LUNCH BREAK. PAGKALABAS NA PAGKALABAS NI Jhustin ng classroom, hinablot ni Makho ang braso niya at hinatak siya pababa ng gusali. Muntik-muntikan pa siyang matisod sa hagdanan. Mabuti na lang at nakatukod siya sa hawakan. Hindi naman iyon napansin ng kanyang kaibigan.
“Sa’n mo ba `ko dadalhin?” tanong ni Jhustin.
“Basta,” sagot ni Makho. “Bilisan mo. Baka maubusan tayo ng puwesto.”
Nilampasan nila ang ibang estudyanteng pababa na rin para mananghalian. Lakad-takbo ang ginawa nila—bibilis kapag maluwag, babagal kapag may nakaharang sa daanan. Hawak pa rin ni Makho ang braso ni Jhustin. Binitawan lang siya nito nang makarating sila sa gate.
Pareho silang nagbukas ng bag para ipakita ang laman sa guwardiya. Nang makalagpas, hinawakan na naman siya ni Makho sa braso at patakbong sumulong palabas ng eskuwelahan. Hindi naman tumanggi si Jhustin.
Tumawid sila sa pedestrian lane, kumanan sa kanto, nilampasan ang isang sarisari store at huminto sa tapat ng isang de-aircon na kainan. Sizzling Haus. May dalawa pang bakanteng mesa. Sinunggaban nila ang isa, iyong malapit sa TV. Umupo sila at ipinatong ang mga bag sa ibabaw ng hapag-kainan.
“Ako na’ng o-order,” sabi ni Makho. “Libre na kita. Ano’ng gusto mo?”
“Sa bahay na lang ako kakain,” sabi ni Jhustin. Nag-aalala siya na baka hindi niya magustuhan ang luto roon. Ayaw naman niyang masayang ang pera ng kaibigan.
“`Lol! `Andito na tayo, saka ka pa aatras?”
“Sayang kasi `yong luto ni Mama.”
“Mamaya mo na lang kainin `yong luto ng mama mo. Sabihin mo may nanlibre sa `yo sa school.”
Hindi na nakipagtalo pa si Jhustin. Libre na nga, aangal pa ba siya? Hindi naman siguro ikasasama ng loob ng kanyang mama kung minsan siyang hindi kumain ng luto nito. Baka nga matuwa pa iyon kapag nalamang kumain siya sa labas. Iinitin na lang niya ang dapat sanang tanghalian para mas marami silang ulaming mag-ina mamayang gabi.
Pinanood niya ang kaibigan habang nakapila ito sa harap ng kahera. Narinig niyang um-order si Makho ng dalawang sizzling pork chop na may kasamang java rice at iced tea. Lumingon ito sa kanya pagkatapos mag-abot ng bayad. Saglit silang nagkatitigan. Umiwas siya ng tingin. Nagkunwari siyang nanonood ng palabas sa TV.
“Pa’no mo pala nalaman ang birthday ko?” tanong ni Makho pagkabalik sa mesa. Ibinaba nito ang tray na may dalawang baso ng iced tea at numerong nakasulat sa laminated na karton.
“Ano... nagkataon lang,” sabi ni Jhustin. Pinilit niyang ngumiti. “`Di ko talaga alam na birthday mo ngayon.”
“E, ba’t may regalo ka?”
Pakiramdam ni Jhustin ay umakyat ang dugo sa kanyang ulo. “Wala lang. Gusto ko lang ibigay sa `yo `yong komiks.”
“Seryoso, bro?” “Oo nga. `Di ko talaga alam. Nagulat nga ako no’ng sinabi mo kaninang birthday mo.”
“Assuming pala ako,” natatawang sabi ni Makho.