noveltoon logo noveltoon
Halik ni Kamatayan

Chapter 97

Ch. 98 / 98 Feb 05, 2022
Prev Next

“Hindi ka pa ba uuwi, anak?” tanong ni Nanay Harwina kay Rose na nakatayo pa rin kung saan inilibing si Jin.

“Mauna na po kayo sa bahay, susunod na rin po ako,” tugon ni Rose. Isang linggo na ang nakararaan mula nang mangyari ang gabi na pinagtangkaan siya ng masama ni Adolph. Nakaligtas siya, si Harris at Jojo mula sa kapahamakan. Pero hindi si Jin pati na rin Adolph.

At pagkatapos niyang umiyak nang matagal nang malaman ang nangyari kayna Jin at Adolph. Sinabi na rin niya kayna Tatay Poncio at Nanay Harwina ang tungkol sa pagkatao niya. Kung sino talaga siya. Hindi makapaniwala ang dalawang matanda hanggang sa nagkaiyakan na silang tatlo.

Sa huling gabi gabi ng burol ni Jin kagabi… Ipinagtapat niya na rin kayna Lolo Ambo at Lola Cita ang lahat at humingi ng kapatawaran sa mga ito. Dahil alam niya na kung hindi dahil sa kanya, hindi mapapahamak si Jin. Hindi niya inaasahan na magagawa pa siyang patawarin ng mag-asawang matanda. Ang buong akala at inaasahan niya at kamumuhian siya ng mga ito. Pero niyakap lamang siya ng dalawa at sinabing, kagustuhan ni Jin na ipagtanggol siya hanggang sa huli.

“Sigurado ka ba na kaya mong mag-isa?” may pag-aalalang tanong ni Tatay poncio.

Tumango si Rose. Ito na rin ang huling araw niya kasama ang mag-asawang minsan niyang itinuring na totoong mga magulang. Ayaw na niyang maging pabigat pa sa mga ito. Ayaw na niyang maging salot pa sa Isla Azul.

Naramdaman naman ng mag-asawa na gusto talagang mapag-isa ni Rose kaya kagaya ng gusto ng babaeng turista, nauna na silang umuwi.

Yumakap ang malamig na hangin sa mga braso ni Rose. Nang maramdaman niyang nag-iisa na lamang siyang nakatayo ngayon sa may puntod ni Jin ay hindi na niya napigilan pa ang sariling mga luha. Kasalanan niya ang lahat ng ito. Kung nakinig na lamang siya nang una pa lamang kay Jin, hindi na sana ito napahamak pa. Hindi na sana ito nawala pa. Bakit kasi naging matigas siya? Bakit naging mapaghiganti siya? Bakit hindi siya nakinig? “I’m sorry Jin…”

“Pwede ba kitang makausap, Cristy?”

Kaagad na pinunasan ni Rose ang mga luha nang malingunan si Mang Delfin na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya. Nagtiim ang bagang niya bago bumuntong hininga. Kung may natitira pang taong nabubuhay ngayon dito sa mundo na labis niyang kinamumuhian bukod sa sarili niya at kay Kap Henry, si Mang Delfin iyon. “Wala na po tayong dapat na pag-usapan pa.”

Maglalakad na sana si Rose palampas kay Mang Delfin nang bigla itong lumuhod sa harapan niya.

“A-Ano pong ginagawa ninyo? Tumayo po kayo d’yan…” biglang sabi ni Rose na hindi makapaniwala sa nakikita lalo na nang bigla nang umiyak ang lalaki.

“Alam kong hindi ko na maibabalik pa ang nakaraan. O ang buhay ng pamilya mo…” umiiyak na sabi ni Mang Delfin. Mula nang makita niya si Rose ay hindi na nawala sn isipan niya ang posibilidad na buhay si Cristy. Hindi niya alam kung paanong pumasok sa isipan niya na maaaring iisang tao lang si Rose at Cristy pero ‘yon ang pakiramdam niya. Hanggang sa nangyari na nga ang krimen na ginawa ni Adolph. At nang kausapin niya ang nag-iisang anak tungkol sa nangyari ay pinilit niya itong paaminin tungkol sa pagkatao ng babaeng turista sa kanilang isla. At hindi nga siya nagkamali. Tama ang hinala niya mula’t sapul pa lamang. “Pero Cristy… Sana… Sana mapatawad mo pa rin ako.”

