MATALINO AT MABAIT NA BATA SI JHUSTIN, PERO hindi siya palakaibigan. Ang turing niya sa kanyang mga kaklase ay kakilala lang o kasamahan sa eskuwelahan. Mabait siya sa mga ito pero hindi siya madalas makihalubilo, maliban na lang kung may group activity. Nakikipaglaro naman siya, pero para lang sa pakikisama. Hindi para maka-bonding o maka-close ang mga ito.
Hindi siya katulad ng ibang mga kaklase na may kabiruan palagi, may isa o dalawang nasasabihan ng sekreto, may kasama sa kalokohan o karamay sa kalungkutan, at may kausap palagi, harapan man o online.
Ang taong puwedeng ituring na kaibigan niya—iyong lagi niyang nakakaasaran, nakakausap sa iba’t ibang bagay o nasasabihan ng kung ano-ano—ay ang kanyang kuya. Silang dalawa ang laging magkaaway, magkalaro at magkasama noong maliliit pa sila. Pero ngayong malalaki na sila, nakahanap na ng ibang tropa ang kapatid niya. Lagi pa rin naman silang nag-aasaran, pero hanggang doon na lang.
“Puro ka komiks,” minsang sabi ng kuya niya. “Ba’t `di ka lumabas at makipaglaro sa barkada mo?” Hihinto saglit ang kapatid niya sa pagsasalita at ngingiti, iyong mapang-asar. “Ay, wala ka nga palang kaibigan.” Saka ito tatawa at aalis.
Wala namang kaso kay Jhustin kung wala siyang maituturing na kaibigan. Masaya siyang mag-isa. Kapag naglalaro ng BORTA sa Fineski, madali naman siyang makahanap ng mga kakampi at kalaban online. Kapag mamamasyal, mas gusto niyang kasama ang kanyang mama o kuya. Kapag nasa bahay, mas trip niyang magbasa ng komiks kaysa magbabad sa Facebook.
“Anak, panay ang bili mo ng komiks,” sabi ng mama niya noong babang-luksa ng kanyang papa. “Baka diyan mo lang inuubos `yong allowance mo, ha?”
“`Di, `Ma,” sagot ni Jhustin habang nakadapa sa sofa at nagbubuklat ng Pugad Baboy. “Puro secondhand lang `to. Mura lang.”
Kung ang kaibigan ang siyang lagi mong kasa-kasama at laging nagpapasaya sa iyo, masasabing ang unang kaibigan ni Jhustin—maliban sa kuya, mama at papa niya—ay ang kanyang mga komiks.