noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 24

Ch. 25 / 98 Feb 05, 2022

Pinagmasdan ni Rose ang sarili sa kaharap na salamin. Naglagay siya ng liptint sa mga labi upang maging mukhang natural ang pula noon, ipinuyod niya ng mataas ang buhok at nagsuot ng black na spaghetti na pinatungan ng puting jacket at tinernuhan ng maiksing maong na palda. Ngumiti siya. “Perfect!”

“Anak, aalis na kami ni Poncio,” sigaw ni Nanay Harwina mula sa labas ng kwarto ni Rose.

Saglit pang naglagay ng kaunting blush on sa pisngi si Rose bago lumabas ng kwarto.

“Oh, saan ka pupunta? Akala ko ba ay dito ka lang muna sa bahay at napuyat ka kamo kagabi,” takang tanong ni Tatay Poncio nang makitang bihis na bihis si Rose.

“Sasamahan ko na po kayo sa clinic ni Doc Harris,” nakangiting sagot ni Rose.

Tuwing unang linggo ng buwan ay nagbubukas ang clinic ni Harris na nasa loob ng center na ipinatayo ng mga magulang nito. Libre ang check up at mga gamot kaya hindi iyon pinapalampas ng dalawang matanda.

“Mukhang pinaghandaan mo ang umagang ito ah,” nakangiting puna ni Nanay Harwina.

Nag-init ang pisngi ni Rose. Napasobra yata ang make up niya. “Hindi naman po masyado Nanay Harwina.”

“Alam mo anak, kahit naman hindi ka maglagay ng kolorete sa mukha mo ay tunay na maganda ka,” sabi naman ni Tatay Poncio.

Saglit pa silang nagbiruan na tatlo bago nagyaya nang umalis si Tatay Poncio dahil sigurado daw na kahit maaga pa ay mahaba na ang pila sa center para sa libreng check up ni Harris.

Sabay-sabay sila na lumabas ng bahay at nagsimulang maglakad patungo sa center na ilang kilomotero lang layo mula sa bahay. Hindi nga nagkamali si Tatay Poncio, dahil Lunes ngayon at unang araw ng pagbukas ng clinic ni Harris ay mahaba na kaagad ang pila na umabot na sa labas ng clinic. Mabuti na lang at may malaking tolda doon at mga upuan kaya hindi naiinitan ang mga nais magpa-check up. Kaagad naman na silang nagpalista at pumila.

“Bakit parang hindi nagalaw ang pila?” takang tanong ni Rose nang mapansing may dalawampung minuto na silang nakaupo. Tumayo siya at nagpaalam sa dalawang matanda na kasama at sinabing sisilip lang siya sa loob. Pagpasok niya pa lamang sa may lobby ay mahaba na rin kaagad ang pila. Bakas sa ibang pasyente na karamihan ay matatanda na naiinip na ang mga ito. May dalawang babae doon na may edad na rin na nag-aassist sa ibang pasyente at halatang natataranta na. Nakita niya rin si Jin na may kasamang dalawnag matanda na tant’ya niya ay nasa mahigit otsenta na ang edad. Hindi niya mapigilan ang mapangiti nang punasan ng matandang lalaki ang noo ng matandang babae.

“Hi Jin,” nakangiting bati ni Rose nang makalapit.

“Oh Rose, bakit nandito ka?” takang tanong naman ni Jin na nakaupo sa tabi ng matandang lalaki.

“Sinamahan ko kasi sina Tatay Poncio, nasa labas pa sila ngayon at nakapila,” sagot ni Rose.

“Siya ba ang girlfriend mo Jin na hindi mo pinapakilala sa amin?” tanong naman ng matandang babae na si Lola Cita pagkatapos isuot ang salamin sa mga mata at tumitig sa estrangherang babaeng lumapit sa apo niya.

“Lola, hindi ko siya girlfriend,” kaagad na sagot ni Jin. “Siya po ‘yung turista na na tumutuloy ngayon kayna Tatay Poncio at Nanay Harwina.”

“Ah, ikaw ba ‘yung magandang turista sinasabi nila. Totoo nga ang balita, kahit isang mata ko na lamang ang nakakakita ngayon ay hindi maipagkakailang napakaganda mo iha,” puri ng matandang lalaki na namumuti na ang isang mata. Si Lolo Ambo.

“Hello po lola, ako po si Rose. Pwede po ba akong mag-mano sa inyo ni lolo?” nakangiting tanong ni Rose.

“Aba’y oo naman.” Iniabot ni Lola Cita ang kamay kay Rose.

Nagmano naman si Rose sa dalawang matanda.

“Hindi ka lang magandang bata, napakagalang mo pa. Kaya ikaw Jin, kapag naisipan mo nang mag-nobya, ganitong babae ang hahanapin mo ah,” paalala ni Lolo Ambo.

