ALAS-SAIS Y MEDYA LUMABAS NG FINESKI ANG magkaibigan. Lubog na ang araw at mas malamig na sa labas. Pero hindi ang ulo ni Makho.
“Sabi ko, turuan mo `kong maglaro, hindi paglaruan,” sabi niya sa kaibigan. Halata ang pagkainis sa kanyang boses.
“Tinuruan naman kita, a,” nangingiting sabi ni Jhustin.
Kahit isang beses ay hindi nanalo si Makho. Kung sino-sinong anghel ang ginamit niya: si Abaddon, si Ifrit, si Baal, si Valac, si Baphomet. Talo pa rin. Lahat sila ay walang panama kay Iophiel.
“More practice pa,” sabi ni Jhustin.
“Praktisin mo’ng mukha mo,” sagot ni Makho.
“Ay, pikon?”
Humarap si Makho sa kaibigan. Stomach in, chest out. “Gusto mo ng away?”
Natawa na lang si Jhustin. “`Di po, suko na po.” Sa loob-loob niya, kung talagang mag-aaway silang dalawa, siguradong matutulad siya kay Lucifer. Bugbog-sarado. Lamog. Lupaypay. Di-hamak na mas mataas ang level ni Makho sa totoong buhay. Mas matangkad ito at mas malaman kumpara sa kanya. Hindi siya uubra dito sa suntukan.
“`Kala ko papalag ka, e.” Gumaan ang boses ni Makho. Bahagyang napawi ang init ng kanyang ulo nang tawanan siya ni Jhustin. Inakbayan niya ang kaibigan. Sinadya niyang lakasan ang bagsak ng braso sa balikat nito.
Hindi nakasagot si Jhustin. Kahit pa medyo nasaktan sa ginawa ni Makho, hindi siya umaray o umangal. Natigilan siya nang gumapang ang kuryente sa katawan nang matapos magdikit ang mga balat nila. Bahagya rin siyang nakiliti nang sumayad sa balikat niya ang buhok sa kilikili ng kaibigan.
Gusto niyang kumawala sa pagkakaakbay ni Makho. Naiilang siya. Pero hindi niya magawa. May kung anong kabog sa kanyang dibdib na hindi niya maipaliwanag. May kung anong kiliti sa kanyang balat na parang gusto niya.
Ayaw niyang nakikiliti. Kapag kinikiliti siya ng kapatid, buwisit na buwisit siya palagi. Gusto niyang gumanti. Gusto niyang saktan ito kung minsan. Pero ibang kiliti ang nararamdaman niya ngayon sa pag-akbay ni Makho. May init, may kuryente, may bigat. At habang tumatagal, lalo niya iyong nagugustuhan.