noveltoon logo noveltoon
Ang Lihim sa Tore ng Sinagtala

Chapter 35

Ch. 35 / 85 Mar 03, 2022

BAGO UMUWI, DUMAAN MUNA SA IHAWAN SINA Jhustin at Makho. Kumuha sila ng tigalawang stick ng isaw, tig-isang betamax at pork barbecue. Bago pa makadukot ng pera si Makho, nagbayad na ng singkuwenta pesos si Jhustin sa tinderong panay ang paypay sa mga niluluto.

“Ako na, dami mo nang libre sa `kin,” sabi ni Jhustin. “Saka peace offering ko na din sa `yo.”

“Okay,” sagot ni Makho. “`Di ko tatanggihan `yan.”

“Sorry kanina. Nairita lang talaga ako sa mga malisyoso kong kaklase.”

“`La `yon. Kaya pala ang tahimik mo no’ng sinundo kita saka no’ng papunta tayo sa tore. Galit ka na pala.” Natawa si Makho. “Ano ba kasi’ng nag-trigger sa `yo?”

“`Yong JhusKho.”

“Diyos ko?”

“Ginawan tayo ng love team ng mga malisyoso sa school. JhusKho nga, Jhustin-Makho. Parang KathNiel, saka JaDine.”

Napabulalas ng tawa si Makho. Siya namang ihip sa kanya ng hangin kaya nalanghap niya ang usok ng mga iniihaw. Napalitan ang halakhak ng sunod-sunod na ubo. Pinamulahan siya ng mukha.

Hinatak siya ni Jhustin palayo sa nag-iihaw. Tumabi sila sa railing ng bangketa. Hinimas-himas niya ang likod ng kaibigan hanggang sa kumalma ito at makahinga nang maayos.

“Lintik na JhusKho `yan,” sabi ni Makho, nauubo at natatawa pa rin. “`Di ko kinaya. Ang tataba ng utak.”

Lihim na napahiya si Jhustin sa inasal ng kaibigan. Siya kasi, nang marinig ang usap-usapan ng mga kaklase, galit ang unang naramdaman. Sunod ay hiya. Itong si Makho, parang wala lang. Natawa pa sa inimbentong portmanteau sa kanila.

Tinawag sila ng nag-iihaw. Inabot nito ang isaw at betamax. Nakasalang pa rin ang barbecue. Isinawsaw nilang pareho sa maanghang na suka saka nilantakan ang mga iyon. Nang maubos, eksakto namang naluto ang barbecue. Ganoon din ang ginawa nila, isinawsaw sa maanghang na suka saka tinira ang inihaw na baboy.

Nang matapos kumain, lumakad sila palayo sa mga nag-iihaw at lumipat sa tindahan ng mga inumin.

“BJ, gusto mo?” tanong ni Jhustin.

“Sige, `yong malaki,” sagot ni Makho.

Bumili si Jhustin ng dalawang buko juice at pinili ang malaking plastik na baso. Inabot niya ang bayad sa babaeng halos kaedaran lang nila. Pagkakuha ng sukli at ng inumin, naglakad sila papunta sa sakayan ng tricycle.

“Makho, may hihingin sana akong favor,” sabi ni Jhustin pagkatapos ubusin ang buko juice.

“Ano `yon?”

“`Wag kang magagalit, ha? Okay lang ba na `pag magkikita tayo, `wag mo na `kong abangan sa classroom? `Kita na lang tayo sa gate o sa labas ng school. Kahit do’n sa karinderya sa tapat. `Di lang kasi talaga ako komportableng pinagtsitsismisan ng mga tao. Sumasama timpla ko.”

Tiningnan niya ang magiging reaksiyon ng kaibigan sa kanyang sinabi, pero walang nabago sa ekspresiyon ng mukha nito. Maaliwalas pa rin iyon at parang walang dinadalang problema sa buhay.

“Okay lang,” sabi ni Makho. “Ayoko din namang sumama `yong loob mo dahil sa `kin. Sige, bro, do’n na lang kita aabangan sa guardhouse kapag uwian. Basta `wag mo `kong iindyanin, ha?”

“`Di ako gano’n, `no.”

“Ayos.” Inakbayan niya si Jhustin habang naglalakad. “Eh, `yong blog? Okay lang ba `pag may gusto akong ipabasa sa `yo?”

“Okay lang.”

“`Yong pagtawag ko sa `yo ng bro?”

“Okay lang.”

“E, itong pag-akbay ko? Okay lang ba? `Di ka ba naiilang?”

“Okay lang.” Pinigilan ni Jhustin na mangiti. Tumingin siya sa mga dumaraang sasakyan sa kalsada para hindi siya mapansin ng kaibigan.

“E, `yong paghatak ko sa kamay mo?”

“`Di okay.”

Tinanggal ni Makho ang kamay sa balikat ng kaibigan nang makarating sila sa paradahan ng tricycle. Pinauna niyang makasakay si Jhustin.

“Sige, bro, ingat. Salamat sa komiks saka sa libre,” sabi niya.

“Salamat din sa libreng lunch at sa pag-intindi,” sabi ni Jhustin.

Sumakay siya sa tricycle at sinabi sa driver ang kalye ng kanilang bahay. Umugong ang makina pagkapadyak ng tsuper. Umamoy ang diesel. Umusad sila pasulong saka kumanan palabas sa kalsada.

Bago pa makalayo, inilabas ni Jhustin ang ulo sa pasukan ng sasakyan at hinanap ang kaibigan. Nakita niyang nakatayo pa rin ito sa pinaghatiran sa kanya at sinusundan ng tingin ang sinasakyan niyang tricycle.

“Makho!” sigaw niya. “Happy birthday!”

Kumaway ang kanyang kaibigan at nag-iwan ng isang malaking ngiti.