“Mukhang tulog na sina Tatay Poncio,” sabi ni Harris nang makababa sila ni Rose nang sasakyan at mapansing sarado na ang pinto at bintana ng bahay.
“Oo nga. Nagpaalam naman na ako sa kanila na baka ma-late ako ng uwi. Nang malaman nga nila na pupuntahan kita, kahit bukas na lang daw ako ng umaga umuwi,” natatawang kwento ni Rose.
“O may permiso ka naman pala sa kanila, eh di tara na sa bahay,” pabirong hinila ni Harris pabalik ng sasakyan si Rose habang hawak ang mga kamay nito.
“Ano ka ba, hindi pwede. Ang sabi ko sa kanila, uuwi ako kaya hahanapin ako ng mga ‘yun kapag napansin nilang wala ako sa kwarto,” nakangiti namang tugon ni Rose. Mula nang sumakay sila ng sasakyan, habang nagda-drive si Harris kanina at hanggang ngayon, halos hindi na nito binitawan ang kamay niya. “Sige na doc, papasok na po ako sa loob baka lalo pa tayong mapuyat pareho.”
Hindi pa rin binitawan ni Harris ang kamay ni Rose nang akmang tatalikod na ito. Bagkus ay hinila pa niya ito at kinibig sa may likuran na dahilan upang magdikit ang mga katawan nila.
“Uhmmm. Yes, doc -” mga halik ni Harris sa labi ang pumutol sa sana ay sasabihin ni Rose. Mas hinigpitan pa ni Harris ang pagkakakabig sa likod niya habang ang isang kamay ay nasa may batok niya na tila nais na mas maramdaman ang katawan at mga labi niya. Muling saglit na naglaro ang kanilang mga dila. At pagkatapos ng halos ilang minuto ay habol ang hininga pero nakangiti pa rin nang maghiwalay na ang kanilang mga labi.
“Sorry, na-miss kaagad kita.” Ikinulong ni Harris ang mukha ni Rose sa mga palad habang ang mga hinlalaki ay patuloy sa paghaplos sa makinis nitong pisngi. Kung pwede lang talaga iuwi na niya si Rose upang mukha nito ang kauna-unahan niyang makikita sa umaga.
Nagkaroon naman siya ng ilang girlfriend noon pero hindi rin nagtatagal, dahil para lagi siyang may hinahanap na hindi niya nakikita o nararamdaman sa mga naging karelasyon noong college o bago siya maging ganap na doktor. At kung anoman itong nararamdaman niya ngayong kayakap si Rose ay napakapamilyar. Para bang naramdaman niya na iyon pero hindi niya alam kung kailan at kanino. Isa lang ang sigurado siya, hinding-hindi na siya papayag na maagaw si Rose ng kaninoman mula sa kanya.
“Harris, matutunaw na ako sa ginagawa mong pagtitig sa akin,” natatawang sabi ni Rose. Kahit gaano niya kagustong paunlakan ang imbitasyon ni Harris sa bahay nito, makulong sa mga bisig nito buong gabi at magising sa mga halik nito sa umaga ay hindi pa pwede. May tamang oras para doon. May tamang oras para sa personal niyang nararamdaman. At hindi ‘yun ngayon.
“Kita tayo bukas?”
“Uhmm, depende,” tugon ni Rose habang nagpapa-cute na ngumiti. Nakabilanggo pa rin sa mga kamay ni Harris ang mukha niya.
“Depende saan?”
“Depende kung mararamdaman ko na nami-miss mo na ako.”
“Oh c’mon!” Hindi alam ni Harris kung matatawa ba siya o maiinis. Ngayon lang siya tila nababaliw ng ganito sa isang babae, kaya hindi pa man sila nagkakahiwalay ay parang hahanap-hanapin niya na kaagad ang mga labi at yakap nito. “Ano pa bang dapat kong gawin para iparamdam sa iyo na ngayon pa lang…” nagbitaw pa siya ng malalim na buntong hininga bago malambing na pinisil ang pisngi ni Rose. “Sobrang nami-miss na kita.”
Hindi naman napigilan ni Rose ang paglapad ng mga ngiti niya. “Sige na, naniniwala na po ako. Pwede na po ba akong pumasok sa bahay?”
“Magkikita tayo bukas?” muling pangungulit ni Harris.
“Kapag nagising ako ng maaga. Ilang araw na kaya akong napupuyat para lang ligawan ka. Sobrang pakipot mo kasi,” natatawa pang tugon ni Rose. Iba si Harris kumpara sa mga kaibigan nito lalo na kay Adolph. Si Adolph kasi alam niyang mabilis bumigay. Kung hindi pa nga niya nagagawang iwasan ang mga halik nito ay baka nauna nang may nangyari sa kanila. Hindi kagaya ni Harris na kailangang siya pa ang humalik bago ito tuluyang bumigay at mahulog sa bitag niya.
Ang binatang doktor naman ang natawa. “Sige na nga, hindi na kita pipilitin. Magpahinga ka muna kasi medyo…” hininaan nito ang boses. “Napagod kita kanina.”
“Loko! Ikaw nga ang napagod eh.” Kumalas na si Rose sa pagkakayakap ni Harris pero hindi nito binitawan ang kamay niya. “So, pwede na ba akong pumasok sa loob?”
Hinalikan muna ni Harris ang mga kamay ni Rose kahit ang mga labi talaga ng turista ang gusto niyang hagkan. Baka kasi mahirapan na naman siyang bitawan ito kapag muling nagkalapit ang mga katawan nila. “Good night.”
Hinaplos ni Rose ang mukha ni Harris bago siya naman ang humalik sa mga labi nito. Banayad at walang halong kapusukan. “Good night, doc.”
Hindi na muli pang pinigilan ni Harris nang bumitaw na ang kamay ni Rose. Sarili niya na lamang ang pinigilan siya na muli itong habulin at yakapin. Nakangiti na lamang niyang inihatid ng tanaw si Rose na kumaway pa sa kanya bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay. Malapad na ang ngiti sa mga labi niya nang bumalik sa kotse. Napapailing na napasuntok pa siya sa hangin. Kahit hindi siya sigurado kung anong label na ba ang meron silang dalawa ngaayon, sobrang saya pa rin ng pakiramdam niya. Para bang first time niyang magka-girlfriend. “F*ck! Bakit kasi sobrang nakakabaliw ka, Rose!?” napapangigiti pang bulong ni Harris bago binuhay ang makita ng sasakyan.
Maingat at tahimik namang tumuloy na sa kwarto si Rose upang hindi magising ang mag-asawang matanda. Tumuloy siyang umupo sa may harap nang salamin at pinagmasdan ang sariling repleksyon. Hinaplos niya ng isang kamay ang mukha pababa sa may leeg niya. At kasunod nang pagguhit ng ngiti sa mga labi niya ay ang mabiilis na paglandas ng luha sa magkabili niyang pisngi. Nagimula ring lumalim ang paghinga niya hanggang sa makita na lang niya ang sarili niyang tahimik na umiiyak habang nakayakap sa sarili.
“Pa… Ma… Nonoy… Para sa inyo po lahat ng ginagawa ko ngayon. Sana po… Sana mapatawad ninyo ako.”