ANG GANDA NG PERFORMANCE NI JHUSTIN SA halos lahat ng subject niya nang araw na iyon. Kahit siya, napabilib sa sarili. Sa English, siya ang nagboluntaryong mauna sa recitation. “Invictus” ni William Earnest Henley ang tulang ipinakabisa sa kanila ng guro. Bukod sa kumpas ng kanyang mga kamay habang tumutula sa harap ng klase, parang kulog din ang kanyang boses. Malakas, dumadagundong, nakakatakot. Bagay na bagay sa tula. Lalo pa niyang nilakasan nang sumapit sa huling dalawang linya ng tula.
“I am the master of my fate! I am the captain of my soul!”
Palakpakan ang mga kaklase niya. Nangingiti naman ang kanyang guro habang nagsusulat sa index card. “That’s a tough act to follow,” sabi nito. At totoo nga, wala ni isa sa mga kaklase niya ang nakapantay sa madamdamin niyang pagtula.
Sa Chemistry naman, siya ang napiling leader ng grupo sa kanilang experiment. Sa loob ng laboratory, ipinakita ng guro kung ano ang gagawin sa mga dala-dala nilang gamit. Denatured alcohol. Lalagyanan ng Pringles. Lighter. Barbecue stick.
Ang ginawa ni Jhustin, sinabayan niya ang guro sa ginagawa nito. Kinuha ang lalagyanan ng Pringles, binutasan ang ibabang gilid gamit ang stick, binuhusan ng kaunting alcohol ang loob ng lalagyanan, tinakpan ng plastik na takip ang lalagyanan at saka inalog-alog. Umatras ang kanilang guro palayo sa mga estudyante bago pinagana ang lighter. Lumayo rin nang bahagya si Jhustin sa mga kagrupo saka sinindihan ang kanyang lighter.
Halos magkasabay nilang itinapat ang apoy sa maliit na butas sa lalagyanan ng Pringles. Nauna pang pumutok ang hawak ni Jhustin kaysa sa kanilang guro. Tumalsik ang takip ng Pringles na parang bala ng kanyon. Napunta sa harap. Nagsigawan ang mga babaeng estudyante. Naghiyawan at nagpalakpakan naman ang mga lalaki.
“Good job, Jhustin,” sabi ng guro nila. “The rest of you, try it.”
Sa Trigonometry, siya ang nakakuha ng pinakamaraming Permission To Talk cards. Dalawang tigatlong puntos at dalawang tigalawang puntos. Sampung puntos lahat. Puwedeng magamit ang mga puntos bilang pandagdag ng score sa exam.
Hindi talaga fan si Jhustin ng mga Permission To Talk cards. Inis na inis siya rito. Kahit kasi hindi ka magaling sa Math, puwede kang makakuha nito para pumasa o tumaas pa ang grade. Basta kasi nasagot mo ang tanong ng guro, kahit pa hindi iyon equation o math problem, makakakuha ka ng Permission To Talk .
Tsambahan pa kung anong puntos ang mapupunta sa iyo. May maliit na kahon ang kanilang guro kung saan nakalagay ang mga card. Kapag nag-recite ka o sinunod ang utos ng Math teacher, kahit pa ang utos lang ay kunin ang gamit nito sa faculty room, makakabunot ka sa kahon.
Pero iba ngayon. Ganado si Jhustin na makakuha ng Permission To Talk. Hindi naman siya nabigo. Dalawa sa nakuha niya ay dahil siya ang naunang makasagot sa tanong sa pisara. Ang isa ay dahil siya lang ang nakatama sa problemang ibinigay ng guro. Ang panghuli ay dahil itinama niya ang maling sagot ng kaklase.
“Ano’ng nakain mo ngayon?” tanong ng kanyang seatmate, si Lara.
“Longganisa kaninang lunch,” sagot ni Jhustin. “Bakit?”
“Tange. Ibig kong sabihin, ano’ng nakain mo’t ang bibo-bibo mo ngayong araw? `Di ka naman ganyan kagaling dati, a. Gusto mo bang ma-first honor?”
“Matagal na `kong magaling, `di mo lang alam.”
Inirapan siya ni Lara. Hindi naman niya iyon napansin dahil doon siya nakatingin sa itaas ng pisara. Sa orasan. Sampung minuto na lang, uwian na.