“Harris, sandali!” pasigaw na tawag ni Jin nang halos talunin ni Harris ang pagbaba ng sasakyan. Pero hindi ito nakinig na kaagad siyang iniwanan. Lumpit ito sa isang maliit na bahay at inikot iyon upang hanapin ang daan papasok. Bukod kasi sa madilim dahil sa malalim na gabi ay napalilibutan na rin ang kinatatayuan nila nga matataas na mga talahib. Siya naman ang saglit na napalunok habang pinagmamasdan ang bahay na pinuntahan nila. Sira-sira na iyon pero walang bukas na pinto o bintana na pwedeng pasukan sa loob. Saradong-sarado na tila ba sadyang inayos ang mga pwedeng pasukan. Muli siyang napalunok ng laway. Plinano ba ito lahat ni Adolph sa napakaikling oras? “Harris!” muling tawag niya habang lumalakas ang kaba sa dibdib niya. Nilingon niya muna si Jojo na wala pa ring malay sa loob ng kotse bago sumunod kay Harris na patuloy na iniikot ang saradong bahay.
“Ito! Nandito ang pinto!” sigaw ni Harris. Kung ang pagkawala noon ni Cristy ang naging dahilan ng muntik na niyang pagkabaliw, baka tuluyan na siyang masiraan ng ulo kung pati kay Rose ay mapahamak ng wala siyang kahit na anong nagagawa. Naguguluhan pa rin siya pero isa lang ang alam niya, kailangan niyang maliligtas si Rose kahit ano pa man ang mangyari.
“Rose! Adolph?! Nand’yan ba kayo sa loob?” sigaw ni Jin.
Pilit namang inihampas ni Harris ang sariling katawan sa pinto. Pero mukhang nakakandado sa loob. Saglit siyang umalis upang maghanap ng iba pang bagay na pwedeng sumira doon.
“Rose! Rose, sumagot ka kung nand’yan ka sa loob!” muling kinalampag ni Jin ang nakakandadong pinto pero bigo siyang mabuksan iyon.
“Jin! Tabi d’yan!”
Kaagad na tumalima si Jin dahil na rin sa pagkagulat nang makita ang malaking bato na hawak ni Harris.
“Ahhh!” sigaw ni Harris bago malakas ang bwelong inihampas ang malaki at mabigat na bato sa pinto na bigla namang bumukas. Nandilat ang mga mata niya nang makita si Rose na nakatali sa kinauupuan nito, pilit na nagpupumiglas habang may malaking busal sa bibig. “Rose!” Nilapitan niya ang dalaga, pilit na kinalag ang tali pero masyadong makapal ang lubid at mahigpit ang pagkakabuhol. Binalingan niya ang busal nito sa bibig at tinangga iyon na nahirapan pa siya dahil panay ang iling ay galaw ni Rose. Hinaplos ang mga pisngi nitong nanlalagkit na sa pawis at luha. “Rose… Ayos ka lang? Nandito na ako. H’wag kang matakot….”
“H-Harris! Sa likod mo!”
Bago pa nakalingon si Harris ay isang matigas na bagay na ang naramdaman niyang biglang humampas sa may batok niya, kasunod ang pagdilim ng lahat sa kanya.