HABANG NAGHIHINTAY SA KANILANG PAGKAIN, inilabas ni Makho ang kanyang cell phone. Nagpipindot siya, nag-tap, nag-swipe at saka tinitigan ang nasa screen. Mayamaya pa, ipinakita niya ang hawak kay Jhustin.
“Basahin mo `to,” sabi niya sa kaibigan.
Kinuha ni Jhustin ang cell phone at tiningnan ang nasa screen. Isang blog. Kahawig ng nakita niya sa Fineski noong una silang magkita ni Makho. Iba ang article ngayon. Sinimulan niyang basahin.
Ayoko nang maging pogi
Nakakairita `yong mga `dine-date kong bakla na maya’t maya ang text at dapat maya’t maya ka ring sumasagot kahit ang text lang naman nila, eh, “Ingat ka.” Jusko day! Puwede ba! Kayong mga bakla, umayos nga kayo. Hindi na nga kayo OUT tulad ko, masyado pa kayong needy. Don’t me!
Kahapon kasi, natulog ako ng 5pm at hindi ako nag-reply sa ka-text ko. Kaninang umaga lang ako sumagot. Sabi ko sa kanya, maaga akong natulog, which is true naman dahil puyat ako. `Ayun, pinagmumukha pa `kong sinungaling. S’ya pa `tong tampururot. `Kainis. (Don’t worry, `di ko s’ya friend sa Facebook o follower sa Twitter, so most likely, hindi n’ya `to mababasa.)
Hindi ko obligasyong sagutin kayo maya’t maya dahil `di ko naman kayo boyfriend. Ano ba?! At kahit boyfriend kita, `wag ka ngang masyadong clingy. `Pag gutom ako, kakain ako. `Pag inaantok ako, matutulog ako. `Di mo kailangang paalalahanan ako every three hours na kumain, `wag magpuyat, magpalit ng briefs, magsepilyo, tumae… Jusko! Ginagawa ko na `yan since birth. Alam na alam ko na `yan.
Hay, ito ang hirap kapag habulin ka, eh. Kapag pogi.
Kahapon nga, no’ng paluwas ako, may manyakis akong nakatabi sa bus na gumagapang `yong kamay mula likod ko papunta sa leeg at dibdib ko. May gahd! `Buti nakuha sa masamang tingin. Akala ko pa naman graduate na `ko sa mga manyakis. But no! Mabenta pa rin pala ako.
Alam mo kasi, lagi akong nabibiktima ng mga manyakis. Kapag umuuwi ako sa probinsiya sakay ng bus, lagi akong namamanyak sa upuan. Kapag natutulog o nakatanaw sa bintana, magugulat na lang ako dahil may gumagapang na kamay sa hita ko.
Kasalanan ko ba kung bakit lagi akong nababastos? Nababastos na nga ako sa social media, nababastos pa rin ako sa pagiging pogi? Nubeyen. Sa’n pa `ko lulugar n’yan? Alangan namang papangitin ko `yong sarili ko o hindi maligo nang isang linggo para layuan ng mga tao? At bakit ako ang mag-a-adjust sa mga lokong `to? Ako na nga ang nabiktima, ako pa ang dapat magbago? Wow!
Kaya naniniwala na talaga akong problema ang pagiging pogi. Hindi naman ako nagpapakapogi para maging bastusing tao. Nagpapakapogi ako for myself. Masama ba `yon? `Buti nga napapaganda ko `yong tanawin kahit papa’no. It’s a disservice naman sa mundo kung ipagkakait ko `yong kaguwapuhan ko. Hay naku. Mukhang habambuhay ko nang papasanin ang krus ng kapogian.
Minsan talaga ipinagdarasal ko sa diyos ng kapogian na bawiin na lang n’ya `yong kaguwapuhan ko. Pero naisip ko rin, ano pa’ng poproblemahin ko kung hindi ako pogi?
Pinanood ni Makho si Jhustin habang nagbabasa, inaabangan ang magiging reaksiyon nito. Kung matatawa ba o mapapahalakhak. Para sa kanya, hindi puwedeng hindi matawa sa blog post na iyon.
Hindi naman alam ni Jhustin kung tatawa ba siya o dedma lang. Kapag tumawa siya tulad ng ginawa niya sa naunang blog na nabasa, baka isipin ng kaibigan niyang sumasang-ayon siya sa sinasabi ng writer. Kapag dedma naman, baka masaktan niya ang damdamin ni Makho. Ngumiti-ngiti na lang siya para safe.
“Blog mo ba `to?” tanong niya pagkatapos magbasa.
“Ganyan ba `ko magsalita?” balik na tanong ni Makho. Biglang nanlaki ang kanyang mga mata.
“So, hindi ikaw ang sumulat nito?”
“E, ano kung ako?”
“Wala lang. Ba’t ayaw mong sagutin nang deretso?”
“E, ba’t interesado kang malaman?”
“E, pa’no ipinabasa mo kaya sa `kin. Natural, maku-curious ako. Aalamin ko kung sino’ng sumulat. Saka nabasa ko din `yong isa pang blog. `Yong naiwan mong nakabukas sa Fineski no’ng una tayong magkita.”
“Pati ba `yon `di ko na-close?”
“Opo!”
“Binasa mo naman! Pati account ko, pinakialaman mo. Stalker ka din, e. Sinulatan pa `yong wall ko. Ay, iba din!”
“Bugok. Kasalanan mo `yon. Pasalamat ka nga’t `di ako nag-post ng dick pic.”
Halakhakan. Napatingin sa kanila ang ibang kumakain sa loob ng Sizzling Haus. Maging ang mga nakapilang umo-order, ang kahera at ang iba pang staff ng kainan ay nabaling ang tingin sa kanilang magkaibigan. Hindi naman nila iyon napansin. Masyado silang abala sa panloloko sa isa’t isa.
Natigil lang ang barahan nilang dalawa nang lumapit ang isang waiter na dala-dala ang kanilang order.
“Two sizzling pork chop po, mga Ser.” Ipinatong nito ang mainit at umuusok pang plato sa mesa. Kumukulo-kulo pa ang masaganang gravy. Halos hindi na makita ang karneng manipis ang pagkakahiwa.
“Thank you,” sabay na sabi ng magkaibigan.
Naglaway si Makho nang makita ang pagkain sa harap niya. Hindi naman maipinta ang mukha ni Jhustin. Sa amoy pa lang, mukhang hindi na niya magugustuhan ang pagkakaluto sa pork chop. Nang tikman niya ang gravy, hindi nga masarap. Masyadong maalat sa panlasa niya at kulang sa paminta.
Si Makho? Napaso pa ang dila sa sobrang pagkasabik sa sizzling.