “Pumakipot bigla, t*ng-ina. Ni ayaw magpahalik.”

“T-talaga?” Hindi pa man masyadong nalalasahan o nangunguya ni Jin ang lugaw ay bigla niya iyong nalunok. Naalala na naman niya ang araw na muntik niya nang mamolestya ang maganda tuirsta. Lalo na ang takot na nakita niya sa mga mata nito.

“Oo pare, ewan ko ba. Panay naman hawak sa katawan ko,” natatawa pero medyo naiinis pa ring kwento ni Adolph. “Hindi ko alam kung pinapalibog lang ba ako o ano. Isa lang sigurado ako eh, konti na lang bibigay siya na siya sa akin.”

Pinilit na magpatuloy ni Jin sa pagakin kahit parang nawawalan na talaga siya ng gana.

“Favor naman paps,” ani Adolph.

Kumunot ang noo ni Jin bago binaling ang tingin sa katabi. “Ano ‘yun.”

“Mapapadalas na kasi ang pag-uwi ko ng madaling araw. Baka nga doon pa kami matulog ni Grace sa kabilang isla para sa pag-aayos ng mga papeles naming dalawa. Kung bakit kasi walang munisipyo dito sa atin.”

“Ano nga ‘yung favor mo?” Naiinip na si Jin sa susunod na sasabihin ng kaibigan.

“Bantayan mo naman si Rose habang wala ako. Mahirap na baka may gagong taga-rito pa na makauna sa akin sa kanya,” tugon ni Adolph.

“T-teka. Bakit ako?!” gulat na muling tanong ni Jin.

“Alangan namang kay Harris. Tang ina, eh type na type din no’n si Rose eh.” Nakaramdam ng inis si Adolph nang maalala kung paano tingnan ni Harris si Rose noong huling gabi ng burol ni Mel. Nanggagalaiti siya sa galit na pilit niyang itinatago nang hindi niya magawang lapitan ang magandang turista dahil kasama niya noon si Grace. Nabakasana naman niya ang kakaibigang pagtaas ng boses ni Jin. Nakataaas ang isang kilay na sinalubong niya ang tingin nito. “Wala ka namang gusto sa kanya ‘di ba?”

Kaagad na ibinalik ni Jin ang tingin sa kaharap na lugaw. Sumubo pa siya bago sumagot habang may laman ang bibig. “Siyempre wala! parang gago ‘to. Alam mo namang hindi ko type mga gano’ng hitsura.”

“Mabuti naman,” nakangising sabi ni Adolph.

Hindi alam ni Jin jung bakit medyo kinabahan siya sa sinagot na iyon ni Adolph. Para bang may pagbabanta ang dating no’n sa kanya.

“Manang, isang lugaw nga po na may laman.”

Napapitlag at kaagad na napalingon si Jin kay Jojo na biglang umupo sa kabilang tabi niya. Natawa pa ito nang mabakasan ang pagkagulat sa mukha niya.

“Nerbyoso mo yata masyado, Jin,” pansin ni Jojo bago inabot ang mainit-init na lugaw mula sa tindera.

“Bigla ka na lang kasi sumusulpot dyan,” si Jin naman ang natatawang sumagot.

“Akala ko ba sarado na ang kaso nina Mel, bakit nandito ka?” tanong ni Adolph habang nasa bibig ang toothpick na kinuha niya.

“Wala lang. Gusto ko lang makasigurado na wala na ulit mangyayaring gulo na kagaya no’n dito sa isla.” Saglit na hinipan ni Jojo ang kinutsarang lugaw bago iyon isinubo.

Idinura naman ni Adolph ang toothpick na nasa bibig niya at sarkastikong ngumiti. “At kailan ka pa naging concerned dito sa isla?” Hindi lingid sa kaalaman niya ang ilang krimen na nangyayari sa isla na pilit na itinatago ng mga pulis sa media. Lalo na ng tatay ni Jojo na may mataas ng posisyon.

Napahinto naman si Jojo sa gagawing pagsubo ng lugaw. Ayaw niyang patulan si Adolph dahil alam niyang may bahid ng katotohanan ang sinabi nito.

“Sige na mga paps. Alis na ako.” Paalam ng kulot na binata. Tumayo ito at naunang tinapik si Jin bago si Jojo. “Galingan mo sa pagbabantay dito sa isla,” ani nito habang nang-aasar na ngumiti.

“H’wag mo na masyadong pansinin ‘yun ah. Nang-aasar lang ‘yun,” ani Jin.

Napailing na lang si Jojo. “Ano pa bang bago kay Adolph. Oo nga pala, ‘di ba ang sabi mo kayna Tatay Poncio tumutuloy si Rose.”

Nasamid si Jin at ilang sandali pang naubo nang marinig ang pangalang binaggit ni Jojo. Halos lumabas pa ang kinakain niya sa dalawang butas ng ilong niya. Bakit ba kasi palagi na lang nababanggit ang pangalan ng turistang pilit niyang iniiwasan.

“Uy paps okay ka lang?” hinagod-hagod pa Jojo sa may likuran ang kausap. Hindi niya alam kung matatawa, magtataka o maawa siya sa kakaibang reaksyon nito.

Saglit pang naubo si Jin bago naaayos ang sarili at muling naupo. “O-oo, okay lang ako. Bakit mo pala ba natanong ‘yung tungkol kay Rose?”

Bumalik naman sa kinakain niyang lugaw si Jojo bago muling sumubo. Hindi niya na iyon halos malasahan dahil wala na doon ang isip niya. “Alam mo kasi, pamilyar ang mukha niya eh. Hindi ko lang alam pero parang… parang nagkakilala na kami dati.”

Napalunok ng laway si Jin bago seryosong tumingin kay Jojo. Ganoong-ganoon din ang pakiramdam niya. Para bang sa tuwing magkakaharap sila ni Rose, nade-de javu siya.

“Pero baka feeling ko lang ‘yun. Alam mo na, minsan kaming mga police, O.A. lang mag-isip,” natatawang bawi kaagad ni Jojo.

Hindi naman muling nakasagot si Jin. Habang tumatagal ang turista sa kanilang isla, mas lalong lumalalim ang kabang nararamdaman niya. Mukhang kailangan niya na nga talagang kumilos. Dahil baka may sumunod na namang mapahamak kung wala pa siyang gagawin.