noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 28

Ch. 28 / 85 Mar 03, 2022

NAKATITIG SI JHUSTIN SA KISAME NG KANYANG kuwarto. Sumasayaw ang anino ng punong kamias. Tahimik. Wala ang kanyang kuya. Nasa inuupahan nitong dorm at sa Biyernes pa ng gabi ang uwi. Ayaw na naman siyang dalawin ng antok.

Inulit-ulit niya sa isip ang ginawa ni Makho sa pinto ng kampanaryo. Ang pagtalungko nito. Ang pagdukot ng Swiss army knife sa bag. Ang pag-ukit ng pangalan niya pakrus sa pangalan nito.

Proof na nandito tayo .

Ilang araw pa lang silang magkakilala, pero pakiramdam ni Jhustin, matagal na silang magkaibigan. Ang gaan ng loob niya rito. Nadala na rin niya ito sa bahay. Huli siyang nagdala ng kaklase sa kanila noong Grade 6 pa. Marami sila noon. Kinailangan kasing mag-ensayo para sa drama project nila sa Kasaysayan. Dahil limang kanto lang ang layo ng bahay nila sa eskuwelahan, doon napagbotohang mag-practice.

Ngayon lang nangyari na may inimbita siyang kumain sa kanila. Ano ba ang nakita niya kay Makho? Bakit gusto niyang kasama ito? Bakit hindi siya nabubuwisit sa mga joke nito? Bakit sa biro ng kuya niya, inis na inis siya? Normal lang ba iyon? Nakakalito. Pero isa lang ang sigurado ni Jhustin...

Dahil sa inukit ni Makho, sa unang pagkakataon, natuwa siyang may ligaw na titik H sa kanyang pangalan.