noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 21

Ch. 22 / 98 Feb 05, 2022

“Sina Lani at Kap Henry ang kasama ni Harris na kausap mo kanina hindi ba, Rose?” tanong ni Tatay Poncio. Nakita nito ang dalaga na kausap ang tatlo pero na hindi na lumapit pa.

“Opo, sina ma’am – ay ayaw nga pala niya magpatawag daw na ma’am… Basta ‘yung mommy at daddy po ni Harris,” sagot ni Rose. Nakadalawang tasa siya ng kape sa burol pero nang alukin siya ng kape ni Nanay Harwina nang makauwi sila ng bahay ay hindi na siya tumanggi pa. Masarap kasi itong magtimpla ng kape. Nagtatalo ang tamis at pait na gustung-gusto niya.

“Mabait si Lani, sa kanya nga yata nagmana ng kabaitan itong si Harris. Pero si kap,” napailing na lang si Tatay Poncio. Ngumiti ito pero mapait. Hindi dahil sa kape kung hindi dahil sa mapait na alaala.

“Poncio, h’wag mo ng bigyan pa ng kahit na anong negatibong bagay si Rose habang nandito siya sa isla,” saway naman ni Nanay Harwina bago bumaling kay Rose. “H’wag mo na lang pansinin ang sinasabi ni Poncio tungkol kay kap. Pero totoo namang mabait si Harris at Lani. Bata pa lang kami ni Lani ay magkakilala na kami. Namasukan din kasing katulong ang nanay ko noon sa kanila kaya halos sabay kaming lumaki. Sabay din kami halos bumuo ng pamilya at nauna lamang siya ng kaunti na magkaroon ng anak.”

Nabakasan ni Rose na unti-unti na namang naging malungkot ang boses ni Nanay Harwina. “Pero ang gwapo po pala talaga ni Harris sa malapitan ‘no? Hindi ko kasi siya masyadong natitigan nung unang beses na nagkita kami dito kasi nahihiya akong tumingin sa kanya,” pagbabago niya sa paksa ng usapan.

“Ay oo, gwapo talaga ang batang iyon! Mabait pa. May clinic ‘yon sa may palengke. Madalas nga ay hindi na siya nagpapabayad sa mga tagarito.” Kaagad na bumalik ang sigla sa boses ng matandang babae.

“Talaga po? Mabait na gwapo pa,” sagot ni Rose.

“Pihikan pa sa babae ang batang ‘yon. Sakto nga sa iyo, Rose. Hamo’t sa susunod na magkita kami ay sasabihin kong dalawin ka dito,” biro naman ni Tatay Poncio.

“Naku, ‘Tay Poncio h’wag po at baka isipin niya na kagaya ako ng mga nakikilala niyang babae sa Maynila na mabilis makuha. Pihikan din po ako sa lalaki,” natatawang namang sagot ni Rose.

“Maiba ako, hindi ba’t nagkakilala na rin kayo ni Mel?” pag-uusisa ni Nanay Harwina bago humigop ng kape.

“Opo, ‘Nay. Mabait rin po ‘yun si Mel. Palabiro at makwento. Madalas niya po akong ipasyal sa ilog mabato,” kwento naman ni Rose.

“Kawawa rin ang batang ‘yon. Nabanggit niya na rin siguro sa iyo ang tungkol sa mga magulang niya,” si Tatay Poncio naman ang nagsalita. Paubos na ang kapeng iniinom niya. Kilala niya kasi si Mel bilang isa sa pinakamaloko at magiliw na kaibigan ng anak nila ni Nanay Harwina. At naniniwala siyang hindi talaga ito isang drug addict.

“Opo, nakwento niya po ang tungkol sa mga magulang niya. Siguro po sa sobrang bigat ng nararamdaman niya, hindi niya na rin napigilan na gumamit o uminom ng ipinagbabawal na gamot. Kahit saglit pa lang po kami nagkakakilala, alam ko po na hindi siya isang drug addict,” sabi ni Rose, ininom niya na ang natitirang laman ng tasa niya bago iyon ibinaba sa kaharap na lamesa at saglit na napatulala. Walang naging kasalanan si Mel sa kanya, pero wala ring naging kasalanan ang pamilya niya… Patas lang sila. Kung ano man ang nagyari dito, karma ‘yon ni Mang Celso. Oo, karma iyon ng tatay ni Mel.

“Kahit naman ako, naniniwala ako na mabait na bata si Mel at alam ko kung gaano niya kamahal ang mga magulang niya.” Bumuntong hininga si Nanay Harwina. Sinilip nito ang tasa ng kape ng dalawang ka-kwentuhan at nang makitang wala na iyong laman ay inabot na upang ligpitan. “Oh siya, magpahinga na tayong tatlo at madaling araw na. Ako na ang bahalang magligpit sa mga ito.”

Tumayo na rin Rose nang tumayo ang dalawang matanda. “Sige po Nanay Harwina, papanhik na rin po ako sa kwarto. Salamat po ulit sa kape.” Tumuloy na siyang pumasok sa loob ng kwarto niya at ipininid ang pinto. Naupo siya sa upuang yari sa kawayan at humarap sa salamin.

Tinitigan niya ang sariling repleksyon bago napalunok ng laway.

Nakagat niya ang pang-ilalim na labi.

Nagsimulang mangatal ang panga niya.

Naramdaman niya ang saglit na pagkirot ng lalamunan habang pigil ang sarili na maiyak.

Hanggang sa tuluyang hindi na niya napigilan ang mga luhang lumandas sa magkabila niyang pisngi. “Hindi… hindi ako magpapatalo sa konsensya ko. Walang mali sa ginagawa ko. Wala akong kasalanan. Wala kaming kasalanan. Sila… Sila ang may kasalanan sa lahat ng ito. Sila ang dapat na magbayad… Sila ang dapat na mamatay…” Pinunasan ni Rose ang mga pisnging basa ng luha. Pinag-igting niya ang kanyang mga panga kasunod ang pagngiti ng kanyang mga labi. “Sila… Sila ang dapat na mamatay.”