noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 11

Ch. 11 / 85 Mar 03, 2022

AYAW DALAWIN NG ANTOK SI JHUSTIN. Nauna pang makatulog ang kanyang kuya na kapapasok lang sa kanilang kuwarto. Pagkahiga sa sariling kama, ilang sandali lang, narinig na niya itong naghihilik.

Mas malaki ang kuwarto nilang magkapatid kaysa sa kuwarto ng kanilang mama at papa. Mayroon doong dalawang kama sa magkabilang gilid na napapagitnaan ng isang study table. Ang kama ni Jhustin ay nakadikit sa bintana habang ang sa kapatid niya ay nakadikit sa pader na naghahati sa silid nila at ng mga magulang. Katapat naman ng mesa sa kabilang dingding ang lumang aparador na naglalaman ng kanilang mga damit.

Bumangon si Jhustin at umupo sa kama. Tinanaw niya ang puno ng kamias sa kanilang bakuran na mas matanda pa yata sa kanya. Hindi gumagalaw ang mga dahon at sanga nito. Ang ilang bunga naman, nagkandahulog na sa lupa. Mula sa kinalalagyan ng puno ay narinig niya ang huni ng isa o dalawang kuliglig. Kri. Kri.

Pinagmasdan niya ang langit. Maulap.

Sumipol si Jhustin. Banayad muna sa umpisa. Iisa ang tono. Habang tumatagal, papalakas ito nang papalakas. Nadaragdagan din ang nota. Tataas, bababa. Paulit-ulit. Pero sa halip na hangin ang lumapit, unan ang lumipad papunta sa kanya. Tinamaan ang likod ng kanyang ulo.

“Huy!” sabi ng nagising niyang kapatid. “Magpatulog ka kung ayaw mong matulog.”

“Bugok!” Ibinato niya pabalik ang unan. Nasalo iyon ng kanyang kuya. Niyakap nito ang unan at nakangising bumalik sa pagtulog.

Humiga uli si Jhustin pero hindi siya pumikit. Tumitig siya sa kisame. Nakalapat doon ang anino ng puno ng kamias. Hindi tulad kanina, bahagya nang nagsasayaw ang mga sanga at dahon nito. Mukhang tumalab ang pagsipol niya.

Tumunog ang orasan nila sa sala. Alas-dose. May pitong oras pa siyang puwedeng itulog. Kailangan niyang gumising nang maaga kahit araw ng Linggo dahil sasamahan pa niya ang ina sa pagsisimba.

Hindi talaga madasaling tao si Jhustin. Marami siyang katanungan sa kinalakihang relihiyon. Pero kailangan niyang samahang magsimba ang ina dahil mamamalengke na rin ito pagkatapos. Kailangan niya itong tulungan dahil pang-isang buong linggo na ang binibili nito kapag namamalengke. Sa susunod na Linggo, ang kuya naman niya ang sasama sa ina. Salitan silang magkapatid.

Tumagilid sa higaan si Jhustin. Kaharap na niya ang kapatid na naghihilik na naman. Nakaramdam siya ng kaunting inggit. Hindi pa rin kasi siya dinadalaw ng antok. Hindi naman masyadong mainit o sobrang lamig ang panahon.

Ang tanging tumatakbo sa kanyang isip ay ang nabasang blog... at si Makho.