MAY ISA PANG INIWANG NAKABUKAS SI MAKHO. Pagkatanggal sa tab ng Facebook, lumantad naman ang article na binabasa nito kanina. Kating-kati mang makisali sa mga naglalaro ng BORTA, nagpadala pa rin si Jhustin sa kanyang kuryosidad.
Blog entry pala ang binabasa ni Makho. Kung sa kanya iyon o sa ibang tao, hindi sigurado si Jhustin. Gayunman, pinagtiyagaan niyang basahin ang mahaba-habang post. Nakuha na kasi ng pamagat nito ang kanyang atensiyon.
What people said when I told them
“Bakla ako”
Una akong nag-out sa mama ko dahil siya ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Tinawag ko siya sa kuwarto isang gabi at sinabing bakla ako, sabay takip ng unan sa mukha.
Natawa muna siya bago sinabing, “Alam ko na. Noon pa.”
Siyempre, competitive that I am, hindi ako nagpatalo kay Mama. Habang natatakpan pa ng unan ang mukha, sinabi ko sa kanya, “Alam ko namang alam mo na noon pa.”
Inakala kong magiging madali ang mga susunod na pag-a-out ko dahil nasimulan ko na. Hindi pala. Kinakabahan pa rin ako. Kumakabog pa rin ang dibdib ko at umuurong pa rin ang tae ko sa puwit tuwing may pagsasabihan ako.
Sunod kong sinabihan ang bespren ko. Nag-text siya sa `kin. As usual, may double meaning `yong message niya, na parang sinasabing, `uy, type mo si ano (lalaki), `di ba?’ So, competitive that I am, hindi ako nagpatalo. Ni-reply-an ko siya ng: “Oo, matagal ko nang alam na bakla ako. `Wag mo na `kong ibuking.”
Ang reply niya: “SHEEEEET! NILAGNAT AKO SA TEXT MO!”
Sumunod naman ang kapatid kong babae. Siya ang may pinakamadramang sagot sa pag-a-out ko. Nang sinabi ko sa kanyang bakla ako, hindi siya agad sumagot. Umalis ako. Saka siya nag-text sa akin ng tunay niyang saloobin.
Sabi niya, “Kuya, kahit ano ka pa, mahal pa rin kita. `Wag ka sanang magbabago.”
By “magbabago,” ang akala niya, e, magiging cross-dresser ako at magpapakababae ng kilos at pananalita. Doon ko napatunayang kulang pa talaga ang kaalaman ng mga tao tungkol sa mga bakla at sa ibang miyembro ng LGBT community. `Buti nag-out ako.
Nakakatawa at nakakatuwa ang karamihan ng sinabi ng mga tao sa akin nang mag-out ako sa kanila. May mga kaibigan akong ang sinabi lang, e, “So what?” o kaya naman ay “E, ano naman [kung bakla ka]?” Kaya sobrang saya ko dahil marami akong kaibigang marunong tumanggap at umunawa.
May isang tao lang na hindi ko kinaya ang sinabi sa akin. At siya rin ang una kong heartbreak. Mas bata siya sa akin ng tatlong taon. Pa-graduate na ako nang makilala ko siya. Hindi ko inakalang mahuhulog ang loob ko sa kanya.
Siya lang lagi ang laman ng utak ko. Kapag nasa bus ako, tricycle o jeep, siya pa rin `yong tumatakbo sa isip ko. Walang araw na hindi ko siya iniisip. Hanggang sa dumating ang araw na hindi ko na kayang kimkimin ang nararamdaman ko.
Nakipagkita ako sa kanya sa isang mall. Noong una, ayaw pa niya. Baka nakaramdam na aamin ako sa kanya. So, pinilit ko talaga siya. Binalak ko pa ngang kidnapin siya sa bahay nila kung kinakailangan para lang mailabas ko na `yong nararamdaman ko. `Buti napapayag ko siya sa huli.
Nanood kami ng sine, Ang Panday. Bago magsimula `yong pelikula, doon na `ko umamin sa kanya. Huminga ako nang malalim at humarap sa kanya saka sinabing, “May sasabihin ako. `Wag ka sanang mandidiri o magagalit sa `kin. Bakla ako and I really like you.”
Dead air.
After what felt like a lifetime, ngumiti siya at sinabing “Pare, pulis ako.”
Si Derek Ramsay pala talaga siya, nag-disguise lang kaya hindi ko nakilala. Napatayo ako bigla at tumakbo palabas ng sinehan. Sa pagmamadali ko, nabangga ko ang isang aleng may dalang mga kamatis. Nalaglag ang lahat ng kamatis sa sahig at natapakan ko. `Buti na lang hindi ako nadulas.
Masuwerte ako dahil nakatakas ako kay Derek. Balita ko, `yong sumunod niyang nilapitan, nahuli at naipakulong. Simula noon, kinikilala ko na muna nang mabuti `yong tao bago ako magsabi ng “Bakla ako.” Mahirap na. Baka makabangga na naman ako ng aleng may dalang kamatis. Sayang naman.
Ang lakas ng tawa ni Jhustin pagkabasa sa “Pare, pulis ako.” Tinginan na naman ang mga nasa loob ng Fineski. Medyo tinamaan na siya sa mga unang talata. May kumurot sa kanyang dibdib. Pagkatapos, biglang joke lang pala ang lahat. Joke nga ba?
Inulit pa niya ng isang beses ang pagbabasa. Iba na ang dating sa kanya ng mga naunang talata. Habang binabasa sa pangalawang pagkakataon, natatawa na siya. Inuunahan na niya sa isip ang punch line ng blog post. Pinigilan na niyang mapahalakhak sa takot na sawayin siya ng mga tao roon o paalisin ng bantay dahil sa sobrang ingay.
Aalamin pa sana niya kung kay Makho nga ang blog o nasagap lang nito sa Facebook. Gusto niya talagang mabuko ang bagong kakilala. Pero natigilan siya nang makita ang oras sa ibabang gilid ng screen: 9:05.
“Potek `yan,” sabi ni Jhustin sa monitor. Sa sobrang pagkalibang sa profile ni Makho at sa pagbabasa ng iniwan nitong blog, nakalimutan na niya ang talagang pakay sa computer shop. Kulang isang oras na lang para makapaglaro siya ng BORTA. Iyon ay kung susundin niya ang paalam sa ina at uuwi talaga ng alas-diyes ng gabi.