“Lolo naman, kung ano-anong sinasabi.” Iniiwas ni Jin ang tingin kay Rose. Hindi pa rin kasi talaga siya komportable sa presensya nito. Pero kaagad niyang napansin ang mga tingin at ngiti ng dalaga sa Lolo at Lola niya. Hindi iyon ang mga ngiti at tingin na madalas niyang nakikita sa mukha ni Rose. Para bang tuwang-tuwa ito na makita ang kinagisnan niyang mga magulang na sina Lolo Ambo at Lola Cita.

“Salamat po Lolo. Sige po, papasok po muna ako sa clinic ni Doc Harris at titingnan ko kung may maitutulong po ako sa kanya sa loob,” paalam ni Rose. Ramdam kasi niya ang kakaibang titig na ginagawa ni Jin sa kanya. At bago pa siya mahalata nito ay kailangan na niyang makaiwas. Naglakad na siya patungo sa may pinto ng clinic ni Harris at kinatok iyon.

“Aling Emma, hindi pa po ako tapos dito. Tatawagin ko na lamang po kayo mamaya,” boses ni Harris mula sa loob.

Binuksan na ni Rose ang pinto na hindi naka-lock at nakita niya si Harris na bine-bendahan ang paa ng kaharap nitong matandang lalaki. Maluwag ang clinic ni Harris at may mahabang sofa sa loob na bukod pa sa dalawang upuan na nakapwesto sa harap ng table nito. Ang matandang lalaki ay nakaupo sa isa sa dalawang upuan na iyon.

“Hi Doc.” May pag-aalinlangan na bati ni Rose. Bukod sa matandang lalaki na ginagamot ni Harris ay may dalawang pang matanda na nakaupo sa mahabang sofa na tila naghihintay rin na gamutin nito. Ang isa ay may kalong pang bata na may tumutulong malapot na likidong kulay berde mula sa ilong.

“Oh Rose!” gulat na tugon ni Harris. Saglit niyang ibinaling ang tingin sa kaharap na paang binbendahan at ginupit na ang puting tela bago tumayo. Sinabihan niya ang pasyente na maaayos na ang sugat nito at kumuha na lamang ng gamot sa labas ng clinic niya. Tinanggal niya na rin ang facial mask na suot bago pinalapit si Rose sa may lamesa niya habang siya naman ay nagsusulat sa papel na nasa clipboard. “Kasama mo ba sina Tatay Poncio?”

Tumango si Rose. “Oo, nasa labas sila at nakapila na rin.”

“Naiinip na ba sila? Pasensya na kamo kasi wala ‘yung nurse ko. Nahihirapan din sina Aling Emma kasi hindi sila marunong kumuha ng blood pressure kaya eto, multi- tasking ako,” sagot pa ni Harris na may ilang butil ng pawis sa noo.

“Kailangan mo ng tulong?”

Huminto sa pagsusulat si Harris at itinaas ang tingin kay Rose, nakangiti siyang umiling. “No, hindi na. Kaya ko naman ito.”

“Marunong akong mag-blood pressure, magtimbang at kumuha ng dugo. Saka actually, medyo mahaba na talaga ang pila sa labas at mukhang natataranta na rin ang mga kasama mo, doc.”

Saglit na nag-isip ang doktor habang nakatingin sa mukha ni Rose. Ayaw niya sanang abalahin ito pero mukhang kailangan niya nga ng tulong. Bumuntong hininga siya bago ngumiti. “Sige, I think you’re right. Kailangan nga kita… I mean, kailangan ko ng tulong mo.”

****

“Last patient na ‘yun doc,” sabi ni Aling Emma kay Harris.

Tinapos muna ni Harris ang sinusulat bago hinarap si Aling Emma at inabutan ng pera. “Sige po Aling Emma, mag-miryenda na po muna kayo. Salamat po ulit sa tulong ninyo.”

“Wala ‘yun doc. Kami nga ang dapat na magpasalamat dahil sa libreng check up at mga gamot po na binibigay ninyo,” sagot ng ginang na halos ka-edad ng mommy ni Harris.

“Walang anuman po, Aling Emma. Alam ninyo naman pong malapit sa puso ko ang isla na ito kaya hindi pwede hindi ko ito gagawin dito sa lugar natin,” sagot ni Harris.

“Salamat ulit doc, oh siya lalabas muna ako at magpapabili ng miryenda para sa iba pang tumulong sa atin kanina,” paalam ni Aling Emma.

“Sige po Aling Emma,” tugon ni Harris nang biglang may maalala. “Aling Emma, pakisabi nga po pala kay Rose na pumasok dito kapag tapos na po siya sa pag-aayos ng mga gamot.”

Tumango si Aling Emma at tuluyan nang lumabas ng clinic.