Pinagmasdan ni Cristy ang lalaking umiiyak sa harapan niya. Muling naluha ang mga mata niya sa hindi niya malamang dahilan. Galit ba siya? Nalulungkot? Nakokonsensya? Hindi niya na alam pa. Ang gusto na lang niya ngayong mangyari… Ay magpatawad kahit napakahirap.

“Kung gusto mong buksan ang kaso ng pamilya mo… tutulungan kita.” Itinaas ni Mang Delfin ang mga tingin upang magkasalubong ang kanilang mga mata ni Cristy. Kita niya ang paghihirap sa mga mata ng baabaeng nagpapanggap na turista. Hindi pa rin siya makapaniwalang nabuhay ito at bumalik sa kanilang isla. Ito na nga siguro ang oras para malaman ng lahat ang totoo. Ang totoong ibinaon niya na sa gitna ng dagat. “Tutulungan kitang linisin ang panglan ni Kap Ryan. Kahit masira pa ang pangalan ko… At kahit makulong pa ako.” Nangangatal na ang mga labi niya habang nagsasalita. Handa na siyang ipagtapat ang totoong nangyari noon kahit pa ang kapalit ay ang pagbawi ng lahat ng titulong ipinarangal sa kanya noon. Kahit pa maging dahilan iyon ng pagkakabilanggo niya sa habambuhay. Basta sa pagkakataon na ito, gagawin niya na ang tama. “Gagawin ko ang lahat Cristy… Gagawin ko ang lahat para mapatawad mo ako… Patawari mo sana ako sa mga naging kasalanan ko sa iyo at sa pamilya mo. Pagbabayaran ko lahat. Kahit mabulok pa ako sa bilangguan. Sorry… Sorry… Sorry…”

Hinawakan ni Rose ang mga kamay ni Mang Delfin at inalalayan itong tumayo. Hindi madali sa kanya ang lahat pero alam niyang ito ang tama at gusto ng pamilya niya na gawin niya. “Ibinibigay ko na po sa mga kamay ninyo ang lahat ng paraan para malinis ang pangalan ni papa. Sa pagkakataon na ito Mang Delfin, hindi lang po si papa ang nagtitiwala sa inyo. Ako kasama na pati ang presnya ng buong pamilya ko. Sana po…” Isang malalim na buntong hininga pa ang binitawan niya habang walang tigil ang paglandas ng mga luha sa pisngi niya. Hawak niya ngayon ang mga kamay ng isa sa mga taong naging dahilan kung bakit nalibing sa dagat ang katarungan para sa ppamilya niya. At ngayon, pinapalaya na niya ang mga kamay na iyon mula sa kanyang galit at paghihiganti. “Sana po mabigyan ninyo ng totoong hustisya ang pagkamatay ng pamilya ko.” Lumunok siya ng laway at humugot ng mas malalim na buntong hininga bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Pinapatawad ko na po kayo, Mang Delfin.”

Lalong naiyak si Mang Delfin nang marinig ang mga salitang napakatagal na niyang inaasam na marinig. Ang salita ng pagpapatawad alin man sa pamilya ng lalaking minsan niyang itinuring na totoong kaibigan. “S-Salamat… Salamat Cristy.”

Dahan-dahan nang binitawan ni Rose ang nangangatal na mga kamay ng lalaki na muling napaluhod sa harapan niya.

“Salamat… Salamat…”

Ramdam niya ang bigat na dinadala ni Mang Delfin ngayon na hinihiling niya na sana ay gumaan kahit paano dahil sa pagpapatawad na ginawa niya. Awang-awa siyang saglit pa itong pinagmasdan. Maaaring biktima lamang din si Mang Delfin kagaya ng papa niya na labis na naging mabait at mapagtiwala sa mga taong itinuring nilang kaibigan. Kung tuparin man nito o hindi ang ipinangakong katarungan para sa kanila, D’yos na ang bahalang magbigay ng magaan o mabigat na parusa para sa kung ano mang nagawa nito sa kanila ng pamilya niya.

