noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 19

Ch. 19 / 85 Mar 03, 2022

“ILANG TAON KA NA?” TANONG NI JHUSTIN KAY MAKHO.

“Hulaan mo,” sagot ni Makho.

“Twenty?”

“G**u.”

Natawa sila, saka natahimik. Pinanood nila ang araw. Nahahalikan na nito ang malawak na sakahan. Ilang minuto pa at tuluyan na itong lalamunin ng lupa para magpaubaya sa buwan at mga bituin.

Nasa kalagitnaan sila ng pagmumuni-muni nang biglang humarang ang isang matabang ulap sa mukha ng lumulubog na araw. Gumuhit sa gilid nito ang kahel na liwanag at umusbong pataas. Nagmistula iyong ginintuang korona sa pabundok na kurba ng ulap.

“Seryoso ba, mukha na `kong twenty?” May pag-aalala sa boses ni Makho.

“Give or take a few,” sabi ni Jhustin.

“S**t. Tatlong taon din `yong `tinanda ko.”

“Seventeen ka na?”

“You don’t say?” Pilit na ginaya ni Makho ang isang sikat na meme face sa Internet.

Natawa si Jhustin. “Bugok.”

Nakalagpas na ang malaking ulap at muling lumitaw ang araw. Kalahati ng katawan nito ay nakalubog na sa lupa. Umihip ang hangin. Mas malamig na ito kumpara kanina. Sa ilalim naman nila ay lalong lumakas ang ingay na likha ng mga paniki. Ilang sandali na lang at lalabas na sila para maghanap ng mga kulisap na makakain.

“Seryoso nga, seventeen?” tanong ni Jhustin. “Dapat senior high ka na pala. Bumagsak ka ba ng ilang beses kaya Grade 9 ka pa lang?”

“Ang sakit mong magsalita, ha,” nangingiting sabi ni Makho. “Close na ba tayo?”

“Nagtatanong lang, `to naman.”

“A, okay. Sorry naman, sensitive lang.” Natawa siya. “Pero `di ako bumagsak, ha? Tumigil ako nang two years dahil nagkasakit ako noong Grade 3. `Di ko kayang pumasok sa school.”

“Anong sakit?”

“Ano...” Natigilan si Makho saglit, napayuko. “Na-depress ako.”

“Depress? Grade 3?” Nanlaki ang mga mata ni Jhustin. “Ano ba’ng pinaggagagawa mo noong kabataan mo? Gano’n na ba kabigat `yong mga problema mo noon? Ako nga, puro laro lang ng BORTA. Puro Pisonet. Ta’s ikaw, depressed?”

“G**o. Seryoso `yon.”

Napansin ni Jhustin ang pagseseryoso ng mukha ni Makho. Lalo pa itong nagdilim nang tuluyang lamunin ng lupa ang araw.

“`Sensiya na. Joke lang,” sabi niya sa kaibigan.

Tumayo si Makho. “Tara na. Gabi na. Baka mahuli tayo ng kampanero.”

Tahimik silang naglakad pababa ng tore. Sa unahan si Makho. Habang nakabuntot, pinagmamasdan ni Jhustin ang batok ng kaibigan. Ang wavy nitong buhok. Ang malalapad na balikat. Ang likod. Ang mga bisig at kamay.

Marami pa sana siyang gustong itanong. Gusto niyang malaman kung bakit ito na-depress. Kung paano nito natuklasan ang tore, ang lagusan at ang daanan papunta rito. Kung bakit siya isinama rito. Itatanong na sana niya, pero natigilan siya.

Nagsipagtilian palabas ng tore ang mga paniking gutom na gutom, at tuluyan nang ninakaw ng mga ito ang kanyang atensiyon.