BITBIT NI JHUSTIN ANG TOTE BAG NA MAY LAMANG isang kilong asukal at isang pakete ng instant coffee habang namimili ng isda ang kanyang mama. Nang matapos ang pangingilatis, bumili ito ng kalahating kilong galunggong, kalahating kilong sapsap at isang kilong pusit.
“Ayos na ba `tong isang kilo?” tanong ng kanyang ina.
Nakatulala lang si Jhustin. Titig na titig sa mata ng tuna sa harap niya.
“Huy!”
Amoy na amoy niya ang lansa sa kamay ng ina nang iwagayway nito iyon sa tapat ng kanyang mukha. Saka lang siya natauhan.
“Ha?” tanong niya.
“Sabi ko, okay na ba sa inyong magkapatid `tong pusit? O gusto mong dagdagan ko pa? Ang tatakaw n’yo kasi. Mamumulubi ako sa inyo.”
“Okay na `yan. Si Kuya lang naman `yong matakaw.”
“`Yon lang talaga ang dahilan?”
“Saka siyempre masarap ka kasing magluto. Paborito ko kaya lahat ng luto mo.”
“Beri gud ka diyan. Sige, do’n tayo sa suki kong magbababoy. Bibili ako ng pang-lechon kawali. Ulamin natin sa Biyernes.”
Bumuntot si Jhustin sa kanyang ina na sumuot at lumiko-liko sa kung saan-saang pasilyo at kanto sa loob ng wet market. Kahit nakapikit yata ay mapupuntahan ng mama niya ang mga suki nitong tindero at tindera sa palengke.
Noong unang beses na samahan niya ang ina sa palengke, hindi siya nakatagal sa iba’t ibang amoy sa paligid. Halos himatayin siya sa pagpigil ng hininga para lang hindi maamoy ang mga sariwa at bilasang isda at karne ng baboy, baka, kalabaw, kambing at pati kabayo. Muntik na rin siyang masuka nang makita ang umaagos na dugo sa imburnal na saksakan nang baho.
“Masasanay din `yang ilong mo,” sabi ng mama niya.
Nakahinga lang siya nang maluwag-luwag nang mapunta sila sa tindahan ng mga prutas. Mas sanay kasi ang ilong niya sa amoy ng saging, mangga, dalandan, sampalok, pinya, mansanas at ubas. Nalibang din siya sa iba’t ibang hugis at kulay ng mga paninda.
“Puwede bang dito na lang ako maghintay kapag namimili ka sa wet market?” tanong niya noon sa ina.
“Hindi!”
Hindi makakatanggi si Jhustin o ang nakatatanda niyang kapatid. Wala na ang papa nila na siyang laging kasa-kasama ng kanilang mama kapag namamalengke dati. Ayaw man niyang masanay sa amoy ng palengke, wala siyang pagpipilian. Kailangan niyang tulungan ang nag-iisang magulang.
Nasa kabilang dulo ng wet market ang suking magbababoy ng kanyang mama. Hindi niya alam kung bakit doon pa ito dumarayo gayong mayroon namang malapit sa mga nagtitinda ng isda.
“Mas mura kasi dito ng limang piso,” paliwanag ng kanyang ina nang minsang tanungin niya. “Puwede pang umutang.”
Sa malayo pa lang ay kumakaway na sa kanila ang matador. Isa itong matangkad na lalaking namumutok ang mga braso. Ayos na sana ang katawan nito kung hindi lang malaki ang tiyan. Nasobrahan siguro sa kanin o sa paglaklak ng beer.
“Suki!” tawag nito sa kanyang mama. “Ilang kilo ang kukunin mo ngayon? Saktong-sakto, kadedeliber lang nitong baboy kaninang umaga.”
“Naku, sine-sales talk mo na naman ako,” nakangiting sagot ng kanyang ina.
“Ako pa ba’ng manloloko sa `yo?”
“Jok-jok lang.” Napapalo pa sa braso ng matador ang kanyang mama. “Bigyan mo nga ako ng pang-lechon kawali. Dalawang kilo.”
“Hihiwain ko na ba?”
“Ay, kahit `wag na. `Di ko pa naman lulutuin agad. Sa Biyernes pa.”
Ngumiti ang matador bago dumampot ng karneng nakasabit sa tindahan nito. Mukha namang maganda ang kinuha nito dahil mas makapal ang laman kaysa taba. Sa isang taga, nahati nito ang gahitang karne ng baboy. Inilagay nito ang kalahati sa timbangan. Kulang ng isang guhit. Humiwa ito ng isang medyo manipis na parte ng baboy at idinagdag iyon sa nasa timbangan. Sakto.
“Por handred lahat,” sabi ng tindero habang isinusupot ang karne.
“Wala bang discount?” tanong ng kanyang ina. Malambot at parang naglalambing ang boses nito.
“Sige, para sa `yo, tri-eyti na lang.”
“Ay, salamat sa Diyos!” Napapalo na naman ang kanyang ina sa braso ng matador.
Habang nagbabayad at nakikipagbiruan ang mama niya sa tindero, wala na naman sa sarili si Jhustin. Nasa ibang lupalop ang kanyang isip. Nasa computer shop. Sa Fineski. Doon sa sulok, sa ilalim ng AC unit.
Naamoy na naman niya ang malansang isda. Kumapit sa kanyang noong tinutuktok ng kanyang ina. Saka lang niya nakita ang nais nitong ipagawa sa kanya.
“Kanina ka pa lutang,” sabi ng mama niya habang iniaabot sa kanya ang pinamiling karne. “Bitbitin mo na `to nang makauwi na tayo. Baka gutom lang `yan.”