Nagsimula na siyang maglakad palayo sa lalaking patuloy pa ring umiiyak. Pinunasan niya ang sariling mga luha. Natupad na niya lahat ng mga plano niya dito sa Isla Azul. At hindi kasama do’n ang pagpapatawad na ginawa niya kay Mang Delfin. Pero alam niyang ‘yun ang gusto ng papa niya na gawin. Ang tanggapin lahat ng nangyari at patawarin ang mga taong naging dahilan ng pagkasira ng buhay niya. Mahirap at mabigat pero kailangan. Gagaan din siguro ang lahat sa kanya pero hindi pa ngayon. At kung kailan man mangyari ‘yon, bahala na….

****

“Aalis ka na ba talaga?” tanong ni Jojo. May benda siya sa ulo ay ilang galos sa mukha. Pinag-drive niya si Rose hanggang sa may malapit sa sakayan ng bangka patawid sa kabilang isla kung saan may mga bumabyheng mga sasakyan papuntang airport.

“Wala na rin namang dahilan para mag-stay ako dito. Masyado ko nang ginulo ang mga buhay ninyo.” Isang malalim na buntong hininga ang binitawan ni Rose at pilit na ngumiti. “Tama na siguro ito, Jojo. Pagod na rin ako eh. Pagod na pagod na.” Siniubukan niyang pigilan ang mga luha pero bigo siya. Muli tuloy siyang napabuntong hininga bago pinunasan ang mga pisngi niya. Wala na siyang naiisip pang dahilan para manatili dito. Isa pa, nagawa na niya ang lahat ng gusto niya. Oras na para palayain niya ang sarili mula sa naging sumpa ng isla na ito sa buhay niya.

Inabot ni Jojo ang kamay ni Rose habang pigil din ang sariling mga luha. “I’m sorry… I’m sorry kung wala akong nagawa noon.” Nabasag na ang boses niya pati na rin ang mga luha niya. Matagal na niya itong gustong sabihin kay Rose pero hindi niya alam kung paano. Mas hindi niya alam kung mapapatawad pa ba siya ng dalaga. Kaya sumang-ayon na lamang siya sa mga plano nito. Ang usapan nilang hinding-hindi siya makikialam kahit ano pa man ang mangyari. Tama si Adolph sa sinabi nito noon. Duwag siya. Wala siyang bayag. Isa siyang inutil na pulis. Kaya nga namatay ang pamilya ni Rose. Kaya namatay pati na ang mga kaibigan niya dahil sa kaduwagan nila ng tatay niya. “Cristy… patawarin mo ako. Patawarin mo sana kami ng tatay ko. I’m sorry.”

Niayakap ni Rose si Jojo na umiiyak na parang bata. Pinunasan niya ang sariling mga luha bago hinaplos ang likod nito. Para sa kanya ay sapat na ang taon na pinagdaanan ni Jojo dala-dala ang isang madugo at mapait na alaala, bilang kabayaran sa kung ano mang naging kasalanan nito sa kanya. Gusto na rin niyang iwan ang lahat ng bigat dito sa Isla Azul. Babalik siya sa Maynila na pinatawad na ang lahat ng mga taong may atraso sa kanya at sa pamilya niya. “Matagal na kitang napatawad, Jojo. Alam ko pati na rin nina Papa, Mama, Nonoy at Lila kung nasaan man sila ngayon. Hindi naging madali ang lahat para sa atin. Pati na rin sa ‘yo. Sampung taon kang nabuhay na dala-dala ang isang alaalang kung pwede lang ay masunog na sa impeyerno at maglaho. At alam ko kung gaano kabigat para ‘yo ang bagay na ‘yon.” Kumalas na sa pagkakayakap si Rose at nakangiting sinalubong ang mga tingin ng binatang pulis habang hawak ang mga kamay nito. “Ngayon, ako naman ang dapat na humingi ng tawad sa ‘yo. Sorry kung… Kung ginulo ko ang buhay mo at buhay ng mga tao dito sa Isla Azul. Kaya eto ang naisip kong paraan para matahimik tayong lahat, ang pag-alis ko dito sa isla. .”

