MOBA ANG LARONG BORTA: MULTIPLAYER ONLINE battle arena. May dalawang magkatunggaling pangkat dito, ang Heaven at ang Hell. Bawat pangkat ay may tigtatlumpung anghel na pagpipilian. Madalas ay lima laban sa lima ang labanan, pero maaari din namang mas mababa ang bilang. Dahil hindi pa marunong si Makho, one-on-one muna ang labanan sa pagitan nilang dalawa.
Naunang pumili ng panlabang anghel si Jhustin, si Iophiel mula sa Heaven. Inutusan niya ang kaibigang pumili ng hero mula sa kabilang koponan. Si Lucifer ang pinili ni Makho mula sa Hell.
“Basta ang goal, dapat masira mo `yong tore ng kalaban na nasa base nila,” sabi ni Jhustin. “Poprotektahan mo din dapat `yong tore n’yo kapag inaatake ng creepers o angel. `Pag nabasag `yong tore sa base, tapos na `yong laro.”
“So susugod lang ako sa base n’yo?” tanong ni Makho.
“Oo, kung gusto mong mamatay agad.”
“Ha?”
“Mabubuhay ka naman uli `pag namatay ka. Babalik ka sa base mo, do’n sa may tore. Do’n ka din puwedeng mag-recharge kapag paubos na `yong buhay mo.”
“O, `tapos?”
Ipinaliwanag ni Jhustin ang ibang technique at rules ng laro. Dapat ay magpalakas ka muna ng hero o anghel mo. Para lumakas o mag-level up, dapat ay pumatay ka ng creepers o tauhan ng kalabang koponan. Kapag nag-level up ka, makakagamit ka ng special skill na unique sa anghel mo. Magagamit mo iyon para mas madaling mapatay ang kalabang creepers at anghel, at para mapatumba ang tore nila.
Bukod sa pagpapa-level up at paggamit ng special skills, dapat ka ring bumili ng mga item at equipment na makadaragdag ng lakas, bilis o depensa ng iyong anghel. Maaari din itong makapagbigay ng karagdagang kakayahan bukod sa unique skill ng mga hero. Kadalasan, nagkakatalo sa ganda ng kombinasyon ng mga gamit at hindi sa level ng anghel.
“E, pa’no ako makakabili ng item?” tanong ni Makho.
“Gold,” sabi ni Jhustin. “Meron kang starting na two thousand golds. Magkaka-gold ka `pag ikaw `yong naka-last hit sa creeper o kapag nakapatay ka ng angel. Mas malaki `yong pera `pag angel ang napatay mo, pero siyempre mahirap `yon.”
Tumunog ang tambuli, hudyat para sa pagsisimula ng laban. Sumugod si Jhustin gamit ang paboritong anghel na si Iophiel. Namimili pa rin ng item si Makho. Hindi niya alam ang mga kombinasyong bagay para kay Lucifer. Binabasa pa niya ang paglalarawan sa bawat gamit na nasa screen.
“Magic type si Lucifer,” sabi ni Jhustin. “Ang dapat mong bilhin na item, e, `yong pampataas ng intelligence saka stamina. Marupok kasi `yan sa umpisa, pero kukunat `pag tumaas `yong level saka `pag maganda `yong buo mo ng items.”
Walang naintindihan si Makho. Bumili na lang siya ng isang armor na pampadagdag ng depensa at isang accessory na pampataas ng magic. “Pa’no sumugod?”
“Left click para lumakad. Right click sa kalaban `pag gusto mong umatake.”
Nang magkita sa gitna ng mapa ang dalawang anghel, level 4 na si Iophiel at may dalawa nang special skills, Rose Bomb at Thorn Bush. Level 1 pa lang si Lucifer at may isang skill, Fireball.
“Wala munang gamitan ng skill!” sigaw ni Makho.
“Bugok!” sagot ni Jhustin.
Nilampasan ni Iophiel ang sarili nitong creepers para sugurin si Lucifer. Humarang ang mga creepers ng Hell. Isang Rose Bomb lang at nangalahati agad ang buhay ng mga nakaharang. Ilang atake pa at napaslang silang lahat ng anghel ni Jhustin.
“Boom panes!”
Bukas na ang depensa ni Lucifer. Sumugod si Iophiel. Nagsalubong ang kanilang mga espada. Mas mabilis bumayo si Iophiel kaya malaki ang pinsalang naidulot niya sa kalaban. Napaatras si Lucifer, pero inatake siya uli ni Iophiel. Saksak. Bayo. Bawas-buhay. Tumalikod si Lucifer para tumakas, pero naabot siya ng espada ni Iophiel. Binayo siya nang binayo sa likod hanggang sa maubos ang lahat ng kanyang lakas.
Napasigaw na lang si Makho nang mamatay si Lucifer.