Pinirmahan na ni Harris ang papel bago binitawan ang ballpen na hawak. Sumandal siya sa inuupuang swivel chair at nag-inat kasunod ang malalim na pagbuntong hininga. Malaking tulong ang nagawa ni Rose sa clinic niya para sa araw na iyon. Bukod kasi sa hindi marunong kumuha ng blood pressure ang ibang napakiusapan niyang tumulong sa clinic ay hindi rin marunong ang mga ito na kumuha ng dugo at magbakuna. Lahat ng iyon ay nagawa ni Rose.

“Doc?” tawag pansin ni Rose na nakasilip sa may pinto na bahagyang nakabukas. “Tawag mo raw ako?”

Ngumiti naman si Harris. “Pasok ka, Rose.”

Tumuloy na umupo si Rose sa harap ng table ng doktor.

Napansin ni Harris ang mataas na pagkakapuyod ni Rose ng buhok kung saan nakatusok ang isang ballpen.

“Naputol kasi ang panali ko doc, kaya ito munang ballpen ang ginamit ko,” sabi ni Rose nang mapansin kung nasaan ang tingin ni Harris.

“Okay lang, may naalala lang ako,” tugon ni Harris. “Thank you nga pala kanina. Sobrang laki ng naitulong mo. Alam mo napansin ko, mukhang sanay na sanay ka sa ginagawa mo kanina?”

“Yes doc, actually. Doktora kasi ang mommy ko. Madalas din ako sa clinic niya dati kaya medyo sanay ako sa na magpaka-sekretarya sa kanya,” tugon ni Rose.

“Talaga? What’s her name? Saka saan ang clinic niya?”

Nakangiting umiling si Rose. “Wala na ‘yung clinic niya matagal na, she passed away five years ago.”

“I’m sorry to hear that.”

“Okay lang doc, I already moved on,” kibit balikat ni Rose. “Nauna na nga pala umuwi sina Tatay Poncio kanina pa. Ipagpaalam ko na lang daw sila sa iyo.”

“Oo nga, hindi ko na sila masyadong naka-kwentuhan kanina sa sobrang pagmamadali ko kasi lalong dumami ang pasyente nung magla-lunch na. Teka, bakit doc na naman ang tawag mo sa akin? Sabi ko naman sa iyo, Harris na lang.”

Ngumiti si Rose. Literal na napagod siyang mag-assist sa mga pasyente ni Harris pero nag-enjoy siya dahil na-miss niyang gawin ang mga iyon. Hindi niya tuloy maiwasan na ma-miss ang kinagisnan niyang mommy. Medyo nawala lang ang lunggkot niya nang sina Lolo Ambo at Lola Cita na ang ina-assist niya kanina. Giliw na giliw ang mga itong makipag-usap sa kanya kaya saglit ding nawala ang pagod niya. “Ang seryoso mo kasi kanina Harris, nakakailang na hindi ka tawaging doc.”

“Kanina lang ‘yun kasi hindi ko ine-expect na hindi pala makakapasok ang nurse at secretary ko, sabay pa sila! Kaya medyo nataranta ako. Wait, may tinta ka ng ballpen dito oh,” kumuha ng tissue si Harris bago tumayo at lumapit sa harapan ni Rose upang punasan ang pisngi nitong may maliit na guhit ng tinta ng ballpen. Nagkalapit din ang mga mukha nila habang pinupunasan niya ang pisngi nito. Hindi niya tuloy maiwasang bumaba ang tingin sa mapulang mga labi ni Rose nang maaamoy ang mabangong hininga ng turista.

Kung kanina ay tissue ang nararamdamamn ni Rose sa pisngi niya ngayon ay buong palad na ni Harris ang humahaplos doon. Bumibilis ang tibok ng puso niya pero nagugustuhan niya ang nararamdamang kaba ngayon.

“Doc Harris?”

Umayos ng upo si Rose at kaagad namang humakbang palayo si Harris sa dalaga nang bumukas ang pinto at sumilip si Aling Emma.

“Doc, nand’yan ang daddy at mommy mo sa labas at inaayos ang bagong dating na mga gamot,” sabi ni Aling Emma.

“S-sige po Aling Emma, lalabas na rin po ako,” tugon ni Harris bago inabot kay Rose ang hawak na tissue. “Lalabas lang ako Rose saglit, baka kasi kailangan nina Mommy ng tulong sa pag-aayos ng bagong dating na mga gamot.”

“Tutulong na rin ako,” prisinta ni Rose.

Umiling si Harris. “H’wag na, magpahinga ka muna dito. Babalik din ako kaagad.”

“Okay, sige,” kibit balikat na lang ni Rose.

Naiwan si Rose sa loob ng clinic. Tumayo siya at lumapit sa may malaking salamin na nakasabit sa dingding at sinimulang punasan ng hawak na tissue ang pisngi niya na sinadya niyang sulatan kanina. Halos katatanggal lang niya ng tinta nang muling bumukas ang pinto. “Oh Harris, ang bilis mo –” Napahinto siya sa pagsasalita nang hindi si Harris ang nakita niyang pumasok. Nag-igting ang kanyang mga panga, kumuyom ang kanyang mga kamay at pinilit niyang pigilan ang pagwawala ng kanyang mga luha. Kasunod ang pilit na pagguhit na matamis na ngiti sa kanyang mga labi. “K-kap...”

Ngumiti si Kap Henry.

“N-nasa labas po si Harris at tumutulong sa pag-aayos ng mga bagong dating na gamot daw po para sa dito clinic,” ani Rose. Napaatras pa siya sa lalong paglapit ni Kap Henry sa kinatatayuan niya.

“Ikaw talaga ang ipinunta ko dito, iha. Narinig ko ang ginawa mo kanina… Salamat sa pagtulong sa anak ko at sa mga pasyente niya,” sabi ni Kap Henry.

“Wala po ‘yun, sinamahan ko rin naman po sina Tatay Poncio at Nanay Hawrina dito para magpa-check up,” ani Rose. Muli siyang humarap sa salamin at nagkunwaring pinupunasan ng tissue ang pisngi niya kahit wala na ang tinta ng ballpen doon.

Pumwesto naman si Kap Henry sa likod ni Rose at tumingin sa repleksyon ng dalaga. Hinawakan pa ng kapitan ang mga balikat ni Rose. “Alam mo pamilyar ka. Mula nang makita kita noong ipinakilala ka sa amin ni Harris, nasabi ko na noon sa asawa ko na parang napakapamilyar ng mukha mo.”

“Talaga po?”

“Oo, pero baka nagkakamali lang ako. Dahil sa totoo lang, napakaganda mo pala sa maalapitan. At wala pa yata akong nakikita na kasing-ganda mo sa tanang buhay ko.”

Naramdaman ni Rose ang pagpisil ni Kap Henry sa mga balikat niya. Pasimpleng siyang huminga ng malalim bago humarap dito at ngumiti. Ngiti na ginagamit niya upang makapang-akit ng lalaking gustung-gusto niyang patayin. “Salamat po.”

Muling bumukas ang pinto ng clinic at pumasok si Tita Lani na kasunod si Harris. “Narito pala ang savior ng anak ko para sa araw na ito,” magiliw na sabi ng ginang na bumeso kay Rose. “Salamat sa pagtulong mo sa anak ko, hija.”

Kaagad namang umatras si Kap Henry mula kay Rose.

“Walang anuman po ‘yun tita, wala rin naman po akong gagawin ngayon kaya malaking bagay na rin para sa akin ang makatulong kay Harris,” tugon ni Rose.

“Mom, napakagaling niya kanina. Parang mas nurse pa nga siya kumilos kaysa kay Abegail.” Ang nurse sa clinic na iyon ang tinutukoy ni Harris na hindi nakapasok dahil sa pagsakit ng tyan nito.

“Napakswerte talaga ng anak ko at sinamahan mo sina Poncio kanina. Kung hindi, malamang ay hindi pa ubos ang pasyente niya hanggang ngayon. Alam mo Rose, bakit hindi ka na lang sa bahay maghapunan ngayon?” anyaya ni Tita Lani. “Masuklian ko man lang ang ginawa mo para sa anak ko.”

“Naku, hindi na po tita. Hindi na po kailangan,” kaagad na tanggi ni Rose.

“I insist hija, magluluto ako ng masarap na kare-kare at adobo para sa dinner mamaya kaya doon ka na sa amin maghapunan. Ipapahatid na lang kita kay Harris pauwi kayna Poncio,” muling pangungumbinsi nina Tita Lani.

“Oo nga naman hija, masarap magluto ang asawa ko. Sigurado akong magugustuhan mo ang lahat ng ihahain niya mamaya,” dagdag ni Kap Henry.

Lalong napangiti si Rose nang makita ang kakaibang tingin sa kanya ng kapitan.

“H’wag kang mag-alala, ihahatid kita pauwi kayna Tatay Poncio, Rose. Minsan lang kaya magluto si Mommy for dinner kaya sana mapagbigyan mo siya,” sumali na rin si Harris.

“Mukhang na-corner ninyo na ako ah,” kunwa’y natatawang tugon ni Rose bago bumaling sa mag-asawa. “Sige po, medyo nami-miss ko na rin po ang kare-kare at adobo na lutong bahay,” nakangiting sagot niya habang may kakaibang kislap sa kanyang mga mata. Lahat ay tila sadyang umaayon sa mga plano niya.