noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 45

Ch. 45 / 85 Mar 03, 2022

“BAKIT MO NI-LOCK?” TANONG NI JHUSTIN matapos siyang pagbuksan ng pinto.

“Ha?” sabi ni Makho. “`Di ba, sabi mo bantayan ko? Baka kasi biglang pumasok `yong mama mo.”

“Ahh... sabi ko nga.”

Muli nilang sinubukang paganahin ang BORTA. Isinara ni Jhustin ang program at muling binuksan. Start New Game. Lumabas na naman ang dialog box at muling sinabing walang Internet connection, kahit mayroon naman.

“Baka sira na `yong wireless connection ng laptop n’yo,” sabi ni Makho.

“Baka nga,” sabi ni Jhustin. Muli niyang pinatay-sindi ang Wi-Fi ng computer. Ayaw ngang umilaw. “Malas naman. `Tagal na kasing `di nagamit. Baka kinalawang na sa loob.”

“Sayang naman `yong ipinunta ko dito.”

“Gusto mong lumipat sa Fineski?”

“`Wag na. Mapapagastos pa tayo. Dito na lang tayo sa inyo.”

“Sure ka? Ano’ng gagawin natin dito?”

“Tambay. Kuwentuhan. Kahit ano. Kung gusto mo, basahin natin `yong mga komiks mo. O kaya `yong favorite kong blog. May ipapabasa akong bago. Nakakatawa, pramis. Buksan mo `yong browser mo sa phone, `pakita ko sa `yo.”

“Blog na naman?” Napakunot ang noo ni Jhustin. Alanganin din ang ngiti sa mukha niya. “Magbasa na lang tayo ng komiks.”

“Salitan na lang para masaya. Magpabasa ka ng mga komiks na gusto mo, `tapos tatapatan ko ng blog na gusto ko. Ano, game?”

Tinitigan muna siya ni Jhustin, nag-iisip kung papayag o hindi. Sa huli, sumang-ayon na rin ito sa gusto ng kaibigan. “Kukuha lang ako ng komiks sa `baba.”

“Ayos!”

Tumayo si Jhustin at lumabas ng kuwarto. Bago isara ang pinto, inginuso niya kay Makho ang kandado. Agad naman iyong naintindihan ng kanyang kaibigan. Tumayo ito at pinihit ang lock sa doorknob, saka binalikan ang computer na nakapatong sa kama.

Iniwasan niyang tingnan ang larawan ng papa ni Jhustin na nasa desktop. Agad niyang binuksan ang folder ng family pictures at nag-scroll pababa hanggang sa makita ang dalawang folders doon. Huminga siya nang malalim, itinapat ang cursor sa may nakapangalang New Folder saka pumikit.

Double tap.

Dahan-dahan siyang dumilat tulad ng kanyang ginagawa kapag nanonood ng katatakutan. Gusto na ayaw niyang makita ang nasa harapan. Ang lakas din ng kabog sa kanyang dibdib. Naririnig niya ito sa isip na parang katok sa pinto o yabag ng mga paa sa sahig. Kinondisyon niya ang sarili sa kung ano mang tatambad sa kanya...

Wala. Walang laman ang folder. Pulos puting espasyo lang ang naroon.

Unti-unting humina ang kabog sa kanyang dibdib. Ang kaba ay napalitan ng pagkakalma, at ang pagkakalma ay agad din namang napalitan ng pagkalito. Kaakibat nito ay isang mahalagang tanong.

“Nasaan?” bulong ni Makho sa sarili.