“Pero babalik ka pa rin naman ‘di ba?” tanong ni Jojo. Iniisip niya ang tungkol kay Harris at Rose. Kahit paano ay gusto niya rin sanang maging masaya si Rose. At mangyayari lang ‘yon kapag si Harris ang kasama nito.

Umiling si Rose. “Sa totoo lang, hindi ko alam. Wala na rin naman akong dapat balikan pa eh.”

“Paano si Harris? Paano kayong -”

“Uhmm. Jojo, kailangan ko na yatang bumaba dito sa sasakyan mo. Baka paalis na rin kasi ‘yung bangka na sasakyan ko.” Pinutol na ni Rose ang sinasabi ni jojo dahil alam naman niya kung ano pa ang susunod na salitang bibitawan nito. At hindi na no’n mababago pa ang desisyon niya.

“Cristy…”

Napatingin si Rose sa kamay ni Jojo na humawak sa kamay niya.

Lumunok ng laway si Jojo upang mapigilan ang sarili na muling maiyak. Hindi naman talaga siya iyakin. Sadyang naging malaki lang talaga ang kasalanan niya kay Cristy at sa pamilya nito. “Salamat.”

“Para saan?” tanong ni Rose.

“Sa pagpapatawad mo sa akin,” ani Jojo.

Napangiti si Rose at hinawakan ang kamay ni Jojo bago pinisil. “Tigilan mo na ang pasorry-sorry at pagpapasalamat mo sa akin. Mahirap pero…” Pilit siyang ngumiti. Hindi siya sigurado kung kaya niya ba talaga pero alam niya na ito ang kailangan niyang gawin. Ang kailangan nilang lahat na gawin. “Siguro kalimutan na lang natin lahat ng mga nangyari. Nagkapatawaran na naman tayo. Ibaon na lang natin sa limot ang lahat.”

“Sana hindi kasama do’n ang pagkakaibigan natin. Nandito pa rin ako para sa ‘yo. Bilang kaibigan mo, Cristy.”

NIyakap ni Rose ang binatang pulis. “Mag-iingat ka palagi Jojo. Alagaan mo ang Isla Azul. At lahat ng mga taong nakatira dito.” Naramdaman niya ang pagtugon ni Jojo sa mga yakap niya bago siya bumaba mula sa owner jeep nito. Sinabihan niya na rin ang binata na h’wag na siyang samahan pa sa may pampang. Mas gusto niyang mag-isang umalis sa Isla Azul. Kaya naglakad na siya patungo sa may pampang kung nasaan ang mga bangka. Huminto pa siya saglit bago makarating sa may bangka na naghihintay ng mga pasaherong tatawid sa kabilang isla.

Ipinikit niya ang mga mata bago suminghap. Napakasariwa ng hangin sa Isla Azul. Isa ito sa mga pinakamami-miss niya sa lugar na ito. Ang totoo, hindi lang naman mapait na alaala ang babaunin niya mula dito. Kahit paano, mayroon ding masayang alaala kasama ang pamilya niya, mga kaibigan at mga tao na minsan na rin niya itinuring na kapamilya. Lahat sila na naging parte ng buhay niya ay mami-miss niya. Pero alam niya na lahat din sila ay kailangan na niyang kalimutan. Hindi lang ang mga taong wala na sa buhay niya, kung hindi pati na rin ang mga taong handa sumama sa bagong buhay niya.

Malalim na buntong hininga pa ang binitawan niya bago siya nagpatuloy sa paglalakad.

“Rose…”

Isang mahigpit na yakap mula sa likuran niya ang muling nagpahinto sa paglalakad niya. Kinagat niya ang mga labi kasunod ang pagpikit ng mga mata upang saglit na mas maramdaman ang yakap ng lalaking nasa likuran niya. Ito ang pagkakataon na hinihiling niya na sana hindi na matapos pa. Na sana hindi na mawala ang mga yakap na bumibilanggo ngayon sa katawan niya. Na sana hindi na niya kailangan pang iwanan ang lalaking pinakamamahal niya.

