“Siguro pwede na ‘to,” bulong ni Rose habang sinisilip ang mga pinamili sa loob ng hawak na bayong. Hindi nia tuloy napansin na may makakasalubong siyang lalake. “Ay sorry po!”
“Bakit kasi naglalakad na hindi tumitingin sa dinaraanan,” malambing na sabi ng lalaking muntik nang makabunggo ni Rose. Nakahawak ito sa dalawang balikat ng turista upang hindi mawalan ng balanse kanina.
“S-Sir Jojo,” gulat na bati ni Rose nang makilala ang lalaking nasa harapan at nakasuot ng police uniform.
Binitawan na ni Jojo ang mga balikat ni Rose bago ito sinabayan sa paglalakad. “Sabi ko naman sa ‘yo, Jojo na lang.”
Ngumiti si Rose. “Oo nga pala. Anyway, anong ginagawa mo dito? May nangyari ba ulit na masama?” pag-uusisa ni Rose.
“Wala naman. Gusto ko lang mag-check sa paligid baka may mangyari na namang hindi maganda. Lalo na hindi pa namin alam kung kanino o saan galing ang mga drugs na ininom ni Mel,” tugon ni Jojo.
“Pero ‘di ba sarado na ang kaso ng family niya?” muling tanong ni Rose.
“Yep, pero siyempre hindi ibig sabihin no’n dapat hinahayaan ko nang hindi safe itong isla.”
Lihim na mapait na napangiti si Rose na kaagad niyang binawi. Iginuhit niya ang natural na ngiti sa mga labi bago tinapunan ang tingin ang kausap. Saglit na nagsalubong ang mga tingin nila. “Buti ka pa…”
“Anong buti pa ako?” Nakakunot noong tanong ni Jojo. Tanghaling tapat na at mataas na ang sikat ng araw. Sa lilim ng mga puno sila sabay na naglalakad ng magandang turista. Pansin niya ang nakahabol na tingin ng mga lalaking nadaanan nila. Napakasimple lang naman ng suot ni Rose, walking short na maong, sandlas at cropped top. May suot din itong sombrero at nakatali ang buhok. Napakasimple pero malakas ang dating.
“Buti ka pa, totoong concerned dito sa Isla Azul. Siguro masyado ka talagang attached sa mga tao dito. Iba talaga kapag dito lumaki sa isla, nagiging sincere ang pag-aalala. Hindi kagaya ng ibang pulis na pinagtatakpan pa ang mga krimen at kabahuan sa lugar na ‘to.”
Hindi naman kaagad nakapagsalita si Jojo. Medyo na-guilty kasi siya dahil sa mga sinabi ni Rose na halos lahat yata ay totoo.
“Oh, una na ako. Baka kailangan mo pang mag-ikot-ikot eh.”
Muling nagsalubong ang mga tingin nila ni Rose nang magpaalam na ito sa kanya. Nakita niya ang mapait na giti sa mga labi nito na kaagad ding nawala.
“See you, around Jojo” muling paaalam ni Rose bago tinahak ang daan pauwi ng bahay nina Tatay Poncio.
“Rose…” tawag niya. At nang hindi na lumingon ang magandang turista ay siya naman ang nagpatuloy sa paglalakad sa ibang direksyon. May maliit na bagay sa sinabi ni Rose ang nagsisimulang gumulo sa isipan niya ngayon. Hindi niya kasi maalala na kinwento niya sa magandang turista na dito siya sa isla lumaki.
***
“Si Rose ba ‘yun?” bulong ni Jin nang makita ang maputing babaeng makakasalubong niya. Ngayon niya lang ulit ito nakita mula noong araw na muntik niya na itong gawan ng kahalayan. Hindi tuloy niya mapigilan ang biglang pagbilis ng tibok ng dibdib niya kaya kaagad siyang tumalikod at naglakad pabalik.
“Jin?”
Wala siyang balak na pansinin ang pagtawag ni Rose sa pangalan niya pero bumilis ang paglalakad nito at kaagad na nakalapit sa kanya.
“Ang bilis mo namang maglakad. Iniiwasan mo ba ako?”
“H-ha?! Hindi ah!” masyadong mataas ng boses niya kay saglit siyang tumikhim bago muling sumagot sa magandang turista at nagkunwaring natatawa . “Bakit naman kita iiwasan.”
“Uhmm. Hindi ko alam. Kaya nga tinatanong kita eh,” natatawa na ring sagot ni Rose habang sinasabayan sa paglalakad ang binata. “Saan ka pala papunta?”
“Pauwi na,” tipid na sagot ni Jin pero hindi binabalingan ng tingin ang kausap.
Kumunot ang noo Rose. “Eh ‘di ba sa kabila ang daan pauwi sa inyo? Daan ito papunta sa center at sa palengke.”
“Ah, ano kasi… May nakalimutan akong bilhin. ‘Yung kakanin na binilin ni Lolo Ambo,” pagdadahilan ni Jin.
“’Yung paborito nilang binallay ni lola Cita?” nakangiting muling tanong ni Rose.
Nagtatakang ibinaling ni Jin ang tingin sa babaeng kasabay niyang maglakad. “Paano nalamang paborito ‘yun nina lolo?”
Natatawang sinalubong ni Rose ang tingin ni Jin na salubong na ang mga kilay. “Eh ‘di kinwento nila nung nagkita-kita tayo sa center last time. Ikaw Jin, ulyanin ka na.”
“G-gano’n ba? Sorry hindi ko natandaan. Ikaw, saan ka papunta?” balik tanong ni Jin. Nakasuot lang si Rose ng palda at puting blusa na may mga butones sa harapan habang ang buhok ay nakapuyod ng mataas. Napakasimple lang nito pero walang lalaki ang hindi mapapalingon kapag dumaan ang magandang turistang ito sa kanilang harap.
“Kayna Harris.”
‘Bantayan mo si Rose,’ parang biglang narinig ni Jin ang boses ni Adolph sa isipan niya na napahinto sa paglalakad niya. Alam niyang nagkakausap na sina Harris at Rose pero hindi niya naman akalain na mabilis na magiging malapit ang mga ito sa isa’t-isa. “Anong gagawin mo do’n?”
Lumingon si Rose kay Jin bago ngumiti. “Magdadala lang ng mirienda,” tugon ng turista na itinaas pa ang hawak na bayong. “Oh sige Jin, una na ako ha? See you around!”
Naiwang nakahabol tingin si Jin sa papalayong magandang turista na nakangiting pang saglit na kumaway sa kanya. Si Mel… Si Adolph… Si Jojo… Ngayon naman si Harris. Kung hindi ang Isla Azul ang pinapagulo ng presensya ni Rose, ang mga kaibigan naman niya. Pero bakit? Bakit parang silang magkakaibigan ang totoong target ng magandang turista? Kung tama ang hinala niya, anong plano nito sa Isla Azul at sa kanilang magkakaibigan?