Mabilis na lumipas ang dalawang linggo sa Isla Azul. Nagsimulang tila kinalimutan ng mga tao ang nangyari sa pamilya ni Mel. Isinarado na rin ng mga pulis ang kaso para hindi na sila dayuhin pa ng media at kumalat ang masamang balita tungkol sa isla. Bumalik na muli sa normal ang buhay nina Jin at Adolph na nagsisimula ng maka-move on sa pagkawala ng kaibigan nila.
“Uy Jin, Adolph, thank you sa pagpunta sa birthday ko ah,” sabi ni Fe sa dalawang binata. Birthday niya at wala naman talaga siya balak maghanda. Sadyang si Grace lang ang mapilit na sinagot pa ang mga pagkain bago inimbitahan ang dalawang kababata pati na rin si Vilma. Gusto lang marahil ni Grace na iyabang na naman sa kanila ni Vilma ang boyfriend nitong si Adolph na naging crush niya noong high school.
At dahil maliit lamang ang kanilang bahay para sa kanilang lima ay sa labas na sila naghain ng mga alak at pulutan na adobong manok at inihaw na isda.
“Wala ‘yon. Minsan lang din naman tayo makapag-kwentuhan eh,” tugon naman ni Jin. Alam naman niyang hindi talaga siya invited, kaya kung hindi lang siya kinulit ni Adolph ay hindi talaga siya sasama. Saka gusto na rin niyang mawala kung ano pa man ang naging alitan nila noong huli silang magkausap na kasama si Mel.
“In fairness ang sarap ng adobo ninyo ah,” puri naman ni Adolph na ang totoo ay nagsisimula ng antukin. Maaga kasi siyang gumising kanina upang mangisda. Nawala sa isip niya ang lakad nila ngayong gabi ni Grace para sa birthday ng dating kaklase na si Fe. At dahil alam niyang mao-O.P. siya ay pinilit niyang isama si Jin.
“Siyempre, ako yata ang nagluto ng mga ‘yan,” pagbibida naman ni Grace sa sarili.
Lihim na nagsipaan sa ilalim ng lamesa sina Fe at Vilma. Kanina pa binibida ni Grace ang mga ulam na niluto daw nito kahit ang totoo ay nanonood lang ito sa kanilang dalawa habang abala sa pagluluto. Hindi naman makaangal si Vilma dahil ang perang ginamit nilang pambili ng mga lulutuin ay galing din kay Grace. Ibinaling na lamang niya ang tingin kay Jin at humalumbaba at nagbi-beautiful eyes. “Ikaw Jin, bakit hindi ka pa nag-aasawa? May hinihintay ka?”
Ramdam ni Jin ang pagpapa-cute ni Vilma sa kanya kaya pilit siyang ngumiti. Mukhang lasing na ang katabi niyang babae. “Wala naman.”
“Pero may girlfriend ka?” muling tanong ni Vilma.
Nakangiti namang umiling si Jin bilang tugon bago inabot ang baso ng alak at diretsong ininom.
“Alam mo single din ako.”
Muntik nang maibuga ni Jin ang alak na nasa loob ng bibig niya sa sumunod na sinabi ni Vilma.
Sabay-sabay na nagtawanan sina Adolph, Grace at Fe.
“Uy, bakit kayo tumatawa? Seryoso naman aako ah. No boyfriend since birth kaya ako!” nakalabi pang sabi ni Vilma. “Siguro ang mga type mo ‘yung kagaya nung turista na mestisa no?”
Saglit na tumingin si Jin kay Adolph bago sumagot. “Hindi ako mahilig sa tisay.”
“Ah okay,” tumatangong sabi ni Vilma bago bumaling kay Adolph. “Ikaw Adolph, anong tingin mo do’n sa turista?”
Pasimpleng sinipa ni Fe ang binti ni Vilma. Nakalimutan yata nito kung sino ang gumastos halos ng kinakain nila ngayon.
Tumingin naman si Grace kay Adolph na umiinom ng alak.
Kumibit balikat si Adolph. “Sakto lang. Mukhang babaeng naligo sa gluta ba tawag ‘dun. Tapos ‘yung ilong parang retokada sa tangos. Kaya siyempre dito pa rin ako sa original ang ganda.”
Ngumiti na si Grace nang akbayan siya ni Adolph at halikan sa pisngi. “Ano ba Adolph, nakakahiya,” kunwa’y saway niya.
Pasimple namang nginiwian ni Vilma si Fe bago bumaling kay Jin. “Wala ka pa bang balak mag-asawa Jin?”
‘Shit naman. Akala ko, tapos na,’ naiinis na bulong ni Jin bago pilit na ngumiti ulit kay Vilma at umiling. “Wala pa.”
“Sayang naman. Ako kasi, may balak na sanang mag-asawa.”
Sa ikalawang pagkakataon ay muntik nang maibuga ni Jin ang alak na iniinom. Mukhang hindi siya matutunawan sa ginagawang pagtitig sa kanya ni Vilma. Tumingin na siya sa suot na lumang relo. “Paps, medyo gumagabi…”
Kumunot naman ang noo ni Vilma, kumilos ito at idinikit ang sarili kay Jin bago hinawakan ang kamay ng binata at tiningnan ang relo na suot nito. “Alas-diyes pa lang. Maaga pa.”
Dahan-dahan namang binawi ni Jin ang kamay niya at bahagyang lumayo mula kay Vilma. “Late na para sa lolo at lola ko na nasa abahay.” Sumimple siya ng sensya kay Adolph na umuwi na sila.
“Mukhang may curfew ang kaibigan ko mga girls at kailangan ko na siyang iuwi,” ani Adolph. Sa bahay kasi nina Fe matutulog si Grace dahil magge-girl’s talk pa raw ang mga ito. Kinuha ni Adolph ang bote ng alak bago tatlong beses na lumagok ng laman mula doon saka ibinalik sa lamesa.
“Ano ba ‘yan bitin naman,” reklamo ni Vilma nang tumayo na si Jin.
“Uuwi na kayo?” tanong naman ni Grace kay Adolph.
“Yep, kinulit ko lang kasi itong si Jin na sumama sa akin. Baka mapagalitan pa nina Lolo Ambo nang dahil sa akin,” sagot naman ni Adolph na tumayo na rin.
“Uhmm. Okay,” nakalabing tugon naman ni Grace.
“H’wag ka ng magtampo mahal. Bukas naman sa inyo ako manananghalian,” sabi ni Adolph na hinimas-himas pa sa balikat si Grace. “Siguraduhin mo lang na mabango at sariwa ang isdang ipapakain mo sa akin bukas ah.”
“Shhh mahal, nakakahiya!” nag-init ang pisngi ni Grace dahil sa sinabing iyon ng nobyo.
Napaismid naman si Adolph. “Sige na mahal, mauna na muna kami ni Jin,” muling paalam nito bago hinalikan sa noo ang nobya at bumaling kayna Fe at Vilma. “Happy birthday ulit Fe.”
“Salamat, ingat kayo pauwi,” tugon ni Fe.
“Balik ka Jin ha! Mami-miss kita kaagad,” habol naman ni Vilma.
Kumaway lang si Jin bago mabilis na naglakad palayo kasunod si Adolph. “Grabe pare, pwede ba h’wag mo na akong dinadamay sa mga ganyang lakad mo,” sabi niya nang makalayo na sila. Malalim na ang gabi at sarado na ang mga kabahayan na nadadaanan nila.
“Oh bakit? Nag-enjoy at nabusog ka naman ah,” natatawang sagot naman ni Adolph.
“Nabusog oo, pero nag-enjoy?! Paps naman, alam mo namang high school pa nangungulit sa akin ‘yung si Vilma.”
“Cute ninyo nga eh. Para kayong high school na nagliligawan,” pang-aasar pa ni Adolph.
“Para kang gago, paps!” napapailing na lang na sabi ni Jin. Biglang siyang kumunot noo nang huminto sa paglalakad si Adolph na ikinahinto niya rin.
“Una ka na paps, dito na ako dadaan,” ani Adolph.
“Babalik ka sa bangka mo? May nakalimutan ka?” tanong ni Jin.
“Wala naman. Papatanggal amats lang,” ani Adolph. Nagsimula na siyang maglakad patungo sa ibang direksyon.
“Paps,” humabol si Jin kay Adolph na nilingon naman siya. Ito ang unang pagkakataon na muli silang nagkasama ni Adolph buhat nang mailibing si Mel. Nagkakasalubong sila at nagkakatanguan lang sa ilang parte ng isla. Ramdam niya kahit paano ay nagi-guilty ito sa huling pagtatalo nilang tatlo nang dahil kay Rose. Kaya nagulat siya at hindi na nakatanggi ng kumatok ito sa kanila at ipagpaalam siya sa lolo at lola niya na isasama sa bahay nina Fe. “’Yung tungkol sa last na pagtatalo natin nina Mel…”
“Okay na ‘yun paps,” kaagad na putol ni Adolph sa sinasabi ni Jin. Alam niya na naman kung saan patungo ang gusto nitong sabihin. “Tahimik na si Mel kung nasaan man siya ngayon kaya mabuti na h’wag na lang natin ibalik ang issue. Sige na paps. Una na ako.”
“Paps saglit lang,” muling pigil ni Jin kay Adolph na lumapit pa dito. Saglit pa siyang nag-isip bago tinapik sa balikat ang kaibigan. Alam naman talaga niya kung saan pupunta si Adolph at kung ano ang gusto nitong gawin. Alam niya kung sino ang gusto nitong makita. Pero hindi na niya ito pipigilan pa. Hindi na siya makikialam pa. “Mag-iingat ka paps.”