GANITO ANG AYOS NILA SA BILOG NA HAPAG-kainan: Kaharap ni Jhustin ang kanyang ina, sa kanan niya ang kanyang kuya at katapat nito sa kanyang kaliwa si Makho. Nakaupo ang kaibigan niya sa dating puwesto ng kanyang papa.
Mabuti na lang at nagpasobra ng sinaing at lutong ulam ang mama niya kaya kumasya sa kanilang apat ang pananghalian.
“Kuya, si Makho,” pakilala ni Jhustin nang magkaharap-harap sila sa kusina, “kaibigan ko sa school.”
Saglit lang na tiningnan ng kapatid niya si Makho. Ni hindi ito nakipagkamay o tumango man lang.
“Makho, kain lang nang kain, ha?” sabi ng mama niya. “`Wag kang mahihiya. Maraming kanin. Marami pang sabaw. Magpakabusog ka.”
“Opo. Salamat po,” sagot ng kaibigan niya.
Bago pa kumain, nakapagtalo na sila ni Makho dahil sa maaga nitong pagdating. Ang usapan kasi ay pagkatapos pa ng tanghalian sila magkikita, kaya inisip ni Jhustin na baka ala-una o alas-dos pa ito darating. May oras pa sana siyang hanapin ang laptop ng kanyang papa.
“`Di ba, sabi ko sa `yo pagkatapos ng pananghalian ka na pumunta?” Pigil ang pagkadismaya sa boses ni Jhustin.
“Akala ko kasi ang ibig mong sabihin dito na `ko mananghalian.” Kita sa mukha ni Makho ang pagkapahiya.
“`Ay naku.”
“Sorry, bro.”
“`Andito ka na, alangan namang paalisin pa kita.”
Pagkatapos kumain, agad na umakyat sa itaas ang kuya ni Jhustin. Nag-alok naman si Makho ng tulong sa pag-uurong ng mga pinagkainan, pero malambing na tinapik ng ina ng kaibigan ang kanyang kamay.
“`Wag na, bisita ka,” sabi nito. “Pumasok na kayo ni Jhustin sa loob. Ako na’ng bahala dito.”
Sinamantala ni Jhustin ang pagkakataong iyon. Dinala niya sa itaas ng bahay si Makho at pinaghintay ito sa sala. “Saglit lang. Kukunin ko lang `yong laptop.”
Pumasok siya sa silid ng ina at hinanap ang purse. Madali niya iyong nakita. Nakapatong sa mesa kung nasaan ang drawer na pinaghihinalaan niyang kinalalagyan ng laptop. Pagkabukas ng purse, kumalansing na agad ang keychain na naglalaman ng limang susi. Sinubukan niya isa-isa sa drawer.
Sa unang susi, ayaw. Binaligtad niya ang pagkakasuksok, ayaw pa rin. Ganoon din ang ginawa niya sa pangalawa at pangatlong susi. Pareho ng resulta, ayaw bumukas. Sa pang-apat na pagkakataon, isinuksok ni Jhustin ang panibagong susi. Gumalaw. Pumihit pakanan ang kandado at tuluyang nabuksan ang drawer.
Bumungad kay Jhustin ang kulay-pilak na Dell laptop ng kanyang papa, kasama ang charger at mouse nito. Kasunod niyon ay ang pag-agos ng mga alaala noong nabubuhay pa ang kanyang ama. Naalala niya ang gabi-gabi nitong paglalamay sa paggawa ng lesson plan, pagtse-check ng papel at pagsusulat ng report gamit ang computer. Naalala rin niya ang panonood nila ng mga downloaded movie tuwing Sabado ng gabi.
At makakalimutan ba niya ang koleksiyon nito ng mga larawan nilang pamilya? Mahilig manguha ng candid shot ang papa niya. Magugulat na lang siya, wallpaper na iyon sa laptop nito. Linggo-linggo yata ay naiiba ang larawang nasa desktop. Minsan ay nakakatawa, tulad ng pangungulangot o pagbukaka nilang magkapatid sa sala. Pero madalas ay nakakaantig, tulad ng mga larawan ng mama niya habang natutulog.
Pagkakuha ng laptop, muling ikinandado ni Jhustin ang drawer at isinauli ang susi sa purse ng ina. Lumabas siya ng kuwarto ng mga magulang at sinenyasan si Makho. Agad naman itong sumunod sa kanya. Pumasok sila sa silid niya at ikinandado ang pinto.