NAKATULOG SI JHUSTIN NANG GABING IYON NA dala-dala pa rin sa isip ang nabasang blog na hinala niya ay isinulat ni Makho. Naulit pa sa panaginip ang pagtatagpo nila sa Fineski. Pero sa halip na umalis at ipaubaya sa kanya ang puwesto, pinaupo siya ni Makho sa tabi nito at sabay nilang binasa ang blog.
Ang lakas ng tawa nila pagkatapos basahin ang kuwento. Kahit ang ibang naglalaro sa computer shop ay nakitawa na rin kahit hindi nila nabasa ang blog. Napaigtad naman si Jhustin nang hindi sinasadyang masiko siya ni Makho sa tagiliran.
“Aguy!” sabi niya habang hinihimas ang tagiliran. “Malakas ang kiliti ko d’yan.”
Sa halip na tumigil, lalo pang siniko ni Makho ang kanyang baywang.
“`Wag!” Tawa. “Ano ba!” Tawa uli. “Nakikiliti ako!” Tawa pa rin. Hanggang sa magising siya at makita ang kanyang kuyang abot-tainga ang ngiti habang kinikiliti siya. Napabalikwas siya at itinulak ang kapatid palayo sa kanya.
“Saya ng panaginip natin, a,” natatawang sabi nito. “Kanina ka pa tumatawa d’yan. May video ako, gusto mong makita?”
“Ewan ko sa `yo, bugok!” Humiga uli siya at tinakpan ng unan ang ulo.
“Hoy, tanghali na. Kakain na daw, sabi ni Mama.”
Hindi niya pinansin ang sinabi ng kapatid. Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang sa marinig na bumukas at sumara ang pinto ng kuwarto. Nagpainin pa siya nang ilang minuto sa higaan at sinubukang alalahanin ang napanaginipan. Napangiti siya sa ilalim ng nakadagang unan.