noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 16

Ch. 16 / 85 Mar 03, 2022

NATAWA NA NAMAN SI JHUSTIN NANG MAKITA ANG spelling ng pangalan ni Makho sa Facebook. Agad niya itong in-accept. Natuwa siya nang makita ang iba pang larawang hindi naka-public sa profile ng kaibigan. Bising-busy siya sa kakahalungkat ng mga larawan habang kasabay na naglalakad sa gilid ng kalsada ang taong inii-stalk.

“Ano’ng tinatawanan mo d’yan?” tanong ni Makho nang mapansin ang maluwang na ngiti sa mukha ni Jhustin.

“Wala,” sagot niya. Isinara niya ang Facebook app at agad na ibinulsa ang cell phone.

“In-accept mo na ba `ko?”

“Oo, friend na kita sa Facebook.”

“Sa Facebook lang?”

Hindi alam ni Jhustin kung paano sasagutin ang kaibigan. Magkaibigan na nga ba sila? Siguro. Puwede naman. Hindi mahirap sa mga bata ang makipagkaibigan sa kapwa bata. Sa matatanda kasi, kung minsan, may kaakibat na kondisyon ang pagiging kaibigan. Trabaho. Pera. Koneksiyon. Negosyo. Pag-ibig? Relasyon?

“Uy, paborito ko!” paiwas na sabi ni Jhustin.

Mabuti na lang at natapat sila sa mga nagtitinda ng sarisaring street food. Sa pagtawid, tabi-tabi ang mga stall ng fish ball, kikiam, squid balls, kwek-kwek, fries, samalamig, shawarma, siomai, siopao, fried noodles at shake.

Sa bandang dulo, malapit sa sakayan ng tricycle at jeep, hile-hilera naman ang mga nagtitinda ng ihaw-ihaw. Sa gitna ng usok ay makikita ang mga stick ng isaw ng manok, isaw ng baboy, pork at chicken barbecue, adidas, betamax, helmet, tuwalya, tokong, at atay.

Pero wala sa mga iyon ang paborito ni Jhustin. Sa gilid ng gate papasok sa compound ng simbahan ay may nakaparadang sidecar. Nakasulat sa kuwadradong katawan nito ang isang salita: Scramble.

“Peyborit ko din `yan!” sabi ni Makho, parang batang nakakita ng nagtitinda ng lobo sa labas ng simbahan.

May isa na naman silang pagkakapareho. Bukod sa ligaw na titik H sa pangalan, mahilig din sila pareho sa iskrambol. Lihim itong ikinatuwa ni Jhustin.

“Tara, libre kita,” yaya niya sa kaibigan.

“Yown!”

Inakbayan ni Makho si Jhustin habang tumatawid papunta sa nagtitinda ng iskrambol. Gumapang ang kilabot sa likod ni Jhustin nang maramdaman ang bigat ng braso ni Makho sa kanyang batok at balikat. Feeling close agad? Ganito ba siya sa iba niyang mga kaibigan?

Sa karanasan ni Jhustin, ito ang unang pagkakataong may ibang taong umakbay sa kanya. Madalas kasi, ang kuya niya ang umaakbay sa kanya kapag mangingiliti ito o kapag manghihiram ng pera. Inaakbayan din siya ng kanyang papa kapag namamasyal sila sa mall. Bukod sa mga kapamilya niya, si Makho pa lang ang gumawa nito sa kanya na para bang matagal na silang magkakilala.

Wala namang kaso iyon sa kanya. Nakakapanibago lang.

Bago makatapak sa bangketa kung nasaan ang tindero ng iskrambol, tumingin muna siya kay Makho. Tumingin din ito sa kanya, nagtaas-baba ng kilay at saka ngumiti. Parang sinasabi nitong “Ayos ba?” o “Libre mo, ha?” Ibinalik niya ang tingin sa dinaraanan. Sa iskrambol.

“Kuya, pabili ng iskrambol,” sabi ni Jhustin sa payat na tinderong mukhang kaedad lang niya. “Dalawang tigsampu.”

“Ay, wala na po.” Napakamot ito sa ulo. Hindi rin makatingin nang deretso sa kanya, halatang nahihiya dahil naubusan ng paninda. “Kauubos lang. Pasensiya na.”

Natawa naman si Makho. “Mukhang inaalat ka ngayong araw, a. Una, late ka. `Tapos, kinumpiska ang cell phone mo. `Tapos ngayon, naubusan ka ng iskrambol. May balat ka siguro sa puwit, `no?”

“Naubusan tayo,” pagtatama niya sa kasama. “Parang s’ya `di na-late kanina.”

“Matik na kasi sa `kin `yon. E, ikaw, perstaym mong ma-late, `di ba? Saka `di naman kinuha ng tuta `yong phone ko.”

“E, di ako na’ng malas.”

Hindi ako malas ngayon, sabi ni Jhustin sa sarili. Sa pangalan siguro, oo. Sa kapatid, puwede rin. Sa pagkaulila sa tatay, oo. Pero hindi ngayon. Kahit pa totoo ang lahat ng sinabi ni Makho, naniniwala siyang susi ang mga kamalasang iyon para magkita silang dalawa. Para makapag-usap. Para makilala pa lalo ang isa’t isa.

Kahit itong pagkaubos ng iskrambol. Baka may suwerteng kapalit ito.

“Alam ko na,” sabi ni Makho. “Tutal nandito na tayo, samahan mo `ko. May ipapakita ako sa `yo. Sure ako, magugustuhan mo do’n.”

Simula pa lang ng mga suwerte sa buhay ni Jhustin.