Humugot siya ng malalim na buntong hininga bago pinunasan ang basang mga pisngi. Ginuhit niya ang matamis na ngiti sa mga labi bago kumalas sa pagkakayakap ng lalaking nasa likuran niya at hinarap ito. “Harris…”

Hinawakan ni Harris ang mga kamya ni Rose. Nagkausap na sila kagabi at hiniling nito na sana ay hindi na siya magpakita sa oras na aalis na ito ng Isla Azul. Pumayag siya dahil na rin sa pakikusap nito pero hindi niya pala kaya. Hindi niya kayang hindi makita ang babaeng unang nagpatibok ng puso niya sa huling sandali nito sa islang kinalakihan niya. Hindi niya ito kayang mawala sa buhay niya. “Don’t leave… please.”

Muling ngumiti si Rose. “Napag-usapan na natin ‘to ‘di ba? Nakapagpaalam na tayo kagabi sa isa’t-isa.”

“Pero hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko… Paano tayo? Paano tayong dalawa?” Alam ni Harris na napakagulo na ng sitwasyon sa pagitan nila ni Rose. Napakagulo na ng mga buhay nila pero handa naman siyang maghintay hanggang sa maayos ang lahat. Basta ang gusto niya lang, hindi mawala sa kanya si Rose.

Saglit na kinagat ni Rose ang mga labi upang mapigilan ang sarili na maiyak. Si Harris ang muling bumuo ng pagkatao niyang nawasak noon. At hindi niya alam kung paano niya kakayanin na mabuhay ng wala ito sa tabi niya. Pero ‘yon ang kailangan. Gustuhin niya man na piliing manatili sa isla kasama ang binata, hindi pwede. “Wala naman tayong ibang choice, Harris. Alam mo ‘yun. Kahit kailan hindi pwede na -”

“Pero minahal mo ako, ‘di ba? Minahal mo rin ako kagaya ng pagmamahal ko sa ‘yo,” putol ni Harris sa sinasabi ni Rose. Hindi na importante sa kanya ang nakaraan. Mas importante sa kanya na makasama si Rose o Cristy ng panghabambuhay.

“Importante pa ba ‘yon?”

“Oo!” Hinawakan ni Harris ang mga kamay ni Rose. Mahigpit na para bang hindi na iyon nais pang bitawan. “Importante pa rin ang nararamdaman natin para sa isa’t-isa. Rose, ipagdadamot mo pa ba ang bagay na alam mong pwedeng makapagpasaya sa ‘yo? Nandito na ako oh. Nandito na tayong dalawa. Ipaglaban naman natin ito. Pangatawanan mo naman ang nararamdaman mo para sa akin kahit ngayon lang.”

Nangatal na ang mga labi ni Rose habang hindi na rin napigilan ang sariling mga luha. Gusto naman niya talagang subukan eh. Gusto niyang maging totoong sila at maramdaman ang totong pagmamahal mula kay Harris na para sa totoong pagkatao niyang si Cristy. Pero alam naman niyang wala na rin naman pupuntahan ‘yon. Wala na. “Masyado na kasing magulo, Harris. Masyado ko nang ginulo ang mga buhay ninyo. Kung mananatili pa ako sa isla ninyo, alam ko… Kahit kailan hindi maaayos ang mga buhay ninyo lahat dito.”

“Hindi totoo ‘yan. Kaya nating ayusin ‘to. Kaya natin ng magkasama. Rose please, mahal na mahal kita.” Nagsimula nang umiyak si Harris. Hindi na niya kaya pang pigilan ang mga luha niya at ang totoong nararamdaman niya para sa babaeng pinakmamahal niya. “At alam kong mahal mo rin ako. Isang beses lang oh. Subukan natin… Subukan natin na ayusin ang lahat ng magkasama tayong dalawa,” pakiusap niya pa.

Kinagat ni Rose ang pang-ibabang labi bago dahan-dahang binawi ang mga kamay mula kay Harris na basa na rin ng luha ang magkabilang pisngi. “Gusto ko na ng tahimik ng buhay. At hinding-hindi mangyayari ‘yon hangga’t nandito ako sa isla na ‘to kahit pa magkasama tayong dalawa. I’m sorry Harris pero…” Nagbitaw siya ng mlalim na buntong hininga bago pinunsan ang mga luha. “Wala dito ang buhay ko. Mahal kita pero hindi ko talaga kaya. Hindi ko na kaya pang manatili dito kahit kasama pa kita. Masyado ng magulo ang lahat eh. Masyado nang masakit. Pagod na pagod na pagod na ako. Kaya please, tigilan na natin ‘to… Kalimutan mo na ako.”

“Rose, mahal -”

“Kung mahal mo talaga ako, pipilitin mong makalimutan ako. Dahil sa bawat oras at minutong nananatili ako sa isla na ito, bumabalik lahat ng sakit dito sa dibdib ko. Sa tuwing kasama kita dito sa lugar na ito, pakiramdam ko… Binabalikan ako ng mga inosenteng tao na nadamay sa paghihiganti ko.” Muling pinunsan ni Rose ang sariling mga pisngi. Pagod na siya. Pagod na pagod na siyang maramdaman ng paulit-ulit ang sakit at hirap na bumabalik sa bawat oras na nandito siya sa Isla Azul. Gusto na niyang umalis. Gusto na niyang lumayo. Gusto na niyang kalimutan ang lahat. Gusto na niya ng tahimik na buhay. At hindi mangyayari ‘yon kung kasama niya si Harris. “Mahal kita Harris pero please… Kalimutan na natin ang isa’t-isa. Nakikiusap ako. Tama na… Itigil na natin ‘to. Ayoko na… Pagod na ako. Pagod na pagod na akong masaktan. Please?” Marahan siyang umiling habang patuloy na umiiyak. “Kalimutan na lang natin ang isa’t-isa.”

Hindi na muli pang nakapagsalita si Harris. Kitang-kita niya sa mga mata ni Rose ang sakit at hirap na nararamdaman nito na nagpapalambot sa mga tuhod niya. Ni hindi na niya nagawa pang hawakan ang mga kamay nito nang tumalikod si Rose sa kanya at nagsimulang maglakad palayo. Kahit gaano niya kagusto na muling yakapin si Rose at pigilan ito, sarili na lang niya ang pinigilan niya na gawin iyon. Ayaw na niyang makitang naghihirap at nasasaktan si Rose nang dahil sa kanya. Ayaw na niyang magdusa ito. Baka nga tama ang babaeng pinakmamahal niya, para sa ikatatahimik ng mga buhay nila… Kakalimutan na lamang nila ang isa’t-isa kahit gaano pa kahirap. Kahit gaano kasakit.

Tumuloy na sa paglalakad palapit ng bangka si Rose. Inalalayan siya ng isang bangkero at binuhat ang malaking maleta na dala niya hanggang sa makasakay na siya ng bangka. Ilang sandali pa ay narinig na niya ang pagkabuhay ng makina ng bangkang sinasakyan niya. Hindi niya na nilingon pa ang lalaking kausap niya kanina lang. Hindi na rin niya muli pang nilingon ang isla na lilisanin niya.

Hindi niya inaasahan na magiging ganito kabigat para sa kanya ang gagawin niyang pag-alis sa Isla Azul. Hindi niya alam na magiging ganito kasakit ang katapusan ng kwento nila ni Harris. Kung sakali bang nagawa niyang magpatawad no’ng una pa lang… Pwede pa rin kaya siyang maging masaya ngayon?

Isang malalim na buntong hininga ang binitawan niya kasunod ang pagpunas ng luha sa nabasa niyang pisngi. Pilit siyang ngumiti bago tumingin sa asul na dagat na binabaybay ng sinasakyan niyang bangka. Kung ano man ang sagot sa mga tanong niya, wala na siguro siyang dapat na pakialam pa. Dahil alam naman niya na kahit kailan, hinding-hindi na niya mababago pa ang katapusan ng kwento ng buhay niya.

THE END