noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 36

Ch. 36 / 85 Mar 03, 2022

KINABUKASAN, BIYERNES, MAAGANG PINAUWI ANG mga estudyante dahil may meeting ang mga guro. Alas-tres pa lang ng hapon, nakaabang na si Makho sa guardhouse malapit sa gate ng kanilang school. Alas-tres kinse na dumating si Jhustin.

“Sorry, cleaners,” paliwanag niya.

Wala namang sinabi ang kanyang kaibigan. Pagkalabas nila ng eskuwelahan, umakbay ito sa kanya at hinatak siya palayo sa tawiran. Hindi sila dumeretso sa tarangkahan kung saan madalas na nakaparada ang nagtitinda ng iskrambol. Walang paghihintay sa loob ng simbahan ngayong hapon. Walang Rapunzel.

“Sa’n tayo pupunta?” tanong ni Jhustin.

“Sa Fineski,” sagot ni Makho. “Bilisan mo. Baka maubusan tayo ng upuan.”

Patakbo silang pumunta sa gilid ng Holy Spirit, kumaliwa sa kanto kung saan may malapit na nagbu-vulcanize, nilampasan ang kasunod na kanto, kumanan sa printing shop at dumeretso nang kaunti hanggang sa makarating sila sa pinakasikat na computer shop sa bayan ng Sinagtala.

Kumapit ang lamig sa pawisan nilang balat nang pumasok sa Fineski. Marami nang estudyante sa loob pero may mga bakante pang upuan. Agad silang lumapit sa tagabantay ng shop. Wala ang matabang lalaki na laging nakaupo sa may counter. Ang naroon ngayon ay isang binatang parang kagagaling lang din ng eskuwelahan. Nakaputing T-shirt ito at itim na pantalon.

“Maglalaro ba kayo?” tanong ng bantay.

“Oo, dalawa, `yong magkatabi,” sagot ni Makho. “Free time.”

“Do’n na lang sa 20 saka 21.”

Doon sila sa dating puwesto napunta, sa ilalim ng AC unit. Nadagdag lang ang katabing computer sa kanan. Umupo si Jhustin sa lugar kung saan niya unang nakilala ang kaibigan. Sa kanan niya si Makho.

“Hubarin mo `yong polo mo,” utos ni Makho.

“Bakit?”

“Baka may dumating na tuta, mahuli tayo.”

Bago pa makapalag si Jhustin, hinubad na ng kaibigan niya ang suot nitong puting polo. Natira ang panloob na puti ring sando. Napatingin siya sa braso nitong may hulma at sa leeg na may butil pa ng pawis. Agad naman iyong pinunasan ni Makho gamit ang hawak na damit.

Nahuli siya ng kaibigang nakatingin dito. “O, ano pa’ng hinihintay mo? Gusto mo bang ma-suspend?”

Gumaya na rin si Jhustin. Hinubad niya ang suot na polo at itinira ang sando. Nagkunwari siyang nagpunas ng pawis kahit kanina pa iyon natuyo dahil sa lamig ng hangin mula sa AC unit. Mabilisan niyang tiniklop ang damit at isinilid sa kanyang bag.

Gusto sana ni Jhustin na tanungin ang kaibigan kung madalas itong magpunta sa gym, pero kinabahan siya. Baka isipin ni Makho na tinititigan niya ang katawan nito. Napilitan siyang ibahin ang tanong. “Nagpunta ba tayo dito para magbasa ng blog mo?”

“Sino’ng may sabing blog ko `yon?” sabi ni Makho.

“Ba’t defensive ka?”

“E, ba’t offensive ka?”

Nawala ang screen saver na logo ng Fineski sa kanilang computer at lumitaw ang bughaw na desktop na may mga icon sa gilid. Nagsimulang pumatak ang oras sa digital clock na nasa gilid ng screen at nakakonekta sa server ng tagabantay.

“Magpapaturo sana akong mag-BORTA,” sabi ni Makho.

“`Di ka sanay mag-BORTA?” May halong panunuya ang boses ni Jhustin. Bahagya ring nanlaki ang kanyang mga mata. Halatang hindi makapaniwala na may isang taong hindi marunong maglaro ng sikat na online game.

Grade 6 pa lang kasi, naglalaro na si Jhustin ng BORTA. Noon, labindalawa pa lang ang pagpipiliang anghel na puwede mong gawing hero. Ngayon, animnapu na lahat. Lumaki na rin ang mapa kung saan naglalaban-laban ang mga anghel, kasama ang mga creepers o tauhan nito, para sirain ang mga tore ng kalaban.

Ang kuya niya ang nagpakilala sa kanya sa larong ito. Gamit pa nila noon ang laptop ng kanilang ama. Bakasyon nila pareho at wala ring masyadong trabaho sa school ang mga magulang. Hiniram nila ang laptop ng kanilang papa at in-install-an ng BORTA. Halos araw-araw, pulos laro lang ang ginagawa nila. Kapag gagamitin ng papa nila ang laptop nito, doon naman sila sa Fineski naglalaro.

Hindi mahilig sa online game si Jhustin, hanggang Plants vs Zombies lang siya dati. Pero naengganyo siya nang makita ang isang anghel sa laro, si Iophiel. Kamukha kasi nito ang isang karakter sa komiks ni Mars Ravelo na nabasa niya, si Darna. Iyon ang una at laging niyang ginagamit na hero tuwing maglalaro.

Kabisado na niya ang mga pipinduting titik sa keyboard para sa special skills ni Iophiel: R para sa Rose Bomb, T para sa Thorn Bush, S para sa Skylash at A para sa pinakamalakas nitong attack, Anomie. Maging ang pagbuo ng items para mapalakas ang nasabing anghel ay kabisado na ni Jhustin. Nagri-research pa siya minsan sa mga forum sa Internet para malaman ang pinakamagandang kombinasyon ng mga gamit.

“Tuturuan mo ba `ko o iinsultuhin?” tanong ni Makho. Seryoso ang tono ng pananalita niya pero wala sa mukha ang galit o pagkainis.

“Buksan mo na,” sagot ni Jhustin. “Humanda ka nang